Kabanata 10: Tampuhan
Erika's POV
"Tuloy ang plano. Kukunin natin ng palihim kay Kapitan Felipe ang lason... at matutuloy pa rin ang kasal."
Nakasakay na kami ng kalesa pabalik sa mansyon. Alam ko na hindi pa rin matatapos ito kung pipigilan lang namin ang balak ni Kapitan Felipe sa araw ng kasal at mananatili pa rin ang ugnayan ng mga Madriñan sa kanya. Hindi ito ang dapat gawin pero ito ang kailangan dahil kung hindi ay ako ang mawawalan.
"Paano kung connected sa kasal ang pagkakagahasa kay Ysabella? Hindi ka ba natatakot sa maaaring mangyari sa'yo?"
Hindi ko na lang sya sinagot. Alam ko kung saan na naman papunta ang usapang ito. Aware ako sa maaaring mangyari sa akin. Natatakot ako. Pero katulad ng pagkamatay ng pamilya ni Ysabella, pwede rin naming mapigilan.
Ni hindi pa naman sigurado kung mangyayari iyon habang nandito kami. Hindi ko isasakripisyo si Rhys dahil lang nanganganib ako. Nagsisisi tuloy ako na sinabi ko pa sa kanya ang tungkol doon.
"Erika, hindi mo ba naiintindihan? Mawawalan lang din ng saysay ang gagawin natin kung---"
"Tapos na ang istorya nina Alejandro at Ysabella. Tayo na ngayon ang nabubuhay. Hindi ko hahayaan na maiwan akong mag-isa para lang makuha nila ang kaligayahan na hindi naman nila ipinaglaban," madiin kong pagputol sa kanya.
Kita ang gulat sa mga mata nya. Agad akong umiwas ng tingin sa kanya dahil ramdam ko na ang pamumuo ng luha ko. Handa akong magsakripisyo. Tatanggapin ko ang mga daranasin ni Ysabella para sa kanya pero parang ang dali nyang piliin na maglaho na lang at iwan ako. Sya ang hindi ko maintindihan. Mas natatakot pa sya na ma-rape ako kaysa sa buhay nya.
"Erika. Kapag nagtagumpay tayo misyon, maraming buhay ang maililigtas natin. Kasama na ang buhay ni Tita Yuna. Mas kailangan mo sya. Ayaw mo bang---"
Itinaas ko ang dalawang kamay ko para patigilin sya. Napakagat na lang ako sa ibabang labi habang hindi maawat ang pagdaloy ng luha sa mukha ko. Ayaw ko nang marinig na idahilan nya si Mama. Oo, masakit pa rin ang nangyari pero tinanggap ko na 'yon two years ago. Sya na ang mayroon ako ngayon. Hindi ko kailangan ang pagiging selfless nya. Ang gusto ko, mabuhay sya.
"Kung ayaw mong gawin ito, kahit ako na lang."
Wala nang nagsalita sa amin hanggang sa huminto ang kalesa malapit sa masyon. Dali-dali akong bumaba at naglakad palayo. Ito yata ang unang beses naming magtalo. Ang hirap. Hindi nya ako magawang sundan dahil may mga tao sa daan na nakakakilala kay Ysabella. Pero bakit parang ang daming tao ngayon?
Unti-unting nabuo sa pandinig ko ang iyakan ng mga baboy. Nasa labas pa lang ako ng gate at mula sa mansyon nanggagaling ang ingay. Kailan pa nagkaroon ng mga alagang baboy ang pamilya nila?
"Naryan na po ang mga baboy na kakatayin para sa inyong kasal, Senyorita Ysabella," masayang sabi ng isang ale.
Napatitig ako sa kanya. Hindi sya mukhang mayaman, kahit yung ibang mga tao rito. Purong katutubo ang mukha at kulay kayumanggi ang balat. Sa pagkakaalam ko ay sila ang mga itinuturing na mga Indio sa panahong ito. Mixed-race o mestizo/mestiza ang mga Madriñan, at ang ganoong uri pa lang ang maaaring tawagin na Filipino.
Nginitian ko na lang sya saka pumasok sa gate. May nakahintong dalawang kalesa sa gilid ng bahay, yung isa ay may lamang dalawang baboy. Parang nakuha na nila ang iba dahil may naririnig akong iyak galing sa likod ng mansyon.
"Magandang tanghali po, Binibining Ysabella."
Napalingon ako sa kutsero ng kalesa na walang lamang baboy. Todo ang ngiti nya. Nakakainis na nga sa sobrang lawak eh. Beastmode ako ngayon at ayaw kong makakita ng masaya.
