Chapter 7

Kinabukasan ay maagang nagising si Ayesha. Agad siyang naligo at nagbihis ng isa sa mga damit na pinamili nila ni Eds kahapon. Isang body hugging pink shirt at maong na palda shorts ang kaniyang sinuot habang nakalugay lang ang kaniyang buhok na tinuyo niya ng blower. Nagsuot lang siya ng slippers na puti, at saka binitbit ang baunang pinaglagyan ni Adonis ng pagkain kahapon para sa kaniya.

Nang nasa tapat na siya ng gate ni Adonis ay pinindot na niya ang doorbell nito at hinintay ang paglabas ng lalaki. Muli siyang pumindot sa doorbell pagkaraan ng ilang sandali. Ngunit wala pa ring nagbubukas sa bahay nito. Sinilip niya ang bintana ng bahay ng lalaki at tila wala ngang tao roon.

“Saan naman kaya nagpunta ang isang iyon?” tanong niya sa sarili. Nang wala talagang nagbukas sa bahay nito ay muli na siyang naglakad pabalik sa kaniyang bahay. Nasa tapat na siya ng gate niya nang may maulinigan siyang tumatawag.

“Miss, sino ka? Ano’ng ginagawa mo sa bahay ng kapitbahay kong masungit?” tanong ng pamilyar na tinig na iyon. Agad na kumabog ang kaniyang dibdib at hindi niya maintindihan kung bakit. Huminga muna siya nang malalim bago humarap sa direksiyon ng nagsalita. Tila naman ito naengkanto at hindi nakaimik nang nakangiti niya itong hinarap.

“Hi!” bati niya sa lalaki. Natulala lang ito sa kinatatayuan nito at tila hindi makapaniwala sa nakikita ng mga sandaling iyon.

Ilang beses pa itong kumurap-kurap bago mabilis na lumapit sa kaniya. Hinintay niyang makalapit ito sa kaniyang kinatatayuan bago siya nito sinuri mula ulo hanggang paa at ibinalik ang paningin sa kaniyang mukha.

“Ayesha, aking Irog, ikaw ba iyan?” namamanghang tanong nito sa kaniya. Natawa naman siya sa naging reaksiyon nito at tumango-tango rito.

“Bakit parang ayaw mong maniwala?” balik-tanong niya sa lalaki.

“A, hindi, hindi, ano... Ahm, medyo nanibago lang ako sa ayos mo ngayon. Masyado mo naman kasing ginalingan. Maganda ka na nga, lalo ka pang nagpaganda,” kakamot- kamot pa sa ulong turan nito sa kaniya.

Ewan niya pero parang natuwa siya sa sinabi nito. Hindi niya alam kung kilig na bang matatawag iyon. Napahagikhik pa siya dahil sa nakikitang reaksiyon ng lalaki. Mayamaya pa ay tumikhim siya at iniabot ang baunang isasauli dapat niya rito kanina.

“Isasauli ko sana itong baunan mo pero wala ka naman kanina. Maraming salamat sa pagkaing ibinigay mo kahapon, a,” sabi niya sa lalaki.

“Walang ano man. Gusto mo kahit araw-araw pa kitang ipagluto, e,” sambit nito sa kaniya matapos nitong abutin ang baunan.

“Huwag na. Baka masanay ako,” kunwari ay pagtanggi niya rito.

“Nako, okay na okay nga sa akin iyon, aking Irog, e. Gusto ko ngang masanay kang pinaglilingkuran kita,” taas-baba pa ang mga kilay nito matapos nitong sabihin iyon sa kaniya.

Kung normal na pagkakataon lang ito, malamang na nasopla at nasungitan na niya si Adonis. Ngunit dahil iba ang araw na ito, kailangan na niyang umpisahan ang kaniyang misyon para matapos na ang kaniyang nobela. Tumatakbo ang kaniyang oras at si Adonis lang ang makatutulong para magawa niya iyon.

“Hay nako, Adonis. Umuwi ka na nga sa bahay mo. Mukhang wala ka pang tulog kaya kung ano-ano’ng kalokohan na naman iyang sinasabi mo,” nakangiti niyang saad dito saka siya tumalikod sa lalaki at binuksan ang kaniyang gate.

“Oo nga, e. Pero huwag kang mag-alala, mamaya okay na ako. At saka hindi kalokohan iyong sinabi ko sa iyo, ha. Totoo iyon. Handa kitang paglingkuran, aking Irog,” nakangising sambit nito nang lingunin niya ito.

“Ewan ko sa iyo. Sige na. Magpahinga ka na muna. Mamaya ka na lang ulit mangulit. Bye!” paalam niya na rito saka niya ito kinawayan. Tila naman naguguluhan ito sa kaniyang ikinikilos dahil bigla itong umakyat sa hagdan ng kaniyang gate. Humawak ito roon at saka siya matamang tiningnan.

