Chapter 26
Agad na sinalubong ni George sina Ayesha at Eds nang makapasok na sila sa bar kung saan sila nagtungo kagabi. Agad sila nitong iginiya sa puwesto kung saan sila naupo kagabi at agad na binigyan ng menu.
“Mabuti naman at bumalik kayo rito. Ano’ng gusto niyong inumin ngayon?” nakangiting tanong nito sa kanila.
“Piña Colada naman kami ngayon, Sweetie,” maarteng tugon ni Eds sa lalaki na tila nagniningning ang mga matang nakatingin sa kaniyang kaibigan. Nagpapalit-palit ang tingin niya sa dalawa at naguguluhan sa harapan ng mga ito.
“Okay. I’ll just get your drinks, Sweetie,” sambit naman ni George sa kaibigan saka ito umalis. Ngiting-ngiti naman si Eds sa kaniyang harapan habang halos mabali ang leeg nito sa pagkakalingon kay George.
“Hoy, babae! May hindi ba ako nalalaman?” untag niya rito nang tuluyan nang makalayo si George sa kanila. Malawak ang pagkakangiti naman itong bumaling sa kaniya.
“Kami na ni George!” nangingislap pa ang mga mata nitong turan sa kaniya. Namilog ang kaniyang mga mata sa kaniyang narinig dahil parang kagabi lang sinabi nitong may gusto ito sa lalaki, ‘tapos ngayon magnobyo na ang dalawa?
“As in, mag-jowa na kayo? Paanong nangyari iyon? I mean, kagabi lang sabi mo gusto mo siya, ‘tapos ngayon biglang kayo na. Ang bilis naman yata?” naguguluhang saad niya sa kaibigan.
“Oo, as in boyfriend ko na siya, jowa, nobyo, kasintahan, at kung ano’ng term pa ang maisip mo. Paano? E, ‘di sinabi ko sa kaniya: I like you. Do you like me too? Oo naman daw. So, ayon, we kissed, ‘tapos kami na. Bakit pa namin patatagalin kung pareho naman kami ng nararamdaman?” Napaawang ang kaniyang labi sa sinabing iyon ng kaibigan. Namamangha kasi siya sa sobrang bilis ng mga pangyayari rito at kay George.
Sana all, ganoon kabilis lang mag-aminan.
“Alam mo, Ayesha... Kung may isang bagay akong natutunan sa buhay ko, iyon ay ang pakikipagrelasyon ay wala naman sa tagal ng pagliligawan iyan. Kung pareho naman kayo ng nararamdaman ng taong gusto mo, bakit niyo pa pahihirapan ang mga sarili ninyo? Mayroon nga riyan, matagal na nagligawan, nauwi pa rin naman sa hiwalayan. Saka, sayang lang ang oras kung mauubos lang naman iyon sa ligawan,” anito sa kaniya.
Sabagay ay may punto naman ang kaniyang kaibigan. Saka, noon pa man ay ganito na talaga si Eds. Siya iyong tipo ng babaeng—gusto kita, gusto mo ako, tayo na. Wala nang marami pang chechebureche. Kapag hindi nag- work. E, ‘di bye-bye!
“Well, what can I say? Congrats! I’m happy for you!” nakangiti na lang niyang saad sa kaniyang kaibigan.
“Thank you!” nakangiti rin namang tugon nito sa kaniya. Totoo naman iyon. Masaya talaga siya para sa kaibigan. Matagal-tagal na rin naman noong huling nagkaroon ito ng kasintahan. Deserve naman nito ang maging masaya.
Ilang sandali pa ay dumating na ang kanilang inumin, at isang platter ng mix pica-pica ang ipinadala ni George sa kanilang table. Masaya naman silang nagku-kuwentuhan ni Eds nang may mahagip ang kaniyang mga mata. Isang pares ng lalaki at babae ang kapapasok lang ng bar, at naglalakad ang mga ito patungo sa kanilang direksiyon. Agad niyang iniiwas ang kaniyang mga mata sa mga ito at nagpanggap na busy sa kaniyang pagkain.