Tumango lang ako sa kanya saka nagdere-deretso papasok ng bahay. Paakyat na sana ako ng hagdan nang biglang lumabas si Ate Estella galing sa kusina.
"Saan ka ba nanggaling? Mabuti na lang dahil hindi pa dumarating sina ama at ina."
"D-Diyan lang sa... tabi-tabi."
"Erika. Hindi man ikaw si Ysabella, pwede mo pa rin akong ituring na kapatid. Pwede mo akong sabihan ng problema."
"Ayos lang ako. S-Sige teh."
Tumuloy na ako sa pag-akyat. Nagkulong ako sa kwarto at pabagsak na humiga sa kama. Gusto ko sanang magkapag-isip ng maayos pero hindi naman ako makapag-focus dahil sa ingay ng mga baboy sa labas. Sa side kasi ng kwarto ko sila dumadaan para maglipat.
"Siguraduhin nyo na sapat ang makakain ng mga iyan para hindi mamayat."
Nanlaki ang mga mata ko at biglang napabangon nang marinig ang boses ni Kapitan Felipe. Pasimple akong nagtago at sumilip sa gilid ng bintana. Tama ako. Nandito nga sya.
Umalis na ako sa tabi ng bintana at naglakad-lakad sa paligid ng silid. Pinagdidikit ko ang mga hintuturo ko habang nag-iisip ng plano. Kailangan ko nang simulan ngayon ang pagmanman sa kanya. Hindi kaya... may lason yung karne ng mga baboy? Shuta. Mag-isip ka nga ng maayos.
Lumabas ako ng kwarto at sa likuran na pinto ng bahay dumaan palabas ng mansyon. Saktong paalis pa lang ang mga tao para kunin ang natitirang baboy sa kalesa. Dali-dali akong tumakbo at nagtago sa likod ng pinagkulungan nila ng mga baboy. Sinilip ko si Kapitan Felipe mula rito.
Nakatayo pa rin sya sa tapat ng kwarto ko pero nakatalikod sya sa'kin at nakatingin sa mga tao na kumukuha sa baboy na nag-iisa na lang. Napatakip na lang ako ng tainga habang lumalapit sila bitbit yung iskandalosong baboy na feeling end of the world na. Tumigil na ito sa pagtili pagkalapag sa kulungan at mukhang nakipaggroup hug na sa mga kasama.
"Parating na po si Don Joaquin. Siguradong matutuwa sya sa inyong mga handog," rinig kong sabi ng isang lalaki na mukhang tauhan dito sa mansyon.
"Inaabangan ko talaga ang kanyang magiging reaksyon sa mga ito," tugon ni Kapitan Felipe at napangiwi naman ako. Ang plastic.
"Sige po, Kapitan."
Umalis na yung tauhan at naiwan si Kapitan Felipe. Tahimik lang sya. Mukhang nanghihinayang sa mga ibinigay na baboy ah. Mayamaya ay may lumapit sa kanyang isang lalaki.
"Kapitan, bukas pa raw po ng umaga ang dating ng barko mula Pransya sa Maynila."
"Ayos lang. Bukas ay magpapapunta ako ng dalawang tao. Basta walang dapat makaalam na sa akin ang mga kargadang alak."
"Opo, Kapitan."
Umalis na sila at naiwan akong tulala. Alak? Iyon kaya ang gagamitin nya sa panlalason? Posible. Kailangan kong makita kung saan nila itatago ang mga iyon.
Aalis na sana ako nang bigla akong makaramdam ng hilo. Napapikit ako sa sakit at agad na naghanap ng makakapitan. In-expect ko na ang mga susunod na mangyayari. Nawalan ako sandali ng pandinig at mayamaya ay nakarinig ako ng palakpakan. Madilim lang ang nakikita ko hanggang sa unti-unting lumiwanag at naging malinaw sa isipan ko ang kaganapan.
Araw na ng kasal. Ginaganap ang pagsasalo-salo sa bahay nila Lorenzo at Ysabella. Kasalukuyang nagbibigay ng mensahe si Don Joaquin.
"Maraming salamat sa inyong pagdalo upang saksihan ang pag-iisang-dibdib ng aming mga anak. Kay Ysabella at sa aming bagong anak na si Lorenzo, hangad ko ang inyong maayos at masayang pagsasama bilang mag-asawa. Biyayaan nawa kayo ng maraming supling. Ysabella, lubos kaming nagagalak dahil lumaki ka bilang isang mabuti at masunuring anak. Nasisiguro ko na magiging isa ka ring mahusay na asawa at ina sa iyong sariling pamilya. Lorenzo, ipinagkakatiwala ko na sa iyo ang aming anak. Isa ka na ngayong parde de pamilya na magtataguyod sa iyong sambahayan. Ingatan at mahalin mo sila."
