Kabanata 12: Panganib

Erika's POV

Agad kong iniwas ang tingin sa kanya. Hindi pwede na pati sya ay mahuli.

"Katulad ka rin ni Joaquin. Mga mayayabang!"

Hindi na ako nagsalita. Ramdam na ramdam ko ngayon ang hapdi sa pisngi ko dahil sa sampal ni Kapitan Felipe. Hindi ko akalain na mararanasan ko ito, kung ano ang mga nasusulat at pinag-aaralan patungkol sa kasaysayan. Sobra ang paghahari-harian ng ibang dayuhan sa bansang hindi kanila.

"Mukhang hindi na pala kita mapakikinabangan. Wala nang kasalang magaganap... ngunit hindi pa rin ako tapos," seryoso nyang sabi pagkatapos ay tumingin sa mga tauhan. "Kayo na ang bahala sa kanya. Siguraduhin ninyo na walang ebidensya na magtuturo sa akin. Kailangan ko nang makapag-isip ng panibagong plano."

Nanlaki ang mga mata ko. Tumalikod na sya at naglakad palayo. Sumunod na tumindig sa harap ko ang pamangkin nya. Nakangisi ito at malagkit na nakatitig sa akin. Ibinalik ko ang tingin kay Kapitan Felipe. Gusto kong sumigaw at humingi ng tawad pero halos kinain na ng kaba ang dibdib ko at kinakapos na ako ng hininga para makapagsalita.

"Huwag kang mag-alala, Binibini. Mabilis lang naming tatapusin ang iyong paghihirap," wika ng lalaki sa harapan ko o ni Marco at nagsenyas sa mga tauhan nya.

Dali-dali akong hinawakan sa magkabilang braso ng dalawang gwardya. Itinayo nila ako. Pilit akong nagpupumiglas pero higit na mas malalakas sila at mas lalo lang akong nasasaktan sa mahigpit nilang hawak. Lumapit sa akin si Marco at hinaplos ang mukha ko ng may pagnanasa. Napapikit ako kasabay ng mabilis na pagtulo ng luha ko.

"Bitawan nyo sya!"

Pagdilat ko ay nakatutok ang baril ng mga gwardya kay Rhys at sa bihag nyang kutsero. May hawak syang kutsilyo at may magkahalong galit at takot sa kanyang mga mata. Gusto kong tumakbo palapit sa kanya pero hawak pa rin nila ako.

"Umalis ka na!" sigaw ko.

Hindi nya ako pinakinggan. Patuloy syang nagmamatigas at naghihintay na pakawalan ako ng dalawang gwardya. Mayamaya ay biglang may nagpaputok ng baril. Tinamaan sa tyan ang bihag ni Rhys at mabilis itong bumagsak sa lupa. Gulat akong napatingin sa taong bumaril dito.

"Hindi mo naman sinabi na mayroon ka palang kasama, Ysabella," natatawang wika ni Kapitan Felipe.

Hindi ako makapaniwala na nagawa nyang patayin ang tauhan nya. Takot na takot ang mukha ni Alberto habang pinanunuod ang paghihingalo ng kanyang kasama. Agad na lumapit kay Rhys ang tatlong lalaki at ipinukpok sa ulo nya ang hawak na baril.

"'Wag!"

Napaluhod sya sa lupa. Binitawan na ako ng mga gwardya at hinayaang tumakbo papunta sa kanya. Hindi sya makatingin sa akin at nakapikit lang. Nakahawak sya sa noo at para akong aatakihin sa puso nang makitang may tumulong dugo rito.

"P-Pakawalan nyo na sya. A-Ako na lang." Isa-isa akong nakiusap sa mga lalaking nakapalibot sa amin habang nakayakap sa kanya.

"Hindi," nanghihinang sabi ni Rhys at hinawakan ang kamay ko.

"Mahalaga sa'yo ang lalaking 'yan. Sino sya? Kalaguyo mo?"

Nilingon ko si Kapitan Felipe na nakalapit na pala. Walang awa sa mga mata nya habang pinagmamasdan kami. Hindi pwedeng madamay si Rhys dito. Dali-dali akong lumuhod sa harap nya at ibinaba ang ulo ko sa lupa.

"P-Pakiusap. Pakawalan nyo sya. Itutuloy ko ang kasal kay Lorenzo. Mangyayari kung ano man ang gusto mong mangyari. Pakawalan nyo lang sya."

"'Wag mong g-gawin 'yan." Napadapa na si Rhys para abutin ako at pigilan.

