Kabanata 11: Tabing-ilog
Erika's POV
"Shuta."
Hindi maalis ang tingin ko sa kalabaw na itinago nya malapit sa mansyon. Seriously? Anong trip ng lalaking 'to?
"Sya si Makisig. Hiniram kasi sya ng kapatid ni Tatay Emiliano na nakatira rito sa Ciudad Sagrada. Kaninang hapon ko pa dapat sya naiuwi kaso ang tagal mong bumalik sa kwarto mo."
"Sasakay tayo... s-sa kanya?"
"Oo. Bakit? Natatakot ka?"
Napalunok ako. Hindi ko alam kung dapat ba akong ma-excite dahil makakasakay ako sa kalabaw. Ang laki kasi nito at never pa akong nakapag-ride sa kahit anong hayop.
"H-Hindi ka naman marunong sumakay sa kalabaw."
"Anong hindi. Sinakyan ko na nga 'yan kanina. Tara na. Sayang ang oras."
Lumapit na sya kay Makisig at halos nakanganga lang ako habang sumasampa sya sa likod nito. Sobrang yabang ng ngiti nya. Edi sya na ang marunong sumakay.
"Dito ka na sa harap ko umupo para maalalayan kita," sabi nya sabay lahad ng palad.
Tumingin muna ako sa mukha ni Makisig. Mukhang payag naman sya na sakyan ko sya. Inabot ko na ang kamay ni Rhys at dahan-dahang tumuntong sa bato. Successful naman akong nakasakay pero nakakalula at hindi ko maiwasang mapatili.
Bigla kong naramdaman ang pagyakap nya sa baywang ko at hinigit ako palapit sa kanya. Medyo nawala ang kaba ko dahil ramdam ko sya sa likod ko.
"Ready ka na?"
"O-Oo," sabay lunok.
Napapikit na lang ako at napahawak sa laylayan ng damit ni Rhys nang magsimula nang maglakad si Makisig. Marami akong naging kasalanan pero 'wag naman sanang pagkatusok sa sungay ng kalabaw ang ikamatay ko.
"Relax. Hindi ka mahuhulog," bulong nya sa tapat ng tainga ko at para akong nakuryente sa init ng hininga nya.
Nag-inhale-exhale muna ako ng ilang beses bago unti-unting iminulat ang mga mata. Tinatahak namin ngayon ang malawak na lupain palayo na sa kalsada at kabahayan. Medyo malago at mahaba ang mga damo rito at kung hindi kami nakasakay sa kalabaw ay siguradong mangangati kami.
"Saan ba talaga tayo pupunta?"
"Surprise."
"Dinamay mo pa talaga si Makisig sa masama mong balak."
"At least hindi magsusumbong ang kalabaw. Rawr!"
"Geez. Scary."
Pareho na lang kaming natawa sa mapusok naming landian. Tumingala ako at ipinatong ang ulo sa balikat nya. Ang clear ng langit. Sinasalubong kami ng malamig na hangin at humahampas sa mga damo na lumilikha ng magiliw na tunog.
Patuloy na lumalakas ang liwanag ng buwan habang patuloy na nauubos ang oras namin sa panahong ito. Kung pwede lang sanang matapos namin ang misyon ng ganito kapayapa.
Halos kalahating oras na kaming naglalakbay nang mapansin ko ang pag-reflect ng liwanag ng langit sa ibaba. Nilingon ko si Rhys at nakitang nakatingin din sya sa akin habang nakangiti ng maluwang.
Patungo kami ngayon sa ilog. Sa kabilang bahagi nito ay matatanaw ang malawak na sakahan ng palay. Habang unti-unti kaming lumalapit doon ay unti-unti ring lumalaki ang mga mata ko. Shuta ang ganda.
Pinahinto na nya si Makisig nang makarating kami sa tabing-ilog. Itinali nya ito sa isang malaking bato at hinayaang uminom. Inilibot ko ang paningin sa malinis at malinaw na tubig nito. Napahawak ako sa dibdib nang bigla akong makaramdam ng kirot. May gusto bang sabihin si Ysabella?
"Paano mo ba 'to nakita?"
"Sa paglilibot. Villa Oriente na 'yang kabila. Kung gusto mo mag-shortcut, tumawid ka sa ilog," trivia nya at napatango na lang ako. "Halika na, Binibini," pag-aya na nya sabay alok sa kanyang braso.
Pinanliitan ko sya ng mata. May nakain sigurong masama ito. Hindi naman sya mukhang nakainom. Natawa sya at nahawa naman ako.
