Kabanata 18: Tayo
Erika's POV
"Anong ginagawa mo rito?"
Gulat na gulat akong makita si Rhys sa mansyon pagkagising ko. Nakatayo sya sa dulo ng hagdan habang may hawak na orchids para salubungin ako sa pagbaba. Nang hindi ko kunin ay sapilitan na nyang ipinahawak sa akin. Paano ba sya nakapasok dito?
"Sabay na kayong mag-agahan. Hay, tirik na ang araw kung magising ang señorita," biglang sumulpot si Ama na galing sa kusina at may bitbit na kape.
Mas lalong nanlaki ang mga mata ko. Teka. Pumayag sya na makapasok si Rhys dito? Sumunod na dumating sila Ina at Ate Estella na nanggaling din sa kusina. Binigyan ako ni Ate Estella ng nakakalokong tingin. Tumingin naman sila Don Joaquin at Donya Eleanor at bahagyang ngumiti pagkaupo nila sa salas.
Gosh. Ito ang kauna-kaunahang beses na pumayag silang makaapak si Alejandro rito sa mansyon. Tanggap na talaga nila ang pakikipagrelasyon ko sa kanya.
Nakasakay na kami ng kalesa papunta sa plaza. Kanina pa ako atat na atat na marinig ang kwento nya pero hindi ako makapagsalita sa bahay. Halos dalawang oras din kami sa mansyon dahil pagkatapos kumain ay gumayak pa ako at kinwentuhan kami nina Ama at Ina. Sa Laguna pala sila nagkakilala kung saan tubo si Ama at si Ina ang talagang taga-Las Tierras.
Kasunduan lang ang pagkakasal sa kanila pero mabilis naman silang nahulog sa isa't isa. Dito nila piniling manirahan. Ang minanang lupain sa mga magulang ay mabilis nilang napalawak at napalago dahil na rin sa galing ni Don Joaquin sa pagpapatakbo ng negosyo. Naging isa ang mga Madriñan sa mga tanyag at pinakamayayamang pamilya sa Probinsya ng Las Tierras.
"Pumunta lang ako. Nagpaalam ako kung pwede ba tayong maglibot and... boom."
Tumango na lang ako. Grabe. Hindi pa rin ako makapaniwala sa nagaganap. Hindi lang namin nagawa ang misyon na pigilin ang kasal, higit sa lahat ay nagawa nang tanggapin si Alejandro ng mga magulang ni Ysabella. Babalik silang ibang-iba na ang lahat.
Pagkarating sa plaza ay nagtungo kami sa pwesto ni Francisco na mag-isang nagbabantay doon. Bibili lang kami ng pagkain sa kanya pagkatapos ay pupunta na kami sa ilog kung saan daw kami magdadate ni Rhys.
"Ano ang inyong sadya, mga mahal na kaibigan?" bibong-bibo nyang pagbati.
"Naks naman. Saya mo ah," tukso ni Rhys.
"Oo nga. Beke nemen pwedeng libre na yung bibingkang kanin," banat ko pa.
"Alam mo, Ysabella, ang yaman mo pero napakasiba mo."
"Ah ginaganyan mo na ako." Dali-dali akong pumasok sa tindahan at sinakal sya sa batok. "Baka po nakakalimutan mo na kaibigan ko yung jowa mo."
"Oo na! Dahil lodi ko kayo, kalahati na lang ang bayaran nyo."
Nanlaki ang mga mata ko. Ano raw? Lodi? Tumingin ako kay panget na tuwang-tuwa sa amin sabay taas-baba ng kilay. Hay. Kung anu-ano rin ang itinuturo ng lalaki na 'to kay Francisco.
After makipagbangayan ay sinimulan na namin ang paglalakad patungong ilog. Wala kasing daanan ng kalesa papunta roon kaya heto, wala kaming choice kundi ang maglakad. Halos kalahating oras kaming babad sa sikat ng araw. Mabuti na lang dahil hindi ganoon kainit.
Pagkarating sa ilog ay umupo kami sa parehong spot kung saan kami nakapwesto last time. Napangiti ako nang makita ang gitara ni Alejandro na naghihintay sa amin at nakasandal ito sa puno ng mangga. Omg enebe!
"Masakit ang alaala nila Alejandro at Ysabella sa ilog na 'to. Dito sila pareho namatay. Gusto kong mapalitan ang simbolo nito... ng pag-asa," itirada ko habang pinagmamasdan ang agos ng tubig.
"Esperanza. Ibig sabihin, pag-asa."
"Talaga? Hmm, bagay sa pangalan ni Lola Esperanza. Wait! Alam ko na ang itatawag natin dito! Ilog Esperanza!"
