Kabanata 16: Istorya

Ako si Ysabella... at ito ang aming istorya.

"Maganda umaga, Binibining Ysabella."

Hindi maalis ang tingin ni Ysabella sa binatang espanyol na bumati sa kanya pagkababa nya ng hagdan. Hindi nito mabitiwan ang abot-taingang ngiti na palagi nitong ginagawa sa tuwing sila ay magkikita. Kilala nya ang binata dahil anak ito ng kanilang Cabeza de Barangay ngunit iyon ang unang beses na makakapag-usap sila.

"Anak, batiin mo si Ginoong Lorenzo," utos ng kanyang Ama na si Don Joaquin.

"M-Magandang umaga, Ginoong Lorenzo," bati nya ng may matipid na ngiti. Nalipat ang tingin nya sa mga kasama nito. "Magandang umaga rin po, Kapitan Felipe at Donya Elvira."

Alam nya kung bakit nasa kanilang tahanan ang pamilya. Kailan lang ay naging malapit ang kanyang Ama sa kapitan. Biglang isang anak na mula sa mayamang pamilya ay hindi na bago ang ganitong tradisyon. Kapalit ng karangyaang tinatamasa ay ang kanyang kalayaan na magdesisyon patungkol sa bagay na ito. Iyon ang araw na pinaka kinakatakot nya.

"Maganda siguro kung bigyan natin sila ng kahit kalahating taon para makilala ang isa't isa," mungkahi ni Donya Eleanor.

"Hmm, ayos lang naman sa akin. Kung gayon ay Abril o Mayo sa isang taon ang ating paghahandaan," tugon ni Kapitan Felipe.

Kasalo nila sa tanghalian ang pamilya Suarez. Tulad ng inaasahan nya, pag-uusapan ang tungkol sa nakatakdang pag-iisang dibdib nila ng Ginoo. Hindi man nya nais ay kailangan na nyang tanggapin ang kanyang kapalaran.

Ilang linggo pa ang lumipas, naging madalas ang pagbisita ni Lorenzo sa kanya. Ikinuwento nito ang tungkol sa hilig sa pagpipinta na tinututulan ni Kapitan Felipe. Dito na rin sa Pilipinas isinilang ang binata kung kaya't sanay ito sa pagsasalita ng wikang tagalog.

Masiyahing tao si Lorenzo at nakita nya ang kabutihang taglay nito ngunit sadyang hindi talaga ito ang lalaking tinitibok ng kanyang puso. Bagama't buo na ang desisyon nyang hiwalayan si Alejandro ay pilit na nagmumulto sa isipan nya ang lalaki. Habang-buhay na nga yata ang kanyang pagdurusa dahil sa pinairal na maling pag-ibig.

Dumaan ang mga buwan. Higit tatlong linggo na lamang ay matatali na sya sa binatang espanyol. Hindi na sya matahimik. Walang gabi na hindi sya umiiyak. Sinubukan nya naman. Alam ng langit kung paano nya pinipilit ang sarili araw-araw na mahalin ito ngunit sadyang may hangganan ang kanyang damdamin. Ang pag-ibig nya para rito ay bilang isang kaibigan lamang.

"Wala ka ba talagang tiwala sa kaya kong gawin para sa iyo, Ysabella? Hindi mo kailangang matakot dahil hinding-hindi ako mawawalan ng lakas para ipaglaban ka. Iyon lang naman ang hinihintay ko, ang sabihin mo na sige, lalaban tayo. Limang taon na akong naghihintay para sa salitang iyon. N-Ngayon ba ay handa ka nang sabihin sa akin ito?"

Muling nabuhay ang komunikasyon nila ni Alejandro. Labis ang kanilang pananabik sa isa't isa. Hindi napigilan ng binatang sabihin ang matagal nang itinatagong saloobin kay Ysabella. Sa muli nilang pagkikitang iyon ay nabuo ang isang desisyon na naging simula ng lahat. Ang kanilang pagtatanan.

Nakarating sila sa bayan ng Milagroso at doon nakilala ang isang matandang babae na nagpakilala sa ngalan na Lola Esperanza. Malalim na ang gabi at malayo na ang kanilang nalalakbay. Hindi na rin maitago ang kanilang hapo kung kaya't hindi sila nakatanggi sa alok nito na tumuloy sa kanyang tahanan. Labis ang kabutihan nito at hindi sila nagdalawang-isip na sabihin sa ginang ang kanilang problema.