Kumapit na ako sa braso nya. Sasakyan ko na ang trip nya kahit ngayong gabi lang.
Naglakad kami sa gawing kanan. Biglang bumagsak ang panga ko nang makita ang liwanag ng dalawang gasera 'di kalayuan. May carpet at mga pagkain sa gitna ng mga ito habang nakasilong sa isang puno ng mangga. Nagsisisi tuloy ako na ang dami kong kinain sa mansyon.
"Siraulo ka. Bakit mo ginastos ang pera ni Alejandro?"
Nakaupo na kami sa carpet. Inuusisa ko ang mga binili nyang bibingka, balut, ihaw-ihaw, at buko. Ang sasarap naman. Pero walangya, para kaming nangupit ng pera.
"Pera ko ang pinambili ko sa mga 'yan. Pinasahod ako ni Itay Emiliano dahil sa pagtatrabaho ko," proud na proud nyang sabi. Natawa naman ako.
"Wow naman. Pinaghirapan." Hinihingi nya lang kasi ang pera kay Tita Ingrid.
"Ayaw lang naman kasi akong patulungin nina Papa at Mama sa business nila. Saka na raw namin isipin ni Ate ang tungkol sa pagnenegosyo. Pero alam mo 'yon? Bilang anak, ang sarap sa pakiramdam kapag pinaghihirapan ko ang perang ibinibigay nila. Hindi rin nila ako inuubliga na kumuha ng business course. Kung gusto ko raw i-pursue ang music, go. May sarili raw akong paraan para iangat ang sarili ko."
Pareho kaming napangiti. Ganyan din ang sinabi ni Mama noong nalaman nya na gusto kong mag-architecture kahit may ibang courses na sobrang in demand ngayon. Mas mahalaga raw na mahal at gusto ko talaga ang ginagawa ko dahil doon talaga ako mag-e-excel.
"Iba-iba ang paraan nila ng pagiging magulang. Mas importante sa iba na maging praktikal dahil hindi naman lahat ay may kaya sa buhay," wika ko sabay dampot ng isang balut. "B-Bakit ang lamig?" Humagikgik sya.
"Kanina ko pa kasi 'yan binili. Hinanda ko muna 'to bago ka puntahan. Tapos nagpakabusog ka pa sa inyo," saad nya saka nag-pout.
"Sorry na. 'Di ka kasi nagsabi eh. Saka kakain pa rin naman ako."
Nagngiting-aso naman sya at kumuha na rin ng balut. Sabay namin iyong binasag at nag-cheers muna bago inumin yung sabaw. Chalap chalap!
Tiningnan ko sya na kasalukuyang hinahalukay ang baby duck. Napaisip ako. Magmula nang mapunta kami sa katauhan nila Alejandro at Ysabella ay halos patungkol sa misyon ang lagi kong iniisip. Nakalimutan ko nang isipin ang totoong kami. Pero sya, naaalala nya. Ganito ang paraan namin ng pagdedate.
Hapon pa lang ay uupo na kami sa Freedom Park sa Cabanatuan City. Naghihintay na magsunset at lumitaw ang buwan habang nilalantakan ang mga binili naming street foods. Wala kaming ibang pinoproblema kundi quizzes at exams. Ngayong gabi, ayaw ko munang isipin ang misyon. Kahit ngayong gabi lang, gusto kong maging kami, bilang Rhys at Erika.
* * *
"Hindi ko na kaya. OMG, manganganak na yata ako."
Sabay kaming napahiga na lang dahil sa sobrang kabusugan. Halos hindi na nga kami makatawa. Kaunting buka lang ng bibig ay parang lalabas na ang mga kinain namin. Nakakamiss ang ganitong moment.
"Alam mo, kung itinuloy nating pigilan ang kasal, magandang idea sana yung mabuntis ka," bigla nyang wika sabay pumihit ng higa paharap sa'kin. Tumaas naman ang kilay ko.
"Magandang idea. Gusto mo lang akong manyakin kamo. Months bago magbigay ng symptoms ang buntis. Naikasal na ako kay Lorenzo bago pa mangyari 'yon. Wala rin."
"Ang talino naman. Hindi pala talaga kita maiisahan. Tsk tsk!"
"Kahit pa para sa misyon, hinding-hindi ako papayag doon. You know my rule."
"First kiss on wedding day," sabay naming sinambit saka natawa.
Isa sa mga life goals ko ang dapat ay maganap ang first kiss ko sa kasal ko, I hope sa kanya. Para sa'kin, iyon talaga ang purpose kaya sinasabi ng nagkakasal na You may now kiss the bride, because that will be the first time na mahahalikan ng lalaki ang babae sa lips. Siguro ay dahil din sa medyo pagka-traditional woman ko kaya ako pinili para rito.
