CHAPTER 4

LIMANG araw na siyang nasa mansiyon ng Mafia Boss, madalas niyang makita ang mga sasakyang naglalabas masok sa loob ng malawak na bakuran ng mansiyon.

Nagtungo siya sa silid aklatan na madalas na pag-meeting-an ng mga lalaki ring palaging nakakausap ng binata. Alam niyang masama ang mga negosyo ng mga taong iyon na palaging nagpupunta roon. Alam niya rin ang mga bulong-bulungan ng mga ito patungkol sa binata.

"Ay nako! Kung hindi lang napakayaman niya, hindi ako pupunta sa lugar na ito para lang masilayan ang napakapangit, at tila isinumpang pagmumukha ng lalaking iyon," narinig niyang pag-uusap ng dalawang alam niyang pinuno rin ng mga sindikato.

Nalulungkot siyang ganoon ang turing at tingin sa binata ng mga taong iyon. Ngunit pinakikiharapan pa rin ng kanilang amo. "Anong ginagawa mo riyan?" gulat siyang napatayo ng maayos, halos nanigas ang mga binti niya at leeg ng makilala niya ang boses na nagsasalita sa kanyang likuran. Ilang ulit niyang nalunok ang kanyang laway bago tuluyang humarap sa taong nagsasalita.

"S-Sir! A wala po, hindi ko lang sinasadyang marinig ang mga pinag-uusapan nila, p-pero hindi ko naman po pinakinggan!" naikumpas pa niya ang dalawang kamay.

"And so what? Wala akong pakialam sa mga naririnig mo! Alam mo Xianna, ang buong lugar na ito ay nababalot ng mga CCTV at lahat ang buong paligid ay may roong mga audio devices, kaya kahit hindi mo pa sabihin sa akin ang mga naririnig mo, alam kong lahat iyon!" salita pa ni France Marcus.

"G-ganon ba?" nauutal niyang tanong.

"Oo.... kaya huwag mo na akong kaawaan pa, alam kong iyan ang nasa isip mo," sabi pa nito sa kanya.

Mariin naman siyang umiling, umiling upang itago ang tunay na nararamdan niya, upang hindi nito isiping kinakaawaan niya ito. "Hoy! Mr. Mafia Boss! Para sabihin ko sa iyo, hindi ako naawa sa iyo! Hindi ko iyan mararamdaman kahit na kailan! Bakit naman ako maawa sa iyo? Hindi ba at alipin mo lang ako, na ginawang pang bayad ng Tiyuhin ko, at ang sabi nila kahit kailan ay hindi na ako makakalaya pa! So bakit ako makakaramdam ng awa sa iyo?" tanong niya sa lalaking ang totoo ay kinaawaan naman talaga niya.

Napa-cross arms ang lalaki at marahang lumapit sa kanya, habang lumalapit ito, siya naman ay umaatras sa paglakad. Hanggang sa mapasandal na siya sa pader. Nanginginig ang mga talukap ng mga mata niya, ngunit hindi nito mabanaag ang takot doon. Kaya naman mas lalong nakadama ng inis ang Mafia Boss.

"Anong tinawag mo sa akin?" mahina nitong tanong. Napakalamig ng boses nito, at kung ipipikit niya ang kanyang mga mata, aakalain niyang napakagwapo ng mukha ng nagsasalita. Kaya lang ay hindi niya ginawa iyon.

"S-Sir...." mahina niyang sambit. Ngunit hindi pa rin niya ito inalisan ng deretsong tingin.

"Alam mo kung ano ang ikingagalit ko sa isang tulad mo?" sambit pa nito. "Iyong ganyang mga tingin mo sa akin, iyan ang tunay na pagkukunwari, alam kong nagkukunwari ka lang na hindi nandidiri, at hindi nasusuka sa pagmumukhang ito!" naituro pa nito ang sariling mukha.

"Bakit, hindi ba p’wedeng kaya ko namang tanggapin ang mukha ng kausap ko kahit na ano pang itsura?" nauutal niyang salita. Nang hindi pa rin inaalis ang tingin niya rito. Ang totoo hindi naman talaga mukha ang pilit niyang sinisipat sa binata, kundi ang mga mata nitong nakikita niyang puno ng lungkot.

"SINUNGALING!" malakas nitong sambit, sabay hampas ng isang palad nito sa pader. Doon pa lang siya napapikit, inakala niyang siya ang sasampalin nito.

"Bakit hindi mo na lang ako saktan ng tuluyan! Hindi iyong tinatakot mo pa ako! Alam ko naman na madali lang sa iyo ang manakit ng tao, babae man o hindi!" sabi niya. Agad na nangilid ang mga luha sa mga mata niya, ngunit pilit pa rin niyang pinigilan ang malaglag iyon sa kanyang pisngi, sa harapan ng binata.

Kita niya ang pagtatangis ng mga ngipin nito, at ang bahagyang paggalaw ng mga panga nito, habang nakatitig pa rin sa kanya. Muli, nababanaag niya ang lungkot sa mga mata nito. "Bakit kasi hindi mo na lang din sabihing nandidiri ka sa mukhang ito! Para hindi na naguguluhan ang isipan ko!"

"Bakit naman ako magbibitiw ng mga salitang hindi kailanman sumagi sa isip ko?" natanong niya sa binata. At nagulat siya sa kanyang sarili, tila nakalimutan niyang ang Mafia Boss ang kausap niya. Kinatatakutan ng lahat dahil sa walang awa nitong ugali, hindi marunong magmahal, at hindi marunong magbigay sa kapawa.

Napatakip siya sa kanyang bibig, at nanlalaki ang mga matang natingnan pa rin ang binata. Nakita niya sa mga mata nito ang masidhing galit, na tila ba naguguluhan. Ngunit siya rin ay naguguluhan, bakit ba kasi kinakailangan pa siyang pilitin ng lalaking ito na magsalita ng labag sa kanyang loob.

"Bibigyan kita ng isa pang pagkakataon, sambitin mo ang salitang pinadidirihan mo ang mukhang ito, at sabihin mo sa bawat tao na nasusuka ka sa tuwing makikita mo o makakaharap ang mukha kong ito!" Utos nito sa kanya nang may pagbabanta.

"Paano naman kung ayoko? Anong gagawin mo?" matapang pa rin niyang tanong sa lalaki.

Humarap ito upang muli siyang pagbantaan, mahigpit nitong pinisil ang mga pisngi niya gamit lang ang hinlalaki at hintuturong mga daliri. Mariin ang pagkapiga nito sa mga pisngi dahilan upang makalasa siya ng kalawang sa loob ng bibig niya. Maaaring nakagat niya ang dila niya dahil sa ginawa nito. Ngunit ang bulong na ibinulong nito ang siyang nagpanginig maging sa mga tuhod niya, nagbabadya ng panganib para sa kanya.

Isang salita ang iniwan nito sa kanya bago siya nito tuluyang lisanin, "Aangkinin kita! Ang buong katawan mo, pagkatao mo ay magiging akin!" iyon ang mariing banta na kinakailangan niyang iwasan.

Pero para hindi iyon maganap, kinakilangan niyan gawin ang ninanais nito, ang sabihin sa lahat ng tao na pinandidirihan niya ito, at nasusuka siya sa tuwing nakikita niya ang mukha ng binata, isang bagay na kailanman ay hindi niya naramdaman, at hindi niya kayang gawin. Ngunit kung hindi niya iyon gagawin aangkinin siya nito.