Chapter 15
Savina's Pov
Pangalawang araw ngayon magmula nang lumabo ang aking paningin pagkatapos akong makagat ng lobo na nakalaban ko. Kahit na hindi ako sanay na pakapa-kapa habang naglalakad ay no choice ako kundi gawin iyon para hindi ako bumangga sa mga gamit sa dinaraanan ko. Bored ako masyado dahil nasa loob lamang ako ng aking silid. Paminsan-minsan kapag free time ay pinupuntahan ako nina Susa at Freya para naman hindi ako mainip masyado.
Hindi ko alam kung hanggang kailan ako mananatiling ganito na parang bulag. At ngayon ko natuklasan na hindi talaga maganda ang pakiramdam nang hindi ka nakakakita ng maaayos. Kaya nakakaawa ang mga bulag na habambuhay nang hindi makakakita pa ng liwanag.
Dahil bored ako kaya ipinasya kong lumabas sa aking silid. Masyadong malabo ang aking paningin kaya ipinasya kong ipikit na lamang ang aking mga mata at paganahin ang aking pakiramdam. Pakapa-kapa at mabagal akong naglakad mula sa aking kama papunta sa pintuan. Kinapa ko ang aking harapan para malaman ko kung malapit na ba ako sa pintuan. Nag-aalala kasi ako na baka bumangga ako sa hamba ng pintuan. Napakunot ang noo ko nang makapa ng aking mga palad ang isang matigas na bagay. Ngunit nasisiguro ko na hindi ito ang pintuan dahil di-hamak na mas matigas naman ang pintuan kaysa sa aking nakakapa ngayon. Iminulat ko ang aking mga mata at kahit malabo ang aking paningin ay natitiyak kong tao ang nasa harapan ko base na rin sa kanyang pigura. Nang ma-realized ko na katawan pala ng isang tao ang aking nakapa ay mabilis akong napaatras.
"S-Sorry. Akala ko pintuan na ang nakapa ko," mabilis kong paumanhin sa may-ari ng katawan na aking nakapa.
"Mukha bang pintuan ang aking katawan para mapagkamalan mong pintuan?" tanong ng baritonong boses na kahit hindi ko nakikita kung sino ang may-ari ay kilalang-kilala ko pa rin kung sino siya. Sa halip na sagutin ko ang kanyang sinabi ay tinalikuran ko siya at mabilis na naglakad pabalik sa kama ko. "Stop walking, Savina!" sigaw ni Desmon sa akin ngunit huli na. Bumangga na ang tuhod kosa gilid ng kama. At dahil mabilis ang paglalakad ko kahit na hindi pa ako masyadong nakakakita ay kaya nawalan ako ng balanse nang bumangga ang mga tuhod ko sa gilid ng bakal na kama. Napatili ako nang biglang bumagsak ang katawan ko sa kama. Ngunit hindi lamang katawan ko ang bumagsak sa ibabaw ng kama kundi pati na rin ang katawan ni Desmon na sinubukan yatang pigilan ako sa pagbagsak. At sa halip na sa kama ay sa matigas niyang katawan ako bumagsak.
"Oh my! I'm sorry. Hindi ko sinasadyang bumagsak sa katawan mo," natatarantang paumanhin ko kay Desmon pagkatapos ay bumangon ako mula sa pagkakadapa sa ibabaw ng katawan niya.
Isang mahinang tikhim ang narinig ko mula kay Desmon bago siya magsalita. "Kumusta na ang mga mata mo? Masyadong malabo pa rin ba ang paningin mo?"
Ilang segundo muna ang pinalipas ko bago ko sinagot ang kanyang tanong. Pinakalma ko muna ang nagririgodon kong puso na tila gustong lumabas sa aking dibdib.
"Malabo pa rin ang paningin ko. Hanggang kailan ba magiging ganito ang aking mga paningin?"
Naiinip na ako sa pananatili sa loob ng aking silid kaya gusto ko nang makalabas. Mas gusto kong magtrabaho na lamang kaysa ang manatili sa loob ng apat na sulok ng silid na ito.
"Mga ilang araw pa siguro bago bumalik sa normal ang paningin mo. Ngunit huwag kang mag-alala dahil hindi ka naman mananatiling ganyan habang-buhay," sagot niya sa tanong ko. Hindi ko sinagot ang sinabi niya at nanatiling tikomang aking bibig. Hindi ko kasi alam kung ano ang aking sasabihin. Sa unang pagkakataon ay nawalan ako ng sasabihin sa kanyang harapan na kahit minsan ay hindi pa nangyari. Naninibago na talaga ako ngayon sa aking sarili. "Naiinip ka na ba rito? Gusto mo bang lumabas at mamasyal sa labas?" tanong ni Desmon nang hindi pa rin ako umiimik.
