Chapter 23

Hapon na noon nang makalabas si Anna sa kaniyang kuwarto. Buong araw siyang nagmukmok at hindi lumabas para kumain. Wala siyang gana, sa lahat. Mabigat ang katawan niya at masakit na rin ang ulo kaya wala siyang gana na gumalaw. Mabuti na lang at day-off niya nang araw na iyon. Hindi na rin naman siya inabala pa na tawagin ng mga kasamahan niya dahil tiyak niya na alam ng mga ito ang pinagdadaanan niya.

Alam ni Anna sa sarili na wala siyang karapatan na mag-expect sa atensyon ni Brett, pero hindi niya maitatanggi na nasasaktan pa rin siya. Kahit paulit-ulit niyang ipaalala sa sarili na hanggang nanny lang siya ni Paolo ay umaasa pa rin siya na mamahalin ng binata at bigyan ng kahit konting pagtingin lang.

Malalim na bumuntonghininga si Anna. Nami-miss na niya ang bonding nila ni Paolo, hindi na kasi siya nito kinukulit magmula ng dumating ang Mommy nito. Hindi katulad ng dati na pupuntahan siya nito sa silid niya at hihilain palabas para lang maglaro sila. Pero ngayon, hindi na. Kasi narito na ang Mommy ng bata. Aminado si Anna na nagseselos siya, pero hanggang doon na lang iyon. Masaya siya para sa bata dahil sa wakas ay kasama na nito ang Mommy nito.

Gustuhin man niyang umalis sa mansiyon ay pinipigilan siya ng mga salita ni Brett na kahit anong mangyari ay huwag siyang aalis dito. Iyon na lang ang pinanghahawakan niya.

Tinungo ni Anna ang banyo nang makaramdam siya ng pagsusuka. Simula pa nang isang araw ay palaging nangangasim ang sikmura niya, at madalas rin siyang mahilo. Paduwal-duwal siya pero wala namang lumalabas sa bibig niya dahil wala rin siyang nakain ngayong araw. Ni hindi nga siya nakakaramdam ng gutom. Nagmumog siya ng tubig at pagkatapos ay naligo kahit hapon na.

Saka lang siya nagpasya na lumabas sa silid niya at bumaba. Pero bago siya tuluyan makababa sa hagdan ay nadaanan pa niya ang kuwarto ni Brett. Saglit siyang tumigil roon. May konting awang ang pinto kaya naririnig niya ang tawanan mula sa loob niyon. Alam niyang sa mga sandaling iyon ay naroon ito kasama ang mag-ina nito. Malungkot siyang napangiti bago pinagpatuloy ang paglalakad.

Gusto niyang magpahangin sa hardin kaya naman iyon ang ginawa niya.

"Anna, okay ka lang ba? Buong araw ka yatang nasa silid mo ah. Hindi ka pa kumakain no?" Napabaling si Anna kay Rona.

Ngitian niya ito.

Nakaupo siya sa isang bakal na upuan at inaamoy-amoy ang bulaklak, habang si Rona ay nagdidilig naman.

"Okay lang ako, Rona. Katamad lang kasi gumalaw kaya maghapon akong nakahilata." rason niya.

Tumango-tango naman si Rona pero naroon na sinusuri nito ang kabuuan niya.

"Ang alaga mo ay nagkukulong rin sa silid nito kasama si Ma'am at Sir. Kapansin-pansin talaga ang pag-iiba ng aura ni Paolo dahil nandito na ulit ang Mommy niya," komento ni Rona habang patuloy ito sa ginagawa.

"T-Talaga? Mabuti naman..." Sa kabila ng saya na pinapakita ni Anna ay kabaliktaran naman ang nararamdaman niya ngayon. Masaya naman talaga siya para kay Paolo, pero nalulungkot rin para sa sarili niya. Dahil nasasaktan siya kahit na hindi naman dapat dahil unang-una ay walang sila ni Brett.

"Oo. Saka alam mo ba, Anna ni hindi nga namin akalain na buhay iyang si Ma'am. Akala talaga namin namatay siya e. Kaya noong isang araw nang dumating siya dito akala naming lahat ay minumulto niya lang kami, pero hindi pala talaga. Buhay na buhay siya. Pero alam mo ba, napapansin ko... parang hindi na siya ang dating Ma'am na kilala namin. Ibang-iba na kasi siya..." nangunot ang noo ni Anna sa naging pahayag ni Rona.

"Ano ang ibig mong sabihin?" hindi niya maiwasang itanong rito.

Bumuntonghininga si Rona bago nagpatuloy sa pagsasalita.

"P-Parang hindi niya na niya gano'n kamahal si Sir. Dati-rati kasi ay makikita mo talaga na mahal na mahal nila ang isa't isa... pero ngayon para silang dating magkakilala lang kung magtratuhan."