"Ang daya naman. Mauunahan pa pala ako ni Lorenzo."
"Nasa katauhan naman ako ni Ysabella."
"Kahit na. Mararamdaman mo pa rin 'yon."
"Tss. Napakaseloso."
"Edi... pwede rin kitang i-kiss ngayon kasi nasa katauhan ka naman ni Ysabella?"
Sinamaan ko sya ng tingin. Nakangiti naman sya ng todo at nagtataas-baba pa ng kilay. Shuta. Ginagamit pa ang maginoong si Alejandro sa kalokohan nya.
"Sinasabi ko na nga ba. Mali talaga na sumama ako sa'yo rito eh."
"Talaga ba?"
Bigla akong napatili nang hawakan nya ako sa tagiliran. Gusto kong bumangon pero nanghina na kaagad ang katawan ko dahil sa pagkiliti nya. Alam na alam nya talaga kung paano ako matatalo. Bwisit!
Hingal na hingal ako pagkatapos at basang-basa ang mga mata ko ng luha. Hinampas ko sya sa tiyan pero wala na akong lakas kaya mahina lang ang nagawa ko. Tawa naman sya ng tawa habang nakatungkod ang siko sa carpet at nakapatong ang ulo sa palad. Grabe. Akala ko ay katapusan ko na. Pwedeng-pwede talaga akong mamatay dahil lang doon.
"Round 2?"
"Abnoy."
Tumawa na lang sya sabay yakap sa akin. Nakatulala lang ako sa langit at kumukuha ng enerhiya sa mga bituin. Ramdam na ramdam ko ang hininga nya sa leeg ko. Nilingon ko sya at nakitang nakapikit na. Wala naman siguro syang balak na mag-overnight kami rito noh?
"Isang oras pa," mahina nyang bigkas.
Napalunok ako nang maamoy ang hininga nya. Amoy balut. Ginalaw ko ang buhok nya at ginawang hugis sungay. Napangisi ako noong una pero agad kong pinagsisihan nang mapagtanto na katawan iyon ni Alejandro.
Bigla akong umiwas ng tingin nang makitang didilat sya. Dahan-dahan syang bumangon at tumingin sa ilog. Bumangon na rin ako at sinamahan syang manood. Bakit ganoon yung feeling?
"Nararamdaman mo rin ba?" rinig kong tanong nya habang hindi pa rin maalis ang tingin ko sa tubig.
"Ang lungkot."
Alam namin na mula kina Alejandro at Ysabella ang nararamdaman namin ngayon. Pero bakit? Ano'ng mayroon sa ilog na 'to na nagiging sanhi ng dalamhati nila?
Kinabukasan, nagplano agad ako kung paano malalaman ang lugar kung saan itatago ni Kapitan Felipe ang mga alak. Hindi ko na sinabi kay Rhys ang tungkol doon. Natakot na akong magkwento ulit sa kanya matapos naming magtalo. Kaya ko namang gawin ito ng mag-isa.
Sa huli ay nag-decide ako na huwag na lang nakawin kay Kapitan Felipe ang alak na may lason. Since alam naman na ni Ate Estella ang tungkol sa pagkatao at misyon namin, sya na lang ang kakausapin ko. Sinabi ko sa kanya ang tungkol sa narinig ko kahapon. Napagkasunduan namin na hindi sya iinom ng alak at pipigilan nya ring makainom sina Don Joaquin at Donya Eleanor.
"Pero... ano ang sasabihin ko kina Ama at Ina? Tiyak na tatanungin nila ako."
Nasa kwarto ko sya ngayon at seryosong-seryoso ang mga mukha namin. Napaisip naman ako. May point sya.
"K-Kaya mo bang... basagin yung bote? Kunwari ay masasagi mo."
"Siguradong pagagalitan ako ni Ama dahil dyan. Pero sige, i-iyon ang gagawin ko."
Napayuko sya. Halatang kinakabahan sya sa plano namin. Lumapit ako sa kanya at hinawakan ang kamay nya. Ngumiti ako ng bahagya.
"Keri natin 'to."
"K-Keri?"
"Usong salita 'yon sa hinaharap. Ibig sabihin, kaya. Keri?"
"Keri."
Pareho na lang kaming natawa. Tinuruan ko pa sya ng ibang mga term tulad ng shookt, lodi, flex, g, arat na, blah blah blah. Tuwang-tuwa sya habang sinasabi at binibigkas nya pa talaga in proper accent. Syempre hindi ko sya tinuruan ng foul words. Sobrang interested talaga sya sa future.
