Chapter 6: Kabanata 6: Alaala

Erika's POV

[Taong 2020]

Nagising ako sa ilang beses na pag-ring ng cellphone ko. Kanina pa tumatawag si Rhys at fourteen missed calls na ang nagawa nya.

"Anong nangyari sa'yo? Bakit ka hinimatay?" agad nyang tanong pagkasagot ko ng tawag.

Hindi ako makasagot. Napatitig na lang ako sa kisame habang inaalala ang nangyari. Dapat ko kayang sabihin sa kanya ang nakita ko? Pumikit ako at huminga ng malalim. Kailangan nyang malaman.

"M-May... naging vision ako."

"Ha? Anong vision?"

"Bigla akong nahilo tapos may pumasok sa isip ko. H-Hindi ko alam kung pangitain 'yon. Baka nagbabala si Ysabella. Bakit naman nya ipapakita sa'kin 'yon in the first place kung walang ibig sabihin?"

"Hindi kita maintindihan. Ano ba yung nakita mo?"

"Ano kasi... n-nakita kong... n-nira-rape si Ysabella."

"S-Sigurado ka ba? Nino?"

"H-Hindi ko nakita ang mukha ng lalaki. Basta... takot na takot sya."

Napakagat ako sa hinlalaki at parang maiiyak na. Nangyari kaya 'yon kay Ysabella at pwedeng mangyari ulit sa akin? Kasi inuulit lang naman namin ang nakaraan at alam na nya ang magiging takbo nito. Ibig sabihin ay pwede akong ma-rape katulad ng sinapit nya.

"Rhys, paano kung... paano kung totoong mangyari 'yon?"

"Hindi! Hindi natin hahayaan. Aalamin natin kung sino ang taong 'yon, okay?"

Hindi ko na napigil ang sunud-sunod na pagtulo ng luha ko. Kaya ba kailangan naming magtagumpay sa misyon? Ano pa bang hindi namin alam?

"Erika?"

Kumakatok si Tita Tani. Agad kong pinunasan ang luha ko at pinakalma ang sarili.

"T-Teka lang po, Tita," sabi ko sabay lagay ng cellphone sa tainga. "Mamaya na lang. Bye."

Tumayo na ako at humarap sa salamin. Pinaypayan ko ang mga mata ko para mawala ang pamumula dahil sa pag-iyak. Mabuti na lang dahil hindi gaanong halata. Pagkatapos ay binuksan ko na yung pinto.

"Bakit po?"

"N-Nandyan yung... papa mo. Gusto kang makausap." Napasinghap ako. Ano namang ginagawa niyon dito?

"Ayaw ko. Paalisin mo na po sya."

"Ano ka ba? Pagbigyan mo na." Ngumiti sya at hinimas ang braso ko.

Huminga ako ng malalim at tumango na lang. Nauna nang bumaba si Tita. Nanatili lang akong nakatayo at hindi alam kung bababa o hindi. Bakit ba sya nandito? Kainis.

Sa huli ay nag-decide na akong harapin si Papa. Huli ko syang nakita noong libing ni Mama. Wala akong ganang makinig sa mga paliwanag nya that time at ayaw kong masilayan ni anino nya. Dahil kahit ano pang sabihin nya, kasalanan nya ang nangyari.

"Erika. Anak."

Sinalubong nya ako ng yakap pero dedma lang ako. Ayokong umiyak at magalit. Masakit pa rin ang ginawa nya sa'min. Sobra kaming close noon pero bigla na lang nagbago. Ang taas ng respeto ko sa kanya pero sinira nya.

"Bakit ka po nandito?" seryoso kong tanong.

"Ahh, upo muna kayo," pagsingit ni Tita saka sya umalis at pumuntang kusina. Kami na lang ang naiwan ni Papa rito sa salas.

Umupo na ako at sumunod naman sya. Ang laki ng pinagbago ng mukha at katawan nya. Payat na sya noon pero mas pumayat pa sya ngayon.

