Kabanata 14: Hukuman
Erika's POV
Bigla akong napabangon sa kama nang makarinig ng sigawan mula sa labas. Rinig ko ang galit na boses ni Don Joaquin. Dali-dali akong lumabas ng kwarto. Sumalubong sa akin si Ate Estella sa hagdanan at hinihingal sya.
"Anong nangyayari?"
"N-Nasa labas si Lorenzo!"
Para akong aatakihin sa puso. Agad akong tumakbo pababa at narinig kong sumunod na rin sya. Paglabas ng mansyon ay natanaw ko sila sa gate. Nakaluhod si Lorenzo sa harap ni Ama at nasa medyo malayo naman si Ina. Oh, no. Baka masaktan sya. Dali-dali akong tumakbo palapit.
"Dyan ka lang, Ysabella!" suway sa akin ni Ama.
"Y-Ysabella," sinubukang tumayo ni Lorenzo at lapitan ako pero bigla syang tinulak ni Ama at napahiga sya sa lupa.
"Tama na po!"
Pinigilan ako nila Ina at Ate Estella na lumapit pero hindi ako nagpaawat. Kumalas ako. Rinig ko ang pagtawag nila nang bigla akong tumakbo palapit kay Lorenzo at lumuhod sa tabi nya.
"Ysabella, umalis ka dyan!"
"H-Hayaan mo po akong makausap sya. P-Pakiusap, A-Ama."
Hinila ako ni Don Joaquin pero hindi ako nagpatinag. Sa huli ay binitawan na nya ako at tumingin sa akin ng seryoso.
Paglingon ko kay Lorenzo ay nakabangon na sya at nakabalik na sa pagkakaluhod. Hinawakan ko sya sa balikat. Umubo sya ng maraming beses dahil sa malakas na pagtama ng likod sa sahig. Nakakaawa syang tignan. Sobrang nakakadurog ng puso ang makita syang umiiyak.
Nagtama ang mga mata namin. Kita ko ang namuong saya sa mga ito pagkatapos ay gumuhit ang matipid na ngiti sa kanyang mga labi. Hindi dapat sya ang nakaluhod at nahihirapan. Wala syang kasalanan sa amin pero sya ang nagmamakaawa dahil sa ginawa ng kanyang ama.
"Tapusin mo na ang ugnayan sa lalaking iyan," madiing sabi ni Don Joaquin tyaka tumalikod sa amin.
Dismayado syang naglakad papunta sa mansyon. Nakatingin lang sa'kin sila Ina at Ate Estella. Mayamaya ay sumunod na rin sila kay Ama. Tumayo na ako at inilahad ang kamay kay Lorenzo.
Tumingala sya sa'kin habang patuloy pa rin sa pag-agos ang luha. Yumuko na ako para tulungan syang tumayo pero nagulat ako nang bigla nyang hawakan ang kamay ko at idikit sa kanyang mukha.
"Patawad, Ysabella. Nalaman ko ang g-ginawa sa'yo nila Ama at Marco. H-Hindi ko alam ang plano nila. Bigyan mo pa ako ng pagkakataon. Hindi ko kayang mawala ka. Mahal na mahal kita. P-Pakiusap," pagtangis nya.
Hindi ko mapigilan ang pagpatak ng luha ko. Lumuhod ulit ako at niyakap sya. Ayaw ko syang saktan. Marami syang pangarap para sa kanila ni Ysabella pero wala na akong dahilan para ituloy pa ang kasal.
"Makinig ka sa akin, Lorenzo." Kumalas na ako sa yakap at hinarap sya. "Alam ko na mabuti kang tao at hindi mo ako magagawang saktan pati ang pamilya ko. Masaya ako dahil nakilala kita. At salamat dahil minahal mo ako. Mahal din kita... p-pero... h-hindi lang siguro talaga tayo para sa isa't isa."
Bigla nyang ipinulupot sa baywang ko ang mga braso nya at nakasubsob na umiyak sa tiyan ko. Ramdam ko ang unti-unting pagkabasa ng damit ko dahil sa luha nya.
Tumingin ako sa paligid at nanlaki ang mga mata ko nang makitang naglalakad si Alberto palapit sa lugar namin. Nagkatitigan kami. Hindi ko napansin kanina na nakaparada pala ang kalesa nya sa gilid. Marahil ay sya ang nagkwento kay Lorenzo tungkol sa nangyari.
