Chapter Twelve Pagsisinungaling
MABILIS NAMAN NAKAKUHA NG TAXI si Aireen, pagkalabas niya sa main entrance ng kanilang village. At hindi na siya nagdalawang-isip na sabihin sa taxi driver ang pangalan ng isang sikat na mall na posibleng puntahan nila Ryu at Ate Mary niya.
"Sana tama 'tong pinuntahan ko," usal niya sa kanyang sarili habang pababa na siya ng taxi.
Halos mabali na ang kanyang ulo sa paglinga-linga. Nagpatuloy siya sa paglalakad sa loob ng mall hanggang sa mapansin na niya ang dalawang pamilyar na nilalang na papasalubong sa kanya. Kaya naman, bigla siyang nagtago sa likod ng manikin na nakadisplay malapit sa kinatatayuan niya. Sa sobrang kamamadali niya ay napayakap siya roon.
Dumaan ang Ate Mary niya at si Ryu sa kanyang harapan na hindi man lang siya napapansin. Naririnig na naman niya ang masayang pagtatawanan ng mga ito. Na siyang parang sinasaksak siya ng dahan-dahan sa puso.
Hindi rin nakawala sa kanyang pansin ang pagngiti ni Ryu na bagay na hindi na niya nakikita nitong mga huling araw na sa tuwing magkasama sila.
"Miss, okay ka lang?"
Naagaw ng kanyang atensyon ang babaeng nakatayo sa harapan niya. Kung hindi siya nagkakamali, empleyado ito sa naturang mall dahil sa suot nitong uniform. At doon na lang niya napansin na halos nakatingin na pala sa kanya ang ilang taong nasa paligid niya.
Ang iba ay nagbubungisngisan, at ang iba naman ay nakatunganga lang sa kanya.
Saka na rin niya napagpantanto na ang manikin na yakap niya ay isang lalaki, at ang tanging suot lang nito ay swimwear.
"Miss, gusto mo ba 'yan?"
"No! No!" todo-iling siya na kulang na lang ay matanggal ang kanyang ulo.
Mabilis rin niyang inayos sa dati ang naturang manikin. Halos itago niya ang kanyang ulo palayo sa lugar na iyon dahil sa sobrang kahihiyan.
Malayu-layo na rin siya sa lugar na iyon nang nagpakawala na siya ng malalim na paghinga. At saka muli siya nagpalinga-linga sa paligid upang hanapin ulit sina Ryu at Ate Mary.
"Nasa'n na ang mga 'yun?" nagpakamot-kamot siya ng ulo habang naglalakad-lakad.
Nasa tapat na siya ng isang jewelry shop nang muli niyang nakita ang dalawang nilalang na sinusundan niya. Daig pa niya ang isang ninja, at naka-tiptoe pa talaga siyang nagtungo sa main entrance ng naturang shop.
Mula sa 'de salamin na dingding ng shop ay sumilip siya sa loob kung nasaan naroroon ang dalawa.
Nagtatawanan ang mga ito habang namimili.
"Ito Ryu, maganda 'to!" malumanay na sabi ni Ate Mary, "Gusto ko siya!"
Natigilan siya dahil sa kanyang narinig. Hindi niya alam kung bibilhin ba talaga ni Ryu ang singsing na iyon para kay Ate Mary?
Umiling-iling siya.
Sana ay nagkakamali lang siya sa kanyang iniisip. Sana hindi magagawa ng Ate Mary niya ang pagtaksilan siya.
Hindi na siya nakatiis pa, dinukot na niya ang kanyang cellphone sa loob ng kanyang bag. Saka niya mabilis na denial ang number ni Ryu.
Nakita naman niyang dinukot ni Ryu ang cellphone nito sa bulsa nang maramdaman nitong mag-vibrate iyon.
"O, Ai..." bungad sa kanya ni Ryu sa kabilang linya, "... Bakit?"
"Nasa'n ka?" tanong niya habang tuloy siya sa pagsilip sa kinaroroonan ng mga ito.
"Sa mall," tugon naman nito.
"Tsk!" react niya, "Pupunta ka pala sa mall, hindi mo sinabi! Sana sumama ako sa'yo."
"Diba sabi ko may mahalaga akong gagawin kaya hindi kita masasamahan sa pag-contribute ng mga invitation?" ganting tanong din nito.
"May kasama ka?" tanong lang niya.
