Kabanata 7: Tanong
Rhys' POV
Ngayon ang araw ng pagpapatiwakal ni Alejandro. Naaawa ako sa kanya at nauunawaan ko kung gaano kasakit ang nararamdaman nya. Kahit ako ay hindi maiwasang masaktan dahil kailangang magsakripisyo ni Erika na magpakasal kay Lorenzo para sa'kin. At ngayon ay nadagdagan pa ng pag-aalala sa naging pangitain ni Erika.
Bumangon ako ng higaan at lumipat sa desk na nandito sa kwarto nya. May nakita kasi akong mga liham sa drawer nya pero nag-aalangan akong basahin. Letters ito mula kay Ysabella. May nare-recall akong ilan sa mga nakasulat pero malabo na. Hindi naman siguro masama kung magbabasa ako ng kaunti. Ilang araw na rin akong naiintriga at nagpipigil.
(Hulyo 24, 1885
Ginoong Alejandro,
Nabigla ako sa iniabot mong sulat. Hindi mawala ang kaba at sayang nararamdaman ko. Kinakabahan dahil unang beses ito na makatanggap ako ng liham mula sa isang lalaki. Masaya dahil nais kitang makilala at gayon din pala ang nararamdaman mo. ...)
Hindi ko maiwasan ang mapangiti sabay sandal sa upuan. Napaka straightforward naman ni Lola. Ipinagpatuloy ko ang pagbabasa kasabay ng pag-alala sa kwento nila, kung paano sila nagkakilala.
.
15 years old sina Alejandro at Ysabella. Naglalakad si Alejandro tulak ang isang kariton ng mga gulay patungo sa tindahan na pagbibigyan nya. Napansin nya agad si Ysabella kasama ang kasambahay nito habang tumitingin ng mga paninda sa lugar kung saan sya papunta.
"Heto na pala si Alejandro," wika ng tindera.
Tumingin sa kanya si Ysabella. Iba na ang naramdaman nya sa unang beses na iyon ng kanilang pagkikita.
"A-Ano po ang h-hanap ninyo?" utal nyang tanong habang hindi maiwasan ang pagsulyap dito.
"Isang kalabasa at... iyon! Tatlong kilong talong. Pilian mo ako ng magagandang ani ah," sagot ng kasambahay.
"Syempre naman! Para sa aking magagandang mamimili."
Napangiti si Ysabella sabay iwas ng tingin at tumuon na lang sa mga gulay. Hindi naman inalis ni Alejandro ang tingin sa kanya. Napansin nya ang pagtitig nito sa pulutong ng hilaw na mangga na nasa gilid ng kariton.
"Gusto mo ba ng mangga?"
"Umm, oo. Ipinagbibili rin ba iyan?"
"Mangga? Kadarating lamang ng ani ng mga prutas sa inyong tahanan, Senyorita Ysabella," biglang sabat ng kasambahay.
"Ahh, h-hinog na po kasi ang mga manggang dinala sa bahay."
Negosyo ng mga Madriñan ang pagsasaka ng palay at mga prutas. Hekta-hektarya ang lupain nila sa Las Tierras. Noong mga panahong iyon, hindi pa alam ni Alejandro na isang Madriñan si Ysabella.
"Hiningi ko lamang ito kaya ibibigay ko na lang din sa iyo."
Kumuha sya ng isang kabit ng mga mangga at iniabot dito. Nagsagi ang kanilang mga kamay at pareho silang napatingin sa isa't isa. Nahihiyang ngumiti si Alejandro at agad na bumitaw. Pananamantala at kabastusan kung patatagalin nya pa iyon.
"M-Maraming salamat."
"Walang anuman, Binibining... Ysabella?"
Tumango na lang si Ysabella bilang tugon. Inasikaso na ni Alejandro ang mga gulay na binibili sa kanya. Pagkatapos ay kinailangan nang umalis ni Ysabella at ang kasama nito.
"Ano po ang kinabibilangang pamilya ni... Binibining Ysabella?" tanong nya sa tindera habang nakasunod ng tingin sa kanila.
"Naku, ijo. Anak iyon ni Don Joaquin Madriñan. Mukhang may balak ka pang umakyat ng ligaw."
"Si Aling Lourdes talaga. Nagtatanong lang naman ako."
"Sus! Ako pa ang niloko mo. Pero nakakamangha, bukod sa maganda ay magalang din syang bata."
Ibinalik nya ang tingin kay Ysabella na ngayon ay papasakay na ng kalesa. Kilalang pamilya ang mga Madriñan at sa nalaman nya, alam nya na malabong mapalapit sya rito.
