Kabanata 13: Sagot

Erika's POV

"Manuod ka, Ginoo. Pagmasdan mong mabuti ang aming pagtatanghal."

Bumalik na ako sa ulirat at bumungad agad sa paningin ko ang mukha ni Marco. Nakangisi sya habang matalim na nakatingin kay Rhys. Hawak pa rin ako ng mga gwardya. Nakakulong ako sa magkabilang braso nya at halos maubusan na ako ng hininga nang ibaling nya ang tingin sa akin.

Unti-unti nyang inilapit ang mukha nya. Mas lalong lumakas ang sigaw ni Rhys at ramdam ko ang labis nitong galit at takot. Napapikit at napakagat na lang ako sa ibabang labi nang maramdaman ang pagdampi ng mga labi nya sa leeg ko.

Ayaw ko na. Mas gugustuhin ko na lang na mamatay kaysa paulit-ulit na maalala ang pangyayaring ito.

Biglang umalingawngaw ang putok ng mga baril. Lumuwag ang hawak nila sa akin at itinigil na rin ni Marco ang kanyang ginagawa. Pagmulat ko ay nakita kong nakahiga na sa lupa ang mga gwardya habang gulat na gulat ang reaksyon ni Marco.

"Ysabella!"

Paglingon ko ay nakita ko si Don Joaquin na tumatakbo palapit sa akin kasama ang mga armadong lalaki. Sinuntok nya si Marco at tuluyan na itong umalis sa ibabaw ko. Agad syang dinampot ng mga kasama ni Ama.

"A-Anak." Niyakap ako ni Don Joaquin. "Hindi k-ko alam. P-Patawarin mo ako," rinig kong pagtangis nya.

Sunud-sunod na rin na tumulo ang luha ko. Akala ko ay katapusan ko na. Akala ko ay walang darating na tulong para sa amin.

"R-Rhys?"

Nakita ko syang inaalisan ng gapos. Dali-dali akong tumakbo palapit sa kanya. Napangiti sya nang makita ako at kahit hirap ay pinilit nyang iangat ang kanyang braso. Hinaplos nya ang aking mukha kasabay ng mabilis na pagtulo ng luha. Pareho na kaming napaiyak at napayakap sa isa't isa. Akala ko ay hindi ko na sya makikita.

"Buhatin nyo na si Ginoong Alejandro. Kailangan natin syang madala agad sa ospital."

Napalingon ako kay Ama na ngayon ay nakatitig sa amin ni Rhys. Isa-isang nag-sink in sa isip ko ang mga tanong. Paano nya nalaman ang tungkol dito? Sino ang nagsabi sa kanya at saan nya nakuha ang mga kasama nyang armadong lalaki? Bakit wala syang reaksyon nang makita si Alejandro? Ano na ang mangyayari sa kasal?

Pagbalik namin sa mansyon ng mga Suarez ay nakita kong nakaluhod at nakagapos si Kapitan Felipe kasama ang naiwang mga gwardya. Kita ang mga dumanak na dugo at ang ilang nagkalat na katawan ng tao sa lupa. Napapikit na lang ako. Nangyari ang lahat ng ito dahil sa akin.

Dumaan sa harap namin si Marco na hawak ng dalawang lalaki patungo sa pwesto ng mga bihag. Balak pa sana syang sugurin ulit ni Ama pero agad akong pumagitna. Nagdurugo na ang kanyang mukha dahil sa ilang beses na pagsugod ni Don Joaquin sa kanya habang papunta kami rito.

"Ilayo nyo 'yan sa'kin! 'Wag na 'wag nyong hahayaan na makawala ang hayop na 'yan! Magbabayad kayo!"

Hindi ko sya matignan. Naluluha ako sa tuwing maaalala ang ginawa nya. Gusto ko syang mapagbayad ngunit hindi sa ganitong paraan.

"Ysabella!"

"L-Lorenzo?"

Nakita ko sila ni Donya Elvira kasama ang mga tao na nanunuod. Hindi sila makalapit dahil may mga nakaharang at nagbabantay na mga Guardia Civil. Kita ang gulat, takot, at pag-aalala sa mga mukha nila.

"Hayaan mo lang sila," pagpigil sa akin ni Ama.

