Chapter 8
Malayo pa lang kami ay tanaw na namin ang nagliliyab na apoy mula sa aming kuta. Ilang tolda ang nasusunog.
Nang makarating ay sandali kaming tumigil at nilibot ang tingin sa paligid. Tahimik at walang tao. Mas lalong lumakas ang pagkabog ng dibdib ko.
Nagpatauloy kami sa pagtakbo papunta sa kubo kung saan namin iniwan si Red. Nag-uusok ang gilid na bahagi ng kubo at sa harap ay tumambad sa amin ang apat na lalaking parehong wala nang buhay.
"Huli na tayo," ani Third.
Napansin kong nakabukas ng kaonti ang pintuan ng kubo. Mabilis ko itong linapitan at sinipa ng malakas at nang matanggal ay agad akong pumasok sa loob at pinagmasdan ang paligid.
Sa bandang gilid ay mayroong nakahandusay na dalawa pa. Parehong naliligo sa sarili nilang dugo. Linapitan ito ni Third at pinulsuhan ngunit napailing-iling na lamang siya nang mapagtantong patay na ito.
"Red?!" sigaw ko habang patungo sa silid kung saan namin iniwang nakahiga si Red. Hindi ko na alam ang dapat maramdaman.
Pumasok ako sa silid at napatakip na lamang ako sa aking bibig.
"Ang mga walang hiya! Drake?! Ibalik mo ang kapatid kong hayop ka!!" umalingangaw sa buong paligid ang aking sigaw.
Naramdaman ko na lang ang biglang panghihina ng aking mga paa. Napaupo ako sa higaan at napayuko. Kasabay nu'n ay ang pagbagsak ng aking mga luha.
"Papatayin ko silang lahat!" ang tangi kong nasambit habang nakatakip ang kamay sa mukha.
"Hahanapin ko sila." Sambit ni Third at nagmadaling lumabas ng kubo. Naiwan akong luhaan at hindi alam ang gagawin. Naghahalong sakit, pag-aalala at galit ang tangi kong nararamdaman.
Hindi ko sila mapapatawad! Papatayin ko silang lahat!
"Jay?! Jay?! Pumunta ka rito! Bilisan mo!" Mabilis kong pinunasan aking mga luha sabay dampot ng aking sandata at agad na tumakbo palabas upang hanapin si Third.
Nakita ko siyang tumatakbo papalapit sa akin, galing siya sa aking tinitirhang kubo.
"Jay! Halika!" Humahangos na sambit niya nang siya'y aking salubungin. Hindi na ako nagtanong at mas piniling sumunod na lang sa kanya.
Nang kami'y pumasok kanina sa silid kung saan namin iniwan si Red, wala kaming nadatnan sa loob kundi kumot at unan. Sigurado akong dinala siya ng walang hiyang Drake na iyon pabalik sa kanilang kuta upang gawing bihag o hindi kaya ay dinala sa gubat at doon pinatay.
Natitiyak kong hindi magawang tumakas ni Red dahil malubha pa ang kanyang sugat kaya wala na akong ibang maisip na dahilan sa pagkawala niya kundi si Drake.
Pumasok kami sa loob ng aking kubo. Nakasunod ako kay Third. Akala ko ay sa aking silid kami pupunta ngunit kumunot ang noo ko nang dalhin niya ako sa aking sekretong silid. Isa iyong maliit na silid sa likurang bahagi ng kubo. Sadya ko iyong ipinagawa para pag-imbakan ng aming pagkain at ibang sandata. Kaming apat lamang ang nakakaalam sa silid na iyon.
Binuksan ni Third ang pinto at agad kami ay pumasok sa loob. Madilim ang paligid kaya nagsindi si Third ng sulo at ikinabit sa gilid hanggang sa dahan-dahang sinakop ng liwanag ang buong paligid.
"Tingnan mo." Sabay turo niya sa gilid na bahagi. Napatingin na rin ako at nanlaki ang mga mata ko nang makita si Red na nakasandal roon. Nakapikit ang kanyang mga mata at ang kanyang isang kamay ay nakahawak sa kanyang sugat. Marahil ay upang pigilan ang pagdurugo nito.
"Red?!" Maluha-luha ko siyang nilapitan at niyakap.
