Chapter 7

"Ano bang nangyari? Simula nang dumating ako mainit na ang ulo niya?"

"Shh... nasa malubha kasing kalagayan si Red."

"Ano?! Malubha ang pinakamamahal kong kapatid? Sinong may gawa?!"

"Tumigil na nga kayong dalawa sa kabubulong. Para namang 'di ko kayo naririnig." Bahagya kong inalog ang basong hawak ko pagkatapos ay ininom ang alak na laman nito. Argh! Ang pait!

Naramdaman ko ang paglapit ni Victoria sa akin bitbit ang kanyang upuan at pumwesto sa tabi ko. "Totoo ba? Malubha si Red? Sinong may gawa nu'n sa kaawa-awa kong kapatid at nang mapatay ko?" tanong niya.

"Tss.. at kaylan mo naman naging kapatid si Red?" Awkward siyang tumawa.

"Ano ka ba? Kapatid mo siya kaya kapatid na rin ang turing namin sa kanya, 'diba, Third?" Nagulat si Third ngunit tumango na lang din matapos pandilatan ni Victoria. Halatang napipilitan.

"Tumigil na nga kayo. Wala ako sa mood ngayon para makipag biruan." Nilibot ko ang tingin ko sa loob ng silid. Ito ang unang beses na nakapasok ako sa tinutuluyan ni Victoria. Malinis at nakahanay ang lahat ng gamit, hmm.. hindi na masama, afterall, babae siya kaya hindi na nakapagtataka.

Maliban sa aming apat ay wala nang ibang tumutuloy sa kubo na gawa sa kahoy. Ang iba naming kasama ay natutulog sa maliliit na tolda na gawa nila. Iyon ang utos ng hari bago kami umalis sa Arcadia. Maliban sa gamit naming sandata at tinutuluyan ay wala nang ibang kaibahan, magkakatulad ang aming kinakain at ganu'n din sa iba pang bagay.

Samantala, iniisip ko kung nakarating na ba sa hari ang balita patungkol sa nangyari kay Red. Kung oo, marahil ay alalang-alala na sila ngayon lalo na si Ina. Tiyak na hindi iyon makakatulog at makakain ng maayos.

"Balak ni Jay na lusobin ang kalaban, may maitutulong ka ba?" Bumalik ako sa katinuan ko nang magtanong si Third. Nakita ko ang pagngiti ni Victoria sabay kindat sa lalaki.

"Oo naman." Mula sa kanyang bulsa ay hinugot niya ang isang kulay puting papel. Binuka niya ito mula sa pagkakatupi at inilatag sa harap namin. Nanliit ang mga mata ko nang makita iyon. Sa papel ay nakaguhit ang animo'y isang maliit na nayon- marahil ito ang kuta ng kalaban. Detalyado ang pagkakaguhit at madali ring intindihin.

"Aba! Napapakinabangan ka rin pala- aray!" Biglang napahawak si Third sa kanyang ulo nang hampasan iyon ni Victoria ng kanyang hawak na lapis.

"Talagang napapakinabangan ako, ikaw nga itong hindi!" Hindi na talaga nagkasundo itong dalawa.

"Saan tayo dadaan?" tanong ko. Napahinto ang dalawa sa pagbibiruan at kaagad ay naging seryoso. Hinablot ni Victoria ang lapis na kasalukuyang hawak ni Third at itinutok sa gilid na bahagi ng papel.

"May dalawang nagbabantay sa timog, kapag napatumba natin sila nang tahimik, makakapasok tayo ng mabilis at ng hindi namamalayan." Tumango-tango kami ni Third. "Kapag nakapasok tayo, una nating masasagupa si Sean, dahil nasa bandang timog ang tinutuluyan niya. Sa oras na iyan, tiyak na kakalat na sa lahat ang paglusob natin."

"Kung ganu'n, bakit hindi tayo rito dumaan?" Sabay turo ni Third sa norteng bahagi.

Umiling-iling si Victoria, "Hindi pwede. Marami ang nagbabantay sa bahaging iyan. Kapag sa timog tayo dadaanan, magkakaroon tayo ng ilang minuto bago tuluyang madiskobre."

