Chapter 8
Day 1:
Kinabukasan nga ay excited na bumangon sa higaan si Ayesha. Pakanta-kanta pa siya habang inaayos ang higaan. Matapos niyon ay agad siyang kumuha ng bihisan, at dumiretso sa banyo upang maligo. Nang matapos ay nag-ayos na siya ng kaniyang sarili, saka binuksan ang mga bintana at pinto.
Nagpainit na rin siya ng tubig para sa kape, at kinuha ang laptop na nakapatong sa ibabaw ng mesita sa sala. Inilapag niya iyon sa ibabaw ng dining table at nag- umpisang magtipa ng panibagong istorya. Nang marinig niya ang pagtunog ng electric kettle ay tumayo muna siya upang magtimpla ng kape.
Agad din naman siyang bumalik sa upuan at muling tumipa sa kaniyang laptop. Punong-puno ng idea ang kaniyang utak kaya naman sinamantala niya ang pagkakataong iyon. Nakabuo siya ng plot sa panibago niyang istorya. Kaya naman nakangiti niyang pinagmasdan iyon.
“Hmm, not bad. Siguro dahil sa ilang araw kong pamamahinga kaya ngayon ay may isang magandang plot na’ko!” tuwang-tuwang sambit niya sa sarili.
Inumpisahan na niya ang pagsusulat ng unang chapter ng kaniyang nobela. At kagaya ng kaniyang inaasahan ay smooth ang naging pagkakasulat niya nito.
Eksaktong tapos na niyang isulat iyon nang may marinig siyang tumutuktok sa kaniyang gate. Biglang kumabog ang kaniyang dibdib at tila siya ay bigla ring nataranta.
Mabilis niyang iniligpit ang gamit matapos i-save ang ginagawa. Inayos pa niya ang sarili saka nagmamadaling nagtungo sa may pintuan. Pagbukas niya ng pinto ay kitang-kita niya ang nakangiting mukha ni Adonis sa labas ng kaniyang gate.
“Magandang umaga, aking Irog!” bati nito sa kaniya. Kinagat niya ang pang-ibabang labi upang pigilan ang kaniyang pag-ngiti. Pa-simple siyang tumalikod dito upang itago ang pagkatuwa sa mukha. At nang makabawi ay tumikhim bago naglakad palapit sa gate.
“Ang aga mo namang mambulabog,” aniya rito habang binubuksan ang gate. Niluwagan pa niya ang pagka- bukas niyon upang makapasok ang lalaki sa kaniyang bahay.
“Para sa’yo,” anito sabay abot ng bulaklak at tsokolate. Napangiti naman siya at aaminin niyang kinilig siya sa ibinigay nito sa kaniya.
“Para saan ‘to?” maang-maangan niyang tanong sa lalaki.
“Hindi ba, sabi ko sa’yo liligawan kita? Kaya ayan, bulaklak para sa’yo. Sinamahan ko na rin ng tsokolate para tumamis ka naman sa’kin,” taas-baba ang mga kilay nitong sagot sa kaniya.
“Puro ka talaga kalokohan. Halika na nga sa loob nang mapag-kape man lang kita,” saad niya rito at nagpati-una nang maglakad papasok ng bahay. Pigil na pigil niya ang sarili na mapatili dahil sa sobrang kaligayahang nararamdaman. Kilig na nga sigurong matatawag ang bagay na iyon dahil halos maihi na siya ngayon sa sobrang kagalakan.
“Wow! Hindi mo pa nakakain ang tsokolateng dala ko tumamis ka na kaagad sa’kin! Ayos!” narinig pa niyang tuwang-tuwang sambit nito sa kaniyang likuran.
Napailing na lamang siya at muling naglakad papasok sa loob ng kaniyang bahay. Pinaupo muna niya ito sa sofa at mabilis na nagtimpla ng kape para dito. Inilabas niya rin ang cake na binili nila ni Eds no’ng isang araw at naghiwa para naman may partner ang kapeng ibibigay niya sa lalaki.
“O, merienda ka muna.”
