Chapter 9

Savina's Pov

Kahit nasa harapan ako ng puntod ng ama ni Desmon na dating alpha ng Golden Wolf clan ay hindi pa rin ako lubusang makapaniwala na wala na nga siya. Ano ang silbi ng kanyang paghihiganti kung hindi niya makikita at mararamdaman ang sakit na naramdaman ko nang mawala ang mga mahal ko sa buhay?

"Ano pa ang hinihintay mo, Savina? Hukayin mo ang puntod ng ama ko at gawin mo kung ano ang gusto mong gawin sa kanyang mga buto para makaganti ka sa ginawa niya sa pamilya mo," mariin ang boses na wika ni Desmon sa akin. Ngunit hindi ako kumilos at nanatili lamang akong nakatingid sa puntod ng ama niya. "Ano pa ang hinihintay mo, Savina? Gawin mo na kung ano ang gusto mo?" sigaw ni Desmon nang hindi pa rin ako tumitinag sa kinatatayuan ko.

Masama ang tingin na sinulyapan ko si Desmon. "Hindi ako masama katulad ninyo. Hindi man ako makapaghiganti sa kanya ay natitiyak ko na nabubuhay pa ang iba pa niyang mga kasama na lumusob sa tahanan namin."

"So ano? Hindi mo na ako paghihigantihan ngayon dahil patay na ang ama ko na siyang pinuno sa paglusob sa lugar ninyo?"

Bigla akong napaisip dahil sa sinabi ni Desmon. Hindi ko na nga ba siya dapat na paghigantihan dahil patay na pala ang kanyang ama? Mabilis akong umiling sa aking naisip. Hindi man kasama si Desmon sa mga taong-lobo na lumusob sa bahay namin ay ama pa rin niya ang pumatay sa pamilya ko. At isa pa ayaw niya akong pakawalan at sapilitan pa niya akong ginawang alipin. Kaya kung gusto ko pa ring makalaya mula sa kanya ay dapat pa rin akong magpalakas para magawa ko siyang labanan nang sa gayon ay maging malaya na akong muli.

"Anak ka pa rin ng taong pumaslang sa pamilya ko kaya bakit hindi nakita isasama sa mga taong-lobo na paghihigantihan ko?" matalim ang tingin na sagot ko sa kanya.

Napaismid si Desmon sa sinabi ko. "Nakahanda ako kung kailan ka makakapaghiganti sa akin, Savina. Ngunit kailan kaya mangyayari iyon? Maski ang isang omega ay hindi mo kayang talunin ako pa kaya na isang alpha?" buong pagka-aroganteng tugon ni Desmon sa akin.

Nakadama ako ng pagkainis sa pagiging arogante niya ngunit tama naman siya. Hindi ko kayang talunin ang isang aliping omega kaya paano ko nga naman siya matatalo? Hindi pa rin ako nakakapag-praktis ng kapangyarihan ko dahil abala pa ako sa pagiging alipin kay Desmon.

"Arogante," hindi napigilang bulong ko sa mahinang boses ngunit nakarating pa rin sa matalas na pandinig ni Desmon.

"Hindi bale nang arogante ako basta kaya kong panindigan ang lahat ng mga sinasabi ko," pahayag ni Desmon pagkatapos ay bigla niya akong hinila sa baywang at muli siyang tumakbo na parang ipo-ipo sa bilis. Dahil nabigla ako sa kanyang ginawa ay sa kanyang leeg napakapit ang aking mga braso habang nakapikit ang aking mga mata. "What? Wala ka bang balak na pakawalan ako?" narinig kong kausap sa akin ni Desmon ilang sandali pagkatapos niyang tumakbo ng mabilis. Pagmulat ko ng aking mga mata ay natuklasan kong nasa harapan na pala kami ng kanyang mansion. Mukhang nag-enjoy yata ako sa pagkakakapit sa kanyang leeg kaya hindi ko namalayan ang paghinto namin. O baka sa sobrang bilis niyang tumakbo ay hindi ko napansin na nakahinto na pala kami.

