Chapter 18: Infatuated With Him
“Nandito ka na naman? May trabaho ka ‘di ba?” Napangiti si Jopay dahil iyon na naman ang bungad sa kanya ni Apollo. Hindi pwedeng hindi lilipas ang isang linggo na hindi siya bibisita rito nang dalawang beses. Ilang buwan nang ganoon ang routine nila. At nang araw na iyon ay pinuntahan niya ito. Naabutan niyang nakatutok lang ito sa Macbook nito. Nakakunot na naman ang noo nito kaya natawa siya. Sobrang seryoso ito sa binabasa kaya hindi siya napansin. At dahil hindi naman sarado ang gate ay dire-diretso lang siyang pumasok.
“Na-miss ko na ang bff Mat-Mat ko eh. Miss mo na rin ako ‘di ba?” Hindi na ito sumagot at ipinagpatuloy ang pagtatrabaho. Hindi ito mabilis mainis dahil nababasa niya pa rin ang ugali nito. Seryosong tao ito pero malayo ito kay Isaac na numero uno sa pagiging masungit. Hayun at umagang-umaga ay nagpasya siyang pumasyal dito. Ang kambal naman niya ay hiniram ng mga magulang at mga tiyahin niya dahil dadalhin daw sa mall. Wala na naman siyang nagawa at ayaw pasamahin dahil lakad daw iyon ng mga couples. At dahil wala raw siyang couple kasama ang ibang pinsang single ay naiwan sila. Kaysa maburo sa bahay dahil naka-vacation leave naman siya ay nagpasya siyang dalawin ang kaibigan. Hayun at naaaliw siyang pagmasdan ito. Ewan ba niya, masayang-masaya siya tuwing nakikita ito, seryoso man, nakakunot man ang noo, o hindi kaya ay ang bihirang pagngiti nito sa kanya.
Nagtataka lang siya dahil habang tumatagal ay lalo siyang nagkakagusto dito kaya lalo niyang dinadalaw ito nang sa gayon ay magsawa siya rito at mabalik sa plain na friendship ang pagtingin niya rito. Aminado siyang kinakabahan siya dahil mukhang hindi effective ang technique niya dahil lalo siyang nagka-crush dito. Sino ba namang hindi? Napaka-gwapo nito, napakatalino, at napakabait. Lahat ng kakulitan niya ay tino-tolerate nito. Naging kaibigan na rin niya ang mga kaibigan nito at ang kanya-kanyang asawa at kasintahan ng mga iyon. Tatlo na sa mga ito ang nakatali. Bagaman ay hindi pa pormal na ikinakasal si Jaime ay inamin na nitong fiancee na nito ang sikat na singer na si Dorothy Herrera. Isa pa iyon sa ipinupunta niya sa Santuario de Santiago. Alam niyang boses yero siya pero idol niya ang dalaga kaya inaabangan niya talaga ito.
Muli siyang tumingin kay Apollo na mabilis na nagtitipa sa Macbook. Gumana ang kapilyahan niya at tinakpan ang mga mata nito. Bumuntung-hininga lang ito. “Don’t you have anything to do?”
“Wala. Vacation leave ko. Sa isang araw pa ako babalik ng Metro Manila kaya sinusulit ko nang dalawin ang bff ko. Mami-miss na naman kita. Mami-miss mo ba ako?” Hindi ito sumagot. “Huy! Mami-miss mo ako ‘di ba?”
“Hindi,” simpleng sabi nito at marahang inalis ang kamay niya saka muling nagtipa sa Macbook.
“Ang tamad mo namang magsalita.”
“I’m working, Josefa Sophia,” balewalang sabi nito.
“Sungit mo,” aniya kaya pinagtripan niya ito. Kiniliti niya ang tenga nito kaya nagulat na naman ito. Hindi niya ito tinigillan pati leeg nito kaya namumula na ito. Umiiwas lang ito pero hindi tumitingin sa kanya dahil nasa laptop pa rin ang mga mata nito. “Mat-Mat.”
“Ano na naman?”
“Gusto kong hot chocolate.”
“Magtimpla ka sa kusina.”
“Gusto ko timpla mo. Please.”
“Huwag ka munang makulit.”
“Sige na. Please, please, please, please, please,” sabi niya at yumakap pa dito. Sumusukong bumuntung-hininga lang ito at tumayo na saka siya kinarga. Dumiretso ito sa kusina at inilapag siya sa upuan saka nagtimpla na. Muli siyang yumakap dito. “Ang bait-bait mo talaga, Mat-Mat. Pogi na, sweet pa,” aniya. Masaya siyang hindi na siya nitong pinapatigil na tawagin itong Mat-Mat. Ayaw niyang itigil iyon dahil tingin niya ay isa iyon sa mga bond nila. Ito ay buong pangalan pa rin ang binabanggit niya. Siyempre hindi niya tinatawag na Mat-Mat ito sa harap ng ibang tao dahil gusto niya ay siya lang ang tatawag niyon dito.
“Makulit ka masyado,” anito at inilapag sa harap niya ang mug na may umuusok na hot chocolate pagkatapos ay kinurot ang baba niya at mabilis siyang dinampian ng halik sa mga labi saka lumabas ng bahay.
“Mat-Mat…” Iyon lang ang nasabi niya dahil may nagkarambola bigla sa dibdib niya. Paglabas niya ay nakatutok na naman ito sa laptop.
