Kabanata 57: Saving Chalmer

“Sasama ako!” Dalian akong pumasok sa sasakyang pinagmamaneho ng personal driver nina Chalmer. “Narinig ko lahat. Kailangan kong makita si Chalmer.”

“Sige po, Ma’am!” Pinaandar na ng driver ang sasakyan.

“Bakit po hindi kayo ang sumundo sa kanya?” untag ko.

“Alam mo naman, Ma’am. Marami kaming driver nila kaya iba iba ang natatawagan. Kung sino ang unang matawagan ay siya na ang didiritso. Ako naman talaga sana ang susundo e, kaso hindi ko namalayan ang cellphone ko,” pagkwekwento niya habang ginagalaw ang bilugang bahagi ng sasakyan upang umandar. “Ipapaliwanag ko pa nga mamaya kung bakit hindi ko nasagot. Baka masitanti ako nito!”

“Hindi naman siguro. Mabait naman si Chalmer.”

“Si Chalmer, oo. Pero, iyong daddy niya. Dinaig pa ang lion kung magalit.” Pinahinto na niya ang sasakyan sa harap ng ospital. “Sana lang talaga hindi malala ang nangyari kina Boss. Kung hindi ay pagsisisihan ko talaga.”

“Manong, Think positive lang.” Magkasabay kaming pumasok sa loob ng ospital. Pahamak talaga o. Palagi na lang akong nakakarating sa ospital ng hindi oras. Kung isang episode ng Maalala Mo Kaya ang storya ko, baka papamagatan nila itong Ospital. Ang daming scenario sa ospital e.

“Jam!” Napahinto ako nang biglaang nagsalita ang isang pamilyar na mukha. Hindi pa kami nakakaabot sa emergency room. Kaya madaliang tumango ang manong driver sa akin at umuna na papunta sa aming patutunguhan.

“Yaya Susana!” Nakakamiss si yaya. Hindi ko alam kung bakit biglaan na lang siyang nawala sa bahay namin. Nagulat na lamang ako isang araw ay kami na lang nina Mommy ang naglilinis at nagluluto. “Kamusta ka na?” untag ko.

“Ayos lang naman. Naroon ang anak ko sa loob, may malubhang sakit e.” Hinawakan ko ang kanyang kamay. “Pakisabihan muna ang Mommy at Daddy mo na hindi pa ako makakabalik ha! Walang magbabantay sa anak ko.”

“Sige. Hayaan mo at ipaparating ko kina Mommy at Daddy,” wika ko. Ibibigay ko sana sa kanya ang panyong nasa aking bulsa, ngunit hindi ko nagawa, matapos kong masilayang ang panyong nadala ko ay bigay ni Chalmer sa akin. “Kailangan mo ba ng pera?” untag ko nang masilayan kong humahagulgol na siya sa iyak.

“N-nahihiya na ako sa pamilya mo e.” Huminga siya ng malalim. “Ang dami ko ng utang sa pamilya mo. Baka mamatay na ako e, hindi ko pa nababayaran.” Wala akong nagawa kundi yakapin si Yaya Susana. Hinagud hagod ko ang kanyang likuran.

“Yaya! Huwag kang magsasalita ng ganyan.” Pagpapakalma ko sa kanya. “Hayaan mo at tutulungan ka nina Daddy at Mommy.”

“Bakit ka nga pala nandito sa ospital?” untag niya.

“Syempre, para dalawin ka,” nakangisi kong wika. Malungkot naman ang mga mata niyang nakatingin sa akin. Nagdududa. “Oo na. Teka lang, pupuntahan ko pa si Chalmer. Nasa emergency room siya. Magkita na lang tayo ulit!” Kinawayan ko siya. Madalian akong naglakad ngunit biglaan akong mapahinto nang sa isang iglap lamang ay nahulog ang panyong dala dala ko. Kasabay ng pagkahulog ay ang biglaang pagdating ng isang itim na paru paro. Magkasabay silang dinuyan ng hangin bago tuluyang nahulog. Nakadapo ang itim na paru paro sa panyo.

Nanginginig ako habang naaalala ang mga masasayang araw namin ni Chalmer. Kung paano siya lumaban at nakabangon buhat sa mga kagagawan ko. Kung paano siya nag-transform mula sa isang nerdy tabatchoy hanggang sa isang hottie handsome cutie. Sobrang bait niya. Hinablot ko ang panyo at tumakbo papunta sa emergency room nang masilayan ko ang mga nagtatakbuhang mga doktor papunta roon.

Diyos ko. Huwag po ninyong hayaang mawala si Chalmer. Kailangan niya pang mabuhay.

“Kamusta?” untag ko kay Manong Driver.

“May fracture daw ang kanyang paa at maaring hindi siya makalakad. Bukod, dito ay maraming dugo ang nakawala sa kanyang katawan. Sana talaga ay kayanin ni Bossing!”

“Wala pa ba ang daddy niya?” untag ko.

“Wala na siyang ama!” Nagulat ako sa kanyang sagot. Paanong wala? “Teka nga, sino ba ang sinasabi mong nasa loob ng emergency room?”

“Si Chalmer,” diretsahan kong sagot.

“Iyong daddy ni Chalmer ang nasa loob.” Nakahinga ako ng malalim matapos kong marinig ang sinabi ni Manong Driver. Salamat naman at hindi pala si Chalmer ang nasa loob. Pero, Diyos ko. Sana po huwag ninyong hayaang mawala si Mr. Alano. Huwag po ninyong hayaang mawalan na naman uli si Chalmer ng isa pang kapamilya.

