Chapter 14: Very Cute

Nang magmulat siya ng mga mata ay napansin niyang madilim na ang paligid. Pagtingin niya sa wristwatch ay pasado alas-siyete na ng gabi. Nang tingnan niyang muli ang natutulog na si Apollo ay napangiti siya. Hinaplos niya ang pisngi nito hanggang mapangiti siya at pinisil iyon nang pinisil. Dahan-dahang nagmulat ng mga mata si Apollo at kumalas sa kanya. “Good evening, Mat-Mat.”

“Evening?” Nagtataka itong lumingon sa paligid at nasapo ang noo nang tingnan ang wristwatch. “Sorry, I slept.”

“Nakatulog din ako eh. Hinila mo ako pahiga,” nakangiting sabi niya.

“I see,” balewalang sabi nito at bumangon na. Inalalayan siya nito.

“Hindi ka na tuloy nakapag-trabaho.”

Tumingin ito sa kanya at napangiti. “Ang daldal mo eh.”

“But seriously, Mat-Mat, you need some rest. Ayan oh, puyat na puyat ka. Mababawasan ang kapogian mo niyan. Imbes na ikaw ang pinakapogi, malalamangan ka nina Donatello at Alessandro.”

“That will never happen,” mayabang na sabi nito. Paglingon niya ay nakataas lang ang dalawang kilay nito at nakahalukipkip pa pero halatang nagbibiro.

“Oo na nga,” aniya at hinila ito papasok sa kusina. Gulat na gulat pa ito pagkakita sa mga tupperware na may takip. Binuksan niya iyon. “Yehey! Party na. Kain na.”

Tumingin ito sa kanya. “You cooked this for me?”

“Opo!”

“Saan ka nakakuha ng ingredients?”

“Bumili sa supermarket. Buti na lang sinamahan ako nina Donatello at Alessandro, libre tuloy ako.” Tumango lang ito at nagsimula nang kumain. “Masarap ba?” Parang batang tumango lang ito at nakailang sandok pa. Maya-maya ay may sunud-sunod na doorbell silang narinig. Pagsilip nila ay naroon lahat ang mga kaibigan ni Apollo.

“What’s going on here?” Nakakunot pa ang noo ni Apollo.

“Madaya kayo. Hindi kayo nagyayaya,” sabi ni Donatello.

“Nagugutom na kami eh,” dagdag ni Alessandro na mabilis na pumasok sa bahay kasunod ang iba pa.

“Ayos! Ang bango nito ha,” sabi ni Jaime na nagmamadaling kumuha ng plato at tinidor. Sumunod na kumuha ang iba pa pero bago pa makasandok ang mga ito ay naagaw na ni Apollo ang malaking tupperware.

“Oyy penge,” angal ni Isaac. Napangiti siya dahil nakakunot ang noo nito na parang naagawan ng candy.

“Sa akin lang ito,” sabi ni Apollo. “Doon kayo sa hotel kumain.”

“Damot! Ang dami niyan,” maktol ni Donatello.

Natawa siya. “Hayaan mo na. Marami naman iyan.”

“Mauubos ko ito. Kulang pa ito sa akin. Ngayon na lang ako nakatikim ng spaghetti niyo ni nanay eh.”

“Bukas magluluto ulit ako. Bigyan mo na sila.”

“Umuwi na kayo,” angal ng binata.