"Tss. Dami mong alam."
Tinarayan ko na lang sya at binuksan na yung bibingka. Binayaran na namin ito ng buo kay Francisco. Negosyo ng pamilya nila 'yon at hindi naman tama kung mag-demand ako ng ikakalugi na nila. Pangarap daw nyang mapalago ang kanilang business at makilala ang kanilang kakanin sa buong Pilipinas. Magiging masaya ako na makita iyon.
Kumuha ako ng kapiraso at kumagat saka isinubo kay Rhys yung natirang hawak ko. Napahum kami sa sarap.
"After 5 years ay magaganap na ang rebolusyon. Hindi man napangalanan ang lahat ng lumaban para sa bansa, lahat sila ay bayani. At kung nandito ako, lalaban din ako para sa Pilipinas."
Napatango na lang ako. Taong 1896 madidiskubre ng mga Espanyol ang Katipunan at magaganap ang unang paglusob nito kung saan si Bonifacio ang tumatayong leader ng grupo.
"Well, para sa akin ay tama ang sinabi ni Rizal. Hindi dapat muna talaga sila naghimagsik. Tama sya na hindi pa handa ang bansa para rito. Natalo ang Katipunan sa ginawa nilang paglusob una sa Maynila dahil mas armado ang kalaban. Ang masaklap pa, kalahati nito ay mga kapwa rin Pilipino na nasa ilalim ng mga Kastila. Alam mo 'yon, parang nakipagpatayan ka sa kapatid mo.
"Napakaraming buhay ang nawala, maraming dugo ang dumanak. Kung hindi tumulong ang mga Amerikano ay hindi naman tayo makakalaya sa mga Espanyol. In the end, napalitan lang ang ating mananakop at hindi pa rin pala talaga nakakalaya ang Pilipinas."
"So... hindi ka lalaban?"
"Hindi muna ako lalaban," pagdidiin nya sa salitang muna. "Pipiliin kong magtiis kaysa maraming mamatay."
Tinitigan nya ako at mayamaya ay napangisi. Umiling sya at naghanda na ako sa kanyang isasagot.
"Hindi kasi isip ang nangingibabaw sa amin kundi ito," sabay turo sa kanyang dibdib. "Anong halaga ng buhay kung hinahayaan lang naming magtiis at mahirapan ang mahal namin? Kapag para sa kapakanan ng mahal namin, handa kaming pumatay at mamatay."
Nakatitig pa rin sya sa akin. Ibinaling ko naman ang tingin sa ilog habang patuloy na naglalaro sa isipan ko ang sinabi nya. Nagawa pa talaga nyang ikumpara ang laban para sa bansa sa aming laban para sa pag-ibig. Ako na handang maghirap para mabuhay ang minamahal at sya naman na handang itaya ang buhay para mailigtas ito.
"Nubayan! Kung saan-saan na tayo nakakarating," bigla nyang pagbasag sa katahimikan. "Hindi ko pa nga pala naikukwento sa'yo kung bakit ako nag-aral maggitara," sabay kuha sa gitara.
"Gus... to mong maging singer."
Umiling sya at nagpasubo sa akin ng bibingka bago ituloy ang kwento. Bigla akong kinilabutan nang isubo nya rin ang mga daliri ko para simutin. Dama ko pa rin ang mga labi nya sa parang namanhid kong kamay at nag-iwan pa ng laway. Taragis na 'yan. Ang dugyot.
"Bukod sa gusto kong maging singer, gusto ko rin kasi na kapag liligawan ko na yung tadyang ko ay dadaanin ko sa panghaharana. Pero... ikaw kasi 'yan eh. Hindi ko kasi alam kung paano aamin sa'yo na gusto kita kaya imbis na ligawan ka, idinaan ko na lang sa pambubudol," nahihiya syang tumawa. "Kaya kahit naging tayo agad, gusto ko pa ring ituloy ang panliligaw sa'yo at hindi pa rin ako titigil na haranahin ka."
Napakagat ako sa ibabang labi at para maitago ang kilig ay sumubo ako ng malaking hiwa. Bigla naman akong naestatwa nang punasan nya gamit ang daliri ang gilid ng labi ko dahil sa kumalat na pagkain. Hindi ko alam kung paano magre-react sa nangyari. Shuta. Ngayon lang ako nagkaganito.
Lalo pa akong natunaw sa malalim na pagtitig at matamis na pagngiti nya. Sinimulan na nyang mag-strum ng gitara. Kaya nya pa ring tumugtog sa kabila ng sugat sa balikat dahil hindi naman masyadong magagalaw ang kanyang braso rito. Marahan syang pumikit at hindi ko magawang pigilan ang sarili na pagmasdan sya. Shemay.