"Mayroon akong maiaalok na tulong sa inyo. Iyon ay kung handa kayong magtiwala."

Inilabas ng matanda mula sa paborito nitong lamesa ang isang baraha na sa mga panahong iyon ay blangko pa. Nabuo ang pagtataka sa mga mukha nila.

"Makinig kayo. Hindi ito ordinaryong baraha. Kung ano ang inyong isulat dito at tatakan ninyo ng inyong mga pangalan ay siguradong magaganap."

"A-Ano pong ibig mong sabihin?" ani Ysabella.

"Diktahan nyo ang barahang ito at kanyang susundin. Gusto nyong ulitin ang nakaraan? Maaari. Ngunit inyo bang nasisiguro na magiging malakas na kayo sa ikalawang pagkakataon? O baka mas mabuti kung ipagkakatiwala nyo na lang ito sa ibang tao."

"Umm, s-siguro po ay aalis na kami."

Tumayo na si Alejandro dahil sa pag-aakala na wala ito sa huwisyo pero pinigilan sya ni Ysabella. Nagulat sya nang magtanong pa ang dalaga at tila interesado sa inaalok ng ginang. Unti-unti ay parang nagkakaroon ng saysay at katotohanan ang mga sinasabi nito. Gayunman ay ayaw nya pa rin itong paniwalaan.

"Kailangang maisagawa ang mahika tuwing bagong buwan. Iyon ay sa susunod na linggo. Kung pipiliin nyong bumalik sa nakaraan ay dapat kayong makabalik kung kailan bagong buwan din. Ngunit ito ay panandalian lamang. Kailangan nyong maisagawa agad ang layon dahil pagsapit ng kabilugan ng buwan ay babalik na kayo rito."

"Kapag nagawa namin ang layon ay iyon na ang magiging bagong takbo ng panahon?"

"Gayon nga."

Nabuhayan ng pag-asa si Ysabella. Gusto at handa nyang tanggapin ang ikalawang pagkakataon para mabago ang kanilang kapalaran. Ngunit batid nya na hindi ito magiging madali.

"Tulad nga ng aking iminumungkahi kanina. Baka mas makakabuti kung ipagkakatiwala nyo ang pagkakataon na iyon sa ibang tao. Kahinaan mo ang iyong pamilya, Ysabella. Alam ko na magiging mahirap para sa iyo ang saktan sila."

"S-Sino naman po ang maaaring kumilos para sa amin?"

"Kayo ang hahanap sa kanila. Mga tao na taglay ang pagmamahalan tulad ng mayroon kayo... at hindi magagawang tanggihan ang kanilang misyon."

"Paano po namin sila mahahanap?"

"Kailangan nyong ipagpatuloy ang takbo ng panahon. Sa oras na kayo'y malagutan ng hininga ay mananahan ang inyong diwa sa barahang ito. At sa mga susunod na henerasyon ay inyong matatagpuan ang dalawang taong nararapat."

Minarapat nilang huwag nang ituloy ang planong pagtatanan at tanggapin na lang ang alok ni Lola Esperanza. Nakauwi sila sa kanilang mga tahanan bago magbukang-liwayway at walang nakapansin sa kanilang pag-alis. Muli silang nagtungo sa bundok Milagroso makalipas ang isang linggo upang isagawa na ang mahika.

"Nais nyo bang ako na ang sumulat sa baraha?" tanong ng matanda dahil pansin nito na hindi nakapaghanda ang dalawa.

Sumang-ayon na lamang sila. Pinili nilang sundin ang mungkahi nito na ipagkatiwala sa ibang tao ang misyon. Magkahawak ang kanilang mga palad habang pinagmamasdang isatitik ng pluma ang isang mahabang tula. Sa huli ay itinatak na sa likod ng baraha ang kanilang mga pangalan.

"Pag-ibig na hinadlangan noon,

Maging malaya na kaya ngayon.

Isang pagkakataon para ibangon,

Buhay ng kanilang panahon.

Kapalit nito ay ang dalawang tao,

Katulad nila, may iisa ring puso.

Ako, handang maging instrumento,

Baguhin, takbo ng kanilang mundo.

Sa sandaling humimlay ang katawan,

Makatahan sa kanilang katauhan.

Kung misyon ay mapagtagumpayan,

Isang gantimpala ang makakamtan.

Labing-apat na araw at gabi,

Pagkakataon ay huwag isantabi,

Pagka't mahalaga ang bawat sandali.

Ang sa akin ay babalik din sa huli.