Hindi nagsalita si Kapitan Felipe. Napaisip sya sa sinabi ko. Makinig sana sya sa akin. Please.

"Sige, Ysabella. Hahayaan kitang makaalis ngayon pero maiiwan ang lalaking ito. Pakakawalan ko lamang sya kapag tumupad ka sa usapan." Yumuko sya ng bahagya. "Kailangan mong mamili. Buhay ng kalaguyo mo... o buhay ng pamilya mo."

Naghintay sya sa sagot ko. Ibig sabihin, kailangang... mamatay ang pamilya ni Ysabella? Kung hindi ay si Rhys ang papatayin nya. Hindi pwede. Anong gagawin ko?

* * *

"Saan ka ba nanggaling? Bakit bigla kang nawala sa lamesa natin?"

Sa mansyon na agad ako dumiretso at hindi na bumalik sa plaza. Tama naman ako ng naisip na baka umuwi na si Ate Estella.

"M-May... k-kinailangan lang a-akong sabihin kay R-Rhys. H-Hinanap ba ako nila... A-Ama at Ina?"

"Hindi. Mabuti na lamang dahil tulog pa sila hanggang ngayon. S-Sandali." Itinaas nya ang kamay nya. Nagulat ako at biglang nagtakip ng pisngi. "A-Ano ang nangyari sa iyong mukha?"

"W-Wala ito. Na... Nadapa kasi ako. S-Sige. Magpapalit lang ako ng damit."

Patakbo akong umakyat ng hagdan. Nilock ko agad ang pinto ng kwarto at napadukdok dito. Hindi ko kaya. Hindi ko sya kayang makita habang alam ko na hindi ko na sya magagawa pang iligtas. Wala akong magawa. Bakit pa ba kami napunta rito? Hanggang sa pangalawang pagkakataon ay iisa lang ang kanilang magiging kapalaran.

Sobrang hapdi at namumugto ang mga mata ko kinabukasan. Akala ko ay naibuhos ko na ang lahat kagabi pero heto na naman ako ngayon, umiiyak. Bukas na ang kasal. Kahit anong pag-iisip ko para mailigtas sila pare-pareho, sa huli ay kailangan ko talagang pumili. Hindi ko namalayan na nakatulog ulit ako at nagising na lang sa walang tigil na pagkatok ni Ate Estella.

"Kalat na kalat na ang balita. Nawawala raw si Alejandro. Nawawala si Rhys."

Hindi ako makapag-react. Naaawa ako para sa mga magulang ni Alejandro. Sobra ang naging paghihinagpis nila noong nagawa nitong magpatiwakal. Sa pagkakataong ito, gusto kong ibalik ng buhay ang anak nila.

"May alam ka ba sa nangyayari, Erika?"

"W-Wala. Baka... nandyan lang sya sa tabi-tabi."

"Hindi ka pa rin nakapagpapalit ng damit buhat kahapon. Alam ko na may mali. Bakit ba hindi mo sabihin?"

"Hawak ni Kapitan Felipe si Rhys! H-Hindi ako pwedeng magsumbong dahil kailangang matuloy ang kasal!"

Napatakip sya ng bibig at gulat na gulat. Hindi ko talaga magawang itago ang nararamdaman ko. Hindi ko pa rin mapigilan ang pag-iyak na kagabi ko pa gustong gawin.

"Hindi ko na alam ang gagawin ko. Wala akong magawa. Bakit kasi kami pa?"

Naramdaman ko ang paghawak nya sa balikat ko. Paano ko sasabihin sa kanya na kailangan kong mamili kung buhay ni Alejandro, ni Rhys... o buhay nila? Kasalanan ko 'to. Hindi dapat ako nagpahuli. Hindi ko dapat inilagay sa alanganin ang sitwasyon.

Pagdating ng hapon ay dinalaw ako ng tatlong maria. Hindi ko rin inasahan ang pagdating ni Eduardo. May kakaiba sa kanya. Parang may gusto syang sabihin pero hanggang sa umalis sya ay wala syang nabanggit.

"Eduardo, sandali."

Pasakay na dapat sya ng kalesa nang sumunod ako. Nandito kami ngayon sa labas ng gate ng mansyon. Hindi talaga ako mapakali sa inaasta nya. Huminto sya sa pag-akyat at hinintay ang sasabihin ko. Hindi pwede rito. Nag-gesture ako na sumunod sya at naglakad palayo sa kalesa. Huminto ako sa lugar kung saan sapat na ang layo namin at walang ibang makaririnig.