Hindi ko maintindihan kung bakit bigla na namang bumilis ang tibok ng puso ko nang mapatitig ako sa kanyang mga mata. Hindi kaya ginagamitan niya ako ng kakaibang kapangyarihan sa pamamagitan ng pagtitig sa aking mga mata? Pero may kakayahan bang ganoon ang mga taong-lobo? Para yatang wala akong narinig na may kapangyarihan silang makapagpabilis ng tibok ng puso. Ngunit kung wala silang kakayahan na ganoon ay bakit ang bilis ng tibok ng aking puso kapag tinititigan ko ang kanyang mga mata sa tuwing nagkakalapit kami?

"Sorry. Hindi ko napansin na nakabalik na pala tayo," sagot ko matapos kong lumayo sa kanya. Pero sandali lang. Bakit ako biglang nag-sorry sa kanya? Ano bang mali ang nagawa ko para humingi ng sorry sa kanya samantalang hindi ko nga narinig na humingi siya ng tawad sa akin tungkol sa ginawa ng kanyang ama. Ngunit gustuhin ko mang bawiin ang aking sinabi ay hindi na maaari dahil mabilis na akong tinalikuran ni Desmon at iniwan akong mag-isa sa labas ng mansion. Tiwala siya na hindi ako makakatakas dahil maraming mga omega ang nagbabantay sa paligid.

Naguguluhan ang isip na naglakad ako papasok sa mansion ni Desmon. Iniisip ko kung ano ang nangyari sa ama nito at bigla na lamang itong namatay? Hindi naman kasi ako nagkaroon ng pagkakataon na tanungin si Desmon kung ano ang ikinamatay ng ama nito. Hindi pa man ako tuluyang nakakapasok sa pintuan ay bigla na lamang akong hinila ni Moira papunta sa isang sulok. Nagtatakang tinapunan ko siya ng tingin.

"Pasalamat ka sa akin dahil kinausap ko si Allana para hindi niya makita na kasama mo si Alpha Desmon. Kung hindi ko ginawa iyon ay tiyak na nakita ka na niya," mahina ang boses na kausap sa akin ni Moira.

"Sino naman ang Allana na iyon? At saka ano naman ngayon kung makita niyaang magkasama kami ni Alpha Desmon? Hindi ko naman ginusto na palagi siyang makasama," nakasimangot na sagot ko sa kanya. Sino ba ang babaeng iyon at tila takot sa kanya si Moira?

"Si Allana ang childhood sweetheart ni Alpha Desmon. At inaasahan ng lahat na siya ang gagawing luna ni Desmon pagdating ng tamang panahon," pagbibigay ng impormasyon ni Moira sa akin tungkol kay Allana. "Kapag makasalubong mo siya ay umiwas ka na agad. Spoiled siya dahil nag-iisang anak siya ng Beta," dugtong pa ni Moira.

Ano naman ngayon kung nalaman ko na ang Allana na iyon ang magiging luna ni Desmon? Wala naman akong pakialam sa buhay nila. Ngunit hindi ko maintindihan kung bakit bahagyang bumigat ang aking dibdib nang marinig ko ang sinabi ni Moira.

"Wala akong pakialam sa kanila. At kung sakaling magalit siya kapag nakita niyang magkasama kami ni Desmon ay ang lalaking iyon ang kausapin niya."

Akmang tatalikuran ko na si Moira nang muli niya akong kausapin.

"Ingatan mo na huwag malaman ng ibang taong-lobo ang tunay mong katauhan lalong-lalo na ni Allana. Kinamumuhian niya ang kagaya mong witch dahil naniniwala siyang kagaya mo ang pumatay sa kanyang ina. Kaya sa oras na malaman niya ang lihim ko ay natitiyak ko na manganganib ng buhay mo," paalala sa akin ni Moira.

Kinabahan ako sa aking narinig. Wala pa nga akong natututuhan kahit isang magic ay magkakaroon na naman ako ng panibagong kaaway.