Kabanata 15: Hatol
Erika's POV
Pumikit ako kasabay ng pagtulo ng luha ko. Hindi ko na maitatago pa ang katotohanan.
"S-Si Ginoong Alejandro... ay dating kasintahan ko."
Nag-ingay ulit ang mga tao. Dali-dali akong bumalik sa pagkakaupo pero bago ako tumalikod ay nagtama ang paningin namin ni Lorenzo habang may dumadaloy na luha sa mga ito.
"Dating kasintahan? O baka naman hindi naputol ang ugnayan ninyo kahit nakatakda ka nang ikasal kay Ginoong Lorenzo Suarez?" banat ng abogado nila.
"Inilalayo mo ang usapan!" sabat ni Crisostomo.
"Hindi ko inilalayo ang usapan. Gusto ko lang ipakita kung ano ang motibo nila para siraan ang kapitan. Gumawa sila ng kwento. Pinapalabas nila na gusto silang patayin ni Kapitan Felipe pero ang totoo ay gusto lang nilang pigilan ang nakatakdang kasal para silang dalawa ang magsama."
"Tumahimik ka! Kitang-kita ko kung paano tinangkang pagsamantalahan ni Marco ang anak ko!"
Bigla akong napatayo dahil sa sinabi ni Don Joaquin. Umiling ako pero huli na. Gulat na napatingin sa kanya si Ina at hindi makapaniwala sa narinig. Gayon din ang reaksyon ni Crisostomo at ng mga nanonood. Nahimasmasan na si Ama at maging sya ay nabigla sa kanyang nasabi. Napapikit na lang ako. Hindi maaari. Wala na dapat iba pang makaaalam ng tungkol doon bukod kay Ate Estella.
"Totoo ba iyon, Binibining Ysabella?" gulat na tanong ng hukom.
Para akong nawalan ng pakiramdam. Hindi na kaya ng mga binti ko. Buti ay agad akong nakahawak sa sandalan ng upuan at mabilis na nasalo ng mga Guardia Civil bago pa ako bumagsak sa sahig. Dinala nila ako pabalik sa tabi ni Rhys. Puno pa rin ng gulat ang mga mukha nila.
"M-Mukhang hindi na po kaya pa ni Binibining Ysabella ang magsalaysay. Maaari po bang pumalit na ang saksi?" rinig kong hiling ni Crisostomo.
Pumayag naman ang hukom. Sunod na dinala sa harap si Alberto. Hindi na magsasalaysay si Rhys dahil mahina pa ang kanyang katawan at pareho lang kami ng magiging pahayag.
"A-Ako po si Alberto. Nagtatrabaho po ako bilang kutsero at magsasaka sa hacienda ng mga Suarez. T-Totoo po ang mga sinabi ni Binibining Ysabella. Nasaksihan ko po ang kanilang naging pagtatalo ni Kapitan Felipe. Sinabi po ng kapitan na hindi sya makapapayag na agawin ni Don Joaquin sa kanya ang posisyon sa gobyerno. Totoo po na pinatay nya ang kasamahan kong kutsero. Hindi ko po alam kung saan nila ito nilibing. Tubong Bulacan po si Elias at h-hindi pa nakararating sa pamilya nya ang tungkol sa kanyang sinapit."
Matapos magsalaysay ni Alberto ay sandaling itinigil ang paglilitis. Rinig ko ang ilang beses na pangungulit ni Donya Eleanor kay Don Joaquin na ikwento ang nangyari sa akin pero nanatiling tikom ang bibig ni Ama. Mayamaya ay bumalik na ang hukom. Sa pagkakataong ito ay si Kapitan Felipe na ang magsasalita. Inaasahan na namin na babaligtarin nya kami. Malakas sana ang laban namin kung maipapakita ang bangkay ni Elias ngunit hindi ito natagpuan nila Ama noong nagsiyasat sila sa hacienda ng mga Suarez.
"Ang anak kong si Lorenzo ang humiling na kausapin ko si Joaquin para ipagkasundo sya sa anak nitong si Binibining Ysabella. Mabilis naman kaming nagkasundo. Iyong mga alak na inangkat ko mula Italya ay gagawin ko sanang sorpresa sa araw ng kasal. Hindi ko inasahan na gagamitin nila iyon upang gumawa ng kwento. Hindi nila sinabi na mayroon palang naging kasintahan si Binibining Ysabella at ngayon ay kakampi nya pa ito sa paninira sa akin.