~ Oh kay ganda ng umaga
Kasing ganda ng iyong mga mata
Oh kay tamis ng mga binitiwang salita
Tayo'y maglalakbay
Mag kahawak ang ating kamay
Patungo sa lugar kung saan walang hanggan
Pag masdan ang pag lubog ng araw
Ikaw ang ilaw sa gabing walang liwanag
Umaawit sa mundong puno ng tala
Humihiling ng pikitmata kay bathala
Oh kay ganda sa mundong itong puno ng ligaya
Oh pwede ba
Oh pwede ba
Na dito na lang ~
Huminto na sya sa pagtugtog. Agad akong nag-iba ng direksyon at mabilis na nagpunas ng luha na kanina pa sa pag-agos. Tanaw ko na nakatitig sya sa akin at nagpunas din sya ng luha.
Bago lumubog ang araw ay naglakad na kami pabalik ng mansyon at medyo madilim na nang makarating kami. Tumambay ako sa asotea kung saan nagbabasa ng nobela si Ate Estella at nagkwento sa kanya tungkol sa mga nangyari sa date. Hindi ako sumabay sa hapunan dahil busog pa rin ako sa kakanin.
Umakyat na ako sa kwarto. Bigla akong napatigil sa pintuan nang makitang bukas ang bintana. Nabuo ang figure ng isang lalaki mula sa liwanag ng buwan at nakatalikod sya sa akin. Dali-dali akong nagsara at naglock ng pinto at lumapit sa kanya.
"Paano ka nakaakyat?"
Sumilip ako sa bintana at nakitang may hagdan sa ibaba. Hindi naman kasi sya makakapanhik sa kalagayan nya. Hinarap ko na sya na seryosong pinagmamasdan ang langit. Medyo madilim ang itsura nya dahil buwan lang ang nagsisilbing liwanag namin.
"May nakalimutan ka ba, Ginoo?"
"Gusto ko lang sulitin ang mga nalalabing oras na magkasama tayo," tugon nya nang hindi ako tinitignan.
Tumingin na rin ako sa buwan. Halos buo na ang bilog nitong hugis ngunit hindi pa ganoon kalakas ang liwanag. Bukas ay magiging dilaw ang kulay nito. Hudyat na tapos na ang misyon.
"Ipangako mo na hindi ka iiyak at magiging masaya ka sa bago mong buhay... na hindi ako kasama."
"Bakit? Mag-aabroad ka ba?" pinilit kong magbiro kahit sobra na akong nasasaktan sa pamamaalam nya. Bakit parang pakiramdam ko ngayon ay nagkamali ako ng desisyon?
Rinig ko ang mahina nyang pagtawa. Humarap na sya sa akin at marahang kinuha ang kamay ko pagkatapos ay itinapat sa kanyang dibdib. Kita ang lungkot sa mga mata nya at hindi ko maiwasang mahawa.
Umiling ako at binawi ang kamay ko para pahirin ang tumatakbong luha sa kanyang pisngi. Tinapik ko sya sa mukha at nagwagi akong mapangiti sya. Naniniwala ako na hindi pa rito nagtatapos ang aming istorya. Na makakabalik kami pareho at magsasama pa kami ng matagal.
"Posible kaya na magreincarnate ako? Kapag nangyari 'yon, hahanapin kita at tayo pa rin ang magkakatuluyan."
Dahil sa sinabi nya ay napatitig ako sa kanyang mga labi. Sinabi ko na gusto kong maganap ang first kiss namin sa araw ng kasal. Pero sa nangyari kila Alejandro at Ysabella, na-realize ko na sobrang ikli lang ng buhay para pigilin pa ang damdamin sa pagpapadama ng pagmamahal.
Minsan ay wala pang pasintabi ang kapalaran kung kailan kukunin ang pagkakataon na mayroon ang isang tao at bukas ay lumipas na ang lahat. Ang masakit pa ay kapag wala nang pag-asa para mabawi iyon. Ngayon ay gusto ko lang maipadama sa kanya ang pag-ibig ko. Walang rule. Kahit ngayong gabi lang, gusto kong ibigay na sa kanya ang isang bagay.
Humakbang sya palapit sa'kin habang nakatitig lang kami sa isa't isa. Tila pinakikiramdaman nya kung papayag ba ako sa kanyang gagawin. Dahan-dahan nyang inangat ang kamay nang may pag-aalinlangan at nang hindi ako umiwas ay tuluyan na nyang hinaplos ang aking pisngi.