"Bakit, Ysabella?"

Huminga ako ng malalim at hinarap sya. Malikot ang mga mata nya at hindi makatingin ng diretso sa akin.

"Sinabi mo sa akin na wala kang tiwala sa mga Suarez. Bakit? S-Sa tingin mo ba ay hindi talaga sila mapagkakatiwalaan?"

"W-Wala iyon. N-Nasabi ko lang 'yon dahil i-isa syang Espanyol... at hindi dapat sila pagkatiwalaan."

"Paano kung tama ka? Paano kung may masama nga talagang balak si Kapitan Felipe sa pamilya namin... at may mga buhay na nanganganib dahil sa pagtitiwalang iyon?"

Umiwas sya ng tingin. Balisa ang mukha nya. Itinakip nya ang kamao sa kanyang bibig at nagulat ako nang bigla syang umiyak.

"Patawad, Ysabella. H-Hindi ko dapat hinayaan na pumuntang mag-isa si Alejandro sa hacienda ng mga Suarez. Napag-alaman ko na mayroong inangkat si Kapitan Felipe na mga alak karga ng barkong mula Pransya. May kakilala ako na nag-aabang sa barkong iyon. Nakita nya sa daungan si Ginoong Marco at naikwento nya sa akin pagbalik nya. Nag-alala ako para sa inyo ng pamilya mo kung kaya't sinabi ko iyon kay Ginoong Alejandro.

"Alam ko na napipilitan ka lang na magpakasal kay Lorenzo at handa akong tulungan kayo na mapigilan iyon. Nagpunta sya sa mga Suarez para mag-imbestiga. Magkikita dapat kami para sabihin sa akin kung ano ang nalaman nya pero hindi sya bumalik. Malakas ang kutob ko na nahuli sya at bihag ngayon ni Kapitan Felipe. Patawarin mo ako, Ysabella. Gagawin ko ang lahat para mailigtas sya. Pangako."

Hindi na maawat sa pagtulo ang luha ko. Kung gayon ay itinuloy pa rin pala ni Rhys ang plano na pigilan ang kasal. Hindi ko na maintindihan. Ano ba talaga ang problema?

"U-Umalis ka na."

"Ysabella, maniwala ka. H-Hindi ko ginustong mangya---"

"Sinabing umalis ka na!" sigaw ko sabay tulak sa kanya. "D-Dahil sa ginawa mo, kailangan kong pumili! Hindi ko na alam kung sino ang ililigtas ko! Maayos na dapat ang lahat!"

"A-Anong sinasabi mo, Ysabella? A-Alam mo?"

"Hindi ako si Ysabella!"

Dali-dali akong tumakbo papasok ng mansyon. Narinig ko ang ilang beses na pagtawag nya pero hindi na ako lumingon. Dumiretso ako paakyat sa kwarto. Hindi na ako nakaabot pa sa higaan at bumagsak na ako sa sahig.

Alam ko na hindi ko dapat ginawa iyon kay Eduardo. Nais nya lang tumulong. Pero hindi ko talaga mapigilang sisihin din sya. Gusto kong magalit kay Rhys. Gusto kong marinig sa kanya ang totoong dahilan kung bakit nya 'yon ginawa. Gusto ko syang makausap.

Lalabas dapat ako ng kwarto pero narinig ko ang boses nila Donya Eleanor at Ate Estella. Isinara ko ang pinto. Kailangan kong makalabas. Naglakad ako patungo sa bintana at binuksan ito. Nagsisimula nang dumilim ang langit. Pumikit ako at huminga.

Hindi ko gustong gawin ito pero nakapagdesisyon na ako. Kung patuloy na pipigilan ni Rhys ang kasal, mas mabuting umalis na sya. Wala na akong magagawa para kay Alejandro. Tutal ay sya rin ang kumitil sa sarili nyang buhay. Itutuloy ko ang kasal at ililigtas ko ang pamilya ni Ysabella. Pero bago ang lahat, gusto kong makita ang kalagayan nya.

Matapang akong sumampa sa bintana at bumaba. Umakyat ako sa bakod at umikot papunta sa kalsada. Mabilis akong nakahanap ng kalesa nang medyo makalayo sa mansyon.

Halos tulala lang ako habang tinatahak ang daan patungo sa bahay ng mga Suarez. Wala akong balak sabihin kay Rhys na isasakripisyo ko si Alejandro at mararanasan nya ang kamatayan. Sa future na ulit kami magkikita at doon na lang ako hihingi ng tawad sa kanya.