"Baka may problema lang sila... ikaw ba naman na akala mo patay na ang tao tapos biglang bumalik, magugulat ka rin." suhestiyon naman ni Anna.

Tumango-tango lang si Rona at hind na muling nagsalita. Samantalang ibinalik naman ulit ni Anna ang atensyon sa bulaklak. Pero nasa isipan niya ang sinabi ni Rona kani-kanina lang.

"Ikaw Anna. Wala ka bang balak na umalis gayong narito na si Ma'am?" napalingon si Anna kay Rona. Hindi niya inaasahan ang itatanong nito. Nakita niya sa mga mata ng dalaga na parang naaawa ito sa kaniya.

"A-Ano? Bakit naman ako aalis? S-Sayang ang trabaho ko." wika niya sabay iwas ng tingin niya kay Rona.

"Hindi iyan ang ibig kong sabihin, Anna." muli naman siyang napabaling kay Rona.

"Ano?"

"Anna, alam namin lahat dito na may namamagitan sa inyo ni Sir Brett. Ang ibig kong sabihin ay wala ka bang balak umalis kahit na nasasaktan ka na? Alam mo, Anna kahit hindi mo sabihin ay nakikita ko na nasasaktan ka. Saksi kami rito sa pagmamahalan nina Sir at Ma'am kaya hindi malabo na muli ay magkakaayos rin sila, at ikaw, paano ka Anna? Ikaw lang naman ang inaalala ko."

Natahimik si Anna sa sinabi ni Rona. Tinamaan siya sa sinabi nito. Mabilis niyang pinahid ang mga luha na hindi niya namalayan na dumaloy na sa pisngi habang nakatitig siya kay Rona. Awa ang nakikita niya sa mga mata nito para sa kaniya.

"O-Okay l-lang ako ano ka ba," mapakla siyang tumawa habang patuloy sa pagpahid ng luha niya, "hangga't hindi sinasabi ni Sir na a-alis ako ay h-hindi ako aalis. Mahal ko sila ni Paolo, Rona. Pamilya na ang turing ko sa kanila." matapos sabihin iyon ay tuluyan nang umiyak si Anna. Nilapitan naman siya ni Rona at niyakap. Hinaplos-haplos nito ang likuran niya.

"Tahan na... alam namin lahat iyon at nakikita namin, Anna. Pero sana mag-isip ka. Hindi mo naman sigurado kung ano ka ba talaga kay sir. Mahirap umasa, Anna, lalo ka lang masasaktan." Lalong umiyak si Anna sa sinabi ni Rona.

"Salamat, Rona. Hayaan mo at pag-iisipan ko." sambit niya sa pagitan ng paghikbi.

"Tara na, pumasok ka na at kumain. Ang putla mo na alam mo ba iyon?" Hinila ni Rona si Anna papasok sa loob ng bahay at wala rin nagawa si Anna kundi ang sumunod dito.

Pagkarating nila sa loob ng kusina ay naabutan nila doon si Carol at nagtitimpla ng kape. Nang makita sila ng amo ay kaagad iyong ngumiti, partikyular kay Anna.

"Magandang hapon po, Ma'am." sabay nilang bati ni Rona sa amo.

"Likewise," anang babae. Tinitingnan nito si Anna at sinuri mula sa mukha pababa sa paa nito. "Anna, right?" Tumango naman si Anna.

"Opo, Ma'am."

"Matagal ka na bang nanny ni Paolo?" seryuso nitong tanong.

"M-Medyo bago palang po." saad ni Anna sa garalgal na tono. Kakaiba kasi kung tumitig ang babae, parang sinusuri nito pati ang kaluluwa niya.

Napahawak si Carol sa baba nito at tila may iniisip. Kapagkuwan ay muling nag-angat ng tingin kay Anna. Si Anna ay hindi na nakaalis sa kinatatayuan nito dahil hinihintay pa ang sasabihin ni Carol.

"Ngayon na narito na ako ay hindi na kailangan ni Paolo ng nanny, Anna. So... I suggest na tanggalin ka na lang siguro sa trabaho as a nanny. But if you like, puwede ka naman mag-work pa rin dito as a kasambahay. What do you think, Rona?" wika ni Carol sabay baling kay Rona.

Napayuko si Anna at nakagat ang pang-ibabang labi.

Si Rona naman ay hindi malaman ang isasagot sa babaeng amo.

"D-Depende po—"

"She will remain as a nanny here at hindi kasambahay. Ano naman ngayon kung narito ka na? As far as I know ako ang amo dito kaya ako ang mag-de-decide kung saan ko ilalagay si Anna." Sabay na napatingin ang tatlo sa nagsalita. Si Brett iyon. Naka-cross ang dalawang braso nito sa dibdib at madilim ang mukha na nakatingin kay Carol. Nakatayo ito sa likuran nina Anna at Rona.