"Halika na po, Ginoong Lorenzo." Sinubukan nyang patigilin si Lorenzo sa pangyayapos sa akin pero mas lalo lang nitong hinigpitan ang kapit.
"Pakasalan mo ako. Sabihin mo na gusto mo pa rin akong makasama. Pakiusap, Ysabella," sumamo nya habang nakasubsob pa rin ang mukha sa tyan ko.
"H-Hindi na pwede, Lorenzo. Ayaw kong suwayin si Ama. P-Patawad."
Walang awat sa pagpatak ang luha ko habang sapilitang inaalis ang mga braso nya sa akin. Kinabig sya ni Alberto at naglakad na ako palayo bago pa sya makawala. Sobrang sakit na marinig ang paulit-ulit nyang mga sigaw na bumalik ako.
Rinig ko pa rin ang boses nya hanggang sa loob ng mansyon. Nagpapanggap lang ako, paulit-ulit kong sinasabi sa isip. Hindi ako si Ysabella na totoong mahal nya... pero bakit hindi ko maiwasang masaktan?
"Ysabella," sinalubong ako ni Don Joaquin sa salas. "Tama lang ang ginawa mo," tyaka ako niyakap.
Tumayo mula sa pagkakaupo sila Donya Eleanor at Ate Estella. May awa sa mga tingin nila habang marahan na tumatango. Nagawa ko ang bagay na hindi nagawa ni Ysabella. Ang dahilan kung bakit kami narito. Nagawa kong pigilan ang kasal. Nagawa ko ang misyon.
Kumalas na si Ama at hinarap ako. Napatitig ako sa kanya. Parang may gusto syang sabihin. Tinapik nya ako sa balikat.
"Alam ko na naitanong ko na ito sa'yo noon. Sa pagkakataong ito, gusto ko na sagutin mo ako ng tapat," ngumiti sya ng bahagya. "May nararamdaman ka ba para kay Ginoong Alejandro?"
Biglang nagsink in sa isip ko ang araw na tinanong iyon ni Don Joaquin kay Ysabella. Noong nalaman nito ang tungkol sa lihim na pagkakaibigan nila ni Alejandro higit limang taon na ang nakalilipas.
"May nararamdaman ka ba para sa lalaking iyon?!"
Napayuko si Ysabella. Nanginginig dahil sa takot ang kanyang buong katawan at kahit pa pigilan ang pagpatak ng luha ay hindi na ito maawat pa sa pagbuhos. Marahan syang umiling.
"W-Wala po, Ama. M-Magkaibigan lang po k-kaming dalawa."
"Hindi ko gusto na napapalapit ka sa katulad nya. Mabuting itigil mo na rin ang pagkakaibigang iyon. Bigyan mo ng pansin si Eduardo. Matagal na syang nagpapaalam sa akin para ligawan ka. Mas matatanggap ko pa kung sya ang nakakasama mo."
May isang pagkakataon sya para umamin at magsabi ng totoo. Isang pagkakataon para ipaglaban ang pagmamahalan nila ni Alejandro... pero hindi nya ginawa. Ang isang pagkakataon na iyon ang sumira sa habang-buhay nyang kaligayahan.
"Kahit pa itinanggi mo sa'kin noon na mayroong namamagitan sa inyo, alam ko at kita ko sa mga mata mo kung ano ang totoo. Pinaniwalaan ko na ginawa mo iyon dahil mababaw lang ang nararamdaman mo para sa kanya at madali mo syang makalilimutan. Hindi. Ginawa mo iyon dahil sa labis na pagmamahal sa ating pamilya. Inabuso ko ang pagmamahal na iyon." Namuo ang luha sa mga mata nya at dahan-dahang hinawakan ang mukha ko. "P-Patawad, anak. Hinayaan kitang mahirapan. Gusto kong patunayan na tama ako. Na sasaktan at aabusuhin ka lamang nya. Patawad dahil ngayon lang ako natauhan. S-Simula ngayon, hindi mo na kailangang pumili. Malaya na kayong magmahalan ni Alejandro."
Patuloy sa paglipas ang mga araw at patuloy sa paglakas ang liwanag ng buwan. Tuluyan na ring nagbago ang kapalaran nila Alejandro at Ysabella. Hindi ko matanggap na nangyari ito dahil sa akin. Hindi ko magawang maging masaya para sa kanila.