Wala akong nagawa kundi ang tanawin na lang sya mula sa malayo. Nagkatitigan kami at hindi nya inalis ang tingin sa akin. Umiiyak sya. Hindi ko mapigilang maawa. Sa maikling panahon na nakasama ko sya ay naging magaan ang loob ko sa kanya. Nasisiguro ko na inosente sya at wala syang alam sa ginagawa ni Kapitan Felipe.

Mayamaya ay may dumating na kalesa at huminto ito sa tapat namin. Biglang nanlaki ang mga mata ko nang makitang si Alberto ang taong nagpapatakbo nito. Pagtingin ko sa loob ay natanaw kong nakasakay doon si Eduardo at mas lalo akong naguluhan.

Sandaling nagtama ang mga mata namin pagkababa nya. Tiningnan nya ako mula ulo hanggang paa at muli kaming nagkatitigan bago sya nagpatuloy sa paglakad. Lumapit sya kay Rhys na buhat-buhat ng mga lalaki.

"Marami nang nawalang dugo sa kanya. Halika't isakay na natin sya sa kalesa," itirada nya.

"S-Sandali. S-Sasama ako."

Lumingon sya sa akin. Hindi nya alam kung ano ang sasabihin kaya tumingin sya kay Don Joaquin para humingi ng permiso. Naramdaman ko naman ang paghawak ni Ama sa braso ko.

"Bukas na lang, Ysabella. Hayaan mong gamutin muna nya si Alejandro. Naghihintay sa tahanan si Estella at ang iyong Ina."

Nilapitan ko si Rhys para sandaling magpaalam. Gusto nya uling abutin ang mukha ko pero pinigilan ko na sya at hinawakan na lang ang kamay nya. Sobra na syang nahihirapan pero nagagawa pa rin nyang ngumiti.

* * *

"S-Si Alberto?"

Nakauwi na ako sa mansyon. Naiwan pa sa hacienda ng mga Suarez si Don Joaquin para hintayin ang pagdating ng Heneral. Magkakaroon ng pagharap sa hukuman sa mga susunod na araw. Gagawin nya ang lahat para mapatalsik sa pwesto si Kapitan Felipe at mapaalis ang pamilya nila sa Las Tierras.

Kasama ko ngayon sa kwarto si Ate Estella. Sandali namang naghanda ng pagkain ko si Donya Eleanor. Hindi ako makapaniwala sa mga nalaman ko. Si Alberto ang nagsabi sa kanila tungkol sa plano ni Kapitan Felipe.

"Sinabi nya na kahapon lamang nya nalaman ang lahat. Masama na ang kutob nya pagdating pa lamang ng mga alak sa hacienda. Lumitaw ang totoong kulay ni Kapitan Felipe nang mahuli kayo ni Rhys at nagawa nitong barilin ang kasamahan nyang kutsero. Nakita nya kung paano mo ito sagutin at doon sya nalinawan.

"Noong una ay natakot daw syang magsalita dahil baka patayin din sya pero hindi sya pinatahimik ng konsensya lalo na't magkaibigan kayong dalawa. Agad kaming nagtungo sa kwarto mo ngunit laking gulat namin nang makitang wala ka na rito. Sobra ang galit ni Ama.

"Paalis na sana sya upang sugurin ang mga Suarez dahil alam naming doon ka lang pupunta nang biglang dumating si Eduardo kasama ang mga armadong lalaki. Sinabi na rin nya ang kanyang nalalaman at ang tungkol sa pakikipagtulungan nya kay Rhys. Wala silang laban kung wala si Eduardo. Nailigtas kayo ni Ama dahil sa kanya."

Nauunawaan ko na kung bakit magkasama sila Alberto at Eduardo kanina sa kasela. Tinupad ni Eduardo ang sinabi nya na ililigtas nya si Rhys. Hindi ko alam kung dapat ba akong magpasalamat dahil doon. Kung hindi sila dumating ay siguradong nagawa ni Marco tangkang panggagahasa sa akin at patay na kami ngayon. Pero kahit buhay kami ay malabo nang matuloy ang kasal.

Biglang pumasok sa kwarto si Ina bitbit ang pagkain ko. Ipinatong nya iyon sa maliit na lamesang katabi ng higaan pagkatapos ay lumapit sya sa akin at hinagod ang likod ko.

"Kumain ka na, anak."

Hindi ko mapigilan ang pagpatak ng luha ko at dali-daling napayakap sa kanya. Sobra kong naaalala si Mama kay Donya Eleanor. Kailangan ko sya ngayon. Ang dami nang nangyayari sa buhay ko at hindi ko alam kung paano haharapin ang lahat ng ito kung wala sya para tulungan at gabayan ako.

