Chapter 20
Savina Pov
"D-Desmon. Bakit nandito ka na? Hindi ba't mamayang gabi pa kayo uuwi ng aking ama?" nanlalaki ang mga matang tanong ni Allana kay Desmon na biglang dumating at pinigilan ang tangkang muling paghagupit ng babae sa katawan ko.
"Sino ang nagbigay sa'yo ng karapatan para saktan ang aking alipin, Allana?" madilim ng mukha na tanong ni Desmon kay Allana habang hawak ng mahigpit ng isang kamay ang latigo ng babae na muntik nang maging sanhi ng aking katapusan sa mundong ito. "Kung hindi pala ako bumalik ng maaga ay hindi ko makikita kung ano ang ginagawa mo sa aking alipin. Muntikan mo na siyang mapatay," sigaw ni Desmon na pulang-pula ang mukha sa matinding galit.
Sa unang pagkakataon magmula nang makilala ko si Desmon ay ngayon ko pa lamang siya nakitang nagalit ng ganito katindi. Nakakatakot ang kanyang hitsura. Para siyang papatay ng kanyang kalahi anumang oras. Nakakatakot man siyang magalit ay may bahagi naman ng aking puso na tila natutuwa na nagagalit siya kay Allana dahil sa ginawa nito sa akin. Tila naman nakadama ng malaking takot si Allana at biglang napaluhod sa harapan ni Desmon matapos bitiwan ang hawak na latigo.
"I'm sorry, Desmon. Ngunit kaya ko lamang pinaparusahan ang babaeng iyan dahil pinatay niya si Agatha. Matagal mo na siyang alipin kaysa sa babaeng iyan at malapit din siya sa akin kaya pinaparusahan ko lamang siya para bigyan ng katarungan ang sinapit ni
Agatha," mabilis na sagot ni Allana kahit na halatadong nininerbiyos ang boses na sagot nito kay Desmon.
"Hindi totoo iyan. Hindi ko pinatay si Agatha," mahina ang boses na salungat ko sa sinabi ni Allana. Pagkatapos ay bigla akong inihit ng ubo. Dugo ang lumabas mula sa aking bibig na dala marahil ng pagkapinsala ng aking internal organ dahil sa ilang beses na paghagupit niya sa katawan ko ng latigo.
"Ikaw ang sinungaling, Savina! Hindi mo magawang maituro kung nasaan ang bangkay ni—"
"Tama na, Allana! Wala kang karapatan na tanungin si Savina ng mga ganyang bagay. Kung mayroon man dapat na magtanong sa kanya ay ako lamang iyon. Dahil alipin ko siya at ako ang alpha ng pack natin," putol ni Desmon sa sinasabi ni Allana pagkatapos ay nilapitan ako at bigla na lamang binuhat. May tuwa sa aking dibdib na inihilig ko ang aking ulo sa kanyang matigas na dibdib. Natutuwa ako na hindi pinaniwalaan ni Desmon ang mga kasinungalingan ni Allana. Pagdaan niya sa tapat ni Allana ay binigyan niya ito ng babala. "Pasalamat ka na anak ka ng isang beta dahil kung hindi ay tinitiyak ko sa'yo na hindi ka na makakalabas pa ng buhay sa kulungang ito. At kapag inulit mo pa ang ginawa mong ito ay hindi na kita mapaptaawad pa," matigas ang boses na wika niya kay Allana bago ito nilagpasan.
"Desmon," mahinang tawag ko sa pangalan niya nang mailabas na niya ako sa loob ng kulungan. "Ang totoo—"
"Sshh," mahinang saway niya sa akin. "Huwag ka na munang magsalita. Magpahinga ka na lang dahil alam ko na sobrang sakit ang nararamdaman mo ngayon. Saka mo na sabihin sa akin kung anuman ang nais mong sabihin."
Bahagya lamang akong tumango sa kanya at ngumiti pagkatapos ay ipinikit ko ang aking mga mata para matulog. Pakiramdam ko kasi pagod na pagod ang aking katawan at gusto kong matulog. Ang masarap na pakiramdam habang nakahilig ako sa kanyang dibdib. Dumagdag pa ang masarap niyang amoy na hindi masakit sa ilong kapag nakalanghap. Ilang saglit pa ay tuluyan na nga akong nakatulog sa kanyang mga bisig.
Nang magising ako ay nasa loob ako ng isang magarang silid ngunit hindi naman pamilyar sa akin. Mabilis akong napabangon ng higa para alamin kung nasaan ako. Ngunit natigilan ako nang maramdaman ko na hindi na gaanong masakit ang mga latay sa aking katawan. Ano kaya ang ginamit niyang gamot sa akin para maging magaan ang pakiramdam ko at hindi ko na masyadong maramdaman ang sakit?