"Kung ganu'n, sa timog tayo dadaanan. Ako nang bahala sa Sean na iyon, kaya ko siyang patayin ng tahimik. Sa oras na makapasok tayo, hanapin niyo si Kkun o kahit si Drake at patayin niyo." Tumayo ako at pumunta sa gilid kung saan nakalagay ang aming inumin.

Naglagay ako ng tubig sa baso tsaka bumalik sa dalawa. "Sinong nakatira rito?" Sabay turo ko sa gitnang bahagi ng papel kung saan may nakaguhit na bahay.

"Si Drake," sagot ni Victoria. Inangat ko baso saka uminom. "Kasama niya iyong babaeng si Luna."

Tila ba lumihis ang lahat ng tubig papunta sa ilong ko sa halip na papunta sa lalamunan ko nang marinig ang sinabi ni Victoria.

"A-ayos ka lang?" Nag-aalalang tanong ni Victoria sabay tapik-tapik sa likod ko.

"A-anong sabi mo(cough)? Si-sinong kasama (cough) niya?"

"Si Luna, iyong babaeng may maikling buhok. Magkasama sila sa bahay na iyon," sagot ni Victoria.

Magkasama? Magkasama sila sa iisang bahay?!

"Sa tingin mo may relasyon na kaya silang dalawa?" tanong pa ni Third. Napaupo na lang ako sa upuan sabay punas sa bibig ko. Hindi ko maintindihan kung bakit kailangan pa nilang magsama sa iisang bahay.

"Gusto mo tanongin ko? Syempre, hindi ko alam?! Mukha ko ba silang kaibigan para malaman kung may relasyon sila?!" singhal ni Victoria. Napapikit na lamang ako. Kailan ba magkakasundo ang dalawang ito?!

Kapag nagkita kaming muli ni Luna, sasabihin ko sa kanya na umalis sa bahay na iyon. Paano na lang kapag pagsasamantalahan siya ng lalaking iyon? Hay! Iniisip ko pa lang parang gusto ko nang gutay-gutayin ang katawan ni Drake. Tss.. nakakainis!

"Pero nu'ng nagmasid ako sa kuta nila," nabaling ang buong atensyon ko kay Victoria. "Nakita ko silang naghahalikan."

"Ano?! Silang dalawa nag... naghahalikan sila?!" Singhal ko sabay tayo na lubos na ikinagulat ng dalawa.

"Ba-bakit ka ba sumisigaw?! Naku naman, magkakaroon yata ako ng sakit sa puso dahil sa'yo, e," pagrereklamo ni Third habang nakahawak sa kanyang dibdib.

Pumikit ako saka huminga ng malalim bago dahan-dahang bumalik sa pagkakaupo.

Naghahalikan? Bakit sila maghahalikan kung wala naman silang relasyon? Hindi kaya?

Tumayo ako at seryosong tiningan ang dalawa, "Ihanda ang ating mga kasama. Bukas ng umaga, bago sumikat ang araw, lulusob tayo!" Nagulat sila ngunit kaagad ring tumayo at lumabas ng silid para ihanda ang iba naming kasama.

________________

Ilang oras na lang ay sisikat na ang araw. Ito na ang tamang oras para lumusob. Nakikita ko mula sa aking kinatatayuan ang aming ibang kasama na handa na at naghihintay na lamang ng aking hudyat.

Ipapadama ko sa kanila ang tamis ng paghihiganti!

Napansin ko ang paglapit ng tatlong lalaki sa akin, hinarap ko ito at seryosong tiningnan, "Maghanap kayo ng dalawa pang pwede ninyong makasama. Bantayan ninyong mabuti si Red, kapag may nangyaring masama sa kanya, mananagot kayong lahat sa akin at sa hari. Malinaw ba?!" mariin kong wika.

Sabay naman silang tumango at nagmadaling umalis. Ilang oras na lumipas ngunit hindi parin nagkakamalay si Red, hindi ko alam kung bakit hanggang ngayon ay natutulog parin siya.

Nag-alala ako na baka'y hindi na siya magising ngunit sinabi ng manggagamot na nagpapahinga lamang ang kanyang katawan at naghihilom na rin ang kanyang sugat kaya wala nang dapat ipag-alala. Kung nagkataong hindi nasagip si Red, hindi ko mapapatawad ang sarili ko.

"Jay!" Napatingin ako sa gawing kanan, "Handa na ang lahat. Sa iyong  hudyat."