"Umm, n-nakakausap ko pala ang nobyo mo, si Rhys. Mabait syang bata. Masaya ako para sa inyo."

Kunot-noo akong napalingon sa kanya pero agad din akong umiwas. Hindi binabanggit ni Rhys na sinusubukan nya palang makipagkilala kay Papa. Kaya pala binanggit nya ang tungkol sa pakikipag-ayos dito. Uulitin ko, hindi na kailangang gawin iyon.

"May maganda rin akong balita, anak. Nabawi ko na ang... bahay natin."

Seryoso lang akong tumingin sa kanya. So nabawi na nya ang bahay namin na kinailangang ibenta dahil wala na kaming pera pang-therapy ni Mama kasi naubos na nya sa pagsusugal. Tss. Ano pang silbi niyon? Wala na si Mama.

"Nabawi mo na rin po ba ang buhay ni Mama?"

"Anak." Kinuha nya ang kamay ko pero agad kong binawi sa kanya.

Humingi sya ng tawad sa paghawak sa akin. Umiling na lang ako. Diyan lang naman sya magaling, sa pagso-sorry. Walang patutunguhan ang pag-uusap na 'to.

"Hindi ka ba masaya?" Napangisi ako. Iyan talaga ang tanong nya?

"Para saan? Dahil nabawi mo na yung bahay? Bakit? Maibabalik po ba nyang ginawa mo si Mama? Hindi! Wala na ring kwenta 'yan!"

Sumandal ako at naghabol ng hininga. Pilit kong pinigil ang pagtulo ng luha ko pero nabigo ako at napahagulgol na ng iyak. Akala ko ay okay na ako. Hindi pa pala. Narito pa rin yung sakit ng pagkawala ni Mama. Walang nagbago sa nararamdaman ko even after two years. At ang kaisa-isang bagay na pwede kong gawin para maibalik si Mama ay hindi ko kaya.

"Umalis ka na, Pa, please. Hindi na tayo mabubuo kaya 'wag ka na pong umasa na babalik pa ako sa bahay na 'yon."

"Erika, pakinggan mo naman sana ako. Nagsisisi ako sa mga ginawa ko. Pero maniwala ka, ginawa ko lang 'yon dahil akala ko ay makakatulong 'yon sa pagpapagamot kay Yuna. Nadala ako sa pagkapanalo ko noong una kong sinubukan. Akala ko ay tuluy-tuloy ang swerte ko hanggang sa naubusan na ako ng pera para mabawi ang mga naitaya ko sa sugal."

Nagsimula na syang umiyak. Umiwas ako ng tingin dahil ayaw kong maramdaman ang isang bagay sa kanya. Ayaw kong maawa.

"Nahihiya ako sa inyo. Ginusto ko lang na mapalago ang pera dahil lumalaki na ang gastos. Mapatawad mo pa sana ako, anak."

"Hayaan mo na lang po ako rito."

Mabilis akong tumakbo paakyat sa kwarto. Ayaw ko nang magtagal na kasama sya dahil sasagot lang ako. Ayaw ko na tuluyang mawalan ng respeto sa kanya. Dumapa ako sa kama at doon ibinuhos lahat. Sakit, galit, lungkot. Bumalik ang lahat dahil sa pagbalik nya.

* * *

[Taong 1891]

Hindi ko akalain na mas gugustuhin ko na rito kaysa sa totoo kong buhay. Gusto ko munang kalimutan ang totoo kong pagkatao, ang totoong ako. Ayaw ko nang maisip ang sarili kong issues. Maghahanap na lang siguro ako ng sagot sa nangyari kay Ysabella.

Bungad agad nila ang tungkol sa pagkahimatay ko kahapon. Ang sinabi ko na lang ay dahil sa pagod. Matapos namin mag-agahan ay sinundo ako ni Lorenzo sa masyon.