A Vivir Mi Vida Contigo"

"Ang magkasintahan na makakabasa sa tulang iyan ay makapananahan sa inyong katauhan mula sa sandaling ito."

Nagpatuloy ang takbo ng buhay nila Alejandro at Ysabella. Hindi na nila lalabanan pa ang sitwasyon. Tiniis nila ang pangungulila sa isa't isa at nanghawak na lamang sa pag-asa na matatagpuan ang dalawang tao na magpapabago sa kanilang kapalaran.

Lumipas ang limang araw matapos nilang tanggapin ang mahika, biglang gumuho ang mundo ni Ysabella nang matagpuan ang walang buhay na katawan ni Alejandro na lumulutang sa ilog. Ang sabi-sabi sa balita ay nagpakalunod daw ito.

Hindi nya lubos maisip na magagawa nitong kitilin ang sariling buhay. Wala syang ibang sinisisi kung hindi ang kanyang sarili. Sa kabila ng wagas na pag-ibig nito para sa kanya ay nagawa nya itong saktan. Kailanman ay hindi nya ito piniling ipaglaban. Sya ang dahilan ng paghihirap ng damdamin ng binata.

Dali-dali syang nagtungo sa ospital kung nasaan na ang bangkay. Noong mga oras na iyon ay kasama nya si Lorenzo at patungo sana sa kanilang magiging tahanan. Nakita nito kung gaano naapektuhan ang dalaga sa balita. Kung paano sya naglupasay sa sahig habang nakayakap sa katawan ng binatang hindi nito alam kung sino sa kanyang buhay. Doon ito natauhan.

"Mahal mo sya," sambit ni Lorenzo.

Nakasakay na sila ng kalesa palayo sa lugar na iyon. Hindi pa rin maawat sa pagtangis si Ysabella.

"P-Patawad," ang tanging tugon nya.

"Bakit hindi mo ipinagtapat ang tungkol sa inyo?"

"Hin... Hindi maaaring m-malaman ni Ama."

"Kaya pinili mo na lang na maikasal sa akin kaysa ipaglaban ang inyong pag-iibigan. N-Ngayon ay alam ko na kung bakit h-hindi mo magawang tanggapin ang aking damdamin para sa'yo."

Sa unang pagkakataon ay lumuha si Lorenzo na dati-rati ay kay lawak kung ngumiti. Prinotektahan nito si Ysabella at itinago ang sekreto. Natuloy pa rin ang kanilang pag-iisang dibdib. Akala nya ay natatapos na sa pagkamatay ni Alejandro ang kanyang pagdurusa. Ngunit agad pala itong susundan ng pagkamatay ng kanyang pamilya. Hindi na nya malaman kung paano pa babangon. Sunud-sunod ang trahedya.

"W-Wala pa rin po bang balita tungkol sa taong naglason sa kanila?"

"Matalino ang taong nasa likod nito, Ysabella. Mukhang mahihirapan na tayong hanapin ito."

Tatlong araw matapos ang kasal at dalawang araw matapos ilibing ang kanyang pamilya. Walang iba na pwedeng makatulong sa kanya kung kaya't kay Kapitan Felipe sya umaasa sa pag-iimbestiga ngunit tila mailap sa kanila ang hustisya.

"Umm, mayroon pang isang bagay na nais kong talakayin. Lumapit sa akin ang ilan sa inyong mga magsasaka. Idinadaing nila ang kinabukasan ng sakahan. Wala na si Joaquin, wala nang magpapatakbo rito. Kung iyong mamarapatin, a-ako na ang bahalang mamahala sa negosyo."

"Pasensya na po, Ama. N-Nais ko pong ako ang magpatuloy sa pagpapatakbo sa aming lupain. Kakausapin ko na lang po ang mga magsasaka. Hindi ko sila pababayaan."

Noong mga oras na iyon ay nasa hacienda ng mga Suarez si Lorenzo. Pumanhik na si Ysabella sa kanilang silid pagkaalis ni Kapitan Felipe para makapagpahinga. Sya lamang at ang iilan nilang mga kasambahay ang nasa tahanan. Mahimbing na syang natutulog nang bigla syang magising dahil sa taong yumayapos sa kanya. Nabuhay ang takot sa kanya nang makilala ang lalaking iyon. Si Marco, ang pamangkin ni Kapitan Felipe.

