Chapter Eleven Gerald

"GUSTO MO BA TALAGANG PAKASALAN SI RYU?"

Gulat na napatingin si Aireen sa kanyang Ate Mary. Wala siyang ideya kung bakit siya tinanong ng ganoon ng kapatid niya. Pakiramdam niya, bigla ring umurong ang dila niya at hindi siya makapagsalita.

"Gusto mo ba talagang pakasalan si Ryu?" ulit nito.

"A-ang totoo 'yan..." saglit siyang napalunok, "... noong una talaga ay naguguluhan ako. Hindi ko alam kung tama nga ba ang naging decision ko. Pero everytime na naaalala kong umo-o si Ryu sa harap ni Lola Martha at sa mga magulang natin ay hindi ko mapigilan ang sumaya."

Tumingin siya sa mukha ng kanyang kapatid.

"Sa tagal naming magkasama ni Ryu, ngayon lang ako naging masaya ng ganito!" pag-amin niya.

"Sa tingin mo, ganyan rin ba ang nararamdaman ni Ryu?" tanong nito na para bang may ibang pinahihiwatig sa kanya.

Hindi na siya nakaimik. Maski naman siya ay nagtataka kung bakit pumayag si Ryu sa kagustuhan ng mga magulang nila. Ang bilis nga talaga ng pangyayari, kahapon lang ay magbestfriend sila, ngayon engaged na, at ilang araw na lang ay mag-asawa na sila! Minsan iniisip niya na para siyang kasali sa isang car racing at kailangan niyang magmadali. Pero minsan iniisip rin niya na parang gusto niyang prumeno dahil natatakot siyang bumangga sa pader na balang-araw ay labis niyang pagsisisihan. Hindi nga lang niya alam kung papaano huminto ganoong habang unti-unting nalalapit ang araw ng kanilang kasal ay parang nabubuo na ang damdaming ngayon lang nagising sa kanyang kalooban.

"May oras pa naman, Ai..." biglang sabi nito, "... may oras ka pang umatras."

"Umatras?" gulat ulit siyang napatingin rito.

"Umatras!" paglilinaw nito, "Hindi ganoon kadali ang magpakasal, sana alam mo 'yan! Magkaiba ang magbestfriend sa mag-asawa! Kaya habang may panahon ka pa umatras ka na!"

Sandali, tinatakot ba siya nito? Oo nga't marami nang hindi naniniwala sa marriage, at marami na rin ang naghihiwalay. Pero kailangan ba niyang magpasakop sa takot?

"Hindi ko kaya, ate!" tumingin siya sa kanyang kapatid.

"Hindi mo kaya?" gulat nito, "Bakit?"

"Ano kasi... Ma-" napakamot siya ng ulo.

"Ma?"

"Mahal ko siya, ate!" pag-amin niya. At diretso siyang tumingin sa mga mata nito.

Nakita niya ang pagkabigla sa mukha ng kanyang kapatid. Maski siya ay nagulat sa kanyang sarili. Pero pakiramdam niya ay may natanggal na malaking bara sa lalamunan niya kaya biglang guminhawa ang kanyang paghinga.

"Oo, ate. Mahal ko si Ryu! Hindi bilang kaibigan, kungdi bilang isang lalaki!" matatag niyang sagot rito.

Napansin niya ang pagkakuyom ng mga kamao nito. At narinig pa niya ang pagbuntong-hininga nito.

Hindi niya mapigilan ang lihim na napangiti. Pakiramdam niya, natalo niya sa isang debate ang matalino niyang kapatid.

"Sa tingin mo, mahal ka rin niya?" pagganti nito.

Natigilan siya.

Hindi na siya kumibo pa at napayuko na lang siya.

Mahal din kaya siya ni Ryu? Paano kung napipilitan rin itong pakasalan siya? Paano kung dumating ang araw ay isumbat ni Ryu sa kanya ang lahat ng ito?

Umiling siya.

Alam niyang hindi ugali ni Ryu ang manumbat. Pero ang manisi, paminsan-mimsan ay oo.