Nagbabakasakali sya na muli silang magkikita sa tuwing magdadala ng mga gulay sa palengke pero hindi na ulit nangyari. Naging madalas ang pagdayo nya sa Ciudad Sagrada kasama si Francisco para tumugtog ng gitara sa plaza. May bitbit laging mangga at ang liham na isinulat nya para ibigay kay Ysabella sa muli nilang pagkikita.
Hindi naman nasayang ang pagsisikap nya dahil nang minsang tumugtog sila ay naroon din si Ysabella kasama ang mga kaibigan, nakatingin sa kanya mula sa malayo.
"B-Binibining Ysabella," hinihingal nyang bati matapos tumakbo papunta sa pwesto nito.
"Sino sya? Ipakilala mo naman," kinikilig na bulong ni Carolina pero rinig naman.
"Umm, sya si... Ginoong Alejandro. Alejandro, mga kaibigan ko, sina Adelia, Carolina, at Felicidad."
"Alejandro Tangonan," pagpapakilala nya sabay bow.
"Ako si Francisco," biglang sabat ni Francisco na nasa likuran nya. "Kinalimutan mo na ako ah," saka sya tiningnan ng masama.
Ilang segundo silang nagkatitigan at pagkatapos ay magkasabay na napangiti. Sa huli ay magkakasama silang naglibot sa plaza.
Hindi naman nahirapan sina Alejandro at Francisco na pakisamahan ang mga kaibigan ni Ysabella dahil tinanggap nila ang magkakaiba nilang katayuan sa buhay. Bago muling magpaalam sa isa't isa ay ibinigay na ni Alejandro ang mga mangga at ang liham na matagal na nyang dinadala.
Lumipas ang kalahating taon. Nagpasya na si Alejandro na umakyat ng ligaw... kahit pa alam nya ang maaaring mangyari. Hindi sya nakapasok ng masyon dahil nakarating na pala kay Don Joaquin ang tungkol sa pagkakaibigan nila ni Ysabella. Hinarap lang sya nito sa labas na halatang dismayado.
"Huwag ka nang mag-aksaya ng panahon sa anak ko, iho. Sinabi nya sa akin na wala syang nararamdaman para sa iyo. Kung hindi ka nasisiyahan sa pagiging magkaibigan lamang ninyo, mas mabuting lumayo ka na lang sa kanya."
Wala syang imik at umalis na lang. Alam nya na sinabi lang iyon ni Ysabella dahil sa takot sa ama. Handa syang patunayan na mabuti ang kanyang intensyon ngunit pinili nyang respetuhin ang desisyon nito.
Naging lihim silang magkasintahan. Hinintay nya ang araw na magiging handa si Ysabella na umamin sa mga magulang. Pero hanggang ngayon ay hindi pa rin dumarating ang araw na iyon.
* * *
Itinigil ko ang pagtugtog na naisipan kong gawin matapos mabasa ang kahati ng mga liham. Tumingala ako ng bahagya at napaisip. Hindi naman kasi aayon sa tao ang sitwasyon kung hindi ito ipaglalaban. Mahirap pero kailangang mag-take ng risk at harapin ang mga negatibong bagay na katapat nito.
Mas malala ang magiging pagsisisi sa huli kung paiiralin ang takot. Nauunawaan ko naman ang tradisyon at kultura sa panahong ito. Mali ang sumuway at lumaban sa magulang.
(Darating ang pagkakataon na mapupunta ka sa katauhan ko. Alam ko na nahihirapan ka ngayon at nais mo nang makaalis. Ngunit may isa sana akong pakiusap sa'yo. ...)
May bigla na lang pumasok sa isip ko. Isang liham mula kay Alejandro. May gusto syang iparating sa akin.
Agad kong inisa-isa ang mga sulat sa drawer nya. Mayamaya ay nakita ko ang isang kapirasong papel na nasa ilalim. Ito na 'yon.
(Darating ang pagkakataon na mapupunta ka sa katauhan ko. Alam ko na nahihirapan ka ngayon at nais mo nang makaalis. Ngunit may isa sana akong pakiusap sa'yo. Maaari mo bang subaybayan si Kapitan Felipe at alamin ang kanyang pinaplano? Mayroong kahina-hinala sa kanya. Nabigo akong matuklasan iyon bago ang araw ng inyong nakatakdang pagdating. Natatakot ako sa maaaring panganib na dala nito kay Ysabella at sa kanyang pamilya. Delikado ang aking hinihiling ngunit kailangan mong maipagpatuloy ang aking nasimulan. Mag-iingat ka.