Bago matapos ang pagtitipon ay ipinasok ng mga tagapagsilbi ang dose-dosenang alak. Binigyan ng isang bote ang bawat isang pamilya.
"Mga alak ito na gawa pa sa Italya. Kanino ito nanggaling?" tanong ni Kapitan Felipe sa nagse-serve.
"Pasensya po. Hindi po nagbigay ng pangalan ang nagdala."
"Hmm, marahil ay galing ito sa isang tao na hindi nakadalo ngayon," sabi ni Don Joaquin.
"Kung gayon ay salamat na lamang sa kanyang kabutihang-loob," saad ni Kapitan Felipe.
Kinabukasan ay nakarating kay Ysabella ang balita na natagpuang wala nang buhay ang kanyang pamilya sa kanilang mga higaan. Sinasabi na maaring pagkalason ang naging sanhi.
Napabitaw ako sa kinakapitan. Mabuti na lang dahil naitungkod ko ang mga palad ko sa pagbagsak sa lupa. Unti-unti nang nawala ang pananakit ng ulo ko. Hindi ko maiwasan ang maghabol ng hininga habang inaalala ang naging vision ko. Tama. Pwede na ang alak nga na iyon ang nakalason sa kanila.
"Binibining Ysabella?"
Biglang nanlaki ang mga mata ko at napatingala. Gulat na nakatingin sa akin yung kutsero ng kalesa na bumati kanina. May tiningnan sya sandali sa malayo na feeling ko ay si Kapitan Felipe pagkatapos ay ibinalik na ang tingin sa akin. OMG, 'wag nya sana akong isumbong.
"A-Ayos ka lang po ba, Binibini?"
Humakbang sya palapit para alalayan ako pero nag-gesture akong huwag na. Tumayo akong mag-isa at sobrang kinakabahan. Bakit ba kasi sya nagpunta rito? Baka ji-jingle dapat sya.
"May... gagawin ka ba? S-Sige. Aalis na ako," sabay lakad ng mabilis.
"Sandali."
Napakagat ako sa ibabang labi. Oh no. Baka iba-blackmail nya ako. Hingan ako ng pera kapalit ng katahimikan nya!
"P-Pwede po bang... makahingi ng tubig?"
Nilingon ko sya. T-Tubig? Kinagat ko ang ibabang labi para pigilang matawa. Masyado akong paranoid. Tubig lang pala ang katapat nya.
"S-Sige. Sandali lang."
Pumasok na ako ng bahay at nagtungo sa kusina para kumuha ng tubig. Agad akong bumalik sa kanya at naabutan syang pinanunuod yung mga baboy. Napanganga ako bigla nang makitang limang baboy ang nasa kulungan. Lima?! Kakatayin lahat 'yan para sa kasal?
"B-Bakit ang dami?"
Parang nagulat sya at hindi yata namalayan ang pagdating ko. Sobrang na-catch ba sa panunuod?
"Nandyan ka na po pala," sabay ngiti na naman ng pagkalawak. Yung totoo, crush ba ako nito?
"Tubig mo," seryoso kong iniabot sa kanya yung baso at agad nya itong ininom "Umm, nagtatrabaho ka ba kay... K-Kapitan Felipe?"
Naudlot ang pag-inom nya at confused na napatingin sa'kin. Hindi nya sana mahalata na kinakabahan ako dahil baka tauhan nga sya ni Kapitan Felipe at may alam sya sa pinaplano nito. Sapat na sana ang pagkakaroon nya ng crush sa akin para pagtakpan ako. Hays ang user lang, Erika.
"Opo. Dati pa po ako nagsisilbi bilang kutsero sa mga Suarez. Hindi... mo po ba naaalala?"
Ha? Magkakilala ba kami? Bigla namang may pumasok na alaala sa isip ko mula sa kasuluk-sulukang memory ni Ysabella. Alberto ang pangalan nya. Madalas ay sya ang kasa-kasama ni Lorenzo kapag pumupunta rito sa mansyon.
Nakakapag-usap sila ni Ysabella at naging magkaibigan sila. Mas malapit pa nga ang loob nito sa kanya kaysa kay Lorenzo. Oh shocks. In-snob ko ang kaibigan ni Ysabella. Kaya pala ngiti ng ngiti at feeling close sya kanina pa.
