Chapter 21 Ang Pagseselos ni Katrina

"SANA ay maging lalaki ang una kong apo sa tuhod." Nakangiting sabi ni Lolo Segundo nang puntahan siya nito sa may balcony na nasa third floor. Mula roon ay nakikita niya si Jeremy na parang seryosong-seryosong nakikipag-usap sa cellphone nito.

Iniwas lang niya ang tingin dito dahil parang hindi niya nagugustuhan ang klase ng ngiting nasa labi nito. Parang masyadong matamis iyon at nakakaramdam siya ng inis. Tiyak niya kasing babae ang kausap nito dahil kung hindi, 'di na nito kailangan pang lumayo sa kanya na para bang may sikreto itong matutuklasan niya.

"S-sana nga ho," sagot niya sa matandang lalaki habang hinihimas pa niya ang kanyang puso. "Sigurado hong matutuwa si Jeremy."

"Lalo na ako," mariin nitong sabi. "Siyempre, may magdadala na naman ng apelyidong Rosales."

Maang siyang napatingin dito. Kung magsalita kasi ito ay para bang si Jeremy lang ang apo nito samantalang marami pa itong apong lalaki.

Ngumiti ito na para bang nabasa ang kanyang pagtataka. "Para sa akin kasi, ang unang apong lalaki ang pinakamatimbang. Alam kong unfair ako sa iba ko pang mga apo pero hindi mo naman talaga mabibigay sa mga apo mo o kahit sa anak mo ang pantay-pantay na pagmamahal. Mayroon talagang isa riyang nakakahigit."

Dahil sa nag-iisa lang naman siyang anak ay wala siyang ibang kaagaw sa atensyon at pagmamahal ng kanyang mga magulang ngunit nakasisiguro siyang sa mga kapatid at apo na may kahati sa atensyon ay siguradong nasasaktan sila kapag hindi sila natatapunan man lang ng pagmamahal. At kung minsan ay nakakaisip pa ang mga ito na gumawa ng masama para lang makaganti sa mga taong feeling nila ay nanlalamang sa kanila.

Sa mga naisip niyang iyon ay parang gusto niyang magtawa, mahilig kasi siyang manood tv o pelikula at magbasa ng mga pocketbook kaya kung minsan ay masyadong nagiging malawak ang kanyang imahinasyon.

"Masuwerte po pala ang magiging anak ni Jeremy dahil siya ang magiging paborito ninyo lalo na kung lalaki," nakangiti niyang sabi.

"Aba'y oo," mabilis nitong sagot. "Siya ang susunod na magmamana nitong hacienda."

"Lo..." nag-aalala niyang wika. Kung kanina kasi'y malapad na malapad ang pagkakangiti nito, ngayon ay unti-unting napapawi iyon. Ang una tuloy niyang naisip ay baka mayroong dinaramdam ang matandang lalaki. "Ano pong problema?"

"Ang apo ko."

"Si Jeremy po?"

Marahang tumango ito.

Siya naman ay napakunot ang noo. Hindi kasi niya masyadong naiintindihan ang sinabi nito. Sa pagkakaalam naman niya ay maayos ang relasyon ng maglolo. Natupad na rin naman ang gusto ni Lolo Segundo na magkaanak si Jeremy. Iyon nga lang, hindi pa alam ni Jeremy na tunay nitong anak ang kanyang ipinagbubuntis.

Sa tanang buhay niya, ito ang pinakamalaking kasinungalingan ang kanyang hinabi. Hindi lang kasi siya sa sarili niya nagsisinungaling, pati na rin sa ibang tao. Ngunit, may mabigat naman siyang rason kaya niya nagawa iyon.

"Tingnan mo siya."

Sinunod naman niya ang utos ni Lolo Segundo. Gaya kanina, may kausap pa rin ito sa cellphone pero sa pagkakataong iyon ay hindi na kita nakangiti. Seryoso na ang mukha nito. Dapat sana ay matuwa siya na baka hindi na babae ang kausap nito pero naisip niyang baka naman kaya seryosong-seryoso ang hitsura nito ay dahil sa matindi rin ang pinagdidiskusyunan ng mga ito.

"Sigurado akong kahit nandito 'yan ang trabaho pa rin niya sa ahensyang iyon ang kanyang iniisip."

"Talaga ho yatang ang pagiging alagad ng batas ang pangarap niya."

"Nabago lang ang pangarap niya, nu'ng mamatay ang pamilya ni Veronica."

Nang marinig niya ang pangalan ng babaeng iyon, parang may sumuntok sa kanyang puso. Imposible naman kasing makalimutan niya ang pangalan ng babaeng iyon dahil iyon ang pangalang binanggit ni Jeremy nu'ng sabihin nitong kailangan na niyang mag-move on dahil may mahal na itong iba.