Pinagsamantalahan sya nito at tila walang nakaririnig sa kanyang mga sigaw. Matagal at paulit-ulit syang inabuso. Akala nya ay aalis na ito pagkatapos ngunit tinangka pa sya nitong patayin. Mabuti na lamang dahil nagawa nya itong pukpukin ng paso at dali-dali syang nakatakbo palabas ng kwarto. Paulit-ulit syang humihingi ng tulong ngunit wala talagang lumalapit para saklolohan sya.

Nang magkaroon na ulit ng malay si Marco ay dali-dali syang nagkulong sa ibang silid. Hindi na sya nito nagawa pang pasukin nang marinig ang padating na kalesa. Nakauwi na si Lorenzo at laking-gulat nito nang makita ang kalagayan ng maybahay.

Nawala na parang bula si Marco at walang may alam na kahit sino kung saan ito nagpunta. Hindi na malaman ni Ysabella ang gagawin. Sunud-sunod ang pagpapahirap sa kanya ng buhay. Una, ang pagpapatiwakal ng mahal nya. Sunod ay pinatay ang kanyang pamilya. Tapos ngayon, ito. Dinamay kahit ang kanyang pagkababae.

Ano ba ang kasalanan nya para mangyari ang lahat ng iyon sa kanya? Dahil ba sya ay nagmahal ng maling tao? Kung gayon ay kunin na rin ang kanyang hininga. Wala nang saysay para sya'y mabuhay pa.

"Ang daya mo, Alejandro. Nangarap tayo na magsasama habang-buhay... p-pero iniwan mo ako. Iniwan nyo ako nila Ama, Ina, ni Ate Estella. Sobrang hirap. Ayaw ko na. Hindi ko na kaya pang mabuhay. K-Kung naririnig nyo ako, p-patawad. Hindi na ako lalaban. Isama nyo na ako diyan sa langit."

Nagtungo sya sa ilog kung saan sinabing nagpakalunod si Alejandro. Dito na nagwakas ang paghihirap ng binata at dito na rin nya wawakasan ang kanyang buhay. Sa trahedya man magtatapos ang lahat, masaya syang makakasama ulit ang kanyang mga minamahal. Tumingala sya sa langit kasabay ng unti-unting paglusong sa tubig. Dahan-dahan syang pumikit.

* * *

"Ysabella! Hindi. Pakiusap. 'Wag mo akong iwan."

Nagising sya sa mga bisig ni Lorenzo. Ayaw maghumpay sa pagtangis ito habang nakahalik sa kanyang mga kamay. Parang biglang nagbago ang ihip ng hangin. Hindi nya maunawaan ang kakaibang naramdaman nang makita ang mukha ng asawa.

Lumuha sya. Sa unang pagkakataon ay tila humipo sa kanyang puso ang bagay na matagal nang ipinagdadamot para rito. Iniligtas sya nito at binigyan ng pangalawang pagkakataon. Nadama nyang muli ang pag-ibig at pag-asa.

"Nais ko sanang ipakita ito noong araw ng ating kasal ngunit maraming nangyari at hindi ko alam kung magagawa ba nitong ibisan ang iyong dinadala. Ikaw ang aking inspirasyon kung kaya't hindi ko binitawan ang pagpipinta. Sana ay napasaya ka ng aking munting regalo, asawa ko."

Sa isang silid ng kanilang tahanan ay nakatago ang pintang obra na ginawa ni Lorenzo para kay Ysabella. Gumuhit ang ngiti sa kanyang mga labi nang makita ang kanyang larawan. Matagal na panahon na mula nang huli syang makadama ng saya tulad nito. Hindi mapipintasan ang kakaibang talento na mayroon ang asawa nya sa sining.

"Maraming salamat."

"Gagawin ko ang lahat para sa'yo. Mahal na mahal kita, Ysabella."

"Mahal din kita, Lorenzo."

Hindi magagawang limutin ng tao ang kanyang dakilang pag-ibig ngunit kaya nito na muling buksan ang puso para sa iba. Nagbunga ang kahalayang ginawa ni Marco, gayunman ay kanila pa rin itong tinanggap. Tinulungan ni Lorenzo si Ysabella na limutin ang mapait na nakaraan. Namuhay sila ng mapayapa at biniyayaan ng tatlong mga supling matapos ipanganak ang panganay na si Florencio.

Dalawang dekada ang lumipas. Akala nila ay tuluy-tuloy nang matatahimik ang kanilang buhay ngunit muling gumuho ang lahat nang magbalik ang isang tao na matagal nang nilimot ni Ysabella. Si Marco. Dumalaw syang mag-isa sa mga kamag-anak at nakita nya itong naninirahan sa Laguna kung saan tubo ang lahi ng mga Madriñan. Kaagad nya itong ipinadakip.