Biglang napahinto si Ryu at napatingin ito kay Ate Mary. Nakita ni Aireen sumenyas si Ate Mary ng pag-iling.
"W-Wala," pagsisinungaling ni Ryu, "W-Wala akong kasama."
Natigilan siya. Parang siyang binuhusan ng malamig na tubig sa mga sandaling iyon. Hindi na siya nakapagsalita pa, pinatay na niya ang kanyang cellphone at saka inis niyang tinignan sa di kalayuan sila Ryu at Ate Mary.
Sumama ng husto ang loob niya sa mga ito. Hindi pa nga sila mag-asawa ni Ryu pero nakukuha na siyang pagsinungalingan nito. At sa dami-daming babae sa mundo, bakit ang Ate Mary pa niya?
"Miss, okay ka lang?" tanong ng security guard na nagbabantay sa naturang shop.
"Opo, manong..." sagot naman niya saka na rin niya pinunasan ang luhang hindi niya namalayan na bumagsak na pala sa kanyang mga mata.
Nagdesisyon siyang umalis sa lugar na iyon. Samantalang damang-dama naman niya ang pananakit ng dibdib niya dahil sa pagsisinungaling na iyon ni Ryu sa kanya. Pakiramdam niya ay may libu-libong pana ni Kupido na isa-isang binubunot sa puso niya.
Masakit.
Sobrang sakit.
Mas masakit pa kaysa noong pinaasa siya ni Gerald.
Hindi ito ang unang beses na nakita niyang magkasama ang Ate Mary niya at si Ryu. Sadyang napuno na lang din siya. Lalo pa nagpadagdag sa kanyang nararamdaman ang pagkalito at pressure sa nalalapit nilang kasal.
Naisipan lang muna niyang maglakad-lakad, at hinahayaan na lang niya ang kanyang mga paa kung saang parte ng mall siya dadalhin nito. Bagsak ang magkabila niyang balikat habang nakatingin sa kawalan.
Wala siyang eksaktong direksyon na pupuntahan dahil pakiramdam niya ay para na siyang ligaw na kaluluwang gumagala sa mall na iyon.
Walang nakakapansin.
Walang nakakaramdam.
At walang nagtatangkang magtanong na kung anong problema niya.
"Kilala ko nga ba talaga ang lalaking papakasalan ko?" tanong niya sa kanyang sarili, "Wala nga ba talagang problema?"
Alam naman niya sa umpisa pa lang ay may mali na sa pagpayag nila ni Ryu sa kasal na gustong mangyari ng mga magulang nila. Alam rin niya noon pa, hindi naman talaga madaling baguhin ang pagtingin ni Ryu kay Ate Mary. Ang pinaka-ayaw niyang isipin na napilitan lang si Ryu kaya pumayag itong magpakasal sa kanya.
"Habang may panahon pa, umatras ka na!" umeecho sa kanyang isipan ang boses ng kanyang Ate Mary habang binibigkas nito ang mga salitang iyon.
Dumagdag pa ang mga binitawang salita rin ni Gerald.
"Dahil alam naming ang posibleng mangyari sa oras na ituloy n'yo 'yan. Pareho lang kayo ni Ryu na naiipit sa mga magulang n'yo," boses naman ni Gerald ang naririnig niya.
Parang sirang plakang umuulit-ulit sa kanyang utak ang boses ng kanyang Ate Mary at boses ni Gerald. Boses na nagpapalaalala sa kanyang kailangan na niyang umatras!
"Tama na!" wala sa loob na napasigaw siya habang sinasabunutan niya ang kanyang buhok. Tuluyan na siyang napahagulgol. At doon na siya pinagtinginan ng mga taong nasa paligid niya.
Para siyang batang naliligaw.
"Miss..." akmang lalapitan pa siya ng isang babae nang maisipan na niyang tumayo ulit. Mabilis na siyang tumakbo papalabas ng mall kung saan malakas na ang pagbuhos ng ulan. Parang pati ang kalangitan ay nakikiramay sa nararamdaman niya ngayon.
Tumakbo siya na hindi inaalintana ang malakas na ulan. Hindi na rin niya naisipang sumakay man lang ng taxi.
Takbo-lakad-iyak.
Iyon lang ang ginagawa niya.
Nagbabakasali siyang matanggal ng ulan ang sakit ng nararamdaman niya.
Ang sakit.
Sobrang sakit na parang ikakamatay niya.