Naging saksi siya noong sa mga heartbreaks ni Ryu. Madali lang sabihin ang salitang 'Okay lang ako' pero ang totoo ay hindi naman talaga ganoon kadali ang lahat. Wala siyang ideya kung ano ba talaga ang tumatakbo sa utak ni Ryu, at kung bakit ito pumayag sa kasal?

Nahulog na si Aireen sa malalim na pag-iisip kaya hindi ko namalayan na umalis na pala sa kuwarto niya ang kanyang kapatid.

Lalo lang tumindi ang pag-aalala niya dahil sa iniwang katanungan ni Ate Mary.

Tumayo na lang siya sa kanyang kinauupuan, plano niya ngayong ipamigay ang mga invitation card sa mga kaibigan nila.

"O saan ka pupunta?" sita sa kanya ng Mommy niya nang makita siya nitong papalabas ng pintuan ng bahay nila.

"Iko-contribute ko lang 'tong mga invitation, Mommy..." tugon niya, "... gusto ko po kasi na personal kong maibigay ang mga ito sa mga kaibigan ko."

"Ikaw lang mag-isa?" nagpalinga-linga ang Mommy niya na parang may hinahanap na tao, "Si Ryu? Hindi mo kasama?"

Umiling siya, "Tinawagan ko siya kanina. Sabi niya may ibang mahalaga siyang gagawin."

"Wait," pigil nito sa kanya saka may nilapag na folder sa lamesa, "Pirmahan mo muna 'to."

"Ano po ba 'yan?" nagtatakang tanong niya.

"Basta," anito na parang nagmamadali pang abutan siya ng ballpen.

"Pwede po ba mamaya na lang?" pakiusap niya rito.

"Hindi p'wede, Ai. Kailangan 'to ngayon!" pilit pa rin ng Mommy niya.

"Ano po ba 'to?" usisa pa rin niya at aktong bubuksan ng malapad ang folder nang bigla siyang pinigilan ng ina.

"Huwag nang masyadong matanong, ija! Pirmahan mo na 'yan para matapos na ang lahat!" nanlalaki pa ang mga mata nito.

"Siguraduhin n'yo lang na hindi ako mapapahamak sa papeles na 'to, Mommy!" pagbabanta niya sa ina pero nagawa pa rin niyang pirmahan ang nakausling papeles kung saan nabasa niya ang pangalan niya, at pangalan ni Ryu. At pirmado na rin iyon ng binata, "Huh? bakit may pirma din si Ryu dito?" nagawa pa rin niyang tanungin iyon kahit tapos na niyang pirmahan ng kung anumang papeles na iyon.

"Tapos na rin!" sabay agaw sa kanya ng Mommy niya.

"Mommy, baka umutang ka ng malaki ah!" pagdududa niyang tinitigan ito.

"Hindi 'to utang!" katwiran ng Mommy niya habang abot tenga ang ngiti.

"Siguraduhin mo lang po," napasimangot siya.

"Oh, sige! Ipamigay mo na 'yang invitation sa mga kaibigan mo!" pagtataboy na nito sa kanya, "Ging! Ging!" tawag nito sa kanilang kasambahay.

"Yes, Ate?" maang tanong ni Ate Ging habang nagmamadaling lumapit sa kanilang mag-ina.

"Pakisamahan itong si Ai," utos nito, "Magko-contribute ng mga invitation!"

"Sige po!" tumango ito.

"Hindi na po! Ako na lang!" tanggi niya.

"No! No! No!" diin ng Mommy niya, "Hay naku, Ai! Lapitin sa disgrasya ang mga taong malapit nang ikasal! Mabuti nang nag-iingat tayo!"

Napabuntong-hininga siya.

Wala na siyang nagawa pa. Sumunod na lang siya sa kanyang Mommy, para na rin mapanatag ito. Kasama niya si Ate Ging, isa-isa nilang pinuntahan ang mga bahay ng kanilang kaibigan ni Ryu kabilang na roon ang bahay nila Gerald.

