Chapter 22: Ang Sermon ni Lolo Segundo

"IKAW din naman ang may kasalanan, eh," wika ng Lolo Segundo niya nang lumabas siya ng kuwarto.

Kumunot tuloy ang noo ni Jeremy. Hindi kasi siya nakakasiguro kung siya nga ba ang sinasabihan nito pero sa kanya lang naman ito nakatingin kaya tiyak niyang siya ang kausap nito.

Malalim na buntunghininga na lamang ang kanyang pinawalan. Sa palagay niya ay wala naman siya talagang maitatago sa kanyang Lolo Segundo. Ito ang nagpalaki sa kanya kaya kilalang-kilala siya nito. Isa pa, kasama nito kanina si Katrina kaya alam nito kung anong ginawa niya.

"Mahalaga ba talaga sa'yo ang asawa mo?" nagdududang tanong nito. Salubong na salubong ngayon ang kilay nito at matiim na matiim na nakatitig sa kanya.

"Siyempre naman po," mariin niyang sabi.

"Pero, mas binigyan mo ng oras ang bestfriend mo," mariin nitong sabi sa kanya.

"Lo naman..."

"Kapag may asawa ka na, ang asawa mo na dapat ang priority mo. O baka naman..."

"Mahal ko ho si Katrina," putol niya sa sasabihin ng kanyang lolo. Ayaw niyang isipin nito na may kinalaman ang testamentong ginawa nito kaya niya pinakasalan si Katrina. Mahal niya talaga ang kanyang ex-girlfriend at ayaw na niya itong mawala pa sa kanyang buhay.

Sa nakalipas na tatlong taon ay para siyang buhay na patay. Bihira nga siyang tumawa. At kung natatawa man siya ay alam niyang hindi iyon bigay na bigay dahil alam niyang sa puso niya ay nangungulila siya kay Katrina. Nu'ng una ay akala niya dala lang iyon ng guilt pero na-realize niyang talagang hinahanap-hanap niya ang presensiya nito.

Nang bata siya, sapat ng si Veronica lang ang kanyang kasama ngunit nang makilala at magkahiwalay sila ni Katrina, napagtanto niya na walang makakapantay sa sayang kanyang nararamdaman kapag ito ang kanyang kasama.

"Pwes, patunayan mo 'yan sa kanya. Alam mo naman ang mga babae mapagduda lalo na kung bibigyan mo sila ng rason para pagdudahan mo sila."

Hindi na siya kumibo dahil totoo naman ang sinabi ng kanyang Lolo. Parang binalewala niya kanina si Katrina dahil lang tumawag si Veronica. Ngunit ang totoo, kaya niya sinagot si Veronica ay dahil gusto niya makita kung nagseselos nga ba si Katrina at hindi niya napipigilan ang mapangiti kapag nasusulyapan ito dahil nakikita niya ang matatalim nitong sulyap.

"Style mo kasi bulok," inis nitong sabi. Lumapit pa sa kanya ang lolo niya at binatukan siya.

"Lo..." reklamo niya sabay hipo sa ulo niyang talagang nasaktan dahil sa ginawa nito.

"0, ngayon, nagrereklamo ka. Hindi mo ba alam na mas masakit pa diyan ang ginawa mo sa asawa mo."

Sa wika ng manyang Lolo Segundo, bigla siyang natigilan.

"Kaya ka lang nagtagal sa telepono dahil nag-eenjoy kang makita si Katrina na nagseselos. Bakit ba gusto mo pang saktan ang kalooban niya gayung puwede mo naman siyang lambingin para mas maipadama mo sa kanya na mahal mo siya."

Muli, hindi siya nakakibo. Ngunit, alam niya ang rason kung bakit naisipan niyang pagselisin si Katrina. Nami-miss niya kasing makita itong nagseselos. Noon kasi may makita lang si Katrina na may kausap siyang babae, nanghahaba na ang nguso nito.

Nakita naman niya kanina na masama ang tingin nito sa kanya pero parang hindi selos ang nakikita niya roon kundi galit. Iniisip ba nito na nambababae nga siya?