Napatingin ako sa pintuan nang bigla iyong bumukas at pumasok si Desmon sa loob ng kinaroroonan kong silid.
"Kamusta na ang pakiramdam mo, Savina?" agad niyang tanong sa akin.
"Nasaan ako? Bakit ibang kuwarto ang kinaroroonan ko?" tanong ko sa kanya sa halip na sagutin ang kanyang tanong. "At saka ano ang ginamit mong gamot at hindi ko na masyadong nararamdaman ang sakit ng mga latay sa katawan ko?"
"Nandito ka sa bahay ko sa mundo ng mga tao. Alam ko na hindi ka titigilan ni Allana kaya inalis kita sa aking mansion at dinala rito."
"Sa mundo ng mga tao? Ibig mong sabihin ay pakakawalan mo na ako?" masayang tanong ko sa kanya. Mas masayang manirahan dito sa mundo ng mga tao kaysa sa mundo namin lalo pa at wala na ang aking pamilya.
"Dito ka pa rin titira sa bahay ko ngunit maaari kang umalis kahit saan mo gustong magpunta. Hindi pa kita maaaring pakawalan at hindi pa ngayon ang tamang oras para malaman mo ang dahilan," seryoso ang mukha na sagot sa akin ni Desmon.
"Nandito tayo sa mundo ng mga tao kaya makakatakas ako kapag ginusto kong tumakas dito," nakairap na sabi ko sa kanya. Akala yata niya ay hindi ko kayang mabuhay dito sa mundo ng mga tao nang mag-isa.
"Alam ko na magtatangka kang tumakas sa akin ngunit pinaghandaan ko na ang tungkol sa bagay na iyan," may bahagyang ngiti sa mga labi na sabi ni Desmon pagkatapos ay bumaba ang tingin niya sa aking kanang kamay. Nang sundan ko kung ano ang tinitingnan niya ay nakita ko sa aking kamay ang isang bracelet na kulay pula.
"Ano ito? Bakit mo ako nilagyan ng bracelet sa kamay?" nakakunot ang noo na tanong ko sa kanya. Tinangka kong alisin ang bracelet sa aking kamay ngunit hindi ko ito magawang alisin. "Bakit ayaw maalis sa kamay ko ang bracelet na ito? Para saan ba ito?"
"Kahit anong pilit mong pag-alis sa bracelet ay hindi iyan maaalis sa kamay mo hangga't hindi ako ang kusang magtatanggal niyan. At ang bracelet na iyan ay naglalaman ng aking dugo kaya kahit saan ka magpunta ay malalaman at mararamdaman ko kung nasaan ka. Kaya wala ka pa ring takas sa akin," paliwanag ni Desmon sa kalmadong boses.
Nakaramdam ako ng inis nang marinig ko ang sinabi niya. Wala pala talaga akong kawala sa kanya. Dahil ang bracelet na nasa kamay ko ay tila tracking device na magtuturo sa kanya sa lugar na kinaroroonan ko.
"Ipinapangako ko na hindi ako tatakas at babalik pa rin ako sa bahay na ito basta alisin mo lamang ang bracelet na ito sa aking kamay, Desmon," pangako ko sa kanya. Hindi maaaring manatili sa kamay ko ang bagay na ito dahil paano ko mapupuntahan ang mga lugar na dapat kong puntahan para makapag-imbestiga ako sa nangyari sa pamilya ko? Sa ngayon ang pagkakaalam ko ay ang ama ni Desmon ang pumatay sa pamilya ko ngunit hindi ko maintindihan kung bakit may pakiramdam ako na may ibang tao na nasa likuran ng nangyaring trahedya? At ang bracelet na ito ay magiging sagabal sa mga kilos na gagawin ko.
"I'm sorry ngunit hindi ko maaaring alisin ang bracelet na iyan," ani Desmon sa matigas na tono. Tila ba hindi niya nagustuhan na nais kong ipatanggal ang bracelet na ito sa aking kamay.
"Wala ka bang tiwala sa akin kaya nilagyan mo ako ng tracking device? Hindi na nga ulit ako nagtangkang tumakas mula sa iyo hindi ba? Kaya bakit wala ka pa ring tiwala sa akin?" inis na tanong ko sa kanya sa medyo mataas na boses. Ngunit hindi man kang natinag ang matigas na anyo ni Desmon.
"It's for your own safety, Savina," maikling tugon niya sa akin bago walang paalam na naglakad palabas ng kuwarto. Naiinis na nahampas ko na lamang ng aking mga kamay ang malambot na kama. Paano ko kaya maaalis ang bracelet na ito sa aking kamay?