Chapter 10
Maghahating gabi na nang ako'y lumabas mula sa silid ko kung saan nagpapahinga si Red. Inakala kong tulog na ang lahat ng mga kasama ko ngunit pagkalabas na paglabas ko ay unang nahagip ng mga mata ko si Third at Victoria kasama ng dalawa pa naming mga kasama na nag-iinuman.
Ikinaway ni Third ang kanyang isang kamay nang makita ako, "Halika!" pagtawag niya sa akin.
Hindi na ako umiwas sa halip ay lumapit na lang ako sa gawi nila ng tahimik. Pagkarating ay agad akong inabutan ni Third ng isang upuan kung saan ako ay naupo roon.
"Magandang gabi, pinuno Jay." Bati ng dalawang lalaki na nakaupo sa gilid ni Victoria nang makalapit ako.
Tinanguan ko lang ang mga ito. Inabutan ako ng isang basong may lamang alak ni Victoria na agad ko ring nilagok pagkatapos ay inilapag ang baso sa harap ko.
"Kamusta siya?" Sabay turo ni Third sa aking kubo gamit ang kanyang nguso. Si Red ang kanyang tinutukoy.
"Ligtas na siya," maikli kong sagot.
Nagpatuloy kami sa pag-iinuman at pagkukwentuhan hanggang sa tatlo na lamang kaming natira sa mesa. Sabay na umalis ang dalawa upang magpahinga. Sa puntong ito ay iba na rin ang pakiramdam ko, tila ba tinamaan na ako ng ininom naming alak. Ganu'n din sina Victoria at Third.
Napansin kong wala nang laman ang baso ni Victoria kaya binuhusan ko ito ng alak hanggang sa gitna ng baso. Pagkatapos ko iyong lagyan, hindi ko pa man nailalapag ang sisidlan ng alak sa ibabaw ng mesa ay dinampot kaagad ni Victoria ang kanyang baso at ininom ang nangangalahating laman nito. Nang ilapag ang baso ay tanging bula na lang ng alak ang makikita.
"Ohh.. dahan-dahan," pagsasaway ni Third ngunit hindi ito pinansin ng babae.
Pinunasan ni Victoria ang kanyang labi gamit ang kanyang kamay pagkatapos ay yumuko. Ilang segundo pa ay narinig na lang namin ang paghikbi nito.
Nagkatinginan kami ni Third.
"A-anong nangyari? Ayos ka lang ba?" Hinawi ko ang kanyang buhok upang makita ang kanyang mukha. Nakayuko lang siya at hindi nagsasalita.
"May nangyari ba?" pag-uulit ni Third.
Doon lamang inangat ni Victoria ang kanyang mukha sabay pahid sa kanyang basang pisngi. Ngumiti siya at tumingin sa amin na parang walang nangyari. Hindi ko maiwasang magtaka.
"Wala. Ayos lang ako." Usal niya at uminom ulit.
"Makikinig kami." Binuhusan ko muli ng alak ang kanyang baso.
"Tama. Magkakasama tayo rito, hindi ba?" dugtong pa ni Third. Sinabi niya iyon upang pakalmahin si Victoria.
Ilang minutong naging tahimik si Victoria. Nakatitig lang siya sa basong nasa kanyang harapan.
Ilang minuto siyang nag-isip kung magku-kuwento ba siya o hindi. Kami naman ay naghihintay lang na ibuka niya ang kanyang bibig upang magsalita.
"Nangungulila lang ako sa pamilya ko," at nag-umpisa na namang bumuhos ang luha sa kanyang mga mata.
Kahit kami ni Third ay bigla ring natahimik at natigilan. Sino bang hindi nangungulila? Lahat ng nandito ay tiyak na nangungulila sa kanilang mga pamilya. Biglang sumikip ang puso ko na tila ba pinipiga. Hindi lubos na masakit ngunit iyong tipong sakit na kusa kang maiiyak.
Gusto kong pigilan ang mga luha kong kumawala mula sa aking mga mata ngunit kusa itong lumalabas. Puwede namang maging mahina paminsan-minsan, hind ba? Habang naiisip ko ang mukha ni Ina at Ama ay hindi ko talaga mapigilang maiyak. Ito ang unang beses na napalayo ako mula sa aming pamilya. Maliban doon ay hindi ko rin alam kung makikita ko pa sila ulit, kaya sinong hindi maiiyak?