Ramdam niya ang tila mga karayom na tumutusok sa kaniyang puso dahil sa nakita. Mabilis niyang inubos ang kaniyang inumin saka kumaway sa waiter at muling nag- order ng isa pang piña colada.
“Ayesha, baka naman akala mo pineapple juice lang ang nilalagok mo, ha? May alak din iyan, ‘day!” paalala sa kaniya ng kaibigan.
“Bakit ba naman sa dinami-rami ng bar sa lugar na ito ay rito pa talaga napiling magpunta ng kumag? At sa dinami- rami ng upuan sa loob ng bar na ito ay talagang sa kalapit mesa pa natin sila pumuwesto!” mariing wika niya kay Eds na tila naguluhan sa kaniyang pinagsasasabi.
“Sino ba?” tanong tuloy nito sa kaniya na pasimple naman niyang tinugunan nang pag-nguso sa kanilang kalapit na mesa. Pasimple naman itong tumingin sa kabilang mesa at saka napa-Oh!
Badtrip na badtrip siya sa mga sandaling ito dahil sa paglalambingan ng dalawang nilalang sa kabilang mesa. Hindi tuloy niya mapigilang laklakin ang kaniyang inumin na akala mo ay juice lang iyon.
“Gusto mong sumayaw, ‘day? Makipagsayaw tayo sa mga cutie pie sa dance floor. Tutal, kanina pa naman tingin nang tingin dito ang isang iyon, o,” yaya ni Eds sa kaniya sabay nguso sa isang lalaking naka-maroon na polo. Nakangiti ito sa kanilang direksiyon at kumindat pa sa kaniya.
Bakit nga naman hindi? Tutal, may kalandian namang iba si Adonis. So, why not? wika niya sa kaniyang sarili saka sumulyap sa kanilang kalapit mesa at pairap na tiningnan ang mga ito.
Maarte siyang tumayo at saka hinila si Eds patungo sa dance floor. Nakipagsayaw sila ni Eds sa mga tao sa dance floor at doon ibinuhos ang kaniyang pagkainis kay Adonis. Mayamaya naman ay nilapitan siya ng lalaking naka-maroon at nakipagsayaw sa kaniya. Nakipagsayaw naman siya rito habang si Eds ay nasa kaniyang tabi at nakikisayaw rin.
Nagulat na lang siya nang biglang may humila sa kaniya at dire-diretso siyang sumalpok sa mabangong dibdib nito. Akmang lalayo siya rito nang hapitin siya nito sa kaniyang baywang. Halos magkapalit na ang kanilang mga mukha sa sobrang lapit nila sa isa’t isa. Biglang lumakas ang pagkabog ng kaniyang dibdib nang matiim siyang titigan sa mga mata ni Adonis. Napalunok pa siya dahil hindi niya alam kung paanong lalayo rito.
“What do you think you’re doing?” madiing tanong nito sa kaniya. Tila naman siya nagising sa sariling katinuan nang maalalang may kasama nga pala itong babae kani- kanina lang.
“Why do you care?” masungit niyang tugon dito saka nagpumiglas mula sa pagkakahawak nito sa kaniya. Hindi naman siya nito binitiwan. Sa halip ay pinilit siya nitong i-alis sa dance floor.
Pilit niyang ini-a-alis ang kamay nito sa kaniyang braso ngunit sadyang mas malakas ito kaysa sa kaniya. Hindi siya nito binitiwan hangga’t hindi siya nadadala sa labas ng bar na iyon. Saan naman kaya siya nito dadalhin?
Sa parking lot sila humantong at agad siyang pinasakay sa sasakyan nito. Padaskol naman siyang sumakay roon saka ito lumulan sa kabilang panig ng sasakyan. Tahimik lang siyang nakatingin sa harapan ng sasakyan habang wala pa ring tigil sa malakas na pagkabog ang kaniyang dibdib.