"Argh! Ah! A-ano ba? T-tutuluyan mo ba a-ako?" Napabitaw ako sa pagkakayakap sa kanya.
"Ayos ka lang ba? Anong nangyari? Bakit ka nakarating dito?" sunod-sunod kong tanong habang nakahawak sa kanyang balikat. Pati si Third ay lumapit na rin upang tingnan ang sugat ni Red.
"Argh! P-pwede b-bang gamotin niyo muna ako?" Hindi ma-ipinta ang kanyang mukha dahil sa sakit na nararamdaman.
Inalalayan namin siyang makatayo at dinala sa loob mismo ng aking kubo at pinahiga. Inumpisahan kaagad ni Third ang panggagamot sa kanyang sugat, bumuka kasi ito dahil marahil sa kanyang pamumwersa. Mabuti na lamang at marunong gumamot itong si Third, namana niya yata ang kakayahang iyon sa kanyang ama.
"Anong nangyari? Nasaan ang bunso kong kapatid?" Nabaling ang tingin namin ni Third sa pinto nang biglang sumulpot si Victoria. Hingal na hingal pa siya at halatang kadarating lang.
Hinila ko ang isang bakanteng upuan at inilapit sa kanya. "Umupo ka muna at kumalma." Umupo naman siya roon.
"Mabuti na lamang at matalino at mapagmasid itong si Red dahil kong hindi baka'y iniiyakan na natin siya ngayon." May halong pagbibirong usal ni Third habang linalagyan ng gamot ang sugat ni Red.
"Saan pa ba iyan magmamana kundi sa akin." Sabay kindat ko. Bahagya namang natawa si Third kaya sinamaan ko ito ng tingin.
"Tama. Pero hindi ko talaga inaasahang iiyak ka ng..." Napahinto siya sa pagsasalita ng tapikin ko ang kanyang balikat.
"Third, masyado yata akong naging mabait sa'yo nitong mga nakaraang araw. Tingin mo?"
Dahan-dahan niyang tinanggal ang kamay ko mula sa kanyang balikat at awkward na tumawa, "Wala iyon. Nagbibiro lang ako."
"Ang ingay niyo." Sabay kaming napalapit kay Red.
"Kamusta ka na?" Sabay naming tanong ni Victoria. Tila yata kinakarera na nitong si Victoria ang pagturing kay Red bilang kanyang kapatid. Hindi naman siya ganito dati rati. Ni minsan nga lang sila mag-usap noong nasa palasyo pa kami ngunit dito ay bigla na lamang siyang nagbago.
Isang awkward na ngiti ang ipinakita sa amin ni Red, "Ayos lang ako, buhay pa naman." Natatawa niyang tugon.
Inayos ni Third ang kanyang pag-upo, "Ano ba ang nangyari at bakit ka napunta sa sikretong silid na iyon?" tanong niya.
Tumingin si Red sa akin ngunit sa maikling segundo lamang. Kaagad niyang iniwas ang kanyang tingin.
"Tinulungan ako ng isang bantay. Dinala niya ako sa labas ng lihim na silid na iyon pagkatapos ay bumalik siya upang labanan sina Drake. Gumapang ako papasok sa loob at nagtago roon kaya hindi nila ako nahanap," salaysay niya.
Nakatingin siya sa ibang direksyon habang nagsasalita. Para bang hindi niya magawang tumingin sa mga mata namin lalo na sa akin. Ang ikinilos niyang iyon ay naging mitsa upang siya ay aking paghinalaan. Ano ba talaga ang totoong nangyari?
"Kaya pala maraming dugo sa labas. Kung hindi dahil sa dugong iyon, hindi kita mahahanap," aniya ni Third.
Tumayo si Victoria at pumunta sa gilid. Habang naka-cross arms ay sumandal siya sa pader.
"Ngunit... paano nila nalaman ang balak nating paglusob?" tanong niya habang nakatingin sa ilalim.
Sandaling natahimik ang buong silid. Iyon rin ang iniisip ko kanina nang papunta pa lamang kami rito. Hindi kaya may taksil sa amin? Hindi! Kung may taksil man ay walang iba kundi ako.
"Sa tingin ninyo, may taksil kaya sa panig natin?" tanong ni Third.
