Chapter 14

Savina's

Dahan-dahang iminulat ko ang aking mga mata kasabay ng bahagyang pag-alpas ng mahinang ungol mula sa aking lalamunan. Nakaramdam ako ng panic nang matukasan kong malabo ang aking paningin.

"Ano ang nangyari sa akin? Bakit malabo ang aking paningin?" agad kong tanong sa mga pigurang nakita ko na nakatayo malapit sa akin. Hindi ko makilala kung sino sila dahil sobrang labo ng aking mga paningin.

"Dahil iyan sa epekto ng lason mula sa kagat ng lobo na mula sa Silver Wolf pack na siyang nakakagat sa'yo kaya malabo ang paningin mo," sagot sa akin ng boses ni Moira. Mabilis akong bumangon mula sa pagkakahiga sa kama. Bigla namang napalapit sa akin ang  dalawa pang pigura na aking nakikita ngunit hindi ko nakikilala.

"Huwag ka na munang tumayo, Savina. Mahiga ka na lang muna at magpahinga," wika ng isang pigura na nakilala kong boses ni Susa. At kung hindi ako nagkakamali ay si Freya naman ang may-ari ng isang pigura.

"Tama si Susa, Savina. Magpahinga ka na muna para mabilis na bumalik ang lakas mo," sabi naman ng isang pigura na walang iba kundi si Freya nga.

"Bakit ako lang ang nagkaganito? Hindi ba lahat tayo ay may mga kagat mula sa mga labo na ating nakalaban? Bakit tila ayos lang kayong dalawa?" nagtatakang tanong ko sa kanila. "At saka nasaan na ang mga lobong nakaaway natin? Paano tayo nakaligtas?"

"Masyadong malakas ang lason ng lobo na kumagat sa'yo kaysa sa mga lobo na kumagat sa amin, Savina. Kaya ikaw lamang ang nagkaganyan ang paningin," mabilis na sagot ni Susa sa akin. "Ang mga lobo naman na umatake sa atin ay tumakas nang dumating si Alpha Desmon. Siya ang nagligtas sa atin."

Biglang bumalik sa aking isip ang huling nangyari bago ako nawalan ng malay. Nakita ko nga pala si Desmon na dumating at hinarangan ako mula sa tangkang pag-atake sa akin ng taong-lobo na mula sa kalabang pack. Bakit ba palagi siyang dumarating kapag kailangan ko siya? Kahit na hindi ko siya tawagin ay kusa siyang dumarating para tulungan at iligtas ako na para bang nararamdaman niyang nasa panganib ang buhay ko? Tila may malamig na kamay ang humaplos sa aking puso sa pag-iisip ko sa kanya. Kahit hindi sinasadya ay nagkakaroon ako ng utang-na-loob sa kanya.

"Gagaling pa ba ako? Hindi ba ako tuluyang mabubulag?" may pag-aalala sa boses na tanong ko sa kanila. Paano na lamang kung mabulag ako? Paano na lamang ang binabalak kong pagbibigay ng hustisya sa mga taong-lobo na pumatay sa pamilya at buong clan ko? Ayokong mabulag. Ayokong puro kadiliman na lamang ang aking makikita.

"Huwag kang mag-alala dahil hindi naman permanente ang  panlalabo ng mga mata mo, Savina. Babalik din sa normal ang paningin mo kapag tuluyan ka nang gumaling. Ngunit pasalamat ka kay Alpha Desmon. Dahil kung hindi niya agad sinipsip ang lason mula sa sugat mo ay tuluyan ka nang hindi makakakita habambuhay," pagbabalita sa akin ni Moira. "At dahil sa ginawa niya ay nalipat sa katawan niya ang ibang lason na nasa katawan mo. Kung maraming lason ang nalipat sa katawan niya ay tiyak na patay na siya ngayon."

Hindi ako makapaniwala sa aking narinig. Ginawa iyon ni Desmon para sa akin? Itinaya niya ang buhay niya para lamang mailigtas ako? Akala ko kinamumuhian niya ako gaya ng pagkamuhi ko sa kanya?

Tila nais ko nang bawiin ang huling mga salita na pumasok sa aking isip. Ang totoo ay hindi ko na maramdaman ngayon na kinamumuhian ko siya. Galit pa rin ako sa kanya ngunit hindi na pagkamuhi ang nararamdaman ko. At gusto kong magalit sa aking sarili. Dahil hindi dapat na mawala ang pagkamuhi ko sa anak ng alpha na pumatay sa aking pamilya. Ngunit dahil sa ginagawang pagtatanggol sa akin ni Desmon ay unti-unting tinutunaw niya ang pagkamuhi sa aking puso lalo a nang malaman ko na itinaya niya ang buhay niya para lamang mailigtas ako.

"Sobrang pasasalamat ko talaga na dumating ang ating matapang na alpha. Dahil kung hindi siya dumating ay natitiyak ko na patay na sana tayong lahat ngayon," sabi ni Susa na sobrang grateful kay Desmon sa pagkakaligtas niya sa aming lahat.

"O siya, Susa, Freya. Ngayong nakita niyo nang maayos naman ang kalagayan ni Savina ay maaari na kayong bumalik sa inyong mga trabaho," utis ni Moira sa dalawang omega. Si Moira pala ang pinakapinuno ng lahat ng mga aliping omega ni Desmon.

"Magpapaalam na kami, Savina. Huwag mong masyadong isipin ang malabo mong paningin dahil gagaling din iyan," paalam sa akin ni Freya.

"Magpahinga kang mabuti, Savina. Aalis na kami," paalam din sa akin ni Susa. Pagkatapos ko silang tanguan ay magkasabay na lumabas sina Susa at Freya sa loob ng aking silid.

"Kamusta si Alpha Desmon, Moira?" tanong ko sa kanya pagkalabas ng dalawang omega. Hindi ko alam kung bakit nakakaramdam ako ng pag-aalala kay Desmon matapos kong malaman ang ginawa niya.

"Okay lang siya. Huwag mo siyang alalahanin dahil mabilis lamang siyang gagaling," sagot sa akin ni Moira. Kahit paano ay gumaan ang aking pakiramdam sa nalaman ko. "Ang totoong dahilan kung bakit ikaw lamang ang lumabo ang paningin samantalang ang mga kasamahan mo ay hindi naman ay dahil isa kang tao. Kung ang Silver Wolf pack ay may lason ang mga pangil kapag nagiging lobo na sila kami naman na mula sa Golden Wolf pack ay may kakayahang mapaghilom ang aming mga sugat. At dahil hindi ka namin kauri kaya wala kang kakayahan na pagalingin ang iyong sarili. Alam ni Alpha Desmon na mangyayari ito sa'yo pagkagising mo kaya inunahan niya ang lahat sa pagsasabing manlalabo ang mga paningin mo dahil masyadong malakas ang lason sa katawan mo kaysa sa mga kasamahan mo. At kaya niya sinabi iyon para hindi sila magtaka kung bakit hindi mo kayang gamutin ang sarili mo. Pinoprotektahan ni Alpha Desmon ang tunay mong pagkatao," mahabang paliwanag sa akin ni Moira.

Napaawang ang aking mga labi nang marinig ko ang sinabi ni Moira sa akin. Hindi ko magawang makapagsalita. May mga katanungan ako sa aking isip na gusto kong mabigayan ng kasagutan tulad ng; bakit palagi inililigtas ni Desmon ang buhay ko? Bakit niya itinaya ang buhay niya para mailigtas ako? At bakit niya ito ginagawa sa akin? Ano ba talaga ang kailangan niya sa akin at ayaw niya akong umalis sa bahay niya?