Nagpunta kami sa plaza. Gusto raw nyang sulitin ang panahon na magnobyo at magnobya pa kami bago ikasal at bumuo na ng sariling pamilya. Hindi ko maiwasang kilabutan dahil doon. Baka naman pwede na pagkatapos na lang ng misyon namin sila mag-honeymoon ni Ysabella. Grr.

"Ysabella!"

Masayang sumalubong sa amin si Carolina kasama ang kanyang soon-to-be-husband na si Manolo. Nag-hug kami at nagbatian naman sina Manolo at Lorenzo.

Mukhang hindi dinadalaw ng stress ang babaeng ito ah. Buti pa sya, mahal nya ang makakatuluyan nya. At mayroon pa silang magiging apo na sobrang ganda sa future. Erika yata ang pangalan.

"Ano ba ang nangyari sa iyo kagabi? Bakit bigla ka na lang humihiga sa sahig?"

"N-Nahilo lang ako." Natatawa ako sa tono ng pananalita nya.

"Sabihin mo nga." Inilapit nya ang mukha sa tainga ko. "Ikaw ba'y nagdadalang-tao?"

Nanlaki ang mga mata ko saka mahina syang hinampas sa braso. Itinakip nya ang pamaypay na dala sa bibig para tumawa. Confused naman ang itsura ng mga lalaki. Grabe, ang lakas ng trip ni Lola Carolina. Ka-stress ah.

"Umalis na nga kayo." Kunwaring naiinis kong sabi at nag-pout naman sya.

"Hala. Mukhang dito na natatapos ang inyong pagkakaibigan, mahal," pang-aasar ni Manolo.

"Ano ba ang iyong ibinulong?" saad pa ni Lorenzo.

"Tinanong ko lang naman kung bu---"

Dali-dali kong tinakpan ang bibig nya. Kaloka! Balak nya pa talagang sabihin. Natawa na lang ulit sya at binigyan ko sya ng sharp look. Isa pa talaga, Lola.

"Sige na. Maglibot na nga kayo." Umalis na sila pero bago iyon ay tiningnan nya ako ng nakakaloko.

Nagpatuloy na kami sa paglakad ni Lorenzo. Tinanong nya kung ano ang ibinulong ni Carolina at tinanggihan ko namang sagutin. Sabi ko, SPG. Mas lalo tuloy syang na-curious kung ano ang ibig sabihin noon.

Kumain kami sa isang restaurant na mukhang pangmayaman sa panahong ito. Kilala ang Las Tierras hanggang sa future dahil sa masasarap na luto ng kakanin. Itong Cuidad Sagrada ang capital dahil halos dito naka-base ang malalaking business. Ngayon pa nga lang ay makikita na ang mayayamang pamilya rito, isa na nga ang pamilya Madriñan. Pagbalik namin sa modern world ay gusto kong makapunta rito. Gaano na kaya kalaki ang pinagbago?

"May nais akong ipakita sa iyo mamaya," wika nya habang kumakain kami.

"A-Ano?"

"Malalaman mo rin."

Napangiti na lang ako. Hindi pa rin nawawala ang hobby nya na titigan ako pero medyo okay na sa'kin. Hindi ko naman kasi masisisi si Ysabella sa ganda nya. Tinititigan ko rin naman sya kapag nakaharap sa salamin.

"Umm, L-Lorenzo."

"Bakit, Binibini?"

"P-Pwede ko bang malaman kung... paano mo ako n-nagustuhan?" Napakagat ako sa ibabang labi pagkasabi at napangiti naman sya.

"Bakit gusto mong malaman?"

"H-Huwag na nga lang."

Tumawa sya at umayos ng upo. Bigla naman akong nahiya dahil mukhang willing talaga syang ikwento kung paano sya na-fall kay Ysabella. Gusto ko lang malaman ang story behind.

"Naaalala mo noong naimbitahan ang ating pamilya na dumalo sa kaarawan ng Gobernadorcillo noong nakaraang taon? Iyon ang unang beses na nakita kita."

