Chapter 25
Alas-dos na ng madaling araw nang makarating sila ni Eds sa kaniyang bahay. Ayaw na sana niyang pauwiin pa ang kaibigan pero matigas ang ulo nito at nagpumilit pa ring umuwi sa bahay nito. At dahil kilala niyang matigas ang ulo ni Eds ay wala siyang nagawa kung hindi ay ang ihatid ito ng tanaw.
Nang mawala na ito sa kaniyang paningin ay saka lang siya naglakad patungo sa gate ng bahay niya. Medyo tipsy siya pero kaya pa naman niya at alam pa naman niya ang kaniyang ginagawa. Binubuksan na niya ang gate ng bahay nang may biglang magsalita sa likuran.
“Uwi pa ba ‘to ng matinong babae?” Bahagya pa siyang napatalon mula sa kaniyang kinatatayuan at muntikang mahulog kung hindi lang maagap ang umistorbo sa kaniya. Agad siyang nahawakan ng lalaki sa baywang at inalalayang makatayo.
Nagtama ang kanilang mga mata at muli na naman niyang naramdaman ang pangungulila kay Adonis. Bigla rin siyang natauhan at agad na umayos ng pagkakatayo. Tinaasan niya ng isang kilay si Adonis saka ito tiningnan sa mukha nito.
“Bakit? Concern ka?” mataray niyang tanong dito upang pagtakpan ang totoo niyang nararamdaman para sa lalaki.
“Nakainom ka ba?” sa halip na sagutin siya nito ay tanong din ang ibinato nito.
“Kaunti lang,” nakangisi naman niyang sagot dito habang nakamuwestra ang kaniyang hintuturo at hinlalaki nang kaunti. Muli niyang hinarap ang pagbubukas sa gate at akmang papasok doon nang hilahin siya ni Adonis at mariing halikan sa kaniyang labi.
Dahil sa kabiglaan ay hindi siya kaagad nakapag-react sa halik nitong iyon. Namalayan na lang niya na hawak na siya ulit nito sa kaniyang magkabilang braso, at seryosong nakatitig sa kaniyang mga mata.
“Sa susunod ay hindi lang iyan ang gagawin ko sa’yo. Pumasok ka na sa loob at matulog ka na!” mariing utos nito saka siya tuluyang binitawan sa mga braso.
Tila isa siyang robot na sumunod sa sinabi ni Adonis at mabilis na pumasok sa loob ng bahay. Nang nasa loob na siya ng sala ay saka lang umukilkil sa kaniyang isipan kung ano ba ang naganap sa kanila ni Adonis kani-kanina lang.
Hinalikan niya ako! Bakit? hindi makapaniwalang tanong niya sa kaniyang isipan.
“Ibig sabihin ba ay mahal pa rin niya ako? Eeiii! Kailangang malaman ko ang sagot bukas na bukas din! Tama! Pupuntahan ko siya sa bahay niya at kokomprontahin,” parang baliw na kausap niya sa sarili habang kinikilig-kilig pa.
Hindi mawala ang pagkakangiti niya sa labi habang naglalakad patungo sa kaniyang silid. Kumuha siya ng bihisan saka nagtungo sa banyo at naligo bago matulog.
Paniguradong magiging masarap ang tulog niya dahil after more than a month ay muli niyang narinig ang tinig ng lalaking pinakamamahal niya—muli niyang natikman ang mga labi nito.
Tinanghali na ng gising si Ayesha dahil madaling araw na siyang nakauwi kanina. Nag-inat pa siya sa higaan bago bumangon. Isinuot niya ang kaniyang salamin at basta na lang itinali ang buhok paitaas. Nakangiti siyang lumabas ng kuwarto at nagbukas ng mga bintana at pinto. Nilanghap pa niya ang sariwang hanging dumampi sa kaniyang mukha habang nakatayo siya roon.
“Ay! Adonis, stop it!” Bigla siyang napamulat ng kaniyang mga mata nang marinig ang pagtili ng isang babae habang malandi itong tumatawa sa bakuran ng kaniyang kapitbahay. Mabilis niyang sinilip kung ano ang ginagawa ng mga ito sa bakuran ni Adonis.
Biglang kumulo ang kaniyang dugo nang makita niyang naghaharutan ang dalawang tao sa kabilang bakuran habang nag-aagawan ang mga ito sa nakabukas na hose. Nakahubad baro si Adonis habang ang babae naman ay basang-basa na sa suot nitong manipis na puting t-shirt at short-shorts.
Padabog siyang naglakad pabalik sa loob ng bahay at pabalibag na isinara ang pinto. Nagpupuyos siya sa galit dahil sa nasaksihan niyang pakikipaglandian ni Adonis sa malanding babaeng nasa loob ng bakuran nito.
“Buwisit ka talagang lalaki ka! Matapos mo akong halikan kaninang madaling-araw ay bigla-bigla ka ngayong may kalandiang babae riyan sa bahay mo?!” hinihingal sa sama ng loob niyang kausap sa sarili.
Nagmamartsa siyang nagtungo sa kaniyang silid upang kunin ang kaniyang laptop. Gusto niyang makabawi sa kaniyang ex at sa babaeng kalandian nito. Binuksan niya ang laptop at saka nanggigigil na tumipa roon. Lahat ng sama ng loob ay doon niya ibinuhos. Hindi siya tumigil hangga’t hindi siya nasa-satisfy.
Nagulat na lang siya nang may patak ng tubig na tumulo sa kaniyang laptop. Bigla siyang napahinto at doon lang niya napagtanto na lumuluha na pala siya. Mabilis niyang pinahid ang luha sa kaniyang pisngi nang maramdaman niyang tuloy-tuloy na pala ang pag-agos niyon.