“Ayesha, may sakit ka ba?” tanong nito sa kaniya.

“Ha? Wala. Bakit mo naman naitanong ‘yan?” kunot- noong tanong niya rito.

“Hindi mo kasi ako sinusungitan ngayon. Dati marinig mo pa lang ang maganda kong tinig ay sinusungitan mo na ako. Pero ngayon, bakit parang hindi ka man lang naiinis sa mga banat ko sa iyo? Si Ayesha ka ba talaga?” nagtatakang tanong nito sa kaniya. Natawa siya at bahagyang lumapit sa gate.

“Huwag kang mag-alala, si Ayesha ako. Bakit? Ayaw mo ba niyon? Hindi na kita sinusungitan? At saka, naka-di- drain ka kasing kasagutan. Kaya naisip kong sa halip na sungitan kita ay makikipag-kaibigan na lang ako sa iyo. Iyon ay kung okay lang sa iyo,” mahinahon niyang saad dito.

“Aba, hindi ko tatanggihan iyan!” mabilis na tugon nito at inilusot ang kamay sa grills ng kaniyang gate.

“So, friends?” pagkatapos ay tanong nito sa kaniya. Inabot niya ang kamay nito ngunit mabilis ding binitawan nang may maramdaman siyang tila kuryenteng dumaloy sa kaniyang katawan. Napatingin siya rito habang abot- abot ang kaba niya sa kaniyang dibdib. Halos marinig na niya ang pagtibok ng kaniyang puso.

“Ahm, sige na, Adonis. Magpahinga ka na. See you around!” paalam niya rito at nagmamadali na siyang pumasok sa loob ng bahay. Nakita pa niya ang tila natitigilan ding si Adonis sa labas.

Pagkasara niya ng pinto ay agad siyang napasandal doon at napahawak sa kaniyang dibdib. Malakas pa rin ang pagpintig ng kaniyang puso sa hindi niya malamang kadahilanan. Tiningnan niya ang kaniyang kamay na hinawakan nito kaninang nakipagkamay siya rito.

“Bakit ganoon? Naramdaman din kaya niya ang naramdaman ko kanina?” kausap niya sa sarili. Marahas niyang naipilig ang kaniyang ulo at naglakad sa lagayan niya ng mga panlinis.

Maglilinis na lang siya ng bahay para maibaling sa iba ang kakaibang damdaming naramdaman niya nang maglapat ang mga kamay nila ni Adonis.

Matapos niyang maglinis ng bahay ay hinarap na niya ang kaniyang laptop. Susubukan niyang magtipa sa ginagawa niyang manuscript at baka sakaling may mapiga na siya sa kaniyang utak. Abala siya sa ginagawang pagsusulat nang mapansin niyang hindi iyon ang genre na dapat niyang isinusulat. Ang magandang simula ng kaniyang tinitipa ay napunta sa katatakutan.

Ahh! Ano ka ba naman, Ayesha? Ano’ng ginagawa mo? Romance nga, ‘di ba? Bakit napunta na naman tayo sa horror, bruha ka? kausap na naman niya sa kaniyang sarili.

Pabagsak na isinandal niya ang katawan sa sofa at mariing pumikit habang magkasalikop ang mga kamay sa ibabaw ng kaniyang mga mata. Ilang sandali rin siyang nanatili sa ganoong ayos bago siya nagpasyang tumayo at lumabas ng bahay. Maglalakad-lakad na lang muna siya at baka sakaling makakita siya ng inspirasyon.

Naglalakad na siya nang may biglang umagapay sa kaniyang paglalakad. Nang lingunin niya ito upang sipatin kung sino iyon ay bigla siyang napasinghap. Katabi niya lang naman ngayon si Adonis na nakasuot ng puting t-shirt, itim na bull cap, itim na cargo short, at naka-tsinelas lang din ito kagaya niya. Hindi niya maintindihan ang kaniyang sarili. Parang naging uneasy siya bigla sa presensiya nito.

“Huwag kang naglalakad nang mag-isa. Baka mamaya bigla na lang may dumukot sa iyo. Wala akong ipang-ra- ransom,” nakangiting turan nito sa kaniya nang sulyapan siya nito. Nag-init ang kaniyang mga pisngi sa sinabi nito kaya agad niyang ibinaling sa kaniyang harapan ang paningin. Napakagat-labi pa siya habang pinipigilan niya ang sariling mapangiti sa lalaki. Hindi niya alam ngunit kakaiba ang tuwang kaniyang nararamdaman ngayong magkalapit sila nito.

“Saan ka ba pupunta?” tanong pa nito sa kaniya.

“Ahm, diyan lang sa tabi-tabi. Maglalakad-lakad lang para ma-relax ang isip ko. E, ikaw? Saan ang lakad mo?” balik-tanong niya rito.