"Makikita pa kaya natin sila ulit?" Napahikbi ako sa sunod na tanong ni Third. Iniisip ko pa lang ay hindi na ako makahinga.
Wala nang naglakas loob pa na magsalita at tanging paghikbi na lamang ang aming nagawa. Halos hindi na makahinga si Victoria dahil sa sunod-sunod na paghikbi kaya naman maingat kong hinaplos ang kanyang ulo at dahan-dahang inilapit sa dibdib ko. Patuloy pa rin ang pag-iyak niya sa dibdib ko habang kami ni Third ay kumalma na.
"Shhh.. ayos lang iyan. Alam kong makakauwi ka dahil magaling ka. Makakauwi tayo at makikita natin ang pamilya natin." Sabay haplos ko sa likod ni Victoria.
Tumango-tango naman si Third, "Sigurado iyan!" sigaw niya. Dinampot niya ang kanyang baso at itinaas para makipag-cheers. Itinaas ko rin ang aking baso.
Nagtuwid ng upo si Victoria sabay punas sa kanyang mga luha at sunod ring itinaas ang kanyang baso.
"Kampay!" sabay-sabay naming sigaw, pagkatapos ay nagtawanan. Tila ba gumaan ang pakiramdam ko. Ang magpalabas ng kaonting luha ay nakakatulog din pala upang mabawasan ang matagal nang naipong lungkot.
Kaylanman ay hindi ko pagsisisihang umiyak ako sa harap ng aking mga kaibigan. Ang mga luhang iyon ay patunay ng aming pagmamahal at kagitingan.
Nagpatuloy ang pag-iinuman. Ilang bote ay aming napatumba bago napagpasyahang tumigil. Pagiwang-giwang ang dalawa habang nakaakbay sa isa't-isa papunta sa kubo ni Victoria. Nag-presinta kasi si Third na siya ang maghahatid rito.
Ramdam ko ang init sa buo kong katawan. Pakiramdam ko lahat ng dugo ko ay nagtipon sa aking mukha. Malakas ang katawan ko pagdating sa alak kaya kahit nag-iinit ay nagagawa ko paring humakbang ng maayos at tuwid.
Papunta ako sa aking kubo nang biglang bumalik sa alala ko ang aking sinabi kay Luna noong huli kaming nagkita.
Bukas ng ganitong oras, puwede ba kitang makita ulit?
Napamura ako sabay hakbang ng mabilis papunta sa gawi kung saan ang tagpuan namin ni Luna.
Bakit ko nakalimutan iyon?
Pagkarating ko roon ay agad ko siyang hinanap sa paligid ngunit wala akong nakita kahit anino. Marahil umalis na siya o hindi kaya ay hindi talaga siya pumunta rito. Aaminin kong napanghinaan ako ng loob. Gusto ko siyang makita at marami akong tanong na gustong itanong sa kanya subalit mukhang ang lahat ng iyon ay hindi mangyayari.
Malungkot akong tumalikot at matamlay na naglakad paalis.
"Mukhang nagkakasiyahan kayo kaya akala ko hindi ka na darating." Napatingin ako sa bandang kaliwa at doon ay nakita ko si Luna na nakatayo habang nakasandal sa isang puno.
Nakangiti ko itong linapitan at niyakap ng mahigpit.
"Salamat dumating ka," masigla kong wika. Bigla akong nabuhayan ng loob.
"Bitawan mo ako," malamig ang kanyang pagkakasabi. Binitiwan ko siya at tiningnan sa mga mata.
"Galit ka ba? Pasensya na talaga, nakalimutan ko kasing..." Napahinto ako sa pagsasalita nang takpan niya ang bibig ko gamit ang kanyang kamay.
"Tumigil ka. Ayaw kong marinig iyan." Pagkatapos akong patahimikin ay humakbang siya ng ilang hakbang at umupo sa damuhan. Sumunod rin ako at umupo sa tabi niya.
