Chapter 13
Savina's Pov
"Ano ang kailangan ninyo sa amin? Bakit niyo kami sinusundan?" matapang na tanong ko sa mga taong-lobo na aming kaharap. Kapag ginawan nila kami ng masama at makita ko na wala kaming kalaban-laban ay mapipilitan akong gamitin ang kapangyarihan na aking natutunan. Wala akong pakialam kung matuklasan man nila ang tunay kong pagkatao basta ang mahaga ay makaligtas kaming lahat sa panganib.
"Ang totoo ay ikaw lang naman ang kailangan namin ngunit dahil may mga kasama ka ay damay na rin sila. Mabuti nga na may mga kasama ka dahil may mapaglalaruan kami," nakangising sagot sa akin ng lalaki.
"Ako? Kailangan ninyo? At ano naman ang kailangan niyo sa akin? Hindi ko naman kayo kilala," nakakunot ang noo na tanong ko sa kanila. Malakas ang kutob ko na may kinalaman ang pagpatay ni Desmon sa taong-lobo na miyembro Silver Wolf pack kaya ako kailangan ng mga taong-lobo na kaharap ko.
"Ikaw ang alipin na kasama ni Alpha Desmon nang pinatay niya si Alloy, hindi ba? Gusto lang naman ng aming alpha na maging kapalit ang buhay mo sa ginawang pagpatay ni Desmon sa aming miyembro," sagot naman ng isang taong-lobo na kasamahan ng unang nagsalita.
Sinasabi ko na nga ba at may kinalaman ang pagpatay ni Desmon sa taong-lobo na iyon kaya ngayon ay nalalagay ulit sa panganib ang buhay ko.
"Bakit buhay ko ang magiging kapalit sa buhay ng pinatay ni Desmon na miyembro ng pack ninyo? Ako ba ang pumatay sa kanya? Inutusan ko ba si Desmon na patayin ang kasamahan ninyo? Kasalanan niya dahil mahina siya kaya siya natalo ni Desmon at napatay. At saka bakit hindi kay Desmon kayo maghiganti dahil siya naman ang pumatay sa kasama ninyo ay hindi ako? Natatakot ba kayo sa kanya?" matalim ang tingin na tanong ko sa kanila.
"Huwag mo na silang galitin pa, Savina. Ang mabuti pa ay tumakas na tayo," bulong ni Susa sa aking tainga. Paano naman ako makakatakas? Tatakbo ng mabilis? Hindi naman ako taong-lobo na kagaya nila kaya hindi ko kayang tumakbo ng mabilis at makipaghabulan sa mga taong-lobo na nasa harapan namin. Baka ilang steps pa nga lang ang natatakbo ko ay nahuli na nila ako agad ako.
"Ang tapang mo naman, babae. Pero tingnan lang natin kung ganyan ka pa katapang kapag kaharap mo na ang aming alpha," nakangising sagot sa akin ng taong-lobo mula sa Silver Wolf pack. Pagkatapos ay hinarap niya ang mga kasamahan niya at inutusan. "O ano pa ang hinihintay ninyo? Hulihon niyo na angmga alipin na iyan para madala natin sa ating pack ngunit ako na ang bahala sa matapang na babaeng alipin."
"Ano ang gagawin natin?" nababahalang tanong ni Susa sa katabing si Freya.
"No choice na tayo kundi ang lumaban. Matalo man tayo at mapatay nila atleast lumaban tayo. Hindi tayo basta-basta susuko sa mga taong-lobo na kaaway ng ating pack," matapang na sagot naman ni Freya. At sa pagkabigla ko ay bigla na lamang nagpalit ng anyo ang mga kasama kong babaeng alipin. Tanging ako lamang ang nanatiling naka-anyong tao. Ako lang naman kasi ang tao sa amin. Tao pa ring maituturing ang mga witches na kagaya ko. Kakaibang tao nga lang dahil may kapangyarihang taglay.
Nang makita ng mga Silver Wolf pack na nagpalit ng anyo ang mga kasamahan ko ay mabilis din silang nagpalit ng kanilang anyo at naging lobo. Malalaki at mababangis na lobo. Ilang saglit pa ay naglaban na ang dalawang taong-lobo na mortal na magkaaway. Samantala, hindi naman ako agad na inatake ng taong-lobo na nagsabing siya na ang bahala sa akin.
