Chapter 22
Sakay ng isang private plane sina Brett, Anna at Paolo pabalik ng Pilipinas. At matapos ang halos ilang oras na nasa himpapawid ay lumapag na rin sila sa NAIA.
Hindi pa rin masyadong nagkikibuan sina Anna at Brett, hanggang sa pasakay na sila sa isang kotse pauwi sa mansion.
Panay lang ang baling ni Anna kay Brett, nagbabakasakali na sulyapan rin siya ng binata, pero bagsak ang mga balikat niya nang ni tapunan ng tingin ay hindi nito ginawa. Parang may karayom na tumusok sa puso ni Anna, dahil lang sa katanongan niyang iyon ay naging ganito na si Brett.
Naalala pa niya ang sinabi nito noon.
Just go with flow...
Mapait siyang napangiti, iyon nga siguro ang dapat niyang gawin. Ang sumakay na lang sa trip nito.
Pagkarating sa mansiyon ay naunang bumaba ng sasakyan si Brett kasama si Paolo, habang si Anna ay kinukuha pa ang bagahe na dala nila. Ayaw naman niyang i-asa iyon lahat sa kapwa katulong niya. Nasundan na lang niya ng tingin ang mag-ama na papasok na sa loob ng mansiyon.
"Kumusta ang bakasyon, Anna?" ani ni Rona.
Matamis siyang ngumiti nang maalala ang unang araw nila sa Disneyland.
"Masaya. Ang ganda ng Disneyland." saad niya, "may bibigay ako sayo mamaya." dagdag pa niya.
Tumango-tango naman si Rona at hindi na muling nagsalita. Tinulungan na siya nito sa pagdala ng mga gamit sa loob ng mansiyon.
Dahan-dahan ang paghakbang ni Anna papasok sa pasilyo ng sala dahil medyo may kabigatan ang dala niya. Nauna lang sa kaniya si Rona, at paminsan-minsa'y binabalingan siya nito bagay na ikinataka naman niya. May nararamdaman siyang kakaiba simula nang dumating sila. Ang mga katulong kasi pati na ang driver na sinakyan nila kanina pauwi ay parang kakaiba ang mga kilos na tila ba may nangyaring hindi maganda habang wala sila rito sa mansiyon. Napabuntonghininga si Anna. Baka mali lang ang iniisip niya.
"Mommy!" Narinig ni Anna na sigaw ni Paolo. Base sa tinig nito ay pumapalayaw ito ng iyak. Nataranta si Anna at naging mabilis ang paghakbang patungo sa sala sa isiping baka napano ang alaga niya.
Ngunit nang makapasok sa sala ay nagmistula siyang natuod sa kinatatayuan nang maabutan roon si Paolo na kayakap ang isang magandang babae.
Napakurap-kurap siya at kinikilala kung sino ang babaeng iyon. Kinabahan rin siya na hindi niya maintindihan.
"Mommy, buhay ka! Buhay ang mommy ko! I told you dad, nagbabakasyon lang si Mommy!"
Sa narinig ay nabitawan ni Anna ang bagaheng bitbit at malakas ang tunog niyon nang mahulog iyon sa semento. Dahil sa nalikhang ingay ay napabaling sa direksyon niya si Brett, at nakita nito ang pagkagulat niya at pag-awang ng bibig niya. Ngunit ang lalaki ay parang wala lang ang naging reaksyon nito nang makita siya. Nakapamulsa ito at walang reaksyon na makikita sa mukha.
Buhay. Buhay ang asawa ni Brett at parang may punyal na tumusok sa puso ni Anna. Gusto niyang umiyak, pero pinigilan niya ang nagbabadyang luha.
At dahil naman sa tunog ng bag na nahulog sa sahig, ay napabaling naman sa direksyon niya sina Paolo at ang mommy nito. Nakita ni Anna kung paano siya suriin ng tingin ng babae na may luha pa sa mga mata nito.