"Sana naman ay hindi mo nakakalimutang buntis ang asawa mo," wika ng kanyang Lolo Segundo.

Hindi niya agad nakuha ang ibig sabihin ng kanyang lolo kaya tumingin siya rito. Nagtatanong ang kanyang mga mata.

"Anuman ang nararamdaman ng ina ay nararamdaman rin ng magiging anak ninyo." Marahan nitong sabi.

Hindi niya napigilan ang mapangiti. Talaga kasing langit ang pakiramdam niya kapag naiisip niyang magkakaanak na sila ni Katrina. Sabihin man sa kanya ni Katrina na anak ni Flaviano ang ipinagbubuntis nito, ayaw noon rumehistro sa kanyang utak.

"Kaya huwag mo siyang bigyan ng sama ng loob kung ayaw mong maapektuhan din ang magiging anak ninyo. Kuu, hindi talaga kita mapapatawad kapag naging mahina ang apo ko."

Marahas na buntunghininga naman ngayon ang kanyang pinawalan. Hindi niya napigilan ang murahin ang kanyang sarili.

"Baka naman dumating ang araw na ma-realize din ni Katrina na hindi ka na niya kayang mahalin."

"Huwag naman ganyan, lo." kinakabahang sabi niya. Hindi pa nga siya sigurado magagawa pang ibalik ni Katrina ang pagmamahal sa kanya.

Gusto niyang isipin na oo dahil tumutugon si Katrina sa yakap at halik niya, tulad noon. Para ngang walang nabago sa intensity ng kanilang pagtatalik. Sa halip ay parang mas uminit pa ang pangangailangan nila sa isa't isa.

"Kaya nga, ayusin mo na lang ang ginagawa mo. Kawawa rin naman si Veronica, parang walang kamalay-malay na ginagamit mo tapos siguradong inis na inis sa kanya si Katrina dahil nga parang lumalabas na inaagaw pa ni Veronica ang oras ninyo ni Katrina."

Muli, hindi na naman siya nakakibo.

"Huwag mo na hintayin na pagsisihan ni Katrina na pinakasalan ka niya at baka mamaya, mag-alsa balutan na lang siya."

Sa kanyang isipan ay parang tuksong nakita niya ang eksenang sinasabi ng kanyang lolo. Bigla tuloy siyang kinabahan.

"Hindi ko hahayaang mangyari iyon," buong diin pa nitong sabi sa kanya.

KUNG inaakala mo na hahayaan kitang maging masaya, nagkakamali ka. Isang araw, isinusumpa ko na mararanasan mo rin ang impiyernong pinagdaraanan ko.

BIGLANG bumalikwas nang bangon si Katrina. Natutop pa niya ang dibdib dahil parang ayaw magpaawat sa pagtakbo ang kanyang puso kaya nahihirapan din siyang huminga. Hanggang ngayon kasi ay parang nasa isipan pa niya ang panaginip.

No. Hindi iyon isang panaginip kundi bangungot dahil parang ayaw pa rin siyang patahimikin ni Flaviano. Kunsabagay mahirap naman talagang gawin iyon.

"Katrina..." Nag-aalalang sabi ni Jeremy.

Mararahas na buntunghininga ang pinawalan niya habang nakatutop sa dibdib niya ang kanyang palad. Gusto sana niyang yakapin si Jeremy dahil ibig niyang mapawi ang takot na kanyang nararamdaman pero hindi siya makakilos.

"Napanaginipan ko si Flaviano," wika niya.

"Forget it."

Bagot na bagot ang tono ni Jeremy kaya parang gusto niyang magdamdam. Wala ba itong pakialam sa takot na kanyang nararamdaman.

"Mahirap gawin iyon."

"Makakaya mo iyon kung gugustuhin mo."

Walang salitang namutawi sa kanyang labi pero parang lumuluha ang kanyang puso ng mga sandaling iyon. Pakiramdam niya kasi'y walang pakialam sa kanya si Jeremy kaya ganoon itong magsalita.