Inaya ko syang maglibot sa plaza kinahapunan. Gusto kong sulitin ang mga nalalabi kong araw sa panahong ito. Maraming nalilibutan sa future pero ewan ko ba, mas naa-appreciate ko ang ganito. Matataas na puno ang nakatayo kaysa matataas na building, sobrang linis ng paligid, payapang nakakapaglibot, at walang polusyon.
May nadaanan kaming tindahan na nagbebenta ng bracelets na inuukitan ng pangalan. Gusto ko sanang bumili para sa'min ni Rhys tapos ipapatago ko kay Ate Estella hanggang sa makarating sa amin sa hinaharap... kaso nahihiya ako.
Sa huli ay kinapalan ko na ang mukha ko at pumayag naman sya. Nagpagawa ako ng isang nakapangalan kay Rhys at isa sa akin. Sa ilalim ng mga pangalan namin ay may nakaukit na 1891. Ngayon pa lang ay gusto ko nang umiyak. At least, may bagay na mula rito ang maiiwan sa amin bukod sa alaala.
"Maiwan ka muna rito. May bibilhin lang ako sandali."
"Sige, teh."
Umalis na si Ate Estella at naiwan ako sa table namin. Kasalukuyan kaming kumakain ng mga kakanin. Hindi ako fan ng mga kakanin pero ang sarap ng pagkakaluto nila rito.
Tumingin ako sa paligid habang ngumunguya. Mayamaya ay may dumaang kalesa sa kalsada. Biglang kumunot ang noo ko nang makita yung kutsero. Namumukhaan ko sya. Isa sya sa mga tauhan ni Kapitan Felipe na kasamang nagdala ng mga baboy sa mansyon.
Napatingin ako sa kalesa. May sakay itong lalaki, medyo kahawig ni Lorenzo. Imposibleng kapatid nya iyon dahil mag-isa lang naman syang anak. Napansin ko ang kargada sa likuran nito na nakatakip ng kumot. May iba akong pakiramdam sa laman niyon.
Sinundan ko sila ng tingin hanggang sa medyo makalayo na. Babalik na sana ako sa pagkain nang may dumaan ulit na kalesa. Biglang nanlaki ang mga mata ko. Sakay ng kalesang iyon si Rhys at nakatingin sya sa kalesang nauna. Anong ginagawa nya?
Dali-dali akong tumakbo at naghanap ng kalesang masasakyan. Pinasundan ko ang kalesang sinasakyan nya. Sobrang lakas ng kabog ng dibdib ko. Bakit nya sinusundan ang tauhan ni Kapitan Felipe? Ano ang pinaplano nyang gawin?
Tinatahak namin ngayon ang daan patungo sa bahay ng mga Suarez. Nakapunta na roon ang mga Madriñan kaya naaalala ko. Mayamaya ay unti-unting bumagal ang takbo ng kalesa ni Rhys. Nakita ko syang bumaba roon at mabilis na tumakbo patungo sa gilid ng mansyon.
Malayo pa ang pwesto ko at hindi ko sya magawang tawagin. Umalis na ang kalesang sinakyan nya. Huminto kami sa parehong lugar na hinintuan nito. Dali-dali akong bumaba at nagtungo kung saan sya pumunta pero hindi ko na sya makita.
"Kumusta ang paglalakbay, Marco? Wala bang naging problema sa daungan?"
"Wala po, Tito. Hinintay muna naming maubos ang mga biyahero bago namin inilabas ang mga kargada. Tiniyak din namin na kumpleto ang mga ipinadalang alak."
Dahan-dahan akong naglakad palapit sa bakod. May mga nakaharang na halaman pero natatanaw ko ang loob. Kausap ni Kapitan Felipe yung lalaking nakita kong sakay ng kalesa. Kung gayon ay sya pala si Marco.
"Bueno. Ibaba nyo na ang mga iyan."
Pares-pares na kumuha ng kahon ang mga tauhan at ipinasok ito sa isang kwarto. Napagtanto ko na wala pa sa mga alak na iyon ang may lason. Hindi pa sya nakakapili ng hahaluan nya. Malinis na dumating sa bansa ang mga alak. Mukhang nakatakda talaga ang mga iyon para ipamahagi sa kasal, pero sa huli ay naisip nya na gamitin sa planong pagpaslang sa mga Madriñan.
Nagpatuloy ako sa paglakad para hanapin ulit si Rhys. Nakakainis. Paano nya kaya nalaman ang tungkol dito?
