Kabanata 17: Paalam
Erika's POV
Nagising akong basang-basa ng luha ang mga mata ko. Nakatulala lang ako sa kisame habang patuloy pa rin sa pag-agos ang luha. Humawak ako sa dibdib ko na sobrang sakit ngayon. Pakiramdam ko ay ako ang nakaranas ng lahat. Nasagot na kung ano ang talagang mga nangyari. Ipinakita nya sa akin sa panaginip. Tinapos nya ang kanyang buhay at nagpakalunod sya sa ilog. Nagbago na ang kapalaran.
Nagpasama ako kay Ate Estella na pumunta sa hacienda ng mga Suarez para magpaalam kay Lorenzo. Hindi mawala sa isip ko ang naging buhay nila. Nagawa syang ibigin ni Ysabella at nabigyan ng pagkakataong maging parte ng buhay nito ngunit ngayon ay tuluyan na itong magiging imposible. Higit pa rin ang pag-ibig na mayroon ang babae para kay Alejandro.
"Nais po naming makausap si Ginoong Lorenzo," paalam ni Ate Estella sa mga Guardia Civil na nagbabantay sa hacienda ng mga Suarez.
Ang pagkakaalam ko ay silang dalawa lang ni Donya Elvira ang narito at kaya may mga Guardia Civil na nakabantay ay dahil hindi sila pwedeng dumalaw kay Kapitan Felipe na nakabilanggo. Sandaling pumasok sa mansyon yung isang gwardya. Naramdaman ko ang paghawak ni Ate Estella sa kamay ko dahil tense na tense ako ngayon. Sana ay pumayag si Lorenzo na makausap ko sya. Mayamaya ay bumalik na ito at pinagbuksan kami ng gate.
"Naroon sya sa salas," wika nito.
"Maraming salamat po," sabay naming tugon ni Ate.
Pumasok na kami sa gate. Napatingin ako sa paligid. Parang dinaanan ng giyera ang hacienda nila dahil sa dami ng nagkalat na basag na mga paso at tabi-tabi rin ang mga hukay sa lupa. Noong mga nakaraang araw lang ay bihag nila si Rhys at balak nila kaming patayin. Ngayon ay tuluyan nang nawala ang kapangyarihan na naging dahilan ng kasamaan ni Kapitan Felipe. Hindi ko inakala na aabot sa ganito ang lahat. Simula pa lang ay imposible nang magawa ng mapayapa ang misyon.
"Maiwan na ako rito."
Nasa tapat na kami ng pinto ni Ate at pagpasok ay salas na. Bukas ito pero hindi ko pa matanaw ang mga silya kung saan naroon si Lorenzo. Tinapik ni Ate Estella ang likod ko at tumango-tango. Napangiti ako at dahan-dahan nang naglakad papasok.
Paglingon ko sa salas ay natanaw ko agad si Lorenzo na nakatayo at sabik na naghihintay sa akin. Gumuhit sa mga labi nya ang isang maikling ngiti. Ang sakit makita na hindi na ganoon kalawak at kagenuine ang ngiti nya tulad ng dati. Dali-dali akong naglakad palapit sa kanya at niyakap sya.
"P-Patawad."
Tumulo sa mga mata ko ang luha. Naramdaman ko ang paghagod ng mga kamay nya sa likod ko. Umiiyak din sya.
"Wala kang kasalanan, Ysabella. Ako nga ang dapat humingi ng tawad. Ako ang humiling sa kasalang ito. Ako ang naglayo sa'yo sa iyong tunay na pag-ibig." Kumalas na sya at hinarap ako. "Masaya ako... dahil nakilala kita. Sa totoo lang, simula pa lang ay ramdam ko nang wala ka talagang pagtingin para sa akin. P-Pero ayos lang. Hindi naman ako nagmamadali na mahalin mo rin ako. Mahal kita at patuloy pa rin kitang mamahalin hindi mo man maibalik."
"Lorenzo." Hinawakan ko ang mukha nya at hinawakan nya ang kamay ko na nasa pisngi nya.
"Hindi mo alam kung gaano mo ako napasaya noong bumalik kami galing sa Batangas at biglang nagbago ang naging pakikitungo mo sa akin. Alam mo bang matagal ko nang hinihiling na masilayan kang ngumiti? Sobra na akong nagpapasalamat para roon, Ysabella. Masyado lang siguro akong nagalak sa pangyayari kung kaya't inisip ko na nahulog ka na rin. Huwag kang mag-alala. Hindi ako kailanman nagalit sa iyo. Gusto kong maging masaya ka, kayong dalawa. S-Simula ngayon, hindi mo na kailangan pang pilitin ang s-sarili mo na mahalin ako."