“Uy! Thank you. Pero sana hindi ka na nag-abala pa. Inihatid ko lang talaga iyang bulaklak at tsokolate bago ako pumasok sa trabaho.”
Inilapag niya sa mesa ang dala niyang tray at naupo na rin sa karatig upuan nito. Doon lang niya napansin na nakabihis nga nang matino ang kapitbahay, at mukha itong kagalang-galang sa suot nitong short sleeve polo na blue at black slacks. Habang ang saping pampaa naman nito ay makintab na black leather shoes.
“Akalain mo ‘yon nagtatrabaho ka pala? Akala ko kasi mambuwisit lang ang alam mong gawin sa buhay, e,” nakangisi niyang saad sa lalaki.
“Hala, grabe ka naman sa’kin. Marunong naman akong mag-hanapbuhay. In fact, kaya na nga kitang buhayin, e. Sagutin mo lang ako ngayon at bukas na bukas din ay pakakasalan kita agad,” may pagmamalaking turan nito sa kaniya at inabot ang tasa ng kapeng tinimpla niya para rito.
“Hmm, ang sarap mo namang magtimpla ng kape. Kapag naging maybahay na kita, palagi mo akong ipagtitimpla ng kape, ha? Para palagi akong mag-iinit sa iyo,” nakangiti at may pagkapilyong saad nito sa kaniya.
“Heh! Ikaw talaga, napaka-manyak mo!” hasik niya rito habang pinanlalakihan ito ng mga mata.
Tatawa-tawa lang naman ito sa upuan nito at muling humigop ng kape. Namamangha niya na lamang itong pinagmasdan habang umiinom ito ng kape. Ilang higop pa ang ginawa ni Adonis bago ito tumayo sa kinauupuan nito at nagpaalam na sa kaniya. “Paano ba iyan, aking Irog? Ayaw ko man sanang mapalayo sa iyo ngunit kailangan, e. Huwag mo akong mami-miss, ha?” sambit nito sa kaniya bago ito naglakad palabas ng kaniyang bahay. Sinundan niya ito hanggang sa gate upang isara iyon.
“Bye, Ayesha. Wala man lang bang kiss diyan? Pampabuenas?” taas-baba pa ang mga kilay nitong tanong sa kaniya.
“Kiss mo’ng mukha mo! Umalis ka na nga’t baka ma-late ka pa sa trabaho mo. Mapagalitan ka pa ng amo mo,” pagtataboy niya na rito.
“Batukan ko pa iyong amo ko, e,” sagot naman nito na ikinatawa niya.
“Sira! Sige na. Tsupi! Ingat sila sa iyo,” natatawa niyang saad dito.
“Ayun, o! Paniguradong maganda na ang araw ko nito. Nakita ko na ang mga ngiti mo, e. Paalam, aking Irog! Magsara ka ng gate mo, ha? Mahirap na,” bilin pa nito na kaniya na lamang tinanguan.
Inihatid pa niya ito ng tanaw bago siya bumalik sa loob ng bahay. Hindi niya alam pero ang gaan-gaan ng kaniyang pakiramdam ngayon. Hindi kaya may gayuma ngang inilagay ang lalaki sa mga pagkaing ibinibigay nito sa kaniya?
Napailing na lamang siya sa isiping iyon saka dinampot ang isang piraso ng bulaklak na ibinigay nito kanina. Napapangiti pa siya habang inilalagay iyon sa mataas na vase na nakita niya sa kusina. Ngunit bigla ring nangunot ang kaniyang noo nang tila pamilyar ang bulaklak na iyon sa kaniya.
“Buwisit ka talagang lalaki ka! Magbibigay ka na nga lang ng bulaklak, galing pa sa mga halamanan ko! Naku, naku, naku!” kausap niya sa kaniyang sarili.
Aminin mo, kinilig ka naman, ‘di ba? anang kaniyang isip.
Napa-buntong-hininga na lamang siya nang muling balingan ang bulaklak sa vase. Kinuha na lang niya iyon at inilagay sa gitna ng mesa sa sala. Napangiti pa siya nang muling maalala ang kalokohan ng binata. Muli na lamang siyang napailing at napahugot nang malalim na paghinga bago niya muling kinuha ang kaniyang laptop. Itutuloy na lamang niya ang pagsusulat.