Hindi na niya alam kung gaano na siya katagal sa paglalakad hanggang sa namalayan na lamang niyang malapit na siya sa kanilang bahay.
Nakarating siya sa kanilang bahay na takbo at lakad lang ang kanyang ginawa. Basang-basa siya pero walang siyang pakealam hanggang sa pumasok siya sa loob ng kanilang bakuran. Kitang-kita pa niya ang gulat sa mukha ni Ate Ging nang maabutan niya itong nakatunganga lang sa pintuan, at daig pa nito ang nakakita ng maligno.
"D'yos ko po, ano'ng nangyari sa'yo?!" bulaslas nito habang tinitignan siya nito mula ulo hanggang paa.
"Si Mommy?" matamlay niyang tanong rito.
"N-Nasa loob," tugon nito, "N-Nandiyan rin ang biyenan--este, ang Ninang Annie mo!"
"Tamang-tama!" sabi niya saka na siya pumasok sa loob ng bahay habang tumutulo sa sahig ang tubig-ulan na nanggagaling sa kanya.
Alam niyang nasa living room ang dalawa. At natitiyak niya, pinag-uusapan na naman ng mga ito ang tungkol sa kasal nila ni Ryu. Pero hindi muna siya doon tumuloy, dumiretso muna siya sa kusina kung saan naghalungkat siya ng dalawang kandila at isang posporo.
"A-Ano'ng nangyayari sa'yo, huh?" nag-aalalang tanong ni Ate Ging, "Alam mo bang kanina ka pa tinatawagan ng Mommy mo? Pinagalitan pa nga niya ako kanina kasi hindi kita kasamang umuwi."
Hindi niya ito pinansin. Ayaw na muna niyang magsalita dahil sa oras na bumuka ang bibig niya baka mapahagulgol lang siya sa sama ng loob.
Nang makahanap na siya ng dalawang kandila at isang posporo ay kaagad na siyang lumabas ng kusina. Dumiretso na siya sa sala kung saan naabutan niyang masayang nag-uusap ang kanyang Mommy at si Ninang Annie.
Bigla na pahinto ang mga ito sa pagkwe-kwentuhan nang makita siya.
"A-Ano'ng nangyayari sa'yo?" nagtatakang tanong ng kanyang Mommy saka ito lumapit sa kanya kasama si Ninang Annie.
Hindi niya pinansin ang mga ito.
Nang tuluyan na niyang sinindihan ang kandila saka na siya lumuhod sa harapan ng mga ito. Ginawa niyang muli ang parusang ginawa nila noon sa kanila ni Lola Martha. Ang parusang iyon ang naisip niya para parusahan ang kanyang sarili.
"Ano ba, Ai!" saway kanyang Mommy habang hinila-hila ang braso niya para patayuin siya.
Pero naging matigas siya sa kanyang ginagawa.
"Ano'ng nangyayari sa'yo, ija?" puno ng pag-aalalang tanong ni Ninang Annie sa kanya, "Please, tumayo ka d'yan!"
"Ayoko po," matatag niyang tugon, "S-sorry po, pero nakiki-usap po ako sa inyong dalawa na itigil n'yo na po 'to!"
Natigilan ang mga ito na parang hindi nito naunawaan ang gusto niyang sabihin.
"Paki-usap, ihinto na po ninyo!" napahagulgol na siya.
"A-Alin ang ihihinto namin?" kinakabahang tanong ng Mommy niya.
"M-Mahal ko po si Ryu!" pag-amin niya, "P-Pero.... pero hindi ko po kayang ipagpilitan ang sarili ko para pakasalan niya!"
"D'yos ko po!" bulaslas ni Ninang Annie.
"Hindi ko po kayang pakasalan ang lalaking hindi naman ako mahal!" lalo pang lumakas ang paghagulgol niya. Pakiramdam niya, hanggang sa labas ng kanilang bahay ay nadidinig ang boses niya.
"Aireen..." parang biglang nanghina ang kanyang Mommy, at bigla rin itong napaupo sa sahig.
"Nagmamakaawa po ako sa inyo," pagsusumamo niya sa dalawang Ginang, "Itigil n'yo na po 'to! H-hindi ko na po kaya! Ang sakit-sakit na po!"
Napahagulgol siya ng malakas.
Maski si Ate Ging ay nakuha nang lumapit sa kanya at hinimas-himas ang basa niyang buhok.
Awang-awa ang mga ito sa kanyang kalagayan, pero mas naaawa siya para sa kanyang sarili.