Ibig sana niyang paniwalaan ang sinasabi sa kanya ni Jeremy na ginamit lang nito ang pangalan ng 'bestfriend' nito para mapaniwala siyang hindi na siya nito mahal. Kaya nga lang, paano niya gagawin iyon kung nalaman niyang may dahilan talaga si Jeremy na pakasalan siya. Dapat ay makaramdam man lang siya ng tampo sa matandang lalaki ngunit naisip niyang si Lolo Segundo ang dahilan kung bakit nagtagpo muli ang landas nila ni Jeremy kaya kung tutuusin ay malaki pa ang utang na loob niya rito.

"Bestfriend niya po si Veronica."

"Oo, matalik silang magkaibigan. Ngunit, noon ay hindi ako naniniwala na platonic lang ang relasyon nila. Para naman kasi talagang imposibleng parang magkapatid lang ang samahan ninyo kung nakukuha ninyong matulog ng magtabi sa iisang kuwarto."

Shucks, wika ng puso niya nang marinig niya ang mga salitang iyon. Para ngang gusto niyang i-congratulate ang kanyang sarili dahil hindi niya nagawang ngumawa dahil sa kanyang nalaman. Sa isipan niya kasi ay parang na-imagine niya ang ginagawa ni Jeremy sa Veronica na iyon. Lahat kaya ng ginagawa nito sa kanya ay ginagawa rin nito sa matalik nitong kaibigan.

"Pero ngayon, naniniwala na ako."

"P-paano kayo nakasigurado?" hindi niya napigilang itanong.

Marahang tawa ang pinawalan nito. "Dahil nandito ka. Ikaw ang mahal ni Jeremy, sigurado ako diyan."

Gusto niyang maniwala na lamang sa sinasabi ni Lolo Segundo dahil makakaramdam siya ng labis na ksiyahan ngunit kapag naisip niyang may ibang pinagnanasaan si Jeremy ay parang tinu-torture ang kanyang puso.

"Ano po ba talaga ang gusto ni Jeremy bago namatay ang pamilya ni Veronica?" naitanong na lang niya pagkaraan.

"Maging mahusay na haciendero. Ako raw kasi ang idol niya noon. Kaya lang, nu'ng mawala ang pamilya ni Veronica, gusto niyang maging tagapagtanggol na lang ng mga naaapi."

"At nakilala ko siya nung may nang-snatch sa akin."

"Talaga?" mangha nitong sabi.

Sunud-sunod ang kanyang pagtango.

"Mabuti na lang pala at nangyari iyon. Hindi naman ako nasiyahan dahil muntik ka ng mapahamak, ang sinasabi ko 'yung nagkakilala kayo."

Ngumiti siya ng matamis. "Wag ho kayong mag-alala, malawak naman po ang pang-unawa ko."

Kaya ba ngayon pa lang ay tanggap mo ng darating ang araw na makikipaghiwalay sa'yo si Jeremy? sarkastikong tanong niya sa sarili.

"Kaya sana ay matulungan mo akong pagbaguhin ang desisyon ni Jeremy."

"Ano pong ibig ninyong sabihin?" kinakabahang tanong niya.

"Na iwanan na niya ang pagiging pulis niya at manatili na lang dito sa Hacienda Rosales."

"Huwag ho kayong mag-alala, 'yon din naman po ang gusto ko. Ex-General din po ang Daddy ko kaya alam ko pong delikado ang buhay niya sa propesyong pinili niya at ayoko pong mawalan ng ama ang magiging anak ko."

Ngumiti ito sa kanya. "Mabuti naman at nagkakasundo tayo sa bagay na 'yan.

"ANONG pinag-usapan ninyo ni Lolo?" tanong ni Jeremy nang pumasok sa kanilang silid.

Hindi sana niya gustung pansinin ito dahil pakiramdam niya ay pinagpalit siya nito sa kausap nito sa phone na duda niya'y ang bestfriend nitong si Veronica. Kahit tuloy sinabi na sa kanya ni Lolo Segundo na nakasisiguro ito na siya ang mahal ni Jeremy, ayaw pa rin maniwala ng isang bahagi ng kanyang isipan.

"Dapat bang i-share ko sa'yo?" matabang niyang tanong.

"Nagagalit ka ba sa akin."

"Bakit naman ako magagalit sa'yo?" sarkastikong tanong niya rito. "Umalis si Ysabelle para bigyan tayo ng time pero inubos mo ang oras mo sa pakikipag-usap sa kung sino." Malalim na buntunghininga ang pinawalan niya. Naisip niya kasing kailangan niyang gawin ang ipinayo sa kanya ni Ysabelle, ang pag-ibig ni Jeremy at alam niyang hindi niya iyon magagawa kung ganyang papakitaan niya ito ng katarayan. "I'm sorry sa pagsusungit ko. Talaga lang sigurong masyado kitang na-miss."

"Miss mo ko?" sabik nitong tanong sa kanya. Nakita pa niyang pamumula ng mukha nito na para bang hindi mapaniwalaan ang kanyang sinabi.