- Alejandro)
"Kapitan Felipe? Sya ang tatay ni Lorenzo."
Sunud-sunod na pumasok sa akin ang mga alaala. Isang linggo bago tanggapin nina Alejandro at Ysabella ang alok ni Lola Esperanza at bago kami mapunta sa katauhan nila.
.
Nagtatago si Alejandro sa garden ng mga Madriñan at naghihintay sa paglabas ni Ysabella para pag-usapan ang gagawin nilang pagtatanan. Nakita nyang naglalakad palapit sa pwesto nya sina Kapitan Felipe at Donya Elvira habang galit na galit ang mukha ng kapitan.
"Punyemas! Kung gayon ay totoo nga na nagbabalak humawak ng tungkulin sa pamahalaan iyang si Joaquin. Ang plano ko ay magkaroon ng ugnayan sa kanya upang mapalapit sa Gobernadorcillo, hindi kalabanin nya," rinig nyang sabi ni Kapitan Felipe.
"Hindi pa naman buo ang kanyang pasya, Felipe. Kung sakali man na sya ang pumalit sa pwesto ng Gobernadorcillo, maaring ikaw ang maging Teniente Mayor. Kapag natapos ang kanyang termino at hindi na nya naisin na maluklok ulit ay siguradong ikaw ang gugustuhin nyang pumalit sa kanya."
"Huwag ka na lang magsalita kung siya ang kakampihan mo. Hindi ako makapapayag ng ganito. Pagsisisihan nya ang pagkalaban sa akin."
"Anong ibig mong sabihin?"
Wala na syang narinig dahil nagmadali na silang umalis. Naiwan syang tulala at napapaisip tungkol sa mga narinig. Hindi nya iyon sinabi kay Ysabella. Tumuloy sila sa pagtatanan kinagabihan, habang natutulog na ang lahat.
Nakilala nila si Lola Esperanza sa gubat ng Milagroso at doon ay inalok sa kanila ang mahika. Bumalik sila bago magliwanag ang langit at binigyan ng isang linggo para magdesisyon.
Hindi matahimik ang kalooban ni Alejandro sa pag-iisip na baka nasa panganib si Ysabella at ang pamilya nya. Sinimulan nyang manmanan si Kapitan Felipe. Nakita nya ito biglang pag-asa na kung mapatunayan na may balak ngang masama ang kapitan sa mga Madriñan ay hindi na matutuloy ang kasal at oportunidad para mapatunayan ang kanyang sarili kay Don Joaquin.
.
Natigil ako sa pag-iisip nang marinig ang padating na kalesa. Umalis kanina ang mga magulang ni Alejandro at sa tingin ko ay sila na ang dumating. Dali-dali akong lumabas ng silid para salubungin sila.
"Bakit po ganyan ang inyong mukha?"
Para kasi silang problemado. Tumabi ako kay Inay sa dining table habang katabi naman nya sa kabila si Itay. Ganito ang tawag sa kanila ni Alejandro.
"Sobrang taas ng binabayaran nating buwis sa pagpapatakbo ng negosyo. Wala talagang awa ang mga opisyal," sambit ni Inay.
"Wala na tayong magagawa. Iyan ang kanilang patakaran," saad ni Itay.
Nahawa na rin ako sa lungkot nila. Isa sa mga dahilan kaya naghihirap ang maraming Pilipino sa panahong ito ay dahil sa mataas na pagpataw ng tax ng ibang opisyal. Sila ang pumipigil sa pag-unlad ng mga negosyo at ang pinaka inaabuso ay mga Indio. Labis ang kanilang katiwalian.
Kaya nga isa ito sa nag-udyok sa mga Pilipino para maghimagsik laban sa mga kastila. Hindi pa man nagaganap ngayon ang rebolusyon pero nakikita ko kung saan nanggagaling ang kanilang galit. Sana lang ay napahalagahan ang kanilang ginawa para sa bansa. Ang masaklap kasi ay hindi pa rin nawawala ang sistemang ganito, maging hanggang sa modernong panahon.
Sobrang nakakalungkot lang makita na pagkatapos makalaya ng Pilipinas sa mga dayuhan ay naulit ang halos kaparehong problema. Naghihirap pa rin ang maraming Pilipino at naryan pa rin ang ibang mga tiwaling opisyal. Ang kaibahan nga lang, hindi na mga dayuhan ang nasa posisyon kundi mga kapwa na Pilipino.
"Tama na nga iyan. Halika't magluto na lamang tayo ng tanghalian. Anong gusto mong ulam, anak?" pagbabago ni Inay sa usapan.
"Pinakbet," natatawa kong sagot. Puro gulay kasi ang panangkap na narito.