Napalunok ako at napakapit bigla sa laylayan ng damit nya. Pumikit ako nang pahirin ng daliri nya ang mga labi ko. Ramdam ko ang unti-unting paglapit ng mukha nya sa akin hanggang mayamaya ay nadama ko na ang pagdampi ng mga labi nya. He's gently moving it dahilan para mabilis na mag-multiply ang mga paruparo sa aking tiyan.
Humakbang pa sya palapit hanggang sa bigla syang mapatigil sa paghalik. Pagmulat ko ay nakakislot ang mukha nya. Hindi ko namalayan na nakahawak na pala ako sa braso nyang may tama at napariin ang kapit ko rito. Shocks.
"S-Sorry," napakagat ako sa ibabang labi.
Ngumiti lang sya habang magkalapit pa rin ang mukha namin. Ramdam ko pa rin hanggang ngayon ang mga labi at halik nya. Umiwas ako ng tingin at haharap na sana ulit sa bintana nang bigla nya akong harangin ng kaliwang braso.
Dahan-dahan syang umabante habang nakangisi at tinititigan ako ng malagkit. Napasandal ako sa pader at inipit ng katawan nya ang katawan ko rito. OMG anong binabalak nya?!
"Round 2."
"S-Sandali la---"
Hindi ko na natapos pa ang sasabihin dahil bigla na nya akong sinunggaban. Napatili ako sa sobrang pagkagitla pero hindi ito umalingawngaw sa silid dahil sa mabilis na paglapat ng bibig nya. Hawak nya ako sa batok. Wala na talaga akong takas. Sandali lamang syang titigil para huminga at muli ring hahalik bago pa man ako makabuo ng salita.
Marahang dumulas ang kamay nya pababa sa baiwang ko at hinigit ako. Naging chance ko naman ito para mailihis ang mukha at makawala sa paghalik nya. Naghahabol ng hininga akong yumakap sa kanya at humapay sa kanyang dibdib. Rinig ko ang ipit nyang pagtawa kasabay ng mabilis at malakas na pintig ng kanyang puso.
"Hindi ko alam kung mabaho ba ang hininga ko kaya ka kumalas o ano."
"Loko." Hinampas ko ang likod nya. "Alam mo naman na first kiss ko tapos nanlalapa ka dyan. Ang abusado mo."
"Haha, first kiss ko rin naman ah." Ramdam na ramdam ko ang vibration sa dibdib nya dahil sa pagsasalita.
"Kahit na. Napaka-seductive. Mamaya ay umabot pa tayo sa kama at tuluyan na makagawa ng kasalanan."
Humiwalay na ako at humarap na sa bintana. Agad nya namang ipinulupot ang mga braso sa baiwang ko mula sa likuran. Hinalik-halikan nya pa ako sa leeg at napakagat ako sa ibabang labi dahil nakikiliti ako sa ginagawa nya.
Kinabukasan ay sinulit na namin ang mga nalalabing sandali kasama ang pamilya nila Alejandro at Ysabella. Matatapos na ngayon ang 14 days at inaamin ko, nalulungkot ako. Pangit man ang mga pinagdaanan namin sa lugar at panahong ito, dito ko nakita ang maraming bagay na dati ay hindi ko iniisip. Dito ko rin natuklasan ang iba't ibang mukha ng pag-ibig.
Naryan ang pag-ibig na kayang magparaya para maibigay sa kanyang mahal ang kaligayahan. Ang pag-ibig na buong pusong ibibigay hindi man magawang suklian. At higit sa lahat, ang pag-ibig na kahit sariling buhay ay handang isakripisyo para sa taong minamahal.
"Handa na ba kayo, Alejandro at Ysabella?"
Nandito na kami sa labas ng bahay-kubo ni Lola Esperanza at hinihintay ang paglabas ng buwan mula sa likod ng mga ulap. 7:15 ng gabi ang exact time ng full moon at may sampung minuto pa kami upang masilayan ito.
"Rhys at Erika po," sabay naming sambit.
Pare-pareho kaming natawa. Madilim na ang paligid at ang apoy ng gasera at buwan na lamang ang nagsisilbing liwanag namin. Siyam na minuto.
"Ah, oo nga pala. Dinala ko po yung baraha. Bakit mo pa po iniwan sa'kin?"
Inilabas ko mula sa suot kong saya yung baraha na iniwan sa akin ni Lola Esperanza noong pinuntahan nya ako sa mansyon. Biglang nanlaki ang mga mata ko at kagyat itong naihagis nang makitang unti-unti itong nagiging abo. Pinulot naman ito ni Lola Esperanza. Gulat pa rin akong nakatingin doon na nasusunog kahit wala namang apoy.