Day 2:
Sa sumunod na araw ay ibang paandar na naman ang ginawa ni Adonis para sa kaniya. Maaga pa lang ay binulabog na siya nito upang dalhan ng agahan. Kung kahapon ay isang bulaklak lang ang kinuha nito sa kaniyang halamanan, ngayon naman ay tatlong piraso na iyon at nakalagay na rin sa vase. May dala rin itong dalawang baunan na sa tingin niya ay pagkain ang laman.
“Alam mo ikaw? Hindi na ako magtataka kung isang araw ay maubos na lang ‘yang mga bulaklak dito sa garden ko sa kakukuha mo!” sita niya rito habang naglalakad papasok sa ito bakuran. Naka-pajama lang siya at maluwag na t-shirt habang naka-tsinelas na pambahay. Basta na lang niyang itinali ang kaniyang buhok pataas at hindi na nag-abala pang isuot ang contact lense.
Paano pa niya maisusuot iyon kung ang kurimaw niyang kapitbahay, slash manliligaw ay hindi tinantanan ang pagtuktok sa gate?
“Saan ka pupunta?” tanong pa nito sa kaniya nang akma siyang papasok sa loob.
“Sa loob ng bahay. Mag-iinit ng tubig para sa kape at ihahanda ‘yang mga dala mong pagkain,” sagot niya rito.
“Huwag na. Halika na rito sa garden mo. Mas masarap kumain dito dahil sariwa ang hangin,” pigil nito sa kaniya at naglakad patungo sa maliit na garden table. Inilatag doon ang mga dala nitong baunan.
“E, mag-iinit muna ako ng tubig para sa kape,” sabi niya rito.
“No need,” nakangiting tugon nito sabay angat ng t-shirt nito at humawak sa bandang gitna ng suot nitong pajama.
“Hoy, Adonis! Subukan mo lang manyak ka. Talagang makatitikim ka sa akin!” nanlalaki ang mga mata niyang wika rito.
“Bakit? Ano ba’ng gagawin ko?” maang-maangan namang tanong nito sabay labas ng maliit na vacuum flask tumbler na naka-ipit pala sa pajama nito.
“Ang bastos mo talagang lalaki ka!” tili niya rito habang nakatakip ang mga palad sa kaniyang mukha.
“Hala siya! Bastos nakahubad. Hindi naman ako nakahubad, e. Not unless, gusto mo. Madali naman akong kausap,” sabi nito sa kaniya. Tiningnan niya ito nang masama saka nagmamadaling nilapitan ito at hinampas sa braso. Natatawang sinalag lang naman iyon nito iyon saka dumistansiya sa kaniya.
“Ayesha, naman. Hindi pa nga tayo, nananakit ka na. Saka mo na ako saktan kapag tayo na para ibang sakit ang maigaganti ko sa iyo. Sakit na nakapagpapaligaya pagkatapos,” pilyong saad nito sa kaniya.
“Heh! Tumigil ka na, Adonis. Kung ayaw mong sipain kita palabas ng bakuran ko!” naiinis na niyang pagbabanta sa lalaki.
Malutong itong humalakhak saka inilapag ang tumbler sa mesa. Ipinaghila pa siya nito ng upuan bago ito naupo sa katapat niyang upuan. In fairness naman sa lalaking ito, inasikaso siya nito at masaya nilang pinagsaluhan ang mga pagkaing inihanda nito para sa kanila.
Matapos nilang kumain ay nagpaalam na rin ito at may kailangan pa raw itong asikasuhin. Hindi naman niya ito pinigilan at hinayaan na itong umalis ng kaniyang bahay.
Buong maghapon naman siyang humarap sa kaniyang laptop at himalang nakapagsulat ngayon. Mukhang effective nga ang suggestion ni Eds. Kaya mukhang bago pa matapos ang ibinigay nitong deadline ay tapos na rin niya ang kaniyang manuscript.