“Si Chalmer po?” untag ko.

“Hindi siya kasama sa pag-uwi e. Nasa bakasyon pa rin siya pero pauwi na rin iyon. Matapos niyang malaman ang balitang nangyari sa kanyang ama ay nagpa-book na siya agad ng ticket.”

“Nasaan ba ang cellphone niya? Hindi ko siya ma-contact e.” Dinail ko ulit ang numero ni Chalmer pero wala talaga. Maging sa facebook niya ay hindi siya nag-oonline.

“Nawala raw sa bakasyon ang kanyang cellphone e. Nanakaw. Kaya ayon bumili siya ng bago. Alam mo naman ang mayayaman. Kapag nawalan, mabilis lang mapalitan!”

“Sa bagay, ikaw ba naman ang bibiyayaan ng maraming pera e,” humagikhik ako. “Pahingi na nga ng bago niyang numero. May importante akong sasabihin sa kanya. Kailangan ko siyang makausap.” Ibinigay ko sa kanya ang aking cellphone at madalian naman niyang hinalungkat sa kanyang cellphone ang bagong numero ni Chalmer.

“Bakit maam?” Napatingin ako sa kanya. Nakakapagduda ang kanyang mga tingin. “Huwag mong sasabihing sasagutin mo na ang boss ko?” tumaas ang kanyang kilay. Maski pala lalaki ay kayang magpataas ng kilay. Para siyang bakla kung titigan kaya natawa ako.

“Tapos na ba?” tumango naman siya. “Akin na nga iyan.” Hinablot ko ang aking cellphone mula sa kanya. Walang gaanong signal.

Naglakad lakad ako upang makasagap ng mas malakas na signal. Siguro, rito na lang muna. Tumayo ako sa may malapit na bintana. Pinindot ang bagong numero ni Chalmer at tinawagan.

“Babe?” Hindi ako makapagsalita buhat sa narinig na boses sa kabilang linya. Kilalang kilala ko ang boses na ito. Si Chalmer nga.

“O!” tanging sagot ko.

“Sabi ko na nga ba ikaw ito e. Kabisado ko ang huling numero mo. Bakit ka napatawag? Siguro, namiss mo ako no?” Hinayaan ko na lamang siyang magsalita. “Sa sobrang pagka-miss mo sa akin e, humingi ka ng number. Teka, kanino ka humingi ng number?”

“Sa driver mo!” tipid kong bigkas.

“Ang tipid mo naman yatang magsalita. Ano ba ang nakain mo at nasaan ka ba?” untag niya sa akin.

“Nasa ospital ako!”

“Ayos lang ba si Daddy?” tumatango ako kahit hindi naman ako nakikita ng aking kausap. “Maggagabi na riyan ngayon a. Wala ka bang balak umuwi muna? Baka pagalitan ka na naman ng Daddy mo.” Napatingin ako sa may malapit na orasan. Alas sais na pala. Kailangan ko ng umuwi. Tama siya at baka mapapagalitan nga ako ni Daddy.

“Sige! Basta mag-iingat ka ha!” tangi kong naibigkas.

“Ano nga iyon? Ulitin mo nga? Sige na…” Naririnig ko ang kanyang hagikhik. Kinikilig ba siya sa ganitong bagay?

“Ang sabi ko. Mag-iingat ka!” Sasabihin ko na ba sa kanya? “Tsaka, Chalmer.”

“O” tipid niyang sambit.

“Pag-uwi mo ha. Hanapin mo agad ako. May importante akong sasabihin sa iyo.”

“Bakit sasagutin mo na ba ako?”

“Loko!” sigaw ko.

“Galit ka na niyan?” natatawa siya. Nang iinis lang naman siya e. Paano niya nagagawang mang inis gayong nasa bingit ng kamatayan ang Daddy niya? “Umuwi ka na. Patayin mo na ang tawag!”

“Ayaw ko nga. Ikaw muna!” wika ko.

“Gusto pa kitang kausap e. Pero, kailangan mo ng umalis kaya patayin muna.”

“Ayaw!”

“Totot!” Biglaang nawala sa linya si Chalmer. Ano nga kaya ang nangyari? Baka naubusan siya ng baterya. Ang sabi niya una akong magpapatay ng tawag, pero siya naman pala ang mauuna. Loko talaga ang lalaking iyon. Kakaiba ang trip sa buhay.

“BREAKING NEWS! Isang eroplano ang sumabog sa himpapawid. Patuloy pa rin ang mga pulisya sa pag-iimbistiga ng naging dahilan ng pagsabog. Tinatayang umaabot singkwenta ka tao ang laman ng eroplano. Sa ngayon, ay hinahanap pa rin nila ang mga pangalan ng biktima. Maging alerto para sa susunod na balita.” Nabitiwan ko ang hawak kong cellphone matapos kong marinig mula sa may malapit na TV ang isang balita. Huwag naman sana. Pero, paano kung? Hindi pwede. Hindi pa mamamatay si Chalmer. Magkikita pa kami pagbalik na pagbalik niya. Umikot ikot ang itim na paru paro sa aking harapan. Napapapikit ako. Sana hindi. Sana wala.

Kung hindi ay ganoon na nga ang huli naming usap. Nakakapanghina lang at tungkol pa sa pagpatay ng tawag ang huli naming usap.

—---