"W-Wala iyon!" Natawa na lang ako sa sariling kashungahan.
Biglang umaliwalas ang mukha nya. Kumikislap pa ang mga mata nya habang tinititigan ako. Napatikom tuloy ako ng bibig. Sobrang saya nya siguro dahil nagbalik na ang ngiti ng frenny nya na kanina pa poker-faced. Naku, todo kilig naman wews.
"Uhh, s-si Lorenzo pala? Nasaan sya?"
"Inutusan po sya ni Kapitan Felipe na magtungo sa Bulacan para maghanap ng binhi. Hindi na raw po kasi maayos ang ani sa hacienda. Kasama nya po si Donya Elvira. Baka po sa isang araw pa ang balik nila."
Talaga lang ah? For sure naman na pinaalis lang sila ni Kapitan Felipe para hindi nila makita ang kasamaang gagawin nya.
"Binibini. Alam mo po ba na sobrang saya ni Ginoong Lorenzo? Sinabi nya po sa akin na pagbalik nila galing Batangas ay nagbago raw po ang pakikitungo mo sa kanya. Marami ka na raw pong nasasambit at nagbibiro ka na rin. Akala po nya ay hindi ka nya magagawang mapaibig ngunit sa tingin nya ay naipagkaloob na ang matagal nyang ipinagpapanata. Totoo po ba na nahulog na ang loob mo sa kanya? Sayang lang dahil umuwi ako ng aming bayan. Hindi ko tuloy nasaksihan ang mga pangyayari."
Napanganga ako bigla. Ano?! In love ako kay Lorenzo? Iyon ba ang naging interpretasyon nya sa naging pakikitungo ko sa kanya? No! Oo, gwapo sya pero eww! Hindi talaga! Hindi ako two-timer noh.
Pero medyo naaawa ako kay Lorenzo. Naaalala ko kung paano makitungo si Ysabella sa kanya. Tahimik lang ito at sasagot lang kapag nagsasalita sya. Ramdam nya na wala talaga itong interes.
Kaya sobrang nanibago sya sa naging asta ko noong naglibot kami sa hardin ng mansyon. Sya yung tipo ng tao na handang magpakamartir. Patuloy na magmamahal hindi man ito masuklian.
May ilang araw pa kami rito after ng kasal. May almost 4 days pa ako na magiging asawa ni Lorenzo. Kaya ko syang pakisamahan. Natatakot lang ako na sa pag-alis namin ay masaktan na naman sya.
Wala akong karapatan na husgahan si Ysabella. Madali para sa akin ang maging masaya dahil alam ko na temporary lang ang lahat ng ito. Pero para sa kanya, habang-buhay syang matatali sa lalaking hindi nya mahal.
"S-Siguro nga... nahulog n-na ako," sagot ko sabay lunok sa aking mga kasinungalingan.
"Talaga po? Masaya po ako para sa inyo."
Ngumiti na lang ako. Parang bigla tuloy akong nagsisi dahil sa sinabi ko. Siguradong sasabihin nya 'yon kay Lorenzo. Nadagdagan na naman ang mga atraso ko kay Ysabella. Ang gaga mo kasi, Erika.
"Alberto."
Sabay kaming napalingon kay Kapitan Felipe na naglalakad ngayon palapit sa pwesto namin. Tumingin sya sa'kin at parang medyo nagulat sya.
"Binibining Ysabella, ano'ng ginagawa mo rito? Bakit kayo magkausap ni Alberto?"
Wala akong ganang sumagot sa mga tanong nya. Matinding poot lang ang nararamdaman ko. Sobra siguro ang pagdiriwang nya noong namatay ang mga Madriñan. Pwes this time, hindi na sa iyo ang huling halakhak!
"N-Nais lang pong tignan ni Binibining Ysabella ang mga baboy, Kapitan."
"Ganoon ba? Nagustuhan mo naman ba ang aking mga munting regalo, Binibini?"
Pilit akong ngumiti saka tumango. Mukhang dito sa panahong ito ko matututuhang maging plastic.
"Opo. Maraming salamat po."
"Nagagalak akong marinig. Sige. Hindi ko na mahihintay ang pagdating ni Joaquin. May mga bagay pa kasi akong kailangang asikasuhin."
"Sayang naman po. Ako na lang po ang magsasabi sa kanila."