Kinabukasan ay ang nakatakdang pagharap sa hukuman. Maaga akong nagising at hindi mapakali. Hindi ko alam kung anong sasabihin sa korte. Kapag nanalo kami ay kasama sa mga mahahatulan ng exile si Lorenzo pati na rin si Donya Elvira. Hindi pa rin tapos ang problema ko kay Marco. Kailangan ko sya para mabuhay si Rhys. Pero paano ko gagawin 'yon?
Pasikat pa lang ang araw at kanina pa ako paikot-ikot sa harap ng mansyon. Sobrang aga pa para umiyak ako pero hindi ko na talaga alam ang gagawin. Hindi ako pwedeng bumalik sa future ng hindi kasama si Rhys. Kung ang sagot para magawa ko iyon ay dapat kaming matalo at manatili ang mga Suarez sa bayan ng Las Tierras, hindi na lang ako tetestigo. Arg! Hindi tama ito pero desperado na ako.
"Erika."
Napalingon ako at biglang nanlaki ang mga mata ko nang makita si Lola Esperanza sa labas ng gate. Dali-dali akong kumaripas ng takbo papunta sa kanya. Palinga-linga ako sa paligid habang dinadala sya sa medyo tagong lugar.
"A-Ano pong ginagawa mo rito?"
"Nabalitaan ko ang nangyari. Ayos ka lang ba? Si Rhys?"
"Lola." Hinawakan ko ang kamay nya at nagsimula na akong maluha dahil dito sa idadaing ko. "T-Totoo pong ginahasa s-si Ysabella. At ang taong iyon po ang a-ama ng panganay na anak nya. A-Ano pong gagawin ko, Lola? S-Si Rhys. Paano po sya?"
Pinunasan nya ang mukha kong pinauulanan na naman ng luha. Wala syang alam tungkol dito at kita ko ang gulat sa mga mata nya. Ibinaling nya ang paningin sa gilid para sandaling mag-isip. Mayamaya ay ibinuhos nya ang isang malakas na buntong-hininga at tumingin sa akin. Ngumiti sya ng bahagya.
"Ang totoong sadya kaya ako naparito ay dahil may taong nagpakita sa aking panaginip... at gusto ka raw nyang makausap. Iyon ay kung pauunlakan mo sya."
Kumunot ang noo ko. Si Ysabella ba ang tinutukoy nya? Paano?
"Halika rito." Hinila at pinaupo nya ako sa malaking bato. "Pumikit ka."
"P-Po?"
"Basta't magtiwala ka lang sa akin."
Tinitigan ko sya. Mukha namang hindi nya ako iniechos. Okay. Sige na nga. Huminga ako ng malalim at dahan-dahang pumikit. Naramdaman ko ang paghaplos ng kamay nya mula sa noo ko pababa sa mga mata. Bigla na lang ay parang may humila sa akin palayo.
.
May naaaninag akong liwanag. Unti-unti akong dumilat at halos masilaw ako sa liwanag ng langit. Sa paligid ay nakapalibot sa akin at iba't ibang uri ng halaman at bulaklak. Para akong dinala sa isang panaginip... na may makatotohanang pakiramdam.
"Erika."
Nakarinig ako ng boses ng isang babae sa likuran ko. Pagtalikod ko ay bumungad ang isang pamilyar na mukha. Si Ysabella. Nakasuot sya ng puting toga at mabagal na naglalakad palapit sa'kin. Wait. Ibig sabihin ba ay nasa totoo ko akong katawan? Ibinaba ko ang tingin sa sarili ko. Katawan ko nga ito. Puting toga rin ang suot ko kagaya nya. Hays. Pati ba naman dito ay hindi pa rin makinis ang binti ko?
"N-Nasaan tayo, Ysabella?"
"Sabihin na lang natin na... ito ang mundong kasalungat ng ating mundo."
Ibang mundo? What the heck! Nasa heaven ba kami?! Patay na ba ako?
"Tama ka, Erika." Hinawakan nya ang kamay ko. "Tapos na nga ang istorya namin ni Alejandro. Kayong dalawa na ni Rhys ang nabubuhay ngayon."
Napanganga ako. Shocks. Nakikita nya pala talaga ang mga ginagawa ko. Ibig sabihin ay nasubaybayan nya ang nangyari sa amin ni Rhys. Alam na rin nya na alam na namin ang tungkol kay Marco at sa anak nilang si Florencio.
"Sobra akong nagpapasalamat para sa lahat ng ginawa mo, ninyo ni Rhys. Akala ko ay mauulit ang lahat ngunit nagawa nyo itong baguhin. Tama kami ng pagpili sa inyo."