"Kung ganu'n, umalis na tayo."

Tumango si Third at naghanda para sumigaw. Sa tabi niya ay nakatayo si Victoria.

"Maghanda at tayo'y aalis na! Handang mamatay para sa bayan ng Arcadia!" Sigaw ni Third sabay taas ng kanyang sandata.

"Handang mamatay!" sagot ng marami.

____________

"Kaliwa ka." Sabay senyas ko kay Third. Agad naman itong tumango. Magkahiwalay kaming nakatago sa likod ng puno. Hindi kalayuan sa likod namin ay ang aming mga kasama na nakadapa at pinamumunuan ni Victoria. Naghihintay ng senyas mula sa amin ni Third.

May dalawang lalaki na naglalakad papunta sa kinaroroonan namin habang nagmamasid sa paligid. Ang isa ay may dalang pana at ang isa naman ay may bitbit na espada.

Papalapit sila ng papalapit. Ang tunog ng kanilang mga yabag ay palakas nang palakas hanggang sa lumampas sila ng kaonti mula sa pinagtataguan namin. Nang makatyempo ay agad kaming tumayo ni Third at nilapitan ang dalawang lalaki. Kinalabit ko ang balikat ng isang lalaki at nang ito'y humarap ay agad ko itong sinuntok ng malakas sa mukha na ikinatumba niya. Binunot ko ang punyal na nakalagay sa aking tagiliran at pinugutan ang lalaki na ikinamatay nito.

Sa kabilang banda, hindi na hinintay ni Third na makaharap pa ang lalaki sa kanya. Gamit ang dalawang kamay ay hinawakan niya ang ulo ng lalaki at malakas na inikot dahilan upang mabali ang leeg nito.

Pagkatapos patahimikin ang dalawang bantay ay saka ko senenyasan ang si Victoria na sumugod. Dahan-dahan silang tumayo at lumapit sa amin. Mula sa kinatoroonan namin ay tanaw na namin ang ilaw na nanggagaling sa kuta ng mga Artemis.

"Alam niyo na ang gagawin. Mas mabuti kung susugod tayo ng tahimik. Kilos! Kilos!" bulong ko. Si Third kasama ang ilan ay pumunta sa kaliwa habang si Victoria naman kasama ang kanyang mga tauhan ay pumunta sa kanan at doon sumugod.

Samantala, ako ay nag-iisang tumuloy sa harap. Ang sabi ni Victoria, si Sean ay nakatira sa isang maliit na kubo. Sa bandang ito, lahat ay gawa sa maliit na tolda at may nag-iisa lamang kubo at iyon ang natatanaw ko sa unahan. Sa ganitong oras, natitiyak kong nasa loob si Sean at marahil ay nagpapahinga.

Ilang minuto na kaming nandito ngunit tahimik pa rin ang paligid. Hindi ko lubos maisip na ganito ka pabaya ang mga Artemis. Habang iniisip iyon ay napapangiti na lang ako. Mukhang nasa tamang oras ang aming paglusob.

Maingat akong lumapit sa nakasaradong pinto ng kubo. Bitbit ko ang aking pana na kanina pang nakahanda at naghihintay na lamang na makakita ng kalaban.

Hinanda ko muna ang aking sarili at nang makatiyak ay saka ko sinipa ng malakas ang pinto na kaagad ay pumilapon papasok. Itinutok ko ang aking pana sa mismong higaan ni Sean na agad na nahagip ng aking mata ngunit kumunot ang noo ko nang makitang tanging unan at kumot lamang ang nandodoon.

Lumingon-lingon ako sa paligid ngunit mukhang tahimik at walang bakas ng tao. Binuksan ko at tiningnan ang isa pang silid na marahil ay kanyang banyo ngunit wala parin. Bumalik ako at pinagmasdan ulit ang buong kubo, tanging ilaw sa labas ng pinto lamang ang nakasindi. Nakasarado ang lahat ng bintana. Nakapagtataka.

"Kalaban! Gising! Nilulusob tayo ng mga kalaban!" rinig kong sigaw mula sa labas.

Tumakbo ako palabas ng kubo upang suriin kung ano ang kalagayan ng aming mga kasama. Nadatnan ko sa labas ang magulong paligid, nagsisitakbuhan ang iba at ang iba naman ay nag-aaway.