Ipinagtapat nito sa kanya ang lahat. Kung paano plinano ni Kapitan Felipe ang paglason sa kanyang pamilya hanggang sa tangkang pagpatay sa kanya. Noong hindi ito nagtagumpay na patayin sya ay agad itong umalis ng Las Tierras at nagpakalayo-layo.

Matagal nang nakaalis ng bansa ang kapitan at bumalik na sa Espanya nang matalo sa giyera laban sa mga Amerikano. May nasabi rin ito tungkol sa isang lalaki na nahuling umaaligid sa hacienda at kanilang itinapon sa ilog matapos lasunin para palabasin na nagpakalunod. Si Alejandro.

Hindi sya makapaniwala sa mga nalaman. Buong buhay nya ay naniwala syang iniwan sya nito. Wala na yatang mas sasakit pa sa katotohanang namatay ito para mailigtas sila ng kanyang pamilya. Nagbalik ang lahat ng sakit na tila kahapon lang.

"Anong pakiramdam, Binibini, este, Donya Ysabella? Pinagkatiwalaan mo ang taong sya palang tumatarantado sa pamilya mo. Nakaalis na sya ng bansa at wala kang napala dahil sa kanya ka kumapit. Nakakatawa. Hindi ko inakala na nabulag ka ng ganyan katagal sa tunay nyang kulay. Tsk tsk."

"Hindi ko nabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng aking pamilya... pero kaya pa kitang pagbayarin sa ginawa mo sa akin! Magbabayad ka!" hindi maawat ang kanyang pagluha.

"Mabuti naman at tinanggap ka pa ni Lorenzo. Tss. Hibang na hibang talaga sa'yo ang pinsan kong iyon."

Sinampal nya ito at kagyat na umalis sa kalaboso. Makalipas ang ilang araw ay bumyahe na sya pabalik ng Las Tierras. Ang huli nyang balita ay napatawan na ito ng kamatayan.

Muling nanariwa ang mga sugat ng kahapon. Tila natabunan lamang ng panandalian ang sakit at nandyan pa rin pala. Maging hanggang sa kanyang panaginip ay dinadalaw sya ng alaala ng mapait na nakaraan. Naglahong muli ang saysay ng kanyang buhay.

Hindi na nya matiis ang pangungulila sa pamilyang nawala at sa pag-ibig na hindi kayang mawakasan kahit pa ng kamatayan. Siguro ay sapat na ang lahat ng kanyang paghihirap bilang kabayaran sa naging pagkakasala sa pag-ibig. Oras na upang hanapin ang isang pagkakataon at muling ibangon ang buhay ng kanilang panahon.

(Mahal kong Lorenzo,

Patawad kung hindi ko na matutupad ang iyong pangarap na magkasama tayong tatanda. Hindi ko matanggap ang mga nalaman ko tungkol sa taong pumatay sa aking pamilya. Nagkita kami ni Marco sa Laguna at sinasabi nya na si Kapitan Felipe ang gumawa ng lahat. Hindi ko gustong magkasira kayo ng iyong Ama. Hindi ko na kaya pang tiisin. Masyado nang masakit.

Gusto kitang pasalamatan sa lahat ng ginawa mo para sa'kin. Salamat dahil iniligtas mo ako mula sa kamatayan at binigyan mo ng panibagong pag-asa. Hindi ko man naibigay sa'yo ang pagmamahal na karapat-dapat mong matanggap, maniwala ka, minahal kita sa abot ng aking makakaya. Salamat din dahil tinanggap mo si Florencio bilang sarili mong anak. Lorenzo, ikaw ang pinakamabuting tao na nakilala ko. Wala kang tinitignang kapintasan.

Alagaan mo ang iyong sarili at ang ating mga anak. Hindi ko na makikita na magkaroon sila ng sariling pamilya. 'Wag nyo sanang isipin na wala akong pag-ibig para sa inyo. Mahal na mahal ko kayo ngunit hanggang dito na lang ang kaya kong labanan. Huwag mo sanang ihihinto ang pagpipinta kahit ako'y wala na. Sinabi mo na ako ang iyong inspirasyon dito. Masaya akong malaman iyon ngunit sana ay gawin mo na ito para sa iyong sarili at hindi para sa akin. Paalam na, asawa ko.

- Ysabella)