Isa-isang pumasok sa isip ko ang mga pangyayari sa buhay ni Ysabella noong nakaraang taon. Nasa mansyon kami ng pamilya ni Adelia dahil sa kaarawan ng ama nya.

"Kasama mo noon sa isang sulok si Binibining Carolina at ang dalawa mo pang kaibigan. Kung hindi ako nagkakamali, sina Binibining Adelia at Felicidad, hindi ba?" tanong nya at tumango naman ako bilang pagsang-ayon. "Hindi ko mawari pero... naakit ako sa iyong matamis na ngiti noong gabi na 'yon." Nahihiya syang ngumiti.

Umiwas ako ng tingin. Shocks. Hindi naman ako ang naroon pero bakit kinikilig ako. So dapat pala ay hindi na lang ngumiti si Ysabella para walang kasalang magaganap ngayon.

"Pero hindi iyon ang talagang dahilan kaya kita nagustuhan."

"E-Eh?!" Naningkit ang mga mata nya dahil sa pagtawa.

"Higit kitang napansin noong naghahapunan na tayo, at may isang nagsisilbi ang nakatapon ng pagkain sa bandang likuran mo. Hindi ka nagdalawang-isip na tulungan ito sa kabila ng pagsuway sa iyo ni Don Joaquin. Sinabi mo na masama ang pakiramdam ng nagsisilbi kung kaya't pinayagan ito na makapagpahinga. Magkaibayo lamang ang mga lamesa natin, at hindi ko na magawang alisin sa iyo ang paningin ko mula ng gabing iyon."

Halos nakanganga lang ako matapos marinig ang kwento nya. Naaalala ko nga ang gabing iyon ngunit wala sa alaalang iyon si Lorenzo. Tanging sya lang ang nakapansin kay Ysabella.

Pagkatapos kumain ay bumalik kami sa plaza. Nakita ko sa 'di kalayuan sina Adelia at Felicidad. Mukhang sila na lang ang nagda-date ngayon dahil may love life na kami ni Carolina. Balak ko sana silang tawagin pero natigilan ako nang makita si Francisco sa kabilang side. Sinusundan nya ng tingin sina Adelia at Felicidad. Kahit malayo ay tanaw ko pa rin ang ngiti sa mga labi nya. Oh gosh. May gusto sya sa frenny ni Ysabella?!

"Umm, m-may kailangan lang akong puntahan," paalam ko kay Lorenzo at parang natakot sya sa sinabi ko. "S-Sandali lang ako. Pangako." Baka akala nya ay iiwan ko na naman sya.

"S-Sige. Maghihintay ako rito." Ngumiti sya ng bahagya.

Dali-dali akong tumakbo palapit kay Francisco. Nakasunod pa rin sya ng tingin kina Adelia at Felicidad kaya hindi nya napansin ang pagdating ko.

"Francisco!"

Gulat syang napatingin sa akin dahil nahuli ko syang pinagpapantasyahan ang mga kaibigan ko. Balak nya sana akong takbuhan pero agad ko syang nahuli. Akala nya ah. Expert kaya ako sa habulan noong bata ako.

"Ano 'yon ah? May gusto ka sa mga kaibigan ko? Ha?" pananakot ko.

"A-Anong mga? I-Isa lang kaya."

"Sino? Si Adelia o Felicidad?" kinikilig kong tanong.

"W-Wala ka na roon. Bitawan mo nga ako." Namumula na sya.

Sinamaan ko sya ng tingin. Bakit ba ayaw nyang sabihin? Pwede ko kaya syang matulungan. Napansin ko ang biglang paglungkot ng mga mata nya.

"W-Wala rin naman akong pag-asa sa kanya," seryoso nyang sabi. "Hindi ako ilustrado at wala akong maipagmamalaki. Mahirap lamang kami ni Alejandro at hindi namin kayo kayang abutin. Kaya mo nga sya iniwan, hindi ba? Dahil wala sya ng katangian na bagay sa inyong mga nasa itaas."