"Totoo na nga," tanging nasabi ni Gerald matapos nitong mabasa ang wedding invitation card.

Humigop naman ng juice si Aireen. Saglit silang pinagmyerneda sa bahay ni Gerald. Si Ate Ging naman ay abala sa pag-usisa ng mga mamahaling pigurin na nakadisplay sa bahay ng binata.

"Sigurado ka bang magpapakasal ka na sa bestfriend mo?" biglang tanong nito.

Gulat naman siyang napatingin sa binata.

"Parang kaylan lang 'nung huli tayong nag-usap. Ambilis naman yata?" tanong pa rin nito.

"Tama ka, ang bilis nga," pagsang-ayon naman niya dahil maski siya ay nabibilisan sa mga pangyayari.

"Sigurado ka na bang gusto mong pakasalan si Ryu?" paninigurong tanong nito.

"B-Bakit pareho kayo ng sinasabi sa akin ni Ate Mary?" nagtatakang tanong niya.

"Alam naman kasi nating pareho na hindi naman biro ang magpakasal. Alam kong alam din ito ni Ryu kaya nagtataka ako bakit pumapayag siyang magpa-control sa mga magulang n'yo. Hindi ka ba nagtataka roon? Sinubukan mo na bang tanungin si Ryu tungkol rito? Sinubukan mo na ba siyang tanungin kung bakit nagiging sunod-sunuran na lang siya sa mga magulang n'yo?" sunod-sunod na tanong sa kanya ni Gerald.

Hindi siya nakakibo. Tama ito, hindi ba kaylan talaga niyang maka-usap si Ryu tungkol rito? Pero bakit hindi niya magawa?

"Bumalik na pala ang Ate mo," biglang paglihis ni Gerald sa usapan.

"Oo. At tulad ng mga sinabi mo, ganoon din ang sinabi niya sa akin," sabi niya.

"Dahil alam naming ang posibleng mangyari sa oras na ituloy n'yo 'yan. Pareho lang kayo ni Ryu na naiipit sa mga magulang n'yo," saka ito bahagyang lumapit sa kanya, at umaktong may ibunulong, "May oras pa naman para kausapin si Ryu at ayusin n'yo 'to."

"Tama ka," tanging nasabi niya.

"Ai, hindi pa ba tayo uuwi?" pag-aaya na ni Ate Ging sa kanya, "Medyo kumukulimlim na. Baka maabutan tayo ng ulan."

"Ahhh, s-sige...." tumayo na siya, "Mauna na kami, Gerald."

Aktong tatalikuran na sana niya ito nang bigla siya nitong hinawakan sa braso.

"Pag-isipan mong mabuti. Nandito lang ako kung kailangan mo ng tulong," bilin nito.

Tumango na lang siya. Saka na siya sumunod kay Ate Ging palabas sa bahay nila Gerald. At tulad ng sinabi ni Ate Ging, medyo kumukulimlim na nga. Iba na rin ang ihip ng hangin.

Kasalukuyan na silang naglalakad sa kalsada ng kanilang village ay wala pa ring tigil sa pagkikwento si Ate Ging sa mga drama sa TV na pinapanuod nito. Samantalang ang naging pag-uusap ni Gerald ang paulit-ulit na iniisip ni Aireen.

"Pag-isipan mong mabuti. Nandito lang ako kung kailangan mo ng tulong."

Parang umeecho pa sa pandinig niya ang boses nito habang binibigkas nito ang mga katagang iyon. Bakit kaya sa boses ng pananalita nito ay parang gusto siya nitong paatrasin.

Ang Ate Mary niya diretsong sinabi sa kanya na umatras na siya habang may oras pa. Iba naman ang paraan ni Gerald pero nagpapahiwatig din na isa iyong babala kapag tumuloy siya sa kasalang ito.

Nagpabuntong-hininga na lang siya. Bakit habang nalalapit na ang kasal ni Ryu saka siya parang hinihikayat ng mga tao sa paligid niya umatras na.