"Hay. Kailan lang nang ipagkaloob ko ito kina Alejandro at Ysabella. Ngayon ay natapos nyo na ang misyon. Oras na maubos ito at maabo ay... paalam na," tumingin sya sa amin at sobrang nakakalungkot dahil kailangan na rin pala naming magpaalam sa kanya.
"S-Saan po ako mapupunta o-oras na makabalik sina Alejandro at Ysabella?"
Parang biglang huminto sa pagtibok ang puso ko nang marinig ang basag na boses ni Rhys. Pilit nyang itinatago ang nararamdaman pero nakikita ko sa kanyang mga mata na labis syang nasasaktan. Natatakot akong lapitan sya at hawakan ang kamay nya dahil hindi ko kakayanin ang makita syang umiiyak.
Kahit ako ay hindi maiwasan na itanong ito. Hindi ko alam kung totoo pa ba ang pinaniniwalaan ko na makakabalik kami... o baka talagang ako na lang. Pinipilit ko lang ba na maniwala sa isang kasinungalingan?
"Ikaw ma'y hindi na muling makabalik, hindi nito mababago ang katotohanan na ikaw ay minsan ding nabuhay dito."
"Ano? Kung gayon ay hindi na talaga sya makakabalik?" May pagtataka sa mga mukha nila. Imposible na hindi nya alam ang napag-usapan namin ni Ysabella.
"Kapalaran na mismo ang magdidikta. Hindi na nakatakdang mabuhay ang kanilang lahi."
"P-Pero ang sabi sa'kin ni Ysabella ay magtiwala lang ako sa kanya. Ano ba ang ibig sabihin nya roon kung hindi na pala makakabalik si Rhys? Huwag mong sabihin na niloko nya lang ako!"
"H-Hindi iyon magagawa ni Ysabella."
"Eh ano nga ang mangyayari?! Ano ba talaga ang kapalit ng pagtitiwala ko?!"
Niyakap ako ni Rhys. Hindi na maawat ang pagluha ko at hindi ko man tignan ay alam kong umiiyak din sya. Bakit pakiramdam ko ay naisahan lang ako? Napatingin ako sa baraha na kalahati na lang ang natitira. Kumawala ako sa bisig ni Rhys at kinuha iyon sa kamay ni Lola Esperanza. No. Hindi maaari.
"S-Sandali lang, pakiusap." Tumingin ako sa buwan na nagiging kulay dilaw na at ibinalik sa baraha na patuloy pa rin sa pagkaubos. "Sandali! Hindi kami aalis! Ysabella, kausapin mo ako!"
Bumagsak ako sa lupa at nabitawan yung baraha. Lumapit sa akin si Rhys at muli akong niyakap. Napakapit na lang ako sa braso nya habang patuloy pa rin sa pagtawag kay Ysabella.
"Alam kong kakayanin mo kahit wala na ako. Patuloy kitang babantayan. Pangako."
Mas lalong lumakas ang pag-iyak ko dahil pagtingin ko ay nakangiti sya. Ang hilig nyang magtago ng tunay na nararamdaman sa pamamagitan ng ngiti at lalo lang nitong dinudurog ang puso ko. Hinagkan ko sya sa mga labi.
Hindi pa ako handang magpaalam sa kanya at hinding-hindi ako magiging handa na mawala sya. Kaunti na lang ang natitira sa baraha. Nagliliwanag na ang paligid dahil sa ilaw ng buwan.
Tumingala ako kay Lola Esperanza at nakitang nakatitig lang sya sa amin. Alam ko na wala na syang magagawa para mabago ang kapalaran. Iba na ang nakatakdang mangyari at kami ang may gawa nito. Pero kung wala na talagang pag-asa na makasama pa si Rhys sa hinaharap, pwede ba na dito na lang? Pwede bang manatili rito?
"Oras na, Rhys at Erika."
Tumingala kaming lahat sa langit at minasdan ang lubos na pagliwanag ng buwan. Napailing ako at bumuhos pa ang malakas kong luha. Hinarap ko si Rhys at niyakap sya. Hinihiling ko na sana ay hindi pa huling pagkakataon. Na magawa ko pa rin ito.
Dama ko ang marahang paghagod ng kamay nya. Hindi ko alam ang mangyayari kapag tuluyang nawala sa akin ang kanyang haplos. Bago ko ipikit ang mga mata ay nasaksihan ko pa ang pagkaabo ng natitirang parte ng baraha sa lupa.
"'Wag na 'wag mong kakalimutan... na mahal na mahal kita, Erika."