"Hindi totoo na balak ko silang patayin. Oo, binihag ko ang kalaguyo ng Binibini. Nagalit ako dahil sa ginawa nyang pagtataksil sa anak ko pero hindi iyon dahilan para patayin ko sila. Gusto ko lang sanang hintayin ang pagdating ni Lorenzo upang iharap mismo sa kanya ang lalaki ng mapapangasawa nya. Nagkamali ako ngunit higit na mabigat ang naging kasalanan nila."
Lumingon sya sa amin at nagbato ng nanunuyang tingin. Kita sa mga mata nya ang galak dahil sa pagkakataong ito ay mukhang nakukumbinsi nya ang hukom. Hindi kami pwedeng matalo.
Tumayo na si Crisostomo para sya naman ang magtanong kay Kapitan Felipe. Napapailing at napapangisi syang lumapit dito at tila nang-iinis. Akala ko ay mawawalan na sya ng pag-asa. Sobra akong humanga sa galing nya bilang abogado.
"Hindi lang ba ako ang nagtataka? Kung hindi nyo nga sila tinangkang patayin, paano natamo ng Ginoo ang tama ng baril sa kanyang braso? At ano ba ang planong gawin ng mga tao mo sa kanila sa taniman ng niyog na malayo na sa inyong mansyon? Eh iyong tungkol kaya sa pagkamatay ng kutserong si Elias, itatanggi mo rin ba na ikaw ang gumawa niyon, Kapitan?" Sobrang natural ng confused facial expression nya habang nagsasalita.
"Hindi ko alam kung saan nagpunta si Elias. Nagpaalam lang sya sa akin at hanggang ngayon ay hindi pa sya bumabalik. Bakit hindi mo tanungin si Binibining Ysabella kung paano sila napunta sa taniman ng niyog dahil sa tangka nyang pagtakas kasama ang kanyang kalaguyo? Pinasundan ko sila sa mga tao ko. Nanlaban daw ang binata at tinangka silang barilin kaya napilitan silang barilin din ito."
Isinara ko ang mga kamao ko dahil sa sobrang galit. Talagang planado nya ang lahat ng sasabihin. Wala kaming maipakitang ebidensya at hindi ko na alam kung kaya ba naming manalo.
Bigla kaming natigilan at napalingon sa likuran nang bumukas ng malakas ang pinto. Nanlaki ang mga mata ko nang makita si Eduardo na pawisan kasama ang apat na Guardia Civil. Mabilis silang naglakad papunta sa harapan pero hindi ko sila nasundan ng tingin dahil napako ang mga mata ko sa taong naiwan sa likod.
Si Lola Esperanza. Nakatitig sya sa'kin. Ang kanyang ngiti ay tila naghahatid ng magandang balita. Pumasok sya sa loob ng hukuman at umupo kasama ng mga nanonood. Anong nangyayari?
"A-Aming kagalang-galang na hukom, n-natagpuan na po namin ang b-bangkay ng kutsero," hinihingal na balita ni Eduardo.
Nanlaki sa gulat ang mga mata ni Kapitan Felipe. Rinig ko ang nabuhay na saya sa mga taong nasa panig namin pero nanatili lang akong tulala.
"Nahukay po namin ito sa bundok ng Milagroso. Mayroon pong isang mamamayan na naninirahan malapit doon ang nakakita sa ginawang paglilibing ng mga tauhan ng kapitan sa katawan nito. Bukod doon ay natagpuan po ang likodong ito ng mga Guardia Civil sa hacienda ng mga Suarez. Sinuri ko pong mabuti. Isa po itong lason," saad nya at inilapag sa mesa ng hukom ang isang maliit na bote.
Lumingon ako kay Lola Esperanza. Alam kong sya ang taong tinutukoy ni Eduardo. Ngumiti sya sa akin at unti-unti na rin akong napangiti. Akala ko ay magiging madamot na sa'min ang hustisya pero heto, dumating pa rin. Better late... than very late.
"Sa ngalan ng mababang hukuman ng bayan ng Las Tierras, pinagtitibay ng kataas-kataasang hukuman ng bansang Pilipinas, Imperyong Kastila. Ang mga nasasakdal sa pangunguna ni Kapitan Felipe ay napatunayan at walang dudang sumuway sa batas moral dahil sa pagpatay sa kutserong si Elias at sa pag-utos sa kanyang mga tauhan na patayin sina Ginoong Alejandro Tangonan at Binibining Ysabella Madriñan.