Napabitaw ako sa kanya. Hinawakan nya ang braso nya na hawak-hawak ko kanina. Nauunawaan ko na kung bakit ganoon ang inasta nya noong huli kaming nagkita. Hindi lang dahil sa nangyari kina Alejandro at Ysabella. Kundi dahil nararanasan din nya ang mahulog sa isang maling pag-ibig. At pinatunayan lang namin na hanggang sa huli... ay hindi iyon magiging tama.

"Alam mo, kung ang istorya namin ni Alejandro ang titingnan mo, wala ka talagang mahahanap na pag-asa. Pero hindi porke nabigo kami sa pag-ibig ay mabibigo ka na rin. Istorya nyo 'yan, hindi sa amin. Kaya huwag mong iasa ang magiging kapalaran ninyo sa naging kapalaran namin."

"Tss. Bakit ko pa sisimulan kung alam ko na ang magiging katapusan?" pamimilosopo nya at naglakad na palayo sa akin.

Tumingala ako sa langit para pigilan ang nagbabadyang pagkawala ng luha ko. Dama ko ang paghihirap nya, at hindi ko lang matanggap na kami ang dahilan kaya sya nawawalan ng pag-asa. Dahil hindi namin magawa ang misyon.

Naglakad na ako pabalik sa pwesto ni Lorenzo. Mayroon syang kausap na lalaki pero nakatalikod ito sa akin at hindi ko makita ang mukha. Nang medyo malapit na ako sa kanila ay naglakad na rin ito palayo. Sinundan ko ito ng tingin. Leeg at mga kamay lang ang balat na nakikita ko. Sa kulay nito ay sure ako na isa iyong espanyol.

"Ysabella."

Lumapit na ako kay Lorenzo. Tumingin pa ulit ako ng isang beses doon sa lalaki bago humarap sa kanya.

"S-Sino 'yon?"

"Pinsan ko. S-Si Marco. Kadarating lang nya kagabi galing Maynila."

Pilit lang ang ngiti nya. Naaalala ko, Marco ang pangalan ng pamangkin ni Kapitan Felipe na ipinagyayabang nito noong nagtanghalian sila sa mansyon.

Tumango na lang ako. Hindi ko man nararanasan pero alam ko kung gaano kasakit para sa anak ang ikumpara ng magulang sa iba. Kahit kailan ay hindi ako pinilit nina Papa at Mama na dapat ay maging mas magaling ako. Walang naka-impose na expectations sa akin na kailangan kong i-meet. Sobra akong nagpapasalamat para roon.

"Hmm, 'di ba may gusto kang ipakita sa akin? Tara na." Lumawak ang ngiti nya at tumango.

Naglakad na kami para maghanap ng kalesang sasakyan. Lumingon ako sa huling pagkakataon sa pinsan nya na ngayon ay sobrang layo na. Hindi ko alam kung ano ang nakikita ni Kapitan Felipe sa lalaking iyon para ikumpara kay Lorenzo. Hindi nito naa-appreciate ang talento nya at para sa'kin ay higit sya. Besides, parang hindi maganda ang impression ko kay Marco.

Nakarating kami malapit na sa border ng Ciudad Sagrada at Villa Oriente. Nauna syang bumaba ng kalesa para alalayan ako. Nandito kami ngayon, nakatayo sa tapat ng isang malaking bahay na mukhang wala namang nakatira. Confused akong tumingin sa kanya. Anong ginagawa namin dito?

"Pumasok tayo."

"T-Teka lang. K-Kanino ba 'yan?"

"Ito ang magiging tahanan natin," todo ang ngiti nyang sabi.

Nanlaki ang mga mata ko at napatingin sa bahay. Shuta.

"Tara na," dali-dali nyang paghila sa akin.