Hindi ako nagrereklamo na puro gulay lang ang niluluto ni Inay since iyon naman ang negosyo ng pamilya nila. Nagluluto rin naman sya minsan ng karne o isda kapag malaki ang budget. Maituturing silang may kaya pero iba pa rin sa nakasanayan kong buhay.
Hindi ko inakala na magiging masaya ako rito kahit paano. Mabait kasi ang mga magulang ni Alejandro at hindi nauubusan ng jokes lalo na si Itay. For sure na matutuwa sina Papa at Mama kapag nalaman nila na naranasan kong magbanat ng buto rito.
"Oo nga pala, Alejandro. Mamaya ay puntahan mo ang iyong Tiyo Jose at sabihin mo na kukunin na natin si Makisig sa makalawa. Kailangan na nating magtanim ng bagong binhi," itirada ni Itay habang kasalukuyan kaming kumakain.
Si Tiyo Jose ay kapatid ni Itay na nakatira sa Cuidad Sagrada. Hiniram kasi nito si Makisig na isang kalabaw. Si Alejandro mismo ang nagpangalan doon.
"Si Jose at Makisig lamang ang iyong puntahan ah," bilin pa ni Itay.
Ngumiti na lang ako ng bahagya at tumango. Nakakalungkot na hindi ko magawang tulungan si Erika. Tutol ako sa plano nya na magpakasal kay Lorenzo pero iyon kasi ang kailangan.
"Patawad kung dahil sa estado ang ating buhay ay nahahadlangan ang pag-iibigan ninyo ni Binibining Ysabella. Simula pa lamang ay alam na namin na ganito ang kasasapitan ng inyong relasyon ngunit hindi kami tumutol dahil nakikita namin kung gaano ka nya napapasaya. Higit apat na taon din kayong naglihim. Mahirap syang kapawalan ngunit iyon ang nararapat. Hindi kayang labanan ni Ysabella ang desisyon ng kanyang ama kaya sana ay huwag ka nang mamagitan. Kayo lang din ang mahihirapan sa huli," saad ni Inay.
"O-Opo. Nauunawaan ko po."
"Para naman magbalik ang iyong sigla, sige, ibibigay na namin ang iyong sahod. Bumili ka ng bagong damit at magpagupit ka. Hindi na maaliwalas ang iyong mukha. Hay, Alejandro. Sinasayang mo lang ang magandang lahi ng mga Tangonan," biglang hirit ni Itay.
Natawa na lang ako. Sobrang sayang kasama ang pamilya nila. Kahit may problema ay hindi nila hinayahaan na sakupin nito ang kanilang buong araw. Mahal si Alejandro ng kanyang mga magulang at sana lang ay hindi na maulit ang ginawa nyang pagkitil sa sariling buhay nang dahil sa pag-ibig.
Sya lamang ang mayroon sina Itay at Inay. Ang pagmamahal ng pamilya ang makita nya sanang pag-asa para magpatuloy sa buhay. Nakatagpo ako sa kanila ng pangalawang tahanan at isa ito sa mga hindi ko malilimutan.
Pagkatapos kumain ay nagtungo na ako sa kabilang bayan. Sinadya ko muna ang bahay ni Tiyo Joselito para sabihin ang pakay, pagkatapos ay naglakad na ako papuntang palengke. Gusto kong bigyan naman ng reward ang sarili ko para sa aking hardwork.
Bumili ako ng two pairs na damit, at bumili na rin ako para kina Itay at Inay. Hindi na ako nagpagupit pa dahil mas gusto ko ang messy hair saka hindi pa angkop dito ang mga usong style ng buhok na gusto ko.
Pagkatapos ay nagpunta naman ako sa plaza para dalawin si Francisco na nagbabantay sa tindahan nila ng kakanin. Masipag at mabuting kaibigan si Francisco kaya nakakapagtaka kung bakit wala pa syang nagiging nobya. Hindi sya palakwento patungkol sa pag-ibig.
"Yow! Francisco!"
Ginaya nya ang pagtaas ko ng kamay at naglakad na ako palapit sa pwesto nya. Sinuri ko ang mga tinda nila at bigla akong natakam.
Naaalala ko, sa kanila bumili ng kakanin sina Alejandro at squad ni Ysabella noong una silang nagkakilala. Masaya ang sumibol na pagkakaibigan nila, at buo pa rin sana iyon kung iba ang naging sitwasyon.
"Ano ba namang pagmumukha 'yan?" Parang problemado rin kasi sya. Ang daming issue ng mga tao ngayon ah.