Hinayaan niya na lang ito habang iniinom ang hot chocolate. Kinuha niya ang iPad sa bag at binuksan ang email at MS Teams para mag-check sa trabaho. Ilang minuto niya lang ginawa iyon kaya nagpasya siyang magbasa na lang ng ebook. Nang magsawa siya ay nakita niya ang binatang tutok pa rin sa ginagawa kaya nagpasya siyang lumabas muna at maglakad-lakad. Paglapit niya sa gate ay natulala siya dahil naroon si Jaime kasama si Dorothy Herrera. “Oh hi, Jopay,” nakangiting bati ni Jaime.
“Hi Jaime! Oh em gee! Idol, ikaw pala iyan. Pwede bang magpa-autograph,” aniya at inilabas ang lumang CD na lagi niyang dala dahil inaabangan niya talaga ito.”
Napahalakhak si Jaime. “Mukhang pinaghandaan mo talaga.”
“Naku! Talagang pinaghandaan ko.” Nakangiting pinagbigyan siya ng dalaga. “Pwede bang magpa-picture pa?” Natawa na si Dorothy at tumalima. Si Jaime ang naging photographer nila hanggang sa magdesisyon siyang isama si Jaime. “Tatlo naman tayo. Sa gitna muna ako ha. Naku matutuwa ang mga bata ko sa opisina. Hah!” Nag-groupie sila pero mas maganda kung may kukuha ng picture nila para pormal ang kuha. Tinawag niya si Apollo. “Mat-Mat!”
“Mat-Mat?” Nakakunot ang noo ni Jaime na nagtataka.
“Mat-Mat, short for Matteo.”
Natawa pareho ang dalawa lalo na nang lumapit si Apollo. “Hi Mat-Mat,” sabay na bati nina Jaime at Dora.
Kumunot lang ang noo ni Apollo bago tumango at kinamayan ang dalawa. “Ang tamad niyang magsalita ano? Naku ganyan talaga iyang bff ko mula noong high school kami. Para kang mapapanisan ng laway diyan pero okay lang, masaya siyang kasama. Biruin mo mabait na pogi pa.” Lalong natawa ang dalawa. Si Apollo ay napailing lang. “Mat-Mat, pakuha naman kaming picture tatlo.” Sumunod naman ito. Nag-posing pa sila at formal shot pa na tumagal nang ilang minuto. “Ayan ang bait talaga ni Mat-Mat. Ang galing mong kumuha.”
“Oyy Mat-Mat,” baling ni Jaime.
“Shut up!” Nagulat sila dahil parang nainis si Apollo kaya natawa ang dalawa. Pumasok na ang mga ito kaya sumunod na siya. Nagkuwentuhan ang mga ito kaya niyaya niya si Dorothy na maghanda ng pagkain. Natuwa siya dahil nalaman daw nitong masarap siyang mag-spaghetti kaya nagkaroon sila ng on the spot na training. Mabuti na lamang at kumpleto ng stock doon ng pagkain. Nagluto siya ng para sa kanilang apat. Nang matapos na iyon ay proud na proud siyang sabihing dalawa sila ni Dorothy ang nagluto. Katulad ng dati ay marami na namang nakain sina Apollo at Jaime. Bago umuwi ang dalawa ay sinabing pumunta siya sa kasal. Kinuha na siyang abay ni Dorothy at partner daw sila ni Apollo pero sinabing pag-iisipan daw nito.
“Arte nito,” irap niya.
“I’ll bring my girlfriend. Okay lang bang siya na lang ang partner ko?”
Na-offend siya sa sinabi nito pero hindi niya na lang ipinakita. Ano ba'ng problema nito? Oh well. “Ahh ehh,” nagkatinginan sina Jaime at Dora. “Kumpleto na kasi ang set ng abay eh.”
Kaysa magmukhang cheap ay nag-give way na lang siya. “Eh ‘di iyung slot ko, doon na lang sa jowa ni Mat-Mat. Basta imbitado pa rin ako ha,” masiglang sabi niya.
“Sure ka?” Nahiya bigla si Dorothy.
“Oo naman noh! Maarte iyang si Mat-Mat eh,” natatawang sabi niya kahit ang totoo ay nagtampo siya. Maya-maya ay tumunog ang cellphone niya at nasa kabilang linya si Nadia. “Oyy Nadia?”
“Umuwi ka muna dito. May sinat ang kambal. Ang kulit naman din kasi ng matatanda eh. Laging nilalabas eh.”
“Naku, sige, pauwi na ako.” Lumapit siya sa mga ito at nagmamadaling nagpaalam.
“I’ll drive you home,” sabi ni Apollo.
“Hindi na. I can drive. Kaya niyo na iyan. Thank you sa hot chocolate ha. Uy idol thank you doon ulit sa autograph,” sabi niya at mabilis na sumakay sa kotse at pinasibad iyon. Pag-uwi niya ay nagtaka siya dahil masigla naman ang kambal pero nang hinawakan niya ay medyo mainit iyon. Mukhang lagnat laki lang pero nag-alala siya kaya buong araw niyang inasikaso ang mga iyon. Kinagabihan ay nagulat siya nang tawagin siya ni Liberty dahil dumating ang hindi inaasahang bisita, si Apollo.