"Bukod doon, si Ginoong Marco Suarez kasama ang apat na guardia personal ay sumuway din sa batas pangkababaihan dahil sa tangkang panggagahasa. Kayong lahat ay pinapatawan ng parusang... kamatayan," hatol ng hukom sabay pukpok sa maso.
Nanlaki ang mga mata ko sa gulat at biglang napatayo nang marinig ang salitang kamatayan. Ano?! Papatayin sila?! Akala ko ba ay ipapatapon lang sila sa malayo?
Umalingawngaw sa buong silid ang iba't ibang emosyon ng mga tao. Sa mga iyon ay nangibabaw sa pandinig ko ang pagtangis ng mga pamilyang maiiwan ng kanilang mahal sa buhay. Tila naestatwa ako sa kinatatayuan habang pinagmamasdan ang tahimik na pagluha ni Lorenzo at pagtapik sa likod ng kanyang Ina. Nakayuko lang sila Kapitan Felipe at Marco at parang walang nararamdaman sa kanilang parating na kamatayan.
Biglang tumulo ang luha sa mga mata ko nang tumingin sa akin si Lorenzo. Gusto ko syang lapitan at ramdam ko na iyon din ang kanyang hinihintay. Bakit ganun? Sa kabila ng nangyari at nakatakdang mangyari ay wala akong makitang galit sa mga mata nya.
* * *
"Mas mabuting ipasyal nyo muna ang kapatid mo."
Nasa labas na kami ng hukuman. Nag-uusap sina Ate Estella at Ama sa tabi ko habang nakakapit naman si Ina sa braso ko. Unti-unti nang nauubos ang mga tao.
Sa 'di kalayuan ay natatanaw kong inaalalayan nila Francisco at Tito Emiliano si Rhys patungo sa kalesa kung saan naghihintay si Tita Laura. Tumingin sya sa akin at agad naman akong umiwas ng tingin. Kanina ko pa tinatanggihan ang hiling nya na mag-usap kami. Masama pa rin ang loob ko dahil sa paglilihim nya kahit pa ginawa nya lang iyon para sa akin.
"Ysabella," napalingon ako nang tawagin ni Ama. "Mamasyal muna kayo ng Ate mo. Mauuna na kami sa bahay."
Tumango na lang ako. Alam ko naman na marami syang gustong ipaliwanag kay Ina. Kailangan ko ring maglibang at huminga. Nirecruit ni Ate Estella si Crisostomo at ang tatlong maria sa paglilibot namin. Niyaya rin nya si Eduardo pero tumangging sumama. Pasakay na sana kami ng kalesa nang lumapit si Francisco at may inaabot na sulat mula kay Rhys.
"Alam mo, hindi ko kayo maintindihan. Sinabi nyo na ayaw nyong matuloy ang kasal. Ngayong napigilan nyo na, ayaw nyo namang mag-usap."
"Kumilos sya ng hindi nagsasabi sa akin. Tignan mo ang nangyari dahil sa ginawa nya."
"Hay. Ang hirap ng may pag-ibig."
Tinarayan ko na lang sya. Sarap lang balatan ng buhay. Buti hindi nahawa sa kabugukan nya si Alejandro.
"Alam mo, sumama ka na sa'min. Maglilibot kami," para naman may aalipinin ako ngihihihi.
Biglang nagningning ang mga mata nya. Sa huli ay nahikayat ko syang umanib sa kulto. Nakarating kami sa plaza. Naalala ko mula sa memory ni Ysabella na naging kaibigan din sya nina Adelia, Carolina, at Felicidad pero natigil iyon noong pinagbawalan ni Don Joaquin si Ysabella na lumapit kay Alejandro at naging sekreto na lang ang pagkikita nilang dalawa.
Habang naglilibot kami ay napansin ko ang pasimple at maya't mayang pagsulyap ni Francisco kay Felicidad. Tingin lang talaga sya ng tingin dito at hindi nya kinakausap. Shuta. Dakilang torpe pala ang kaibigan ni Alejandro. At least ay alam ko na kung sino ang love of his life. Parang trip kong i-ship ang dalawa wews.
Kasalukuyan kaming kumakain ng mga kakanin at ihaw-ihaw. Nakaupo kami sa pabilog na lamesa. Katabi ko sa kanan si Ate Estella at sa kaliwa naman si Felicidad. Katabi naman ni Felicidad si Adelia then si Carolina. Katabi ni Ate si Crisostomo then si Francisco. Sobrang hinhin ngayon ng pagkain ni Francisco dahil katapat nya si kras. Paano ko kaya sisimulan ang pambubugaw?