Dahan-dahan nyang ibinaba ang palad ko na nasa mukha nya. Napailing ako at muli syang niyakap. Bakit sobrang sakit ng pamamaalam? Sobrang hirap lalo na kung wala nang ibang paraan. Napakabuti nyang tao para masaktan ng ganito pero hanggang dito na lang talaga ang wakas ng kanilang istorya.
"Lahat ng ipinakita ko sa'yo, maniwala ka, totoo ang lahat ng iyon. Totoong minahal kita. Hindi ako napipilitan o nagpapanggap lang, Lorenzo."
"N-Naniniwala ako."
Ilang minuto pa kaming nag-usap. Mayamaya ay bumaba na ng hagdan si Donya Elvira at pumasok na ang mga Guardia Civil. Aalis na sila.
Nagpaalam din ako kay Donya Elvira. Humingi sya ng tawad sa akin. Alam ko na mabuti syang tao at katulad ni Lorenzo ay wala rin syang alam sa kasamaan ng kanyang asawa. Lahat kami ay mga biktima lang. Wala man kaming masyadong pinagsamahan ay naging malapit pa rin ang loob ko sa kanya bilang isang ina.
"Mag-iingat po kayo, Ginoong Lorenzo, Donya Elvira." Pumasok na rin si Ate Estella at nagpaalam.
Lumabas na kami ng mansyon at nagtungo sa nakaparadang dalawang kalesa, isa para sa mga gamit nila at isa bilang kanilang sasakyan. Nandito si Alberto para ihatid sila. Kinausap ko si Ama na sa amin na sya magtrabaho pagkatapos at pumayag naman ito.
"Ysabella." Napalingon ako kay Lorenzo. "Noong dinala kita sa ating magiging tahanan, sinabi ko sa'yo na pupunuin natin iyon ng masasayang alaala."
Nakatitig lang ako sa kanya. Hindi ko mapigilan ang pamumuo ng luha ko habang inaalala ang araw na 'yon at ganoon din sya. Kung alam lang sana nya na nangyari talaga ang pangarap nya. Na namuhay sila ng masaya ni Ysabella kasama ang kanilang mga anak. Pero nagbago ang lahat. Ito ang maaalala nya. Hindi na matutupad pa ang kanyang pangarap... dahil sa'min.
"Gusto kong ituloy mo iyon... kasama si Ginoong Alejandro."
Mabilis na tumulo ang luha sa mga mata ko habang inaabot nya sa akin ang susi ng bahay.
"Buksan mo ang isang kwarto roon. Mayroon sana akong gustong ipakita sa'yo sa araw ng kasal natin. S-Sana ay magustuhan mo."
Napahagulgol ako ng iyak at niyakap sya sa huling pagkakataon. Tumingala ako sa kanya at hinaplos ang mukha nya. Ito na ang huling pagkakataon na magkikita kami. Dahan-dahan akong pumikit habang itinitingkad ang aking mga paa. Hinalikan ko sya sa pisngi.
"Salamat sa lahat," bulong ko kasabay ng pagbitaw sa kanya.
Halata sa mukha nya ang pagkagitla dahil sa ginawa ko. Gusto kong baunin nya ang halik na iyon at patuloy nyang maalala na hindi imposibleng mahalin sya pabalik ng babaeng mahal nya.
Sa totoo lang, dapat rin na mangyari ito. Higit pa sa pagmamahal na kaya ko o ni Ysabella na ibigay ang nararapat sa kanya. Tama lang na binago ko ang orihinal na kabanata ng istorya nilang dalawa. He deserves better. Hinihiling ko na matagpuan nya ang babae na magagawang ibalik ang pagmamahal na mayroon sya para rito at higit pa.
Agad kaming nagtungo pabalik ng mansyon pagkaalis nila. Habang nasa daan ay muli kong inalala ang lahat ng nangyari simula nang mapunta kami rito. Mula sa pagpaplano kung paano mapipigilan ang kasal. Tapos biglang nagbago dahil sa connection ni Rhys kay Lorenzo. Hanggang sa nalaman namin na si Kapitan Felipe ang salarin sa lahat at hindi si Lorenzo ang ama ng panganay na anak ni Ysabella. At ngayon, tagumpay na naming nagawa ang misyon. Pagkatapos nito, handa na kaya ako sa magiging pagbabago?