Nakaramdam ako ng tuwa sa kanyang sinabi. Gustong-gusto ko na talagang makalabas rito. "Naiinip na nga ako ngunit ano ang magagawa ko? Hindi naman ako makalabas dahil sa kalagayan kong ito," sagot ko sa kanya. Hinintay ko na sabihin niya sa akin na ipapasyal niya ako sa labas. Ngunit lumipas na ang maraming segundo ay hindi pa siya nagsasalita kaya nawalan na ako ng pag-asa na makalabas dito. Akmang ibubuka ko ang aking bibig para makiusap sa kanya na kung maaari ay ipasyal niya ako sa labas ngunit hindi iyon natuloy dahil bigla na lamang niya akong binuhat.
"Humawak ka sa leeg ko," utos niya sa akin na agadko namang sinunod. Ipinalibot ko sa kanyang leeg ang aking mga braso at inihilig ko sa kanyang matigas na dibdib aking ulo. Dinig ko ang malakas na tibok ng kanyang puso. Ganitoba talaga ang pagtibok ng puso ngmga taong-lobo? Sobrang bilis? Ang weird naman. Samantalang ako ay bumibilis lamang ang pagtibok ng aking puso kapag nagkakatitigan kaming dalawa. Lihim na humugot ako ng malalim na buntong-hininga para pawiin ang munting kilig na nararamdaman ko ngayon. Ganito pala ang pakiramdam kapag binubuhat ako ni Desmon nang may pag-iingat. Hindi katulad dati na parang sako ng bigas na nakapatong sa kanyang balikat kapag binubuhat niya ako.
"Saan tayo pupunta?" tanong ko sa kanya para maalis ang nakakailang na katahimikan sa pagitan naming dalawa.
Sa likuran lamangng aking mansion. May mga maliit na garden doon na ginawa ni Moira. Masarap ang simoy ng hangin doon dahil s amga namumulaklak na mga halaman," sagot ni Desmon sa casual na tono. Ito ang unang pagkakataon na nag-usap kami nang hindi nag-aaway.
Pagdating namin sa sinasabi niyang garden ay iniupo niya ako sa isang upuan na gawa yata sa katawan ng malaking kahoy.
"Uhm, maraming salamat nga pala sa ginawa mong pagliligtas sa akin, Desmon. Dalawa na ang utang na loob ko sa'yo," nahihiyang pasasalamat ko sa kanya. "Pero hindi ibig sabihin niyon na hindi na ako galit sa'yo at wala na akong balak na maghiganti. Hindi ko pa rin nakakalimutan na ang iyong ama ang pumatay sa aking pamilya."
Dinig ko ang marahas na buntong-hininga ni Desmon mula sa aking tabi. Tila may suliranin na bumabagabag sa kanyang isipan.
"Savina, ang totoo—"
"Ano ang ginagawa ng isang alpha kasama ang kanyang alipin sa hardin na ito, Desmon?" biglang singit ng galit na boses ng isang babae mula sa kung saan. Hindi tuloy nagawang ipagpatuloy ni Desmon ang kanyang sasabihin sa akin.
"Bakit, Allana? Bawal ba kaming magtungo sa hardin ng aking bahay? At ikaw naman? Ano ang ginagawa mo rito sa bahay ko?" ganting tanong naman ni Desmon kay Allana na siya palang dumating. Tila may halong inis pa ang boses nito nang magtanong sa babae.
"May usapan tayo na dadalo tayo sa piging ng aking ninong pero hindi ka dumating para sunduin ako kaya ako na lamang ang nagtungo rito. Iyon pala ay kasama mo lang dito sa garden ang iyong alipin," may galit sa tono na wika ni Allana. "At akala ko ba ay parurusahan mo ang aliping iyan dahil sa ginawa niyang pagsagot sa akin noong isang araw? Bakit mukha yatang inaalagaan mo pa siya?"
"Anuman ang ginagawa ko ay wala kang pakialam, Allana. Ang mabuti pa ay umalis ka na at magtungo sa piging ng ninong mo dahil hindi ako makaka-attend. May mahalagang bagay akong aasikasuhin mayamaya," sagot ni Desmon sa malamig na boses.
Nakita ko ang pigura ni Allana na hindi kumikilos. Tila nabigla ito sa isinagot ni Desmon. Hindi yata nito inaasahan na pagsasalitaan ito ni Desmon ng ganoon. Pakiramdam ko ay sa akin nakatingin si Allana at hindi kay Desmon at para bang nararamdaman ko ang masama niyang titig sa akin.
"Okay fine. Kung mas gusto mong makasama ang babaeng alipin na iyan kaysa sa akin," galit na wika ni Allana kay Desmon bago tumalikod at umalis ng walang paalam.
Kahit hindi ako kinausap ni Allana at kahit hindi ko nakita na nakita kung paano siya tumingin sa akin ay batid kong mas nadagdagan ang nararamdaman niyang galit sa akin ngayon. At sa mga susunod na araw ay hindi na ako magtataka kung bigla na lamang niya akong atakehin at pagtangkaan ang aking buhay.