Chapter 19
Desmon Pov
"Uuwi na ba tayo, Desmon? Akala ko ba ay may pupuntahan pa tayo pagkatapos ng pagtitipon na dinaluhan natin?" tanong ng kaibigan kong si Faris nang malaman niyang babalik na kami sa mansion. Pupuntahan pa sana namin ang pinagtataguang bahay ng taong may hawak ng katotohanan tungkol sa nangyaring pagpatay sa pamilya ni Savina. Ang sabi sa akin ng mga tauhan ko na inutusan kong mag-imbestiga tungkol sa insidenteng iyon ay may tao raw na nakakita kung sino ang pumatay sa pamilya ni Savina. Ngunit dahil sa takot ay nagtago ang taong iyon kaya ipinapahanap ko siya sa mga tauhan ko. At ipinarating nga sa akin ng inutusan kong tauhan kung saan nagtatago ang taong iyon. Pupuntahan ko sana ngayon ang taong iyon para alamin ang katotohanan at tanungin kung talagang ang aking ama nga ang nakita niyang pumaslang sa mga magulang ni Savina katulad ng idinidiin ng dalaga. Ngunit hindi ko maintindihan kung bakit bigla akong kinabahan. Si Savina agad ang unang pumasok sa aking isip nang kabahan ako. Baka may nangyayaring hindi maganda sa kanya kaya kailangan kong makabalik agad sa aking mansion.
"Oo, Faris. Uuwi na tayo ngayon din. Ipaalam mo kay Argo na mauuna na tayo sa kanya sa pag-uwi," utos ko kay Faris. Si Argo ay ang ama ni Allana at siyang Beta ng aming pack. Kapag namatay ako at wala akong tagapagmana na maiiwan ay siya ang papalit na alpha ng Golden Wolf clan.
"Pero mahalaga na makausap mo ang taong iyon, Desmon," giit ni Faris.
Totoo na sobrang mahalaga na makausap ko ang taong iyon dahil ito lamang ang makakapaglinis sa pangalan ng aking ama sa mga mata ni Savina. Iniisip kasi ni Savina na ang aking ama ang pumatay sa buong witches canary clan ngunit nagkakamali siya. Dahil sa araw na pinaslang ang mga magulang nito ay malubha na ang karamdaman ng aking ama at hindi na nga ito makatayo sa higaan. Kaya imposible ang ibinibentang ni Savina. At tatlong araw matapos ang pagpaslang sa buong witches canary clan ay namatay naman ang ama ko. Busy ako sa pag-aasikaso sa labi ng aking ama kaya huli ko na nabalitaan ang tungkol sa nangyari sa pamilya ni Savina.
Matagal ko nang kilala si Savina at alam ko rin na isa siyang witch ngunit hindi ako naglakas ng loob na makipagkilala sa kanya. Katulad niya ay sa mundo ng mga tao rin ako nag-aaral at magkapareho kami ng school na pinapasukan. Magkaiba kami ng lahi dahil isa siyang witch samantalang taong-lobo naman ako. Alam ko na hindi papayagan ng aking ama na makipagrelasyon ako sa kanya kaya pinilit kong pigilan ang nararamdaman ko para sa kanya. Ngunit nang malaman ko ang nangyari sa kanya ay hindi ako nakatiis na huwag makialam. Alam ko na babalikan siya ng mga taong-lobo na totoong pumatay sa mga magulang niya para patayin kaya sapilitan ko siyang isinama sa mansion ko para na rin sa kanyang kaligtasan. Kahit na iniisip niyang ang ama ko ang pumatay sa pamilya niya at malaki ang galit niya sa akin ay handa akong tiisin iyon masiguro ko lamang ang kanyang kaligtasan. Hindi ako papayag na mapatay siya ng mga taong-lobong iyon. Kaya hangga't hindi ko pa natutuklasan kung sino ba talaga ang nasa likuran ng pagpaslang sa mga magulang niya at pag-frame-up sa aking ama ay mananatili sa aking tabi si Savina, sa ayaw at sa gusto niya.
"Pero mahalaga rin sa akin ang babaeng nasa mansion ko. Kaya huwag ka nang makipagtalo pa diyan, Faris. Gawin mo na ang ipinag-uutos ko sa'yo," mariing utos ko sa kanya. Nagpatango-tango si Faris bago mabilis na sinunod ang ipinag-uutos ko sa kanya. Kailangan kong makabalik agad sa mansion. Hindi ako mapapakali hangga't hindi nakikita ng aking mga mata na okay lamang si Savina.