“Diyan lang din sa tabi-tabi. Sasamahan kitang mag- relax. Mahirap na, baka mamaya may iba pang makalapit sa iyo,”

Halos pabulong na ang huling sinambit nito sa kaniya kaya hindi niya naunawaan ang mga sumunod na katagang sinabi nito.

“Ano iyon?” nakakunot-noong tanong pa niya rito.

“A, wala. Ang sabi ko ay sasamahan na kita para may makausap ka,” nagkakamot sa ulong turan nito sa kaniya.

“A, okay. Akala ko may sinasabi ka pang iba, e,” sambit niya saka ibinaling sa dinaraanan ang kaniyang atensiyon.

Hindi na rin sila nag-imikan pang muli ni Adonis hanggang sa makarating sila sa park. Naupo sila sa swing na naroon at tahimik lang na ninamnam ang mabining hanging dumadampi sa kaniyang mukha. Feeling niya ay nawala lahat ng kaniyang alalahanin nang makalanghap siya ng sariwang hangin.

Hindi man kalakihan ang park na iyon ay marami namang puno sa paligid na siyang nagpapalamig sa lugar na ito. May mangilan-ngilan ding mga batang nagtatakbuhan at naglalaro sa paligid na nakapagpapangiti sa kaniya. Ilang sandali pa silang nanatili roon hanggang sa mapagpasyahan na nilang umuwi.

“Salamat sa pagsama sa’kin,” nakangiting wika niya kay Adonis nang nasa tapat na sila ng gate ng kaniyang bahay.

“Walang ano man, aking Irog,” sagot nito habang nakangiting nakatunghay sa kaniya. Nginitian niya lang din ito at umakyat na siya sa may gate upang buksan iyon. Nang makapasok na siya sa kaniyang bakuran ay bigla namang nagsalita si Adonis.

“Ayesha, puwede ba kitang ligawan?” diretsong tanong nito sa kaniya. Biglang lumukso ang kaniyang puso sa sinabi nito at hindi siya agad nakaimik.

“Bakit?” mahinang tanong niya nang makabawi na siya sa pagkabigla.

“Wala lang, trip ko lang,” nakangising tugon nito sa kaniya na agad din naman nitong binawi.

“Joke lang! Bakit ba nililigawan ng isang lalaki ang isang babae?”

“Ewan ko,” mabilis niyang sagot dito. Tumawa ito nang malutong at muli siyang hinarap.

“Kasi gusto niya ang isang babae,”

“In my case, hindi lang kita gusto. Gustong-gusto kita kaya kita liligawan. Sana payagan mo ako. Promise, seryoso ako at walang halong biro itong sinasabi ko sa iyo ngayon,” seryosong pahayag nito sa kaniya.

Mabilis siyang tumalikod sa lalaki sabay ngiti nang malawak. Hindi niya alam kung kilig na ba iyong matatawag ngunit parang ganoon na nga. C-in-omposed muna niya ang kaniyang sarili bago muling humarap kay Adonis.

“Okay,” tanging nasabi niya sa lalaki.

“Okay, as in okay na ligawan kita? O, okay na tayo na agad-agad at wala nang ligaw-ligaw pa?” nagniningning ang mga mata nitong tanong sa kaniya.

“Okay na ligawan mo ako. Sinusuwerte ka naman masyado kung sasagutin kita agad-agad. Manligaw ka muna, ‘no!” nakairap na sagot niya rito.

“Yes!” naibulalas nito sa tuwa. “Ahm, Ayesha, puwedeng mag-advance?” nakangising tanong nito sa kaniya. Kunot-noo niya itong tiningnan dahil hindi niya maunawaan kung ano’ng advance ba ang sinasabi nito sa kaniya.

“Ano’ng advance?”

“Pa-kiss. Isa lang!” sagot nito sa kaniya. Pinanlakihan niya ito ng mga mata at nakapamaywang na sinungitan.

“Hoy, Adonis! Kung ngayon pa lang mamanyakin mo na ako, huwag ka na lang manligaw. Dahil ngayon pa lang, basted ka na!” Tumawa ito nang malutong saka bumaba sa hagdan ng kaniyang gate.

“Na-miss ko iyang pagsusungit mo. Sige na, bukas uumpisahan ko na ang panliligaw sa iyo, aking Irog. Sagutin mo ako agad, ha?” sabi pa nito sabay kindat sa kaniya.

Napapailing na lamang siya habang sinusundan ito ng tingin. Hindi siya makapaniwalang kinikilig siya sa mga banat nito sa kaniya. Naipilig na lamang niya ang kaniyang ulo at pumasok na siya sa loob ng bahay. Excited na siya para bukas sa kung ano’ng klaseng panliligaw ba ang gagawin sa kaniya ni Adonis.