"She's my nanny, Mom." wika ni Paolo sa ina. Hindi maitatanggi ang saya sa mukha ng bata. Nagningning rin ang mga mata nito sa tuwa.
Napatayo ng tuwid si Anna kahit pakiramdam niya sa mga sandaling ito ay nanginginig na ang mga tuhod niya.
Ngumiti ang babae sa kaniya at tumango kaya napilitan rin siyang ngumiti pabalik rito.
"A-Ako po si Anna." pakilala niya sa sarili. Tumango lang ang babae at hindi na nagsalita. Binalingan nito si Paolo at muling niyakap.
Napayuko si Anna para kunin ang nahulog na bag, kasabay ng pagyuko niya ay siya rin na paglaglagan ng mga luha niya sa mga mata. Nang mag-angat siya ng tingin ay wala na ang mag-ina, pero naroon pa rin si Brett nakatayo at nakatitig sa kaniya. Wala siyang reaksyon na nakikita sa mukha nito. Napansin niya rin ang pamumula ng mga mata nito.
Umiyak ba siya? Tanong niya sa isipan.
Kungsabagay, sino ba naman ang hindi iiyak sa biglang pagbalik ng mahal mo?
Pero ang sabi ni September ay patay na ito dahil sa isang aksidente, ano ang ibig sabihin niyon? Heto ang asawa ni Brett at buhay na buhay. Ibig sabihin palabas lang ang lahat?
Kinuha na ni Anna ang bag at mabilis na tumalikod bago siya humagulhol ng iyak sa harapan ni Brett. Pero hindi pa siya tuluyan nakakaalis nang marinig niya ang pagtawag nito sa pangalan niya.
Tumigil siya sa paghakbang at hinintay ang sasabihin nito na hindi siya humaharap dito.
"Don't leave us." anito. Utos iyon at hindi pagsuyo.
Mapait na napangiti si Anna sa sinabi ni Brett. Humakbang na siya para tuluyan itong iwan sa sala dahil hindi na niya kaya ang sakit na nararamdaman ngayon. Pagkarating niya sa kuwarto niya ay doon na siya umiyak nang umiyak.
...
Sa Library ni Brett ay nakaupo siya sa isang upuan habang hawak ng kamay ang isang bote ng brandy. Iniinom niya iyon na diretso sa bote, at hindi pinansin ang pait no'n na humahaplos sa lalamunan at dibdib niya.
Finally, after a long fucking years ay nagkita rin sila ng babaeng akala niya ay patay na.
Ang babaeng minahal niya ng sobra-sobra pero ginawa siyang tanga.
Nakuyom ni Brett ang kamao. Ang sakit ng ginawa ni Carol sa kaniya, sa sobrang sakit ay parang gusto na lang niyang magpakalasing araw-araw para hindi na iyon maramdaman pa.
Nang makita niya si Carol kanina ay tila gusto niya itong takbuhin at yakapin pero hindi niya magawa. Dahil galit siya rito. Pinaalala sa kaniya ng sarili ang panlolokong ginawa ng babae sa loob ng mahabang panahon. Hindi lang ito, pati na ang mga magulang nito na pinagtakpan rin ang kalokohan na ginawa ng anak.
Nang hindi siya siputin ni Carol sa kasal nila ay nasa tabi niya ang mga magulang nito at hindi siya iniwan. Itinuring na rin kasi niyang mga magulang ang magulang nito dahil ulila na siya sa sariling mga magulang. Malaki ang respeto niya sa mga magulang ni Carol, pero nawala iyon lahat ng pati ang mga ito ay niloko siya. Nagpanggap lang pala ang mga ito na concern sa kaniya pero ang totoo pala ay hindi naman talaga. Alam ng mga ito na buhay ang anak pero hinayaan silang magluksa ni Paolo sa tao na buhay naman pala talaga.