Marami akong natanaw na nasusunog sa paligid.

Magaling!

Umakyat ako sa bubong ng kubo ni Sean. Mula sa mataas na bahaging iyon ay kitang-kita ko ang lahat ng nasa ilalim. Natanaw ko sa harap si Third na nakikipag-away sa dalawang Artemis. Itinutok ko ang palaso sa isa at saka ito binitawan na tumama sa likod ng kalaban.

Nang mapansin ni Third ay tumingin siya sa gawi ko at nakangiting ikinaway ang kanyang kaliwang kamay. Sa likod niya ay may isa pang kalaban na naghahandang umatake kaya bago pa nito masaksak si Third ay kaagad ko na itong pinatumba gamit ang pagiging mahusay ko sa pagpana. Natumba ang lalaki sa harap ni Third na lubos na ikinagulat ng lalaki.

Tumingin muli ito sa akin ngunit hindi na nakangiti.

Tumunganga ka pa sa ikalawang pagkakataon at ng ikaw ay matuluyan.

Iyon lang ang ginawa ko sa loob ng ilang minuto. Ang panain ang mga kalaban na nasa ibaba. Tanaw ko ang lahat mula sa kinatatayuan ko at marami na rin ang napatay namin ngunit hindi ko parin nakikita si Drake at ang iba niyang kasama lalo na si Luna. Hindi ito maganda!

Senenyasan ko si Third at Victoria na pumunta sa harap ng kubo ni Sean na agad naman nilang sinunod. Bumaba ako at nilapitan ang dalawa.

"Nakita niyo ba si Drake?" seryoso kong tanong.

Sabay na umiling-iling ang dalawa.

"Nakapagtataka nga. Kahit isa sa kanilang apat ay hindi ko nakita," usal ni Third.

"Hindi maganda ito," dugtong pa ni Victoria.

Napahawak ako sa aking kilay sa kalagitnaan ng aking pag-iisip.

Bigla ang aming pagsugod. Hindi nila iyon alam kaya dapat ay nandidito sila, ngunit bakit wala? Nagkataon lang ba na may pinuntahan sila, ngunit saan naman sila pupunta ng ganitong oras?

Napatingin ako sa kubo ni Sean.

Tahimik kanina nang dumating kami. Nakapagtataka iyon. Kahit naging maingat kami sa mga kilos namin ay hindi maaaring tatagal kami ng ganuon bago namalayan. At ang tirahan ni Sean, mukhang matagal na siyang wala roon bago pa kami makarating. Kung ganu'n, hindi kaya?

Nanlaki ang mga mata ko nang mapagtanto ang mga nangyayari. Dinukot ko mula sa bulsa ang isang maliit na bilog na parang bola at buong lakas na itinapon paitaas pagkatapos ay tinira ng palaso. Nang matamaan, ang bilog ay sumabog at naglabas ng kulay asul na usok. Palatandaan ng pag-atras.

Naguguluhan na tumingin ang dalawa sa akin ngunit hindi ko ito pinansin.

"Atras! Atras! Atras mga kasama!" buong lakas kong sigaw.

Nang makitang nag-umpisa nang umataras ang ilan naming mga kasama ay saka ko muling hinarap ang dalawa na hanggang ngayon ay hindi parin naiintindihan ang mga nangyayari.

"Victoria, pamunoan mo pabalik ang mga kasama natin." Sunod kong hinarap si Third, "Sumama ka sa akin, kailangan nating magmadali! Nasa panganib ang buhay ni Red!" Napamura ng malutong si Third nang maintindihan ang ibig kong sabihin.

"Walang hiya! Umalis na kayo kaagad! Bilisan ninyo, ako na ang bahala rito!" usal ni Victoria. Tumango kami ni Third at mabilis na tumakbo pabalik sa aming kuta.

Nakailang mura ako habang tumatakbo. Naisahan kami ng mga kalaban, hindi ko alam kung bakit nakarating sa kanila ang balita ng aming balak na paglusob. Hinintay nilang makaalis kami bago nila pinuntahan ang aming kuta. Si Red ang pakay nila. Alam nilang naiwan si Red sa kuta namin.

Ang Drake na iyon! Mapapatay ko silang lahat kapag may nangyaring masama sa kapatid ko!