"Itaas mo ang iyong mga kamay at humarap sa akin," rinig kong mula sa isang malalim na boses sa likuran ko.
Mas lalong tumindi ang kaba at takot na nararamdaman ko. Automatic akong napa-hands up. Hindi ko mapigil ang grabeng panginginig ng buong katawan. Ayaw kong humarap sa kanya. Baka bigla nya akong barilin.
"S-Sino 'yan?"
Naglakad si Kapitan Felipe palapit sa bakod para silipin kami. Agad akong tumalikod. Kitang-kita ko na ngayon ang mukha ng taong nakahuli sa'kin. Nakadamit panggwardya sya, malaking tao, at matikas ang tindig. Dahan-dahang bumaba ang tingin ko sa hawak nyang baril. Katapusan ko na.
"May nahuli po akong nag-eespiya, Kapitan," sabi nya sabay ngisi habang matalim na nakatitig sa akin.
"Dalhin mo rito 'yan."
Nagsenyas sya gamit ang baril na maglakad ako. Itinuro nya ang patungo sa likod ng mansyon. Wala akong magawa kundi ang sumunod na lang. Hindi ako makapaglakad ng maayos. Nangangatog ang mga tuhod ko at feeling ko ay matutumba na ako. Hindi ko pa rin makita si Rhys. Sana ay nakaalis na sya.
Ibinukas ng gwardya sa loob ang maliit na gate. Ayaw kong pumasok. Gusto kong tumakbo pero kapag ginawa ko 'yon ay siguradong huling araw ko na. Napapikit ako nang maramdaman ko ang pagdikit ng dulo ng baril sa likod ko. Humakbang ako ng isa papasok pero tuluyan nang nawalan ng lakas ang mga binti ko at dali-dali akong bumagsak sa lupa.
"Y-Ysabella?" rinig ko ang pagkagitla sa boses ni Kapitan Felipe.
Nakayuko lang ako. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin sa kanya. Kung magsisinungaling ba ako o hindi. Walang maayos na pumapasok sa isip ko. Mayamaya ay tumapat na sya sa akin.
"Nakita ko po syang nagmamatyag mula sa labas. Mukhang may alam po sya sa plano natin, Kapitan," itirada ng gwardya.
"Sino ang nagsabi sa'yo?" madiin nyang tanong.
Napakagat ako sa ibabang labi. Umiling ako. Wala naman talagang nagsabi sa'kin at wala akong ilalaglag.
"I-Itigil mo na po ito. Naging m-mabuti po sa inyo ang pamilya namin."
Bigla nya akong hinawakan sa baba at itiningala sa kanya. Naghahabol na ako ng hininga dahil sa sobrang takot. Galit na galit ang tingin nya. Nanlaki ang mga mata ko nang makita ang isa sa mga tao na narito. Si Alberto. Ibig sabihin ay may alam sya?
"Akala mo ba ay mapipigilan mo ako dahil lang sinabi mo? Hindi ka dapat nakikialam," sabi nya sabay bitaw sa akin at tumindig na ng diretso. "Matagal nang nagpapakasasa sa yaman ang pamilya ninyo sa bayang ito. Hindi ko alam kung anong swerte ang mayroon 'yang si Joaquin. Kahit sa Maynila ay may nangangarap na maikasal sa kanyang anak. Lalo syang lumalakas. At kapag nagtagal ay baka mag-ambisyon na syang mamuno. Ano kaya? Cabeza de Barangay? Gobernadorcillo? No, no, no. No solo un mestizo puede robarme la posición que merezco. ¡Todavía eres un Indio!" [Hindi isang mestizo lang ang makakaagaw sa pwestong nararapat sa akin. Isa pa rin kayong Indio!]
Naunawaan ko ang mga sinabi nya kahit na wikang espanyol. Sya ngayon ay namumuno bilang Cabeza de Barangay o Kapitan. Gobernadorcillo naman ang namumuno sa isang lungsod tulad ng Cuidad Sagrada. Ginawa nya ang lahat ng ito dahil lang sa inggit at takot na maagawan sya. Bigla akong nakaramdam ng inis.
"Buhay ng tao para sa posisyon? Anong klaseng tao ka? Pinatunayan mo lang na hindi nyo kayang lumaban ng patas para malamangan kaming mga Pilipino."
Isang malakas na sampal ang nakuha ko. Wala akong pinagsisihan. Itinaas kong muli ang ulo ko pero bigla akong natigilan nang mapatingin sa bakod. Narito pa si Rhys. Nakasilip sya mula sa labas at nagtama ang mga mata namin. Hindi.