Inis na ininom ni Brett ang alak. Pagkalapag niya ng bote sa ibabaw ng mesa ay sakto naman na bumukas ang pinto.
Pumasok si Carol.
Napatiim-bagang si Brett kasabay ng pagkuyom ng mga kamao niya.
"C-Can we talk?" anang babae nang makalapit sa harapan niya.
Iministura niya ang isang upuan na nasa harapan ng mesa niya.
"Sit." utos niya rito.
Habang pinagmamasdan niya si Carol ay napansin niya ang pagbabago nito. Lalo itong gumanda at sexy. Naipilig ni Brett ang ulo para iwaksi ang kaisipang iyon.
"B-Brett I-I'm sorr—"
"Huwag mo nang ituloy. Hindi rin naman kita patatawarin." galit ang tono ng pananalita niya. Kinuha niya muli ang bote at nilagok ang laman niyon, pagkatapos ay malakas niya iyong inilapag sa lamesa bagay na ikinapitlag ni Carol sa kinauupuan nito.
"B-Brett–"
"Fuck you, Carol. How dare you? Paano mo nakukuhang maging masaya habang kami ng anak mo ay ipinagluluksa ka, huh? Pinalabas mong patay ka na samantalang buhay ka pala at masaya sa piling ng lalaki mo? Ano, masarap ba siya kaysa sa akin? Mas malaki ba siya? O mas magaling siya sa kama—"
Isang malakas na sampal ang iginawad ni Carol sa pisngi niya. Sa ginawa ng babae ay nandilim ang mukha ni Brett, masama niya itong tinignan bago niya pinaghahawi ang mga gamit sa ibabaw ng lamesa niya.
Nahulog ang mga iyon sa sahig at nagkalat.
"Matapos mo akong lokohin at saktan ng sobra ay ikaw pa ang may ganang manampal? Ang kapal ng mukha mo, Carol! Bakit hindi ba totoo ang mga sinabi ko? Kung nakontento ka sa akin ay hindi mo ako lolokohin! Pare-pareho kayo ng mga magulang mo. Mga sinungaling!" galit na bulyaw ni Brett sa babae na ngayon ay walang tigil sa pag-iyak.
"Please, Brett... patawarin mo ako... palayain mo na lang ako–"
"Gaga ka ba? Sa lagay na iyan ay hindi ka pa malaya? Ilang taon mo ba kami niloko na patay ka na? Hindi ba't gano'n ka rin ka laya ng mga panahon na iyon? Ni hindi mo nga naalala ang anak mo e, dahil ipinagpalit mo siya sa lalaki mo!" Sa galit ni Brett ay hindi na niya naiwasang murahin si Carol.
"Magdahan-dahan ka sa pananalita mo, Brett. Marami kang hindi alam." saad ni Carol na umiiyak.
Mapaklang natawa si Brett sa sinabi nito. Napailing-iling siya at nakakasuyang tiningnan si Carol.
"Bakit? Ano pa ba ang hindi ko alam, huh? Sabihin mo na sa akin ngayon na para isahang sakit na lang, Carol. Total sinaktan mo na rin naman ako, kaya lubos-lubusin mo na."
Pero hindi sumagot si Carol. Nanatili lang itong nakatingin sa kaniya. Muling natawa si Brett.
"Hindi ka makasagot? You know, Carol. Gampanan mo na lang ang pagiging ina mo kay Paolo. Kung inaakala mo na papakawalan kita ngayon, puwes nagkakamali ka. Hangga't hindi kita napapatawad ay hindi ka makakaalis sa bahay na ito. You know my rules, Carol. Alam mo na ang mangyayari kapag lumabag ka."
"A-Alam ko... umaasa pa rin ako na mapapatawad mo ako, Brett." wika ng dalaga bago ito lumabas ng library ni Brett.
Naiwan si Brett na tatawa-tawa. Hindi mangyayari ang iniisip ni Carol kahit na lumuha pa ito ng dugo.