"Ysabella, anak." Umupo si Ina sa tabi ko. "Ano ba talaga ang nangyari sa inyo ni Alejandro kanina?"

Nagkasundo kami ni Ama na huwag nang ikwento sa kanila ang tungkol sa tangkang pagpatay sa'min lalo na ang pagtatangka sa'kin ni Marco. Ayaw ko ring buksan pa ang karanasang iyon. Bahagya akong umiling at ngumiti.

"W-Wala po, Ina. Dumating si Ama bago pa man may gawing masama sa amin si Kapitan Felipe."

"Sa susunod, huwag ka na sanang maglihim pa sa amin. Bago ang ibang tao, kami dapat ang unang nakaaalam sa problema mo. Tutulungan ka namin dahil pamilya tayo. Hah, Ysabella?"

"O-Opo, Ina."

Niyakap nya ako at naramdaman kong sumama na rin si Ate Estella. Mabuti ang pamilya ni Ysabella ngunit mali ang naging basehan ni Don Joaquin sa pagtitiwala. Hindi kailanman pera at kapangyarihan ang magiging sukatan sa kabutihan ng isang tao.

Kinabukasan, walang naganap na kasal. Hindi maaari. Kailangan kong makausap si Don Joaquin na ituloy pa rin ito pero hanggang ngayon ay hindi pa sya umuuwi. Sinamahan ako ni Ate Estella na pumunta ng ospital. Nakita namin si Eduardo at sinamahan nya kami patungo sa kwarto ni Rhys.

"Kumusta na ang lagay ni Ginoong Alejandro?" tanong ni Ate Estella habang naglalakad kami.

"Maayos na sya at unti-unti nang bumabalik ang kanyang lakas. Mabuti na lang dahil sa balikat lamang sya tinamaan ng bala," tugon ni Eduardo habang napapatingin sa akin.

Naguguluhan ako sa personality nya. Sobrang presko nya sa party tapos ngayon ay para na syang anghel sa bait. Hindi kaya may dissociative identity disorder sya? Hays.

Pagdating namin sa room ay naroon ang mga magulang ni Alejandro. Kasalukuyan syang sinusubuan para pakainin. Bigla syang napangiti nang mapatingin sa akin. Dali-dali namang tumayo sina Tito Emiliano at Tita Laura nang makita ako.

"T-Tuloy po kayo."

Nauna akong pumasok tyaka lumapit sa kanila. Hinawakan ko ang kamay ni Tita Laura at yumuko.

"P-Patawad po sa n-nangyari kay Alejandro."

"Ysabella," pinaayos nya ako ng tayo. "Wala kang kasalanan. Si Kapitan Felipe ang dapat sisihin sa nangyari, hindi ikaw."

"Dapat pa nga kaming magpasalamat dahil iniligtas nyo sya," saad ni Tito Emiliano.

Napangiti ako. Niyakap ako ni Tita Laura at hinimas-himas ang likod ko. Hindi ko maiwasan ang maluha. Hindi man namin masabi sa kanila ang tungkol sa totoong pagkatao ni Rhys, masaya ako dahil makakabalik si Alejandro.

"Sige, iha. Iwan na muna namin kayo," tinapik nya ako sa balikat tyaka sila lumabas ng kwarto.

"Hintayin na lang kita sa labas," sabi ni Ate Estella at lumabas na rin kasama ni Eduardo.

Pagkasara nila ng pinto ay humarap na ako kay Rhys. Ilang segundo kami na nakatitig lang sa isa't isa at hindi malaman kung paano magsisimula. Mayamaya ay sabay na lang kaming napangiti. Dali-dali ko syang nilapitan at niyakap. Pero masyado yata akong naexcite.

"A-Aray. Mashaket na teh."

"Hahah sorry kyah."

Nakabenda ang ulo at braso nyang may tama. Kitang-kita ko ngayon kung gaano sya napuruhan. Pilit nyang itinatago ang panghihina pero halata ito sa putla ng kanyang balat. Kinuha ko yung pagkain at umupo sa tabi nya para ituloy ang pagsubo sa kanya. Dumakot lang ako sandali ng kanin at ulam. Pagtingin ko ay hindi na sya maawat sa pag-iyak.

"Rhys, ano ba. Nagsisimula ka na naman eh," naiiyak na rin tuloy ako.