Biglang nagtagpo ang tingin namin ni Red.
Sa oras na iyon, wala akong ibang hiling kundi sana huwag akong ibuko ni Red dito sa dalawa. Tila ba gusto ko nang lamunin ng lupa. Ang kanyang mga tingin ay para bang nanunuot hanggang sa aking kalamnan. Dahil nga ba iyon sa kanyang matulis na tingin o baka'y nakokonsensya lamang ako.
"W-wala naman siguro. Baka'y nagpadala sila ng tao upang magmasid sa atin kaya nila nalaman. Isa pa, wala namang dahilan ang ating mga kasama para piliin ang kumampi sa kanila." Wika ko sabay iwas ng tingin.
"Pag-ibig." Biglang sabat ni Red, "Hindi ba't sapat na dahilan ang pag-ibig para magtaksil?"
Para akong binagsakan ng langit dahil sa kanyang sinabi. Alam kong ako ang pinatatamaan niya sa sinabi niyang iyon.
"Ahh..." gusto kong magsalita ngunit wala akong maisip na sasabihin. Biglang naging blangko ang utak ko. Kung patuloy akong titigan ni Red ng ganuon ay tiyak na paghihinalaan ako ng dalawang ito. Kaylangan kong magsalita, pero ano?
"Narinig kong nagpadala sila ng spy para magmasid sa atin, kaya nila nalaman ang balak ninyong paglusob," biglang pag-iba niya sa usapan. Ang kanyang tingin ay nakatutok sa ibang direksyon. Kailanman ay hindi ko nagawang hulaan ang iniisip ni Red. Kanina lang ay gusto niya akong ibunyag pero ngayon ay tinutulungan niya ako upang hindi mahalata. Ano ba talaga ang tumatakbo sa kanyang isipan?
"Gusto kong magpahinga," dagdag pa niya. Hindi na umimik pa ang dalawa at tumayo na lang.
"Sige, lalabas na muna kami. Huwag kang mag-alala, babantayan ka namin," paniniyak ni Third. Tamango rin si Victoria.
Tahimik na lumabas ang dalawa habang ako ay nagpaiwan sa loob. Nang hindi na namin sila matanaw ay saka ko tiningnan si Red ng tuwid sa kanyang mga mata.
Tinaasan niya ako ng kilay, "May sasabihin ka pa ba?" Tanong niya saka pumikit.
Huminga ako ng malalim bago nagsalita, "Ano ang totoong nangyari kanina? Alam kong nagsisinungaling ka." Nagpatuloy siya sa pagpikit ngunit pansin ko ang mabilis na paggalaw ng kanyang talukap. Batayan na tama ako sa aking hinala.
"Anong nangyari?" pag-uulit ko.
"Iyong babae mo..." ibinuka niya ang kanyang mga mata ngunit tuwid lang ang tingin sa kisame.
"S-si Luna?" Nakakunot noo kong tanong.
"Siya ang tumulong sa akin. Nauna siyang dumating dito. Ginising niya ako, hindi ako makagalaw kanina kaya akala ko mamamatay na ako nang makita ko siya sa harapan ko pero hindi niya ako sinaktan sa halip ay tinulungan niya ako. Sinabi niya na papunta na si Drake para patayin ako. Hindi ko alam kung bakit niya iyon ginawa."
"T-tinulongan ka ni... si Luna?" Hindi ako makapaniwala sa aking narinig. Kung hindi si Red ang nagsasalita ngayon ay malamang tumawa na ako ng malakas. Bakit naman iyon gagawin ni Luna? Bakit niya sinagip si Red?
"Huwag kang masiyahan ng lubos. Nagawa kong magpasalamat sa kanya kaya patas na kami. Sinabi ko sa kanya kanina na sa susunod na magkita kami ulit ay hindi ako mag-aatubiling patayin siya." At bumalik ulit siya sa pagkakapikit.
"Magpahinga ka," ang tangi kong nasambit. Gustohin ko mang pigilan si Red ngunit sa tingin ko iyon ang dapat at kailangan niyang gawin. Iyon naman talaga ang dahilan kung bakit kami nandito, ang patayin silang lahat.
Magagawa ko nga ba iyon?