“Buwisit kasing lalaki iyon, e! Bakit kasi na-in love ako sa kaniya?” kausap niya sa sarili.
Pabagsak siyang nahiga sa kama at hinayaang umagos ang mga luha mula sa kaniyang mga mata. Nakatitig siya sa kisame habang sinasariwa ang masasayang alaala nila ni Adonis. Ang kamanyakan nito, ang pang-aasar ng lalaki sa kaniya, at ang mga halik at yakap nito. Aaminin niyang na-mi-miss na niya ito. At kung puwede lang na ibalik at itama ang lahat, sana ginawa na niya.
Isang malakas na pagpukpok sa bakal na gate ng bahay niya ang nakapagpabalik sa kaniya sa reyalidad. Pahinamad siyang bumangon at nagpahid ng mga luha bago siya lumabas ng kaniyang bahay upang silipin kung sino ang nambubulabog na iyon. Pahinamad siyang naglakad palapit sa gate nang makitang si Eds ang nambubulahaw na iyon. Pinagbuksan niya ito at agad ding naglakad pabalik sa loob ng bahay.
Hindi siya lumingon sa kabilang bakuran dahil ayaw niyang lalong masaktan kung sakaling nandoon pa si Adonis at ang maharot na babaeng kasama nito kanina.
“Hoy, babae! Bakit parang hindi maganda ang gising mo?” tanong ni Eds sa kaniya matapos nitong isara ang gate. Hindi niya ito sinagot hanggang sa makapasok na sila sa loob ng bahay. Pasalampak siyang naupo sa sofa at tahimik na binuksan ang TV. Sumunod naman si Eds at inilapag ang bag nito sa mesita na nasa kanilang harapan.
“Teka, dahil ba ito sa kapitbahay mong manyak, also known as ex mo?” Agad namang nalukot ang kaniyang mukha sa sinabing iyon ni Eds.
“Huwag mo na ngang mabanggit-banggit ang kurimaw na iyon! Lalo lang akong naiinis, e,” nakasimangot niyang tugon sa kaibigan.
“Ay, bakit?” naiintrigang tanong naman nito sa kaniya.
“Tsk! Basta! Bakit pala narito ka na naman?” salubong ang mga kilay na tanong niya rito.
“Ang sungit! Anyway, pinuntahan kita para sana yayain kang gumimik ulit nang mawala ang inis mo sa ex mo,” nakangising saad nito sa kaniya.
“Ayaw ko!” mabilis niyang tugon dito.
“At bakit? Para hayaan kitang magmukmok dito sa balay mo nang mag-isa? Para maisip mo na naman iyang ex mo? Nako, Ayesha, sasama ka sa akin at gigimik tayo. Kaya maligo ka na’t magbihis. Aalis tayo!” ma-awtoridad na saad nito sa kaniya.
“Eeiii! Eds naman e! Ayaw kong lumabas ngayon dahil wala ako sa mood!” nakangusong wika niya sa kaibigan habang naglulupasay siya sa kinauupuan.
“Oy, oy, oy! Tigil-tigilan mo ako riyan sa kaartehan mo, ha! Ano? Hahayaan mo na lang bang si Adonis na nagpapakasaya kasama ng ibang babae habang ikaw ay miserableng nagkukulong dito sa bahay mo?”
“No, no, no, no! Lalabas tayo’t ipakikita natin sa bugok mong ex kung ano’ng sinayang niya! Kaya, go na! Maligo ka na’t magpaganda!” anito sa kaniya habang nakataas pa ang isang kilay.
“Ano’ng ibig mong sabihing nagpapakasaya si Adonis kasama ng ibang babae?” kunot-noo pa niyang tanong dito.
“Haller?! Nakita ko lang naman ang hinayupak na iyon na may karay-karay na babae habang papunta ako rito sa bahay mo, ‘no!” mataray nitong saad sa kaniya.
Muli na namang kumulo ang kaniyang dugo saka siya tumayo mula sa kinauupuan. Talagang sinusubukan ng lalaking iyon ang kaniyang pasensiya. Puwes, ipakikita niya rito kung paano siyang maghiganti. Akala siguro nito ay ito lang ang may karapatang lumabas kasama ng ibang babae.
“Humanda siya sa akin! Akala siguro niya ay siya lang ang may karapatang makipag-date sa iba! Puwes, ako rin!” aniya kay Eds saka naglakad patungo sa kaniyang silid at nanguha ng bihisan.
“Go, ‘day!” narinig pa niyang saad ni Eds. Mabilis siyang kumilos at nagpaganda. Isang black off-shoulder cocktail dress na may slit hanggang kalahati ng hita ang kaniyang isinuot. Lutang na lutang tuloy ang kaniyang maputi at makinis na balat.
Tinuyo niya ang kaniyang buhok at pa-bun iyong itinali para makita ang mahaba at makinis niyang leeg. Napangisi siya habang tinitingnan ang sariling repleksiyon sa salamin sa loob ng kuwarto.
“Makikita mo ngayon kung ano’ng sinayang mo, Adonis!” sambit niya sa sarili saka dinampot ang maliit na purse at naglakad palabas ng silid.
“Wow! Perfect! Ang ganda mo, ‘day!” wika ni Eds nang mag-pose siya sa harapan nito. Napangiti naman siya sa sinabing iyon ng kaibigan. Nasasabik na siyang makita ang reaksiyon ni Adonis kapag nakita siya nito sa ganoong ayos.
Ano nga kaya ang magiging reaksiyon ng lalaki?