"Siyempre naman," sabi na lang niya. Napangiti siya ng husto ng makita pa niyang para itong teenager na nagkamot ng batok sabay pagpula ng mukha na para bang labis na ikinatuwa ang sinabi. "Asawa kita kaya kung maaari lang ay palagi kitang makasama sa bawat segundo pero siyempre, imposible namang mangyari iyon dahil kahit na mag-asawa tayo ay magkaibang tao pa rin tayo kaya may mga pagkakataon na kailangan nating gawin ang mga bagay-bagay na magkahiwalay."

"Nagseselos ka ba?"

"Kanino naman ako magseselos?" kunwa'y gulat niyang tanong.

Doon ito biglang natigilan.

"Babae ang kausap mo, ano?"

"Si Veronica."

Sabi ko na nga ba! gusto niyang isigaw pero sinabi niya sa sarili na kailangan niyang maging kalmante. "Your bestfriend."

"Yes."

"Na-in love ka ba sa kanya?" tanong niya rito.

"Anong klaseng tanong 'yan?"

Nagkibit na lang siya ng balikat dahil sa palagay niya'y 'oo' ang sagot. Kung platonic lang naman kasi ang nararamdaman nito sa matalik na kaibigan ay napakadali lang namang sabihing 'hindi'.

"Curious lang naman ako."

"Hindi."

"Okay."

"Hindi ka ba naniniwala sa akin?"

"Wala namang dahilan para hindi kita paniwalaan."

Hindi ito kumibo pero nakatitig lang sa kanyang mga mata. Para tuloy gusto niyang ikumpara ang tingin nito sa kanya at sa reaction nito kanina habang kausap ang bestfriend nito.

"Magkaibigan lang kami ni Veronica. Parang kapatid ko na siya."

"Kaya natutulog kayong magkatabi sa kama?" nakangiti niyang tanong.

Napamura ito. "Si Lolo talaga."

"Hindi naman ako, nagseselos. Huwag kang mag-alala," pagsisinungaling niya rito.

"Gusto mo bang mamasyal?"

"Pagod na ko, eh."

Kumunot ang noo nito. "Ano bang ginawa mo at napagod ka, eh, nagkuwentuhan lang naman kayo ng lolo?"

"Ang hintayin ka kanina," matabang niyang sabi.

"Akala ko ba hindi ka nagseselos."

"Hindi naman talaga. Kaso, talagang nakakapagod ang maghintay, lalo ka kung hindi ka naman nakakasiguro na babalikan ka." Mabigat ang loob niyang sabi. "Don't worry, hindi ako galit. Ganito lang talaga ang mga buntis, medyo sensitive."

HINDI man aminin sa kanya ni Katrina, alam niyang masama ang loob nito sa kanya. Na-miss naman niya kasi ang kuwentuhan nila ni Veronica kaya napatagal ang kanilang pag-uusap. Ngunit, mas madaldal ito sa kanya.

Mabilis ang pagkukuwento nito tungkol sa artistang binabantayan nito ngayon. Racks Lejano daw ang pangalan at napakayabang pero sa tingin naman niya ay nai-inlove ito.

Kaya tuloy hindi niya maiwasan ang mapasimangot habang nagkukuwento ito dahil kahit nayayabangan ito sa lalaking iyon ay hindi naman maitago nito ang paghanga kahit na panay ang pintas nito.

Sa kaisipang iyon ay hindi niya napigilan ang mapangiti.

"May naalala lang ako," wika niya nang mapansin niyang nakatitig sa kanya si Katrina.

"Si Veronica ang naisip mo, ano."

"Paano mo nalaman?" gulat niyang tanong.

Hindi nakaligtas sa kanya ang sakit sa mga mata ni Katrina. Hindi tuloy niya napigilan ang mapabulalas ng 'shit'.

"Katrina..."

"Hindi mo kailangang mag-explain."

"Pero..."

"May mga pagkakataon din naman na naiisip ko rin si Flaviano," wika nito sabay himas sa tiyan.

Dahil sa sinabi at ginawi ni Katrina parang gusto niyang magwala. Parang hindi niya kayang tanggapin na kahit na magkasama silang mag-asawa ay may ibang lalaki pa ring pumapasok sa isipan nito. Hindi lang tuloy niya alam kung tama bang nakahinga na siya nang maluwag dahil wala na sa landas nila si Flaviano Samonte.

Ngunit, pagkaraan ay natanong niya ang sarili, ganoon kaya kabigat ang nararamdaman ni Katrina kaninang kausap niya si Veronica?

"Matutulog muna ako."

At bago pa siya nakakibo ay nahiga na ito sa kama.

Gusto sana niya itong tabihan pero hindi siya nakasisiguro na ikatutuwa ba nito iyon kaya naman napabuntunghininga na lang siya. Saka, muling nag-ring ang kanyang cp at nakita niya ang pangalan ng kanyang hepe.