"Y-Ysabella." Inalis ko ang kamay nya sa akin. "Hindi. Alam mo kung gaano kahalaga sa'kin si Rhys. Mahal ko sya at hindi ko hahayaan na mawala sya."
"Alam ko, Erika. Hindi ko gugustuhing mangyari iyon." Hinawakan nya ulit ako. "Sana ay magtiwala ka sa akin. Alam ko kung ano ang nasa isip mo. P-Pakiusap, huwag mo nang ituloy."
"B-Bakit ako maniniwala sa'yo? Kayo ni Alejandro ang nagdala sa amin dito. Gusto nyo ngang baguhin namin ang kapalaran ninyo, 'di ba? Alam mo na si Rhys ang magiging kapalit ng gagawin namin... tapos hindi mo gugustuhing mangyari? Tss."
Yumuko sya. Halata sa mukha nya na nasaktan sya sa mga sinabi ko pero pinilit nya pa ring maglabas ng maikling ngiti. Masyado nga ba akong nagpapadala sa emosyon kaya hindi ko na naiisip ng mabuti ang mga ginagawa at sinasabi ko?
"Hindi ngayon... pero balang-araw ay malalaman mo rin." Inangat nya ang tingin sa akin. "Ang kailangan ko ngayon ay tiwala mo. Pagkatiwalaan mo lang ako, Erika."
Unti-unting lumabo ang mga huli nyang sinabi kasabay ng unti-unti ring pagdilim ng paningin ko.
.
Pagmulat ko ay nandito na ulit ako sa labas ng gate ng mansyon at nakaupo sa bato. Gulat akong luminga-linga sa paligid nang makitang wala na si Lola Esperanza sa tabi ko. Saan sya nagpunta?
"Ysabella?"
Agad akong napatayo nang marinig ang boses ni Donya Eleanor. Bigla na lang ay may nahulog sa lupa mula sa suot kong saya. Pagtingin ko ay nakita ko yung card. Napakunot ang noo ko at mabilis itong pinulot. Inilibot ko ang paningin bago ibalik sa baraha. Bakit iniwan ni Lola Esperanza sa akin ito?
* * *
"Magandang umaga. Nandito tayo ngayon upang litisin ang ibinabatong paratang na tangkang pagpatay ng mga nasasakdal sa pangunguna ni Kapitan Felipe. Bawat panig ay maaari nang magbigay ng paunang pahayag. Magsimula na tayo," panimula ng hukom sabay pukpok sa maso.
Tumayo na si Crisostomo at humarap sa amin. Sya ang magsisilbi naming abogado. Kanina bago magpunta rito ay napag-usapan na namin ang mga gagawin. Magkatabi kami ngayon ni Rhys. Sya ang nakaupo mas malapit kay Crisostomo. Nasa likod naman namin sila Ama, Ina, Ate Estella, Tito Emiliano, at Tita Laura.
Narito ang Gobernadorcillo ng Ciudad Sagrada at Villa Oriente dahil kailangan ang presensya nila sa mga paglilitis. Nandito rin para manood ang tatlong maria at si Francisco.
Sa side naman nila Kapitan Felipe at Marco nakaupo sina Lorenzo at Donya Elvira. Payag si Lorenzo na tumestigo si Alberto kasama namin. Tumingin ako sa likuran. Hindi ko maiwasang hanapin si Eduardo na wala ngayon.
"Magandang umaga. Kasama ko ngayon ang dalawang nagsasakdal na sina Ginoong Alejandro Tangonan at Binibining Ysabella Madriñan. Sila ay magbibigay ng salaysay kung paano sila pinagtangkaang patayin nila Kapitan Felipe, Marco, at mga tauhan nilang gwardya," pahayag ni Crisostomo.
Sunod naman na tumayo ang abogado ng mga Suarez. Ang sama ng tingin nito sa amin.
"Magandang umaga. Narito ang mga sinasakdal upang pabulaanan ang mga paratang ng kabilang panig na layong sirain ang magandang imahe ng ating kapitan," bwelta nito.
"Ngayon ay iharap na sa hukuman ang nagsasakdal," saad ng hukom.
Agad akong sinundo sa upuan ng dalawang Guardia Civil at dinala sa gitna. Nakaharap ako sa hukom at nakatalikod sa mga taong nanonood.