“Ano sa tingin mo ang ginagawa mo?” untag nito sa kaniya nang makaupo na ito sa harapan ng manibela.
“Nakaupo at nakatingin sa labas ng sasakyan mo?” pilosopong tugon niya rito.
“Huwag mo akong pilosopohin, Ayesha. Alam mo kung ano ang tinatanong ko sa iyo!” mariing wika nito sa kaniya.
“Bakit? Iyon naman talaga ang ginagawa ko ngayon, a!” naiinis naman niyang tugon dito.
“Damn! Ayesha, ano’ng ginagawa mo kanina sa dance floor?” tila napipikon na ring tanong nito sa kaniya.
“Ah! Iyon ba? E, ‘di sumasayaw! Alangan namang kumanta ako roon? E, wala namang mic. Saka, dance floor nga, ‘di ba?” aniya rito.
“Teka nga, ano ba’ng pakialam mo? Hindi naman kita nobyo, ‘di ba? Saka, nasaan na ba iyong date mong linta, at bakit ako ang pinagdidiskitahan mo ngayon?” masungit niyang tanong dito.
“A, gano’n?” tanging wika nito at saka walang sabi- sabing pinatakbo ang sasakyan na siyang ikinabigla niya. Napakapit tuloy siya sa hawakan sa bandang itaas ng bintana. Napapipikit pa siya habang kinakabahan sa bilis ng pagpapatakbo ni Adonis ng sasakyan nito.
“Hoy, Adonis! Kung gusto mong magpakamatay, huwag mo akong idamay! Ayaw ko pa makipag-meeting kay San Pedro!” pasigaw niyang wika sa lalaki.
“Huwag kang mag-alala dahil dadalhin lang kita sa langit para lumigaya at hindi para ma-meet si San Pedro!” nakangisi naman nitong tugon sa kaniya.
Shocks! Ano raw? Dadalhin niya ako sa langit? Bakit? Sus ko! natatarantang saad niya sa kaniyang sarili.
“Hoy, lalaki! Ano’ng dadalhin sa langit ang pinagsasasabi mo riyan? Ibaba mo na ako buwisit kang lalaki ka!” pagpoprotesta niya rito.
“Don’t tell me natatakot kang makarating sa langit? Narating na natin iyon noon kaya sigurado akong mag-e- enjoy ka ulit kapag nakarating ulit tayo roon,” pilyong turan nito sa kaniya saka ito tatawa-tawa sa likuran ng manibela ng sasakyan nito.
Napalunok siya at muling sinariwa ang alaala ng kanilang pag-iisa ni Adonis noong nasa Sagada sila. Ang gabing pinagkaloob niya rito ang kaniyang sarili. Ang magandang alaalang kahit kailan ay hinding-hindi niya malilimutan.
Tumulo ang kaniyang mga luha sa kaniyang mga mata habang nakatingin siya sa daang kanilang tinatahak. Hindi niya alam kung para saan ang mga luhang iyon. Lumuluha ba siya dahil sa takot, o dahil sa kalungkutang nadarama sa mga oras na ito?
Bigla namang bumagal ang pagtakbo ni Adonis hanggang sa ihimpil nito ang sasakyan sa gilid ng kalsadang tila malapit sa bangin. Tanaw na tanaw mula roon ang iba’t ibang makukulay na mga ilaw ng siyudad. Nanatili siyang nakatingin lang sa labas ng sasakyan at patuloy na lumuluha.
“Sorry, Ayesha,” narinig niyang saad ni Adonis at hinawakan ang isang kamay niya.
Lalo siyang naiyak nang halikan nito ang kaniyang kamay pagkatapos ay kabigin at yakapin. Napahagulgol na lang siya at tuluyan nang niyakap ang lalaki. Wala na siyang pakialam kung ano ang isipin nito basta ang tanging alam lang niya ay na-miss niya ito nang labis.