Sinamahan ko sila hanggang sa makarating sa mga kalesa. Sa kalesang pinatatakbo ni Alberto sumakay si Kapitan Felipe. Napabuga na lang ako ng malakas na hangin pagkaalis nila. Gosh. Ang hirap magpanggap. Gustung-gusto ko na syang kalbuhin pero kailangan kong maging mabait.
Tinulungan ko si Ate Estella na magluto ng tanghalian at mayamaya ay dumating na rin sila Don Joaquin at Donya Eleanor. Pagkatapos kumain ay nagsiesta kami. Hindi naman ako makatulog.
Naaalala ko yung away namin ni Rhys. Alam ko naman na ayaw nya lang akong mapahamak kaya nya iyon naisip. Marami na akong pinagdaanan sa buhay. Naroon sya sa lahat ng ups and downs ko. Sa pagkakataong ito, gusto ko ay kasama ko pa rin sya.
Kami ulit ni Ate Estella ang nagluto ng hapunan. Nakakamangha. Halatang sanay sya sa kusina. Sa future kasi ay hindi na ganoon kahilig magluto ang mga babae. Marami nang fastfood restaurants na nakakainan.
Bukas na ang publiko sa pantay na oportunidad. Mas malawak na ang mundo para sa kababaihan. Hindi na sila para lang sa bahay at nagsisilbi sa pamilya.
Kung nabubuhay siguro sya sa panahon namin, bagay sa kanya ang maging flight attendant, artista, beauty queen, at pwede ring chef. Masaya ako na naranasan kong mabuhay sa panahong ito kung saan buhay na buhay pa ang mga tradisyon pero mahirap kalimutan ang nakasanayan kong buhay sa future.
"Ugh, so busog."
Napasandal ako sa pinto pagkapasok sa kwarto ko. Ang dami kong nakain. Lagot talaga ako kay Ysabella kapag tumaba sya.
Sobrang dilim ngayon at halos wala akong makita. Dahan-dahan akong naglakad at kinapa-kapa ang lalagyan ng gasera. Wala akong makapa pero ang tanda ko ay dito ko lang iyon iniwan.
"Pst!"
Bigla akong napakapit ng patalikod sa pader. Shit! Minumulto ba ako?
"S-Sino 'yan?"
"Magbabayad ka."
Napataas na lang ako ng kilay nang ma-recognize ko na boses iyon ni Rhys. May pamalat effect pa ang loko.
"Siraulo. Nasaan ka ba?"
Narinig ko ang pagsindi nya ng posporo kasabay ng pagliwanag sa bandang bintana. Sinindihan nya yung gasera na sya pala ang kumuha, pagkatapos ay unti-unti nang nagliwanag ang buong silid. Dali-dali akong naglakad palapit sa kanya at sinuntok sya sa braso.
"Aray. Masakit teh," pabeki sound nyang inda.
Hindi ko maiwasang matawa pero bigla akong napatigil nang makitang seryoso lang syang nakatingin sa akin. Parang na-magnet ang mga mata ko sa mga mata nya. Ilang segundo kaming nagkatitigan hanggang mayamaya ay parehong gumuhit sa mga labi namin ang ngiti.
"Sorry," sabay naming nasambit.
Bigla kaming napayakap sa isa't isa. Para kami mga bata na mababaw ang luha at mabilis umiyak. Nalagpasan namin ngayon ang unang tampuhan. Siguro ay isa sa mga dahilan kaya kami napunta rito ay para subukin ang tibay ng pagmamahalan namin. Kung hanggang saan ang kaya naming isakripisyo para sa pag-ibig.
"Sumama ka sa'kin," malambing nyang bulong.
"Saan naman tayo pupunta?"
"Sa buwan."
"Bwisit." Natawa sya.
"Tara na."
Kumalas na sya sa yakap at biglang nanlaki ang mga mata ko nang buksan nya ang bintana. Wait. Dyan kami dadaan?!
"Akong bahala sa'yo."
Dali-dali syang sumampa sa bintana at mabilis na nakababa. Umalis muna sya sandali para tignan kung may paparating. Bumalik din sya agad at nag-gesture na bumaba na ako. Shocks. Sa unang pagkakataon ay nag-doubt ako sa pagmamahal nya.
"Amen," sobrang saya kong sabi matapos makababa ng ligtas.
Hindi pa ako nakaka-get over sa buwis-buhay kong pagbaba ng bintana, bigla nya naman akong hinila patungo sa likod ng mansyon at huminto kami sa tapat ng bakod. So gusto nyang akyatin namin 'yan? Pesteng yawa.