"Ako ay nanunumpa na katotohanan at pawang katotohanan lamang ang aking sasabihin," ipinabigkas sa akin saka ako pinaupo.
Lumapit at tumindig sa harapan ko si Crisostomo. Hindi ko na mapakalma ang puso ko ngayon dahil sa nerbyos. Ang lalim ng bawat paghinga ko at sobrang init ng aking katawan. Parang dati ay napapanood ko lang ang scene na ganito sa TV. Ngayon ay ako mismo ang nasa harap at magtatanggol sa sarili ko.
"Binibining Ysabella, maaari mo bang ilahad sa hukumang ito kung paano kayo naging bihag ni Kapitan Felipe?" panimulang tanong nya.
"Tatlong araw na po ang nakakalipas, n-nasa plaza kami ng Ate Estella ko... nang makita ko si Ginoong Alejandro na sinusundan ang kalesa ni Ginoong Marco, ang pamangkin ni K-Kapitan Felipe. Nag-alala ako kaya s-sumunod din ako. Pagkarating sa hacienda ng mga Suarez, nagtago po ako sa gilid. Nakita ko po mula sa labas na may ibinababa silang mga kahon ng alak mula sa kalesa."
"Kagalang-galang na hukom, nakita po mismo ng mga Guardia Civil ang kahon-kahon na mga alak na nagmula pa sa Italya at hinatid sa Maynila ng barkong mula Pransya. Natagpuan po ang mga ito sa isang maliit na kubo sa hacienda ng mga Suarez," sandaling pagputol ni Crisostomo sa'kin.
Tumango naman ang hukom. Muli akong pinagsalaysay.
"Nahuli po ako ng isang gwardya at dinala kay Kapitan Felipe. Gulat na gulat sya nang makita ako. Tinanong nya ako kung paano ko nalaman ang tungkol sa pag-aangkat nila ng mga alak. Balak na po sana akong patayin noong araw na iyon ngunit dumating si Alejandro at bumihag ng kutsero para pakawalan nila ako. Hindi ko po inasahan na... b-babarilin ni Kapitan Felipe ang tauhan nya.
"Pinakawalan nya ako para ituloy pa rin ang kasal kay Lorenzo. Sinabi nya na papatayin nya si A-Alejandro kapag hindi ako sumunod. Gusto kong malaman kung ano ang kalagayan nya kaya bumalik ako kinabukasan. Pero bigla nyang binaril si Alejandro.
"Sinabi nya na hindi na nya ako mapakikinabangan sa plano nya na patayin ang pamilya ko. Dinala kami nila Marco at ng apat na gwardya sa taniman ng niyog para patayin p-pero agad na dumating si Ama bago pa man sila may gawing masama sa amin."
Hindi na maawat sa pagbuhos ang luha ko. Sariwa pa rin sa alaala ko ang mga nangyari. Kung pwede lang sana na makalimutan ko ang lahat. Sunod na tumindig sa harap ko ang abogado ni Kapitan Felipe.
"Inaamin ni Kapitan Felipe na binihag nga nya si Ginoong Alejandro," itirada nito at nagsimulang magbulungan ang mga tao. "Ginawa nya iyon hindi para ipitin si Binibining Ysabella... kundi dahil natuklasan nya ang ginagawang pagtataksil nito sa kanyang anak na si Ginoong Lorenzo!"
Lumakas ang pagbubulungan ng mga nanonood. Agad namang ipinukpok ng hukom ang maso para patigilin sila. Napapikit na lang ako.
"Walang katotohanan ang sinasabi mo!" sigaw ni Crisostomo.
"Talaga ba? Bakit hindi natin tanungin ang Binibini kung ano ang kaugnayan nya kay Ginoong Alejandro?" Ini-level nya ang ulo nya sa ulo ko at nakangisi akong tiningnan. "Bakit kaya hindi ka tumayo at sabihin sa harap namin, Binibini?"
Wala akong nagawa kung hindi ang sumunod. Nangangatog ang mga tuhod ko at halos wala na akong lakas para tumayo. Kita ko ang pag-aalala sa mukha ni Rhys, ng pamilya ni Ysabella, at mga kaibigan.
Nakayuko lang si Lorenzo at hindi makatingin sa akin. Marahil ngayon ay nagtatanong sya kung nagawa ba syang mahalin ni Ysabella. Katotohanan ang ipinangako ko sa hukumang ito... at katotohanan ang syang dudurog sa kanya.