"Ikaw, anong pagmumukha 'yan?" balik nya sa'kin.
"Gwapong mukha. Ano pa ba?"
"Tss. Nakita ko nga pala si Binibining Ysabella kanina... kasama yung hilaw na espanyol."
Hindi ko alam kung matatawa ba ako sa tawag nya kay Lorenzo. Syempre ninuno ko pa rin iyon.
"Hayaan mo na sila. Basta't alam ko na ako ang mahal nya."
"Ay, dyablo! Ganoon na lang 'yon?"
"Oo. Siguro."
Mas lalo syang nabwisit sa sinabi ko. Ano ba talagang problema nya? Mas apektado pa sya sa pinagdadaanan ko eh. Galit na galit, gustong manakit.
"Magkano ang isang bilao nito?"
Bigla akong napalingon sa nagsalita sa tabi ko. Ewan ko ba. Ang angas kasi sa pandinig ko ng pananalita nya. Bumungad ang isang espanyol na sa tingin ko ay nasa 20s pa lang.
"Dalawang piso po, Ginoo," sagot ng Nanay ni Francisco na kasama nya sa tindahan.
"Sige. Kukunin ko na iyan." Naglabas ito ng barya mula sa damit nyang unat na unat at inabot iyon kay Aling Soledad.
Hindi ko namalayan na ang tagal ko na palang nakatitig sa kanya. Tumingin sya sa akin at may kung ano akong naramdaman. Sinuri nya ako mula ulo hanggang paa. Wala syang emosyon. Isang tao ang naalala ko sa kanya. Si Lorenzo. Ewan ko ba pero may pagkakahawig kasi sila.
Umalis na sya bitbit ang bilao ng bibingkang kanin. Hindi ko maiwasang sundan sya ng tingin. May masama akong kutob sa pagkatao nya. Hindi ko maintindihan.
"Oy! Kilala mo ba 'yon? Makatingin ka wagas ah. Baka iba na 'yan," biglang pagkuha ni Francisco sa atensyon ko.
"Loko. Hindi ko kilala 'yon." Tumingin ulit ako rito. "Pero sa tingin ko ay isa syang Suarez."
"Oo nga. Naku! Dapat pala ay nilagyan ko ng lason ang binili nya."
"Francisco, hindi magandang biro 'yan," suway ni Aling Soledad. Pasimple kaming ngumiti. Maloko rin talaga ang kaibigan na ito ni Alejandro.
Tumambay pa ako ng ilang minuto sa tindahan nila at tumulong na rin sa paglalako. Pinagmerienda ako ni Aling Soledad. Dapat ay libre na iyon pero nagpumilit akong magbayad. Mayaman ako ngayon kaya hindi ako tatanggap ng libre. Pagkatapos ay umalis na ako at naglakad-lakad pa.
Kanina habang papunta ako rito ay may nakita akong sapa at gusto kong makita ang ilog na pinanggagalingan nito. Bumalik ako sa lugar na iyon. Sinundan ko ang kasalungat na daloy ng tubig.
Habang tumatagal ay palaki ng palaki ang katawan nito at mas nagiging malinaw. Sigurado ako na maganda ang maaabutan ko sa dulo. Gusto kong ipakita iyon kay panget.
"Wow." Napaupo ako sa lupa dahil sa sobrang hapo. Tanaw ko ngayon ang malawak na sakahan ng palay sa kabilang side ng ilog. Napakalinaw ng tubig at gusto kong magtampisaw. Kailangan talaga itong makita ni Erika.
Matapos ang ilang minuto ay tumayo na ako at lumapit sa ilog. Inilubog ko ang kamay ko sa tubig pero bigla na lang akong nakaramdam ng hilo. Dali-dali akong bumagsak paluhod at napahawak sa ulo dahil sa sobrang sakit. Dumilim ang paningin ko at wala akong marinig kahit ang sarili kong boses.
Isang pangyayari ang pumasok sa isip ko. Tubig. Nakalubog ako sa tubig at hindi ako makahinga. Kahit anong gawin kong paglangoy paitaas ay pilit akong hinihila ng katawan ko palubog... hanggang sa magdilim ulit ang lahat.
Nang bumalik ang paningin ko ay hindi ko maiwasang mapaubo. Kinakapos ako ng hininga at pakiramdam ko ay totoo akong nalunod. Suminghap ako ng sunud-sunod at maraming beses.
Napatingin ako sa tubig at tinitigan ang malabong repleksyon ng mukha ko. Hindi ko inasahang mangyayari rin sa'kin ang nangyari kay Erika. Ipinakita ni Alejandro sa akin ang naging kamatayan nya.