Savina Pov
Dahil sa panghihinang nararamdaman ko ay natumba ako sa malamig na sahig sa loob ng kulungan. Pinilit kong bumangon nang marinig ko ang malakas na boses ni Allana habang tumatawa. Ngunit dahil sobra ang panghihina ng aking katawan kaya hindi ko magawang makabangon ng tuluyan. Ang hula ko ay may inihalo na kung anong bagay doon sa prutas na ibinigay sa akin kanina ng sundalong omega kaya nanghihina ako ngayon.
"Oras na para aminin mo ang totoo, Savina. Ikaw ang pumatay kay Agatha, hindi ba?" walang paligoy-ligoy na tanong sa akin ni Allana matapos niyang pumasok sa loob ng kulungan. Sa kanyang kanang kamay ay hawak niya ang mahaba at itim na latigo.
"Sinabi ko na sa'yo kanina kung ano ang nangyari pero hindi mo ako pinapakinggan. Kaya bakit mo pa ako tinatanong, Allana?" matapang kong sagot sa kanya. Nakakainis lang dahil sa kalagayan ko ngayon ay hindi ko magagawang gamitin ang aking kapangyarihan.
"Unang kita ko pa lamang sa'yo ay talagang hindi na kita gusto, Savina. Kung umasta ka ay para kang hindi isang alipin. At naiinis ako sa katapangan mong iyan. Naiinis akong makita na malapit ka kay Desmon. Kaya ngayong binigyan mo ako ng chance para patayin ka ay hindi ko palalagpasin ang pagkakataong ito," nakangising pahayag ni Allana pagkatapos ay hinagupit ako ng hawak niyang latigo.
Namilipit ako sa sobrang sakit nang tumama sa katawan ko ang kanyang latigo. Pakiramdam ko ay parang pinupunit ang aking balat. Napasigaw na ako ng malakas nang magkakasunod niya akong hinagupit ng latigo. Ramdam kong ilang segundong huminto ang pagtibok ng aking puso dahil sa sobrang sakit na nararamdaman ko. Sa buong buhay ko ay ngayon lamang ako nakaranas na pisikal na masaktan ng labis.
"Patayin mo na lamang ako kung iyan ang nais mo!" galit na sigaw ko sa kanya. Mas gugustuhin ko pa na patayin na lamang niya ako ng mabilis kaysa ang pahirapan pa ako ng ganito. Ngunit kapag pinatay niya ako ay natitiyak kong hindi matatahimik ang aking kaluluwa sa kabilang buhay dahil hindi ko nagawang maipaghiganti ang pagkamatay ng aking pamilya at buobg angkan.
"Ayoko nga! Bakit kita papatayin agad? Nag-eenjoy pa akong makita na nahihirapan ka," nakangising sagot sa akin ni Allana pagkatapos ay muli akong hinagupit ng latigo ng magkakasunod. Sa pagkakataong ito ay sumuka na ako ng dugo. Tila mas lalo namang natuwa si Allana nang makita ang pagsuka ko ng dugo. "Ganyan nga, Savina. Ilabas mo lahat ng dugo mo sa katawan sa pamamagitan ng iyong bibig. Iyan ang nangyayari sa mga babaeng gustong agawin sa akin si Desmon. Alam mo ba na lahat ng babaeng nagkagusto sa kanya ay pinatay ko? At ikaw naman ang isusunod ko ngayon."
Pakiramdam ko isang hagupit na lamang ni Allana sa akin ay bibigay na ang katawan ko. Nahihirapan na kasi akong makahinga dahil sa sobrang sakit na aking nararamdaman. Nang itaas niya ang kanyang latigo para muling ihataw sa katawan ko ay kusang ipinikit ko na lamang ang aking mga mata. Hindi ko man gusto ay wala akong magagawa kundi ang tanggapin na sa ganitong paraan lamang magwawakas ang buhay ko sa mundong ito. Ngunit ilang segundo na ang nakalilipas ay hindi pa tumatama sa katawan ko ang kanyang latigo kaya dahan-dahan kong iminulat ang aking mga mata. At tila nakakita ako ng liwanag nang makita ko si Desmon na hawak ng mahigpit ang kamay ni Allana na siyang may hawak ng latigo. Madilim ang mukha nito at nagtatagis ang mga bagang sa pagkakatingin kay Allana na nanlalaki naman ang mga mata.