"Hindi man lang kita nailigtas. Muntik ka nang... h-hindi ko kakayanin kapag may nangyaring masama sa'yo."

"Pero wala. Ligtas ako kaya tigilan mo na 'yan."

Pinunasan ko ang luha nya habang patuloy pa rin sa pag-agos ang sa'kin. Hindi mawala sa isip ko kung paano sya nag-alala. Alam ko kung gaano kasakit para sa kanya ang kagustuhan na mailigtas ako pero wala man lang syang nagawa kundi ang sumigaw, magmakaawa, at manood.

"Umamin sa'kin si Eduardo. T-Totoo ba? Na nakipagtulungan ka sa kanya para mapigilan ang kasal?"

Bigla syang umiwas ng tingin. Hindi na nya kailangan pang magsalita dahil sa reaksyon pa lang nya ay alam ko na ang sagot. Pumikit ako at huminga ng malalim.

"Alam mo na kahit pigilan mo ako ay itutuloy ko pa rin 'yon."

"Erika," nanginginig ang mga labi nya. "G-Gusto mo ba talagang malaman ang totoo?" sabay tingin ng diretso sa mga mata ko.

* * *

Rhys' POV

Hindi ko gustong sabihin ito... pero kung patuloy akong maglilihim sa kanya, hindi nya ako mauunawaan.

"Wala ring saysay kung matuloy man ang kasal nyo ni Lorenzo... d-dahil hindi sya ang ama ng Lolo Florencio ko."

Pakiramdam ko ay namatay na ako nang malaman ko ito. Kung hindi ko pinasok ang bodega ng mansyon at natuklasan ang sekretong nakatago sa larawan ni Ysabella ay patuloy lang kaming maliligaw. Simula pa lang ay iisa ang dapat patunguhan ng misyon. Umpisa pa lang ay hindi na para sa amin ang istoryang ito.

"Anong ginagawa mo rito?"

Nabitawan ko ang liham na natagpuan ko sa likod ng portrait. Paglingon ko ay bumungad ang gulat na ekspresyon ni Lola Rose. Dali-dali syang lumapit at pinulot sa sahig yung papel.

"Hindi ka dapat nakikialam sa mga gamit dito," mariin nyang sabi.

"T-Totoo po ba ang nakasulat dyan? H-Hindi anak ni Lolo Lorenzo si Lolo Florencio?"

"Hindi mo na dapat ito nalaman," saad nya habang ibinabalik sa pagkakatupi ang sulat.

"Sino po ang totoong tatay nya?"

Hindi sumagot si Lola Rose at lumapit lang sa portrait ni Ysabella para ibalik dito yung papel. Sumunod ako.

"Lola."

"Halika na. 'Wag ka nang papasok ulit dito." Hinawakan nya ako sa braso at hinila palabas ng bodega.

"Yung nanggahasa po ba kay Lola Ysabella?"

"P-Paano mong nalaman ang tungkol dyan?" Napabitaw sya sa akin.

"Iyon po ba?" muli kong tanong.

Ramdam ko ang pamumuo ng luha ko na nagbabadya nang kumawala. Gulat at naguguluhan pa rin sya. Walang nabanggit si Ysabella sa liham tungkol doon pero wala na akong oras para mag-isip ng ibang dahilan kung paano ko nalaman. Sobrang gulo ng utak ko.

Paano ko maaatim na mabuhay kung kailangang mangyari ulit ang bagay na iyon? Hindi. Hindi ko hahayaang mapahamak si Erika.

"H-Hindi si Lorenzo?"

"Inilihim nila ang totoong pagkatao ni Lolo. N-Nagbunga ang g-ginawang panggagahasa kay Ysabella."

"S-Si Marco."

Napayuko ako. Ngayon pa lang ay para na akong nagpapaalam. Ayaw ko syang iwan. Mahal na mahal ko sya. Pero paano ko masasabi na totoo iyon kung hahayaan ko syang magdusa at mahirapan... dahil sa akin.

"H-Hindi. Nagsisinungaling ka lang. Sinasabi mo lang 'yan p-para... para hindi matuloy ang kasal. 'Di ba? 'Di ba?! Sabihin mo na nagsisinungaling ka! Puta, Rhys! Ano ba?!"

Kung pwede ko lang sanang sabihin na kasinungalingan lang ang lahat. Pero hindi. Bunga ang lahi namin ng pagkakamali. Mali na nabuhay ako.