Nakatuon ang tingin niya sa mga alitaptap na kumikisap-kisap sa damuhan sa unahan namin.
"Bakit ka pa pumunta rito? Mukhang naaaliw ka naman doon kasama ang mga kaibigan- hindi iyong isa ay kasintahan mo yata," sarkastiko niyang sambit.
Kumunot ang noo ko. So, palihim siyang pumunta sa kuta namin para tingnan ako? "Paano mo nalaman? Pumunta ka ba malapit sa kuta namin? Paano kong nahuli ka ng iba naming kasama?"
"Hindi na mahalaga iyon. Sagutin mo ang tanong ko, iyong isa ba kasintahan mo?" tuwid parin ang kanyang tingin sa harap.
"S-sino? Si Victoria ba ang tinutukoy mo?" Hindi siya sumagot kaya nagpatuloy ako, "Sandali, nagseselos ka ba?" natatawa kong tanong.
Natumba ako nang itulak niya ako ng malakas. Galit ang kanyang mukha.
"Kaylanman ay hindi ako magseselos." Inirapan niya ako at ibinaling muli ang tingin sa harap.
"Oo na." Umayos ako sa pagkakaupo, "Si Victoria kaibigan ko lang siya. Hindi ako magkakagusto sa ibang babae kahit pa kay Victoria dahil ibinuhos ko na ang buong puso ko sa isang babae lamang." Sinabi ko iyon habang nakatitig sa kanya.
"At sino naman ang babaeng iyon?"
"Ang babaeng iyon ay ang nasa tabi ko ngayon," ngumiti ako. Tumingin siya sa akin. Ang kaninang nagliliyab sa galit niyang mga mata ay bigla na lang nanlumo.
"Oo," bigla niyang sambit sa gitna ng pagtititigan naming dalawa.
"H-huh?"
Nagulat ako nang bigla niya akong yakapin.
"Ang sabi ko, Oo. Pinapahintulutan na kitang maging kasintahan ko."
Sa oras na iyon, pakiramdam ko ay sabay-sabay na kumisap ang lahat ng bituwin sa langit. Tiyak na nakangiti ang buwan katulad ko.
Habang mahigpit na nakayakap sa kanya, nararamdaman ko ang bawat pagpintig ng kanyang puso. Sa kanyang bawat paghaplos sa likuran ko ay nagbibigay saya sa akin na halos hilingin kong huwag na sanang dumating ang umaga.
"Mahal kita." Ang tangi kong nasabi. Naramdaman ko ang pagngiti niya.
Hindi sumagi sa isip ko ni hindi kahit sa panaginip na mangyayari ito. Isa itong pagtataksil para sa aming bayan subalit wala na akong magagawa. Walang pagmamahal na mali ang naging kamalian lang ay ang ipanganak kami sa maling henerasyon.
_____
"Bakit mo tinulungan si Red? Hindi ka ba nag-aalala na baka mahuli ka ng mga kasama mo?" Tanong ko sa kanya habang hinahaplos ang kanyang buhok.
Nakahiga siya sa damo at ang kanyang ulo ay nakapatong sa aking hita. Nakatingin ako sa kanya habang hinahaplos-haplos ang kanyang makintab na buhok habang siya naman ay nakatingin sa kalangitan.
"Kilala ko sila kaya huwag kang mag-alala. Isa pa, hindi patas ang ginawa ng mga kaibigan ko kaya hindi ba't dapat lang na tulungan ko siya?" Ngumiti siya pagkatapos magwika.
"Talaga bang iyon lang ang dahilan? Hindi kaya tinulungan mo siya dahil alam mong kapatid ko siya?" may halong pang-iinis kong sabi.
Umirap siya sabay upo.
"Akala mo ba ginawa ko iyon ng libre?" Nakataas ang kanyang kilay habang nakatingin sa akin. Bigla akong naguluhan sa kanyang sinabi.
Hindi libre? May kaylangan kaya siya? Ano naman?
Kinunutan ko siya ng noo.
"Anong gusto mo?" seryoso kong tanong.
Sa halip na sagotin ang tanong ko ay ngumiti lang siya saka isinandal ang kanyang ulo sa aking balikat.
"Sisingilin kita sa tamang panahon."