Lalong nakagat ni Anna ang pang-ibabang labi niya sa tensyon na nararamdaman.

Si Carol ay tumawa at pailing-iling ito sa sinabi ni Brett.

"Aw, so kind. Pero baby, hindi na need ni Paolo ng nanny. Ako na ang bahala sa kaniya. Alam mo mas bagay kay Anna na maging katulong natin. Beside, wala naman masyadong gawa dito sa mansiyon kaya hindi siya mapapagod ng sobra." saad pa ni Carol.

Gusto na lang sana ni Anna na sumabay kay Rona nang magpaalam itong lalabas ng kitchen pero hindi siya makagalaw sa kinatatayuan. Nanatili siyang nakayuko.

Narinig pa ni Anna ang pagbuntonghininga ni Brett. Okay lang naman sa kaniya na maging katulong, trabaho pa rin naman iyon.

"Ako ang magdedesisyon kung ano ang gusto ko, Carol. Ako ang nagpapa-suweldo sa kaniya at hindi ikaw kaya wala kang karapatan na pangunahan ako sa desisyon ko." Nagulat pa si Anna nang hawakan siya sa braso ni Brett at hilain palabas ng kitchen. Nang balingan niya si Carol ay nakita niyang masama ang tingin nito sa kaniya.

Hinila siya ng binata at dinala sa kuwarto niya. Nang makarating roon ay sinara nito ang pinto at hinarap siya.

"Anna–"

"Okay lang na maging kasambahay ako. Marangal pa rin na trabaho iyon." wika ni Anna. Naupo siya sa kama dahil nakakaramdam na naman siya ng paghilo.

"Ayoko, Anna. Mananatili kang nanny ni Paolo hangga't gusto ko. Ako ang amo rito kaya ako ang masusunod." matigas na wika ni Brett.

Tumango-tango si Anna.

"Oo pala. Amo pala kita." natatawang sabi ni Anna na ikinakunot ng noo ni Brett.

"Anong gusto mong sabihin, Anna?" anito.

Umangat si Anna ng tingin at sinalubong ang mga mata ni Brett. Ramdam niya ang pag-init ng sulok ng mga mata niya tanda na iiyak siya.

"Amo kita, kaya dapat iyon rin ang ipakita mo sa lahat. Huwag kang umasta na parang may relasyon tayo, na parang may special treatment ka sa akin gayong nanny lang naman ako dito." Tuluyan ng umiyak si Anna.

Nilapitan naman siya ni Brett at hinawakan ang baba niya para i-angat iyon. Nagsalubong ang mga mata nila.

"Saan nanggagaling ang mga salitang iyan, Anna?" tanong ni Brett na titig na titig sa mga mata niya.

"T-Totoo naman ang sinasabi ko, 'di ba? Nanny lang ako–"

"Hindi ka basta-basta nanny lang, Anna. Iyan ang tatandaan mo. Bumaba ka na at kumain dahil alam kong maghapon ka sa silid na ito." wika ni Brett. Nasundan na lang ito ng tingin ni Anna nang lumabas ito ng pinto.

"Ano ba talaga ako sayo, Brett?" bulong niya sa hangin.

Dahil nakaramdam na rin siya ng gutom ay bumaba siya at pumunta sa kusina upang kumain. Pagkarating niya doon ay wala na si Carol. Kumuha siya ng makakain at naupo. Tahimik siyang kumakain nang biglang sumulpot si Carol.

"So, Anna, anong mayroon sa inyo ni Brett?" diretsang tanong nito sa kaniya. Nabitawan ni Anna ang kubyertos sa hindi inaasahang tanong ng amo.

Hindi niya malaman kung papano salubungin ang mga titig nito.

"M-Ma'am... wala po. N-Nanny lang po ako dito." sagot niya kay Carol.

Hindi makapaniwalang tingin naman ang ipinukol sa kaniya ni Carol.

"Nanny? Sa tingin ko ay hindi naman. I smell something fishy kasi, Anna." Naupo si Carol sa isang upuan kaharap ni Anna. "Iba ang nakikita at naaamoy ko." Napayuko si Anna. Nawalan na siya ng gana kumain.

"M-Mali lang po kayo ng iniisip, Ma'am." iyon lang ang nasagot niya kay Carol. Wala naman talaga silang meron ni Brett kaya tama lang ang sagot niya.

"Okay." Tumayo si Carol at nagkibit-balikat ito. Naglakad ito palabas ng kitchen.

Samantalang naiwan naman si Anna na nakatulala sa kawalan.

Alam niyang hindi naniniwala ang amo sa sinabi niya. Pero iyon naman talaga ang totoo. Wala silang label ni Brett.

Nanny siya, at amo niya ito.