"Ay!"
Nagulat kami nang biglang sumigaw si Felicidad. Pagtingin ko ay natuluan pala ng sawsawan ang damit nya. Nanlaki ang mga mata naming lahat nang maganap ang mas nakakagulat. Bigla kasing tumayo si Francisco at dali-daling nag-abot ng panyo kay Felicidad.
Nagkatitigan silang dalawa. Halos nakanganga lang kami habang pinapanood kung paano unti-unting nabuo ang hiya sa mga mukha nila at dahan-dahang kinuha ni Felicidad ang panyo sa kamay ni Francisco. What the f.
"Sana all," kinikilig na sabi ni Ate Estella.
At dahil doon, bigla tuloy akong natawa. Grabe ang sarap sa pandinig. Feeling ko tuloy ay nasa modernong panahon pa rin ako dahil sa kanya. Bet na bet nya talaga yung mga tinuro ko hahahah!
"A-Ano yung sana all?" nagtatakang tanong ni Crisostomo.
Nagkatinginan kami. Sa huli ay sabay na kaming natawa.
"Wala. Sa amin lang 'yon ni Ysabella," sabay kindat sa akin.
"Ano nga ang ibig sabihin?" pangungulit nito.
"Sabi ko, sana lahat."
Napangiti naman si Crisostomo. Dali-dali nyang kinapa ang bulsa nya at naglabas ng panyo. Hinawakan nya ng isang kamay ang likod ng ulo ni Ate at masuyong ipinunas ang panyo sa labi nito gamit ang isa pang kamay. Dahil doon ay nagtilian tuloy kami. Ano ba! Ang lalandi nyo!
"Tigilan mo nga 'yan. Ang daming tao," pabebeng suway ni Ate sabay hampas sa braso ni Crisostomo.
"Sabi mo, sana all eh," matawa-tawa nyang dahilan. "Francisco, mag-usap tayo mamaya."
Nahihiyang napakamot sa ulo si Francisco at nagkatinginan sila ni Felicidad na nahihiya rin. Lagot ka ngayon sa Kuya nya bwahaha!
Ibinalik ko ang tingin kila Crisostomo at Ate Estella. Ang angas kanina ni Crisostomo sa hukuman tapos ngayon ay parang teenager sa lambing.
Bigla kong naisip, ano kaya ang nangyari sa kanya noong namatay si Ate Estella sa original timeline? Nakahanap kaya sya ng bagong pag-ibig? Nagsisisi tuloy ako dahil inisip kong isakripisyo si Ate Estella pati na rin sila Ama at Ina para mailigtas si Rhys kay Kapitan Felipe. Ang selfish ng desisyon na 'yon. Pakiramdam ko ay ang sama ko.
"Magandang araw."
Biglang sumulpot sa harap namin si Manolo Flores. Tuwang-tuwa syang sinalubong ni Carolina. Napatingin ako sa paligid ko. So lahat sila ay may partner na maliban sa amin ni Adelia. Nagkatinginan kami. Alam na this. Dahan-dahan naming pinag-abot ang mga kamay namin habang nakagitna sa amin si Felicidad. Sa huli ay kami na lang ang nagholding hands. So sad.
Nakauwi na kami sa mansyon at ngayon ay tulala akong nakatingin sa kisame habang nakahiga. Ngayon ay ang ikalabindalawang araw at gabi ng pamamalagi namin dito. Mayroon pa kaming higit dalawa't kalahating araw. Sa maikling panahon na 'yon, ang dami nang nangyari. Parang dati ay gigising ako isang araw at maghapon lang akong nagce-cellphone dahil wala akong magawa. Ito na ang pinaka memorable kong adventure.
Bigla kong naalala ang ipinaabot na sulat para sa akin ni Rhys. Dali-dali akong bumangon paupo at inilabas sa bulsa ng saya ko yung papel.
('Nget, sorry talaga. Please, magkita tayo. Pupuntahan kita sa bahay nyo bukas. Kausapin mo na sana ako. Konting panahon na lang ang mayroon tayo para magkasama. Mahal na mahal kita.)
Hindi na yata ako sanay na panget ang tawag nya sa akin. Naglakad ako patungo sa table drawer at humarap sa salamin. Marahan kong inangat ang kamay ko at hinawakan ang reflection ng mukha ni Ysabella rito.