"Nakikinig ka ba sa akin, Ai?" tanong ni Ate Ging sa kanya.

"Oo naman," pagsisinungaling niya, "Medyo sumasakit lang ang tiyan ko."

"Malapit na rin naman tayo!" sabi na lang nito.

Halos tanaw na nila ang kanilang bahay. Pero biglang napahinto si Aireen sa paglalakad nang mapansin niya ang kotse ni Ryu na nakaparada sa tapat ng kanilang gate.

Napakunot ang noo niya.

Sabi ni Ryu sa kanya kanina ay may mahalaga itong gagawin kaya hindi ito sinamahang magcontribute ng mga invitation.

"Ano kaya ang ginagawa ng lalaking iyon sa bahay namin?" tanong sa kanyang sarili.

"Tara na, Ai! Parang sumasakit na rin ang tiyan ko," aya ni Ate Ging sa kanya.

Aktong maglalakad na sana ulit si Aireen nang namataan niyang bumukas ang kanilang gate, at lumabas roon si Ryu kasama ang Ate Mary niya.

"Tago bilis!" mabilis na hinila ni Aireen si Ate Ging patungo sa likod ng kotse.

"B-bakit? M-May prob--" gulat ni Ate Ging.

"Shhhh..." awat niya rito.

Hindi na nagsalita pa si Ate Ging. Nagtikom na lang ito ng bibig at napatingin ito sa dakong tinitignan niya.

"T-teka sila ano..." nanlaki ang mga mata ni Ate Ging nang makilala nito ang mga taong pinagtataguan nila.

Alam niyang hindi maganda itong ginagawa nilang pagmamatyag ni Ate Ging. Pero bakit ganoon? Bakit hindi niya mapigilan ang masaktan lalo na nakikita niya ang masayang mukha ng dalawa.

Halos nadidinig pa nga niya ang tawanan ng mga ito na parang kutsilyong tumatarak sa dibdib niya.

Sumakay na ang dalawa sa sasakyan.

"Mukha pa siyang excited," bulong niya habang hindi mabali-bali ang tingin niya sa masayang mukha ni Ryu.

Nagtatakang sinulyapan siya ni Ate Ging. Halatang narinig na pa nito ang binulong niya.

Nang umalis na ang sasakyan ni Ryu sa lugar na iyon ay saka naman sila lumabas ni Ate Ging sa kanilang pinagtataguan. Halos tanaw na lang niya ang mga ito nang mapansin niya ang mga titig sa kanya ni Ate Ging.

"Bakit nagtago pa tayo?" tanong nito sa kanya, "Sila Ate Mary mo lang naman iyon at si Ryu?"

Hindi siya kumibo.

"Nagsese--"

"Saan kaya sila pupunta?" agaw niya.

Maang napatingin si Ate Ging sa kalsada, "N-nadinig ko may bibilhin ata ang ate mo sa mall."

"Sa mall?" Napakunot ang noo niya, "Ano naman kaya ang bibilhin nila 'dun?"

"Malay ko," napakibit-balikat si Ate Ging, "Nadinig ko lang 'nung naabutan ko ang Ate Mary mo na may kausap sa cellphone. Hindi ko naman akalain na si Ryu pala 'yun."

"Nakakainis!" hindi na niya maitago ang nararamdaman niya, "Kapag ako ang humingi ng favor, ang dami niyang dahilan. Pero kapag ang Ate ko, go na go siya!"

"Hala siya! Nagseselos nga siya!" gulat ni Ate Ging sa kanya.

"Aalis muna ko. Pakisabi kay Mommy na may pupuntahan lang ako!" pagpapaalam niya saka dali-dali siyang tumakbo papalayo.

"Sandali, akala ko ba masakit ang tiyan mo?" sigaw nito.

Nadinig pa ni Aireen ang sinabing iyon ni Ate Ging pero hindi na niya ito pinansin pa. Kaagad siya pumara ng taxi, at sinabi niya ang pangalan ng pinakasikat na Mall na malapit sa kanila.