* * *

"Handa na ang hapunan."

Nandito na ako sa gilid ng mansyon at nakasilip sa bakod. Tama lang ang pagdating ko. Sabay-sabay na nagsunuran kay Marco ang mga gwardya na nakapalibot sa labas at mabilis silang naubos.

Tumuloy pa ako ng paglakad sa likod at naghanap ng maaakyat. Agad akong nagtungo sa maliit na kwartong gawa sa kawayan na nasa corner kung saan maraming nakabantay kanina. May gaserang nakasindi sa tabi nito kaya nasisiguro ko na narito si Rhys. Sumilip ako sa bintanang kalevel ng dibdib ko.

Bigla akong napatakip ng bibig at mabilis na namuo sa mga mata ko ang luha. Nakahiga sya habang nakagapos ang mga kamay sa likuran. Nakatakip ng tela ang bibig nya at mukhang hindi pa nakakakain. Kita ang mga pasa sa katawan nya tanda ng pagpapahirap nila. Hindi ko sya magawang pagmasdan. Sinisisi ko ang sarili ko dahil iniwan ko sya.

Nanlaki ang mga mata nya nang makita ako. Puno ng pag-aalala ang itsura nya. Dali-dali syang bumangon at pinilit na tumayo kahit na hinang-hina. Lumapit sya sa akin at ginawang suporta ng katawan ang bintana.

May gusto syang sabihin. Inalis ko ang telang nakatakip sa bibig nya. Bigla akong napapikit. Hindi na maawat sa pagtulo ang luha ko nang makita ng buo ang duguan nyang mukha.

"A-Anong ginagawa mo rito? Umalis k-ka na," hinihingal nyang bulong.

"Hindi ako aalis hangga't hindi mo sinasabi kung bakit mo ginagawa ito. Bakit gustung-gusto mong pigilan ang kasal?"

Napayuko sya. Hinawakan ko sya sa magkabilang pisngi at iniharap ang mukha sa akin. Tiningnan nya ako sandali sa mga mata pagkatapos ay umiling.

"H-Hindi na mahalaga 'yon. Pero may kailangan kang malaman. Hindi nagpakamatay si Alejandro. P-Pinatay sya... ni Kapitan Felipe."

"A-Ano?"

"Itinuloy nya pa rin ang pag-iimbestiga kahit tinanggap na nila ang alok ni Lola Esperanza. Pero nahuli sya at pinainom ng lason. Itinapon sya sa ilog para palabasin na nagpakalunod sya. Ipinakita nya sa akin ang lahat. Namatay sya para kay Ysabella. Hindi sya sumuko. Lumaban sya hanggang sa huli, Erika."

Hindi ako makapagsalita matapos malaman ang mga iyon. Nagkamali ako. Hindi sya nagpakamatay at ginustong iwan si Ysabella. Hindi totoong hindi sya lumaban. Pinilit nyang patunayan ang wagas nyang pag-ibig at hanggang sa huli nyang hininga ay kaligtasan nito ang inisip nya.

"Makinig ka. Nililinlang ka lang ni Kapitan Felipe. Bumubuo na sya ng bagong plano para patayin ang mga Madriñan. Wala rin syang balak na pakawalan ako. Papatayin nya tayong lahat... k-kahit ikaw."

Bigla akong nakarinig ng putok ng baril. Napasigaw sa sakit si Rhys at nakita ko ang pagdanak ng dugo sa kanang balikat nya bago sya mabilis na bumagsak sa sahig.

"Ang lakas talaga ng loob mong bumalik pa, Ysabella!"

Pagtalikod ko ay nakatutok na sa'kin ang baril ni Kapitan Felipe habang nasa likod nya ang mga gwardya at tinututukan din ako. Napataas ako ng mga kamay. Hindi ko malaman ang gagawin. Lumingon ako kay Rhys na ngayon ay sumisigaw at hindi maawat ang pagdurugo. Hindi nya magawang takpan ang kanyang braso dahil sa pagkakagapos.

"Alam ko naman na hindi ka talaga tutupad sa kasunduan." Lumapit sa'kin si Kapitan Felipe at sinampal ako ng malakas dahilan para bumagsak ako sa lupa. "At ngayon ay balak mo pang itakas ang kalaguyo mo."

"Walang hiya ka! Pakawalan mo sya!" galit na galit na sigaw ni Rhys.