Binuksan nya yung gate na sobrang kintab, mas makintab pa sa mukha ko kapag nagmamantika. Sobrang ganda at halos nakanganga lang ako habang papasok kami ng gate. Tumingala ako sa dalawang palapag na bahay. Shet. Sa labas pa lang ay sobrang ganda na. Halatang bagong gawa. Ni wala pang lumot. Sobrang flawless.

Pagpasok namin sa loob, bumungad agad ang magagarang chandeliers at mataas na kisame. Inilibot ko pa ang paningin. May sala set na at mukhang kumpleto na rin ang mga kagamitan. Pinaghandaan nya ang lahat ng ito?

"Halika sa kusina." Hinawakan nya ang kamay ko at nagtungo kami sa gawing kanan ng bahay.

Napamura na lang ako sa isip nang makita ang kitchen. Dahan-dahan akong lumapit sa table at pinadulas rito ang kamay ko. Nilingon ko si Lorenzo na ngayon ay nakasandal sa pader at masaya akong tinitignan.

"Nagustuhan mo ba, Ysabella? Hindi ito kasinlaki ng masyon ninyo ngunit sisiguraduhin ko na mapupuno natin ito ng masasayang alaala." Lumapit sya sa'kin at muling hinawakan ang kamay ko.

"Oo. Nagustuhan ko. Salamat."

Mas lalong lumawak ang ngiti nya. Sana nga ay magkatotoo 'yon. Mahal nya talaga si Ysabella. Deserve nya ang mahalin din pabalik at hindi parang nanlilimos lang.

"Umm, gusto mo bang makita ang ating silid?"

Ngumiti na lang ako at tumango. So may pasilip pala sa kwarto kung saan mabubuo si Florencio. Yicks. Stop it, Erika.

Umakyat na kami sa 2nd floor kung saan matatanaw mula rito ang ibaba. Madadaanan mula sa pag-akyat ang ibang mga rooms pero hindi na namin iyon binuksan at nagtungo na lang sa silid namin.

Naghintay ako sa likuran nya habang binubuksan nya ito. Hindi ako makapaniwala sa nangyayari sa buhay ko. Nananahan ako ngayon sa katauhan ng isang 21 years of age na babae at ikakasal pa. Kahit sandaling panahon lang ito ay mararanasan ko pa rin ang maging isang maybahay.

"Woah," tanging nasabi ko nang makita ang loob ng kwarto.

"Pumasok ka lang."

Lumipat sya sa likuran ko at hinayaan akong mauna. Para akong nagto-tour ngayon sa kwarto ng artista. Sobrang ganda. Wala akong masabi.

Inilibot ko ang tingin sa buong kwarto hanggang sa tumigil sa higaan na king size ang laki. Unti-unting kumunot ang noo ko. Parang pamilyar ang kwartong ito lalo na yung kama.

Lumitaw sa isip ko ang isang scene. Ito yung... nakita ko sa vision. Nanlaki ang mga mata ko. Sa kwartong ito ginahasa si Ysabella. Biglang bumilis ang tibok ng puso ko at nilingon si Lorenzo.

"I-Ikaw?"

"Bakit, Ysabella? Anong problema?" nag-aalala nyang tanong sabay hawak sa magkabilang balikat ko.

Tinitigan ko sya sa mga mata. Hindi ko makita sa kanya na may binabalak syang masama sa'kin. Hindi. Hindi sya ang taong iyon.

"W-Wala." Lumihis ako ng tingin saka pinunasan ang luhang namuo sa mga mata ko.

"Sigurado ka? Bigla mo akong pinag-alala."

"Oo. M-May... naisip lang ako."

Tumango na lang sya pero halatang worried pa rin. Umalis na kami roon at bumalik na sa mansyon.

Paano kung sya nga iyon pero hindi lang ngayong araw nya binabalak na gawin? Hindi ko dapat isipan ng masama si Lorenzo dahil mabuti syang tao. Pero kung hindi sya ang gumawa niyon kay Ysabella, sino?