Padaan kami ngayon sa harap ng ospital. Maliit lang ang ospital na 'yon at halos nasa bente lang ang bilang ng mga kwarto. Seryoso lang ang tanaw ko roon pero biglang nanlaki ang mga mata ko nang makitang nakatayo sa labas sina Rhys, Eduardo, at Francisco.
Hindi ko sila napansin kanina dahil sa nakaharang na kalesa. Dali-dali kong pinara ang kalesang inupahan namin at agad na nagtungo sa pwesto nila. Nakatalikod sila Rhys at Francisco. Si Eduardo ang nakakita sa pagdating ko at agad akong nagsenyas na huwag nyang sabihin. Tumikhim ako.
"Alejandro."
Nakatapat ako sa likuran ni Rhys kaya sobrang lapit namin sa isa't isa nang humarap sya. Gulat sya nang makita ako at dali-dali akong niyakap. Hindi nya naman magawang higpitan dahil sariwa pa rin ang tama nya sa braso.
"Aalis muna kami," paalam ni Eduardo tyaka sila naglakad ni Francisco.
Halos isang minuto akong niyakap ni Rhys at hindi ko naman masisi kung sobra nya akong namiss dahil sa kagagawan ko. Maluha-luha ang mga mata nya pagharap sa akin. Napangiti ako at ginulo ang buhok nya na ayos na ayos. Pinisil nya naman ang pisngi ko. Sobra ko rin syang namiss.
"Bati na tayo ah," sabay hawak sa kamay ko.
"Ikaw lang naman ang nagsisimula ng away natin."
Sabay na kaming natawa. Bumalik na ulit ang lakas nya at nagagawa na nyang makapaglakad mag-isa. Grabe ang mga nangyari sa amin. Sobrang nakaka-trauma. Hindi ko na kakayanin kapag naulit ito. Hinding-hindi na ako pupulot ng isang baraha ever.
Naglakad-lakad kami sa paligid ng ospital habang magkahawak ang mga kamay. Kausap naman ni Ate Estella sila Eduardo at Francisco.
"Nakaalis na si Lorenzo kanina. Ibang-iba na talaga ang magiging sitwasyon pagbalik nila Alejandro at Ysabella."
"At pagbalik... mo."
"Tayo. Magagalit ako kay Ysabella kapag hindi sya tumupad sa usapan."
"Hah?"
Umiling na lang ako. Naniniwala pa rin ako na babalik akong kasama sya. Na iyon ang kapalit ng pagtitiwala ko kay Ysabella. Sana.
"Oo nga pala. Tama ba ang nalaman ko? S-Sila Francisco at Felicidad?"
Hindi ko mapigilang mapangiti tuwing maaalala ang nangyari kahapon sa plaza. Teka, tama ba ang narinig ko? Sila na agad?
"Actually, matagal ko nang alam na may gusto si Francisco sa isa sa mga kaibigan ni Ysabella pero kahapon ko lang nalaman na si Felicidad pala. Sino ang nagsabi sa'yo?"
"Edi si Francisco. Umakyat na nga sya ng ligaw kagabi eh."
"What?! Agad-agad?!" Aba naman pala! Binakuran agad!
"Inunahan pa akong umakyat ng ligaw sa'yo," napangiwi ako.
"Big word! Teka, teka. Okay lang sa pamilya ni Felicidad?"
"Ayos lang naman daw. Tinulungan sya nila Crisostomo at Eduardo na maconvince yung parents nila."
"Buti pa sila, pinayagan agad."
After naming makapagsolo ng halos kalahating oras ay nag-aya si Eduardo na kumain ng tanghalian sa restaurant at libre nya. Iba talaga kapag doktor.
"Nagustuhan pala ni Ama ang dinala mong kakanin sa bahay. Ayaw lang talaga nyang ipahalata pero naubos nya pag-alis mo."
"Talaga? Dadagdagan ko pa ang dala sa susunod kong pagdalaw."
Magkausap ngayon sila Eduardo at Francisco habang nakikinig lang kami sa usapan nila. Actually, kanina pa nga sila magkachikahan eh. Ang bilis nila maging close. Kaya selos na selos naman itong si Rhys sa tabi ko.
"Hinay-hinay lang naman," bulong ko sa kanya. Ang bilis kasi nya kumain.