Dahan-dahan na naglakad palapit sa akin ang malaking lobo habang nakalabas ang malalaki at matutilis niyang ngipin na tila ba sinasadyang ipakita sa akin para makaramdam ako ng takotsa kanya. At nagtagumpay naman siya na makaramdam ako ng takot. Ini-imagine ko pa lang ang aking sarili na kinakagat ng matutulis niyang pangil ay napapangiwi na agad ako. Paano pa kaya kapag talagang kinagat na niya ako? Ngunit kahit nakakaramdam ako ng takot sa kanya ay pilit ko itong pinaglalabanan at itinatago sa kanya. Hindi naman niya mababasa ang aking isip kaya hindi niya malalaman na natatakot ako sa kanya hangga't hindi ko ipinapakita.
Habang naglalakad ng mabagal palapit sa akin ang malaking lobo ay umaatras din ako ng mabagal. Nanlaki ang mga mata ko nang bigla na lamang akong dambahin ng lobo. Kasabay ng aking pag-iwas sa kanya ay ang aking malakas na pagtili. Bahagyang nahagip ng ulo ng lobo ang aking tagiliran kaya natumba ako sa lupa. Hindi sinasadyang may nahawakan na matigas na bagay ang isa kong kamay at nang tingnan ko kung ano ito ay isang putol na kahoy na may isang dipa ang haba na halos kasing-laki ng binti ko. Agad ko itong pinulot at malakas na inihataw sa lobo na kumakagat sa isang paa ni Susa na ngayon ay nasa anyong lobo rin. Umatungal ang lobo nang tamaan ng kahoy na hawak ko matapos bitiwan ang paa ni Susa. Akmang susugurin ako ng lobo ngunit inunahan ko siya at muling hinataw ng malakas sa ulo. Muli itong umatungal na tila ba galit na galit sa akin. Nang muli sana akong aatakehin ng lobo ay bigla itong kinagat ni Susa sa buntot at pagkatapos au iniangat sa ere at pinaikot-ikot ng tatlong beses bago binitiwan. Tumilapon ang katawan ng lobo sa katawan naman ng isa pang lobo kaya pareho silang natumba.
Dahil abala ang atensiyon ko sa lobo na pinagtulungan namin ni Susa ay hindi ko napansin ang paglapit sa akin ng lobo na una kong nakaharap. Pagharap ko ay sinalubong ako ng matutulis niyang mga pangil. Maliksi akong umilag ngunit nahagip pa rin ng matutulis nitong pangil ang kaliwa kong braso. Napapikit ako ng mariin kasabay ng paglalapat ng aking mga labi para hindi ako sumigaw dahil sa matinding sakit. Ngunit pasalamat ako na bahagya akong nakailag dahil kung hindi ay ang leeg ko sana ang nasakmal niya at hindi ang aking kaliwang braso. Kahit na may iniinda akong sakit ay mabilis pa rin akong tumayo at iniumang sa lobo ang hawak kong putol na kahoy. Ngunit ilang segundo lamang ay bumuway ang aking pagkakatayo at tila nakaramdam ako ng pagkahilo. Malakas na ipinilig ko ang aking ulo para mawala ang tila pagkahilong nararamdaman ko ngunit bigo ako na maibalik sa normal ang aking paningin.
"Ano ngayon ang nararamdaman mo, alipin? Nahihilo ka na ba? Para sabihin ko sa'yo ay may lason ang aming mgs pangil. Iyan ang pagkakaiba namin sa inyong pack. May lason ang aming mga pangil samantalang sa inyo ay wala," tumatawang kausap sa akin ng taong-lobo na ngayon ay bumalik na sa pagiging anyong tao.
Nakaramdam ako ng panic. Kung totoo ang kanyang sinasabi ay wala kaming laban sa kanila lalo pa at nakikita ko na tila nanghihina at nahihilo na rin ang mga kasamahan ko na biglang napabalik ang mga anyo sa pagiging tao. Lahat sila ay may sugat na rin kagaya ko. Unti-unting naglakad palapit sa akin ang lalaki. Kahit nahihilo pinilit ko pa rin ang umatras. Alam ko na kapag ginamit ko ang kapangyarihan ko ngayon ay mauubos ang lakas ko. Ngunit wala na akong choice kundi gamitin ang kapangyarihan ko sa kanila. Sa kalagayan namin ngayon ay wala kaming pag-asa na manalo. Ang tanging magagawa ko lamang ay ang itapon palayo sa lugar na ito ang mga kalaban namin dahil ito pa lamang ang kapangyarihan na kaya kong gawin. Itinaas ko ang aking dalawang kamay at nakahanda nang gamitin ang aking kapangyarihan ngunit bigla na lamang may dumating na ipo-ipo na sobrang bilis. Huminto sa harapan ko ang ipo-ipo hanggang sa nawala ang malakas na hangin at luminaw ang paligid.
"D-Desmon," mahinang sambit ko sa pangalan ng taong-lobo na kinaiinisan ko at balak na paghigantihan ngunit palagi namang dumarating kapag kailangan ko ng tulong.