"At bakit ko gagawin iyon? Ayaw nyo ba na magkasama kayo hanggang sa kabilang-buhay?" Lumuhod sya at inangat ang ulo ko. "Akala mo ba ay hindi ko malalaman na ang lalaking iyan ang nagtangkang pumasok dito noong mga nakaraang linggo? Magaling kang magpanggap. Bakit ko ba naisip na ipakasal si Lorenzo sa isang taksil na tulad mo? Hindi naman pala kita magagawang mapakinabangan."

"N-Nagkakamali ka. H-Hindi ko sya itatakas. Gusto ko lang syang makita."

"Oh? Bakit naman? Gusto mo syang masilayan bago sya sumakabilang-buhay? Pwede namang ngayon na namin gawin ang pagpaslang sa kanya para makita mo," matawa-tawa nyang sabi.

Tumayo na sya at tinitigan lang ako. Pinabuksan nya sa mga tauhan ang silid. Inilabas nila roon si Rhys at pinaluhod sya sa harap ko. Hindi ko mapigilan ang pagtulo ng luha ko habang pinagmamasdan sya. Hinang-hina na sya at halos maligo na sa sariling dugo. Tila ramdam ko rin ang sakit at hirap na nararamdaman nya.

"Marco, ikaw na ang bahala sa kanila. Ayaw kong madungisan ng dugo ng dalawang iyan ang lupa ko. Ilayo nyo sila rito at bilisan nyo lamang. Parating na sina Elvira at Lorenzo."

Umatras ng bahagya si Kapitan Felipe at saka naghudyat. Dali-daling lumapit sa amin ang mga gwardya at binitbit kami palabas ng mansyon. Ilang beses akong humingi ng tawad at nagpaliwanag sa kanya ngunit wala na syang balak na makinig. Wala rin dito si Alberto. Wala na kaming pag-asa.

Nasa likod ng mansyon ang lupain o sakahan ng mga Suarez kung kaya't walang malalapit na bahay dito. Si Marco ang nangunguna sa paglakad hawak ang isang gasera habang may tig-dalawang gwardya na nakahawak sa amin ni Rhys.

Inangat ko ang tingin sa buwan. Hindi ko na alam kung anong buhay ang babalikan ko. Hindi kami magtatagumpay sa misyon at hindi rin matutuloy ang kasal. Paano pa ako babangon?

Huminto kami sa taniman ng buko na parte pa rin ng hacienda. Humarap na sa amin si Marco. Napayuko ako nang makitang nakatitig lang sya sa akin. Ramdam ko pa rin ang lagkit ng tingin nya. Naaalala ko kung paano nya ako hawakan kahapon. Hindi malabo pero pilit kong inaalis sa isipan ang maaari nyang gawin.

"Sayang naman ang ganda ng Binibining Ysabella... kung hindi natin mapakikinabangan."

Napapikit na lang ako. Rinig ko ang mabagal nyang paghakbang palapit sa akin. Bigla akong napahagulgol ng iyak nang maramdaman ang kamay nya sa mukha ko.

"Hindi! Hayop ka! 'Wag mo syang gagalawin!" naghihingalong sigaw ni Rhys.

"Shh. Huwag kang mag-alala, Ginoo. Ibabalik ko rin naman sya sa'yo. Pero pahiram muna sandali. Ituring mo na lang itong kabayaran sa hindi namin paghihiwalay sa inyong dalawa."

Marahan nyang pinadulas ang palad pababa sa leeg ko. Rinig ko ang takot sa mga sigaw ni Rhys. Ilang saglit pa ay parang naghudyat sya sa mga gwardya at dali-dali akong inihiga sa lupa.

"'Wag!"

Napasigaw ako nang maramdaman ang katawan nya sa ibabaw ko. Pilit akong kumakawala pero hindi ko magawa. Hindi ko matanggap na mamamatay ako sa ganitong paraan. Na mauulit ang lahat ng nangyari. Hindi man ito ang totoong wakas para sa akin. Makabalik man ako sa totoo kong katauhan ay habang-buhay ko pa ring dadalhin ang karanasang ito.

Mayamaya ay bigla na lang akong nakaramdam ng hilo. Sobrang kirot at wala akong marinig kahit ang boses ko. Dumilim na rin ang paningin ko at kasunod ay nakarinig ako ng iyak. Ipinakitang muli sa akin ni Ysabella ang ginawang panggagahasa sa kanya. Hindi sya tumitigil sa pag-iyak habang nagmamakaawa sa lalaki. Sa pagkakataong ito ay malinaw na ang mukha ng taong iyon. Si Marco.