"Anong nangyayari rito?" Pumasok si Ate Estella.

"Ganyan ang gusto mo, hah?! O sige! Kung alam ko lang na gagawin mo 'to, sana hinayaan ko na syang dahasin ako!"

"Ano bang sinasabi mo? Dahasin? Erika, sino'ng tinutukoy mo? Rhys?" pumagitna na si Ate Estella sa'min.

Dali-dali syang nagtatakbo palabas ng kwarto. Agad na sumunod sa kanya si Ate Estella. Sinubukan kong tumayo. Gusto ko syang habulin pero hindi pa kaya ng katawan ko. Hindi pa ako nakakaisang hakbang ay bumagsak na ako sa sahig. Kasalanan ko ang lahat. Hindi na dapat sya nadamay dito. Patawad. I'm sorry, Erika.

* * *

Erika's POV

"Erika, sandali!"

Bigla akong hinarang ni Ate Estella. Hinawakan nya ang kamay ko at gusto akong magsalita. Umiling lang ako at yumuko. Nasa labas na kami ng ospital at halos lahat ng tao sa daan ay nakatingin sa amin. Wala nang puwang ang hiya sa grabeng sakit na nararamdaman ko. Hindi na yata ako matatapos sa pag-iyak.

"Estella? Ysabella?" Dumating si Don Joaquin at gulat syang nakatingin sa amin. "A-Anong nangyari?"

Isinama na kami ni Ama sa pag-uwi. Habang nasa daan ay kinulit sya ni Ate Estella tungkol sa nangyari kagabi kaya napilitan na syang sabihin ang totoo. Gulat na gulat si Ate at hindi nya binitiwan ang kamay ko hanggang sa makarating kami sa mansyon.

"Bakit hindi mo sinabi sa'kin? At bakit mo sinasabi kanina sa ospital na sana ay hinayaan mo si Ginoong Marco na gawin 'yon sa'yo? May kinalaman ba iyon sa misyon nyo?" Kasama ko sya sa kwarto at wala akong ganang sagutin ang mga tanong nya. "Sabihin mo, g-ginahasa ba nya si Ysabella?"

Umiwas ako ng tingin. Namumuo ang luha sa mga mata nya at hindi ko iyon kayang makita. Ayaw ko na sanang sabihin sa kanya ang tungkol dito pero pursigido syang malaman ang lahat. Mukhang wala na akong maitatago pa sa kanya.

"Sinasabi ni Rhys na hindi si Lorenzo ang ama ng Lolo nya. N-Na nagbunga ang ginawa ni Marco kay Ysabella. Wala na rin palang kwenta ang kasal. Ano 'yon? Dinala kaming dalawa rito para magpaalam sa isa't isa? Para ipamukha kay Rhys na hindi dapat sya nabubuhay? Putchang misyon 'to."

"A-Anong plano mong gawin ngayon?"

"Kung ano ang kaya kong isakripisyo para sa kanya. Buhay si Marco kaya hindi pa huli para sa amin."

"Erika, pakiusap. Mahirap tanggapin pero hindi mo pwedeng gawin 'yan. Maawa ka kay Ysabella. Maawa ka sa mararamdaman ni Rhys."

"Wala akong pakialam! Kami ang talo rito! Kung wala akong gagawin, sya ang mawawala sa'kin!"

Hinawakan nya ang kamay ko. Alam kong umiiyak sya pero ayaw ko syang tignan. Nakayuko lang ako at sinasalo ng damit ang sarili kong luha.

"Ginawa ni Rhys ang lahat para mailigtas ka. Hindi matatawaran ang inyong pagmamahal para sa isa't isa. Pero, Erika, may mga pagkakataon sa buhay na kahit gusto mong lumaban, wala kang ibang pwedeng gawin kundi ang bumitaw. Pakiusap. Huwag ka sanang magpadala sa emosyon at tuluyang alisin ang pag-ibig para sa iyong sarili."

Lumabas sya ng kwarto at hinayaan muna akong makapag-isip. Mali ba talaga ako at tama sila? Mali ba na hindi ko kayang mawala si Rhys? Kung gayon ay hanggang saan ba ako dapat lumaban? Dapat pa nga bang ipilit o dapat nang isuko? Dapat na bang tumigil kung ako na lang ang gustong magpatuloy? Paano pa ako manghahawak sa natitirang pag-asa... kung sya ay bumitaw na?