"Mukhang ipinagpalit na ako ng isa dyan," kunwaring naiinis nyang sabi habang masama ang tingin kay Francisco.
"Hindi naman ako nagagalit kapag kayo ni Binibining Ysabella ang magkasama ah," banat naman nito.
"Hindi naman si Eduardo si Felicidad."
Natawa na lang kami sa sagutan nila. Yung totoo, tropa lang ba talaga sila? Eh bakit parang may iba sa selosang nagaganap hahahah!
"Hayaan mo na, Alejandro. Hindi ko naman inagaw sa'yo si Ysabella eh. Yung kaibigan mo na lang," sabat ni Eduardo.
Bigla akong napainom ng tubig. Pati sila ay sumeryoso na ang mukha. Iba yung dating ng pagkakasabi nya eh.
"Biro lang." Tumawa sya at natawa na lang din kami.
"Wala na talagang sama ng loob ah?" paninigurado ko sa pabirong paraan.
"Oo nga. Kaya nga ako tumulong sa inyo, hindi ba?"
Tumango na lang ako. Mukha namang sincere sya. At least ay pwede nang mag-ibigan sila Alejandro at Ysabella nang walang nasasaktang ibang tao.
"Salamat nga pala para sa ginawa mo. Mahihirapan talaga kaming maipanalo ang kaso kung hindi natagpuan ang katawan ni Elias," pasasalamat ni Rhys.
"Ginawa ko rin iyon para mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kutsero at iligtas ang bayan sa pamumuno ni Kapitan Felipe. Hindi lang serbisyong medikal ang nais kong gawin para sa Las Tierras. Mahalaga ang magkaroon tayo ng matwid na opisyal at pinuno."
Sumang-ayon kaming lahat sa sinabi nya. Grabe. Kinain ko ang lahat ng pamba-bash na binitawan ko dahil sa ugali ni Eduardo. Maangas at presko lang pala talaga syang magsalita pero hindi matatawaran ang pag-ibig nya para sa bayan at mamamayan. Bukas ang pintuan nya sa pagtulong.
"Lalabas at lalabas ang sekreto ng isang tao gaano man ito kaingat itago. Mayroong nalalaman ng maaga pero ang masaklap ay iyong nakapagdulot na ng malaking pinsala bago pa ito matuklasan," patuloy pa ni Eduardo.
Seryosong-seryoso ang mukha nya. Ewan ko pero parang may gusto syang iparating.
"Mayroon pang isang sekreto ang hindi nabubuksan, hindi ba, Binibining Ysabella? Ginoong Alejandro?"
Nanlaki ang mga mata ko. Ano bang sinasabi nya? Papalit-palit ang tingin nya sa amin ni Rhys at hindi pa rin nagbabago ang kanyang ekspresyon. Bigla kong naalala ang sinabi ko sa kanya na hindi ako si Ysabella noong inamin nya ang pakikipagsabwatan kay Rhys. Shit. Hindi kaya iyon ang tinutukoy nya ngayon? Sineryoso nya kaya ang sinabi ko?
"Hindi nyo ba inisip kung paano nakarating kay Tiyo Joaquin ang tungkol sa lihim ninyong ugnayan limang taon na ang nakalilipas?"
Lahat kami ngayon ay gulat na gulat na nakatingin sa kanya. Ibig sabihin ay sya ang nagsabi kay Don Joaquin? Sandali syang yumuko at huminga ng malalim. Inangat nya ulit ang tingin.
"Malaki ang naging kasalanan ko sa inyo. Hindi lang sa inyo kundi pati na rin sa iyo, Francisco." Lumipat ang tingin nya kay Francisco. "Alam ko na matagal na kayong may pagtingin para sa isa't isa ni Felicidad. Nakita ko ang ipinadala mong liham para sa kanya at sa katunayan ay mayroon din dapat syang ipadadalang liham para sa iyo.
"Pinigilan ko na makarating ito sa inyong dalawa. Wala na akong pakialam kung mali ang isipin ninyo basta't kailangan kong malaman kung ano pa ang inyong itinatago. Ikaw ang naghatid sa akin para matuklasan ang sekretong relasyon nila Alejandro at Ysabella. Matagal na akong nanliligaw sa iyo, Ysabella, at hindi ako basta-basta tumatanggap ng pagkatalo kung kaya't ginawa ko ang lahat upang mapaghiwalay kayo.