"Alam ko naryan ka at naririnig mo ako ngayon. Ysabella, pinakinggan kita. Pinili kong magtiwala sa'yo kahit nasa harapan ko na ang consequence. 'Wag mo sana akong biguin. Si Rhys lang hinihiling ko."
Mayamaya ay kumatok si Ama at pumasok sa kwarto ko. Gusto nya raw akong makausap.
"Kumusta na ang iyong pakiramdam?"
"Ayos na po, Ama. Pero... yung tungkol po kila Kapitan Felipe at Marco, bakit po kamatayan ang ipinataw na parusa sa kanila?"
"Marahas ang sistema ng mga kastila. Bukas ay babyahe sila pa-Maynila upang iharap sa Gobernador-Heneral. Nagdududa ako kung itutuloy nito ang parusa dahil mga espanyol din ang mapapatawan ng kamatayan. Hindi na iyon mahalaga. Ang importante ay hindi na sila makakaapak ulit ng Las Tierras."
Napabuntong-hininga na lang ako. Hindi ko rin gusto na mamatay sila. Oo, tinangka nila kaming patayin pero hindi iyon dahilan para gustuhin kong sila ang makaranas ng kamatayan.
Ikinuwento ni Ama na nasa Espanya ang mga magulang ni Marco. Nag-aaral ito sa Maynila at nandito lang sya sa Las Tierras para magbakasyon. Balak ding makipag-areglo ng mga magulang nya sa Gobernador-Heneral kaya aabutin ng buwan ang desisyon.
"Alam ko kung saan nanggagaling ang galit sa akin ni Felipe. Matagal na akong nais ihalal ng Gobernadorcillo bilang Cabeza de Barangay at maging kapalit nya sa pwesto. Wala akong balak na maging alagad ng Espanya."
Gosh. Kaya pala ganun na lang ang galit ni Kapitan Felipe sa pamilya namin. Pero wala naman syang dapat ikagalit dahil hindi naman pala gusto ni Ama na maging opisyal.
"Kailangan na ring umalis ni Lorenzo," dagdag ni Don Joaquin at gulat akong napatingin sa kanya. "Alam ko na mayroon kayong pinagsamahan kahit paano. Kaya hindi kita pipigilan kung gusto mong makapagpaalam sa kanya."
Naluluha akong napangiti at dali-dali syang niyakap. Naramdaman ko rin ang pagyakap nya.
"Umm, tungkol pala kay Alejandro." Kumalas na kami. "Pansin ko na parang hindi kayo magkasundo. May hindi ba kayo pagkakaunawaan?"
"H-Hindi ka po ba galit dahil... lihim kaming n-naging magkasintahan?"
"Anak." Ngumiti sya at ipinatong ang kamay sa balikat ko. "Mahirap maging magulang. Sa bawat desisyon ko, lagi kong iniisip kung ano ang sa tingin ko ay makakabuti para sa pamilya. Pero bilang tao, nagkakamali rin ako bilang Ama. Isa sa mga pagkakamali ko... ay ang ginawa ko sa inyo ni Alejandro. Alam mo kung ano ang natutuhan ko? Hindi sa lahat ng oras ay tama ang isang Ama o Ina. Darating sa punto na tuturuan ng anak ang magulang. Iyon ang ginawa mo, Ysabella. Tinuruan mo ako."
Mabilis na nabuo ang luha sa mga mata nya. Hinawakan ko ang kamay nya na nasa balikat ko. Nagpalitan kami ng ngiti. Sinabi ko noon na ang malas ko sa pagkakaroon ng tatay. Napuno ng galit ang puso dahil sa nagawa ni Papa.
Hindi ko inisip kung gaano sya nahihirapan sa sitwasyon. Kung gaano kahirap para sa kanya ang tustusan kami ni Mama. Naging desperado sya kaya nya nagawang magsugal. At imbis na unawain ko sya, ipinamukha ko pa sa kanya na wala syang kwenta. Nasaktan ako sa pagkawala ni Mama pero higit na masakit para sa kanya ang nangyari.
Papa, hindi ko man masabi ito ngayon sa'yo pero napatawad na kita. Sana ay mapatawad mo rin ako. Kinailangan pang mapunta ako sa panahong ito at may mangyaring masama sa'yo bago ko na-realize ang mga pagkukulang ko bilang anak. Hindi pa huli ang lahat. Babalik ako at pangako, magsisimula tayong muli. Mahal kita, Papa.