"Ngunit hanggang sa huli ay si Alejandro pa rin ang iyong pinili. Batid kong wala talagang pag-asa na makuha ko ang iyong puso kaya umalis na lang ako at nagparaya. Ngunit nagdulot na ng pinsala ang aking ginawa at nangyari ang lahat ng ito dahil sa panghihimasok ko. Sana ay mapatawad ninyo ako."
Tinapik sya ni Francisco sa balikat at walang bahid ng galit dito sa kabila ng pag-amin nya sa kasalanan. Hindi rin ako makaramdam ng poot sa kanya at alam kong gayon din si Ysabella. Kita ang labis na pagsisisi sa mga mata nya.
Siguro nga ay may kasalanan sya at nang dahil sa ginawa nya ay hindi napaghandaan ni Ysabella ang biglang pagkakaalam ni Don Joaquin tungkol sa ugnayan nila ni Alejandro. Pero sa tingin ko ay wala nang kasalanan si Eduardo sa mga nangyari pagkatapos niyon. Dahil lumabas man o hindi ang sekreto nilang relasyon ay hindi nya pa rin magagawang tanggihan ang pagkakasundo sa kanya kay Lorenzo.
"May kasalanan din naman ako, Eduardo. Binalak kong ligawan si Felicidad ng patago kahit dapat ay personal akong umakyat sa inyong tahanan para magpaalam."
"Tama si Francisco, Eduardo. Kami ang naglihim. Sa katunayan ay tama pa nga ang iyong ginagawa," sabi ni Rhys.
Tumingin sa akin si Eduardo at tila gustong marinig ang pagpapatawad ko. Isa sa mga natutunan ko sa buhay ay ang masamang maidudulot ng pag-aalaga ng galit at pagiging madamot sa pagbibigay ng kapatawaran. Hindi rin naman ako perpekto para gawin iyon. Ngumiti ako ng bahagya.
"Pinapatawad na kita, Eduardo."
Pagkatapos kumain ay nauna nang umuwi si Ate Estella sa mansyon. Nagtungo naman kami ni Rhys doon sa bahay na kaloob ni Lorenzo para kila Alejandro at Ysabella. Binuksan namin ang kwarto kung saan naroon ang dapat sanang regalo nya sa araw ng kasal. Ang portrait ni Ysabella na kanyang ipininta ng buong paggiliw.
(Hinding-hindi magsasawang ika'y titigan at iyong kagandaha'y gawin kong isang obra.)
Hindi ko napigilang maluha matapos mabasa ang note na nakalagay sa ilalim ng portrait. Nakita ko lang ito sa panaginip at ngayon ay nasa harap ko na. Sobrang ganda. Naramdaman ko ang pagyakap ni Rhys sa baywang ko mula sa likuran at ipinatong ang baba nya sa ulo ko. Ang tangkad kasi.
"Napunta 'yan sa mansyon ng mga Madriñan, nakatago sa isang kwarto. Medyo may nabago na sa kulay pero maganda pa rin. Mayroong isinulat na liham si Ysabella para kay Lorenzo bago sya nagpatiwakal at itinago nila dyan. Nakita at nabasa ko iyon bago tayo hindi na nakabalik," banggit nya.
"Ipinakita ni Ysabella sa akin ang buong istorya. Mas mahirap saktan ang isang tao lalo na't nakita ko kung gaano kamahal ni Lorenzo si Ysabella. Sobrang sakit. Wala syang kamalay-malay na nagpapanggap lang ako. Na binago natin ang orihinal na takbo ng buhay nila. Magiging pamilya dapat talaga sila kung hindi tayo dumating."
"Sinabi mo na tapos na ang istorya nila Alejandro at Ysabella. Para sa'kin ay natigil lang ang kwento. Nag-pause lang kumbaga. Hindi makatarungan ang nangyari sa kanila. Wala silang nakuhang hustisya at walang istorya ang nagtatapos ng ganun-ganun lang. Kailangan tayong dumating at maging instrumento para maipagpatuloy ito."
Ngayon ay araw ng pamamaalam at pagpapatawad. Dalawang lalaking umiibig kay Ysabella ang tuluyan nang nagparaya. Siguro nga ay tama si Rhys. Ito ay dapat talagang mangyari. Mayroong kailangang bumitaw upang maipagpatuloy ang nahadlangang pagsinta ng dalawang pusong tunay na nakatadhana. Maaaring tapat ang pag-ibig ng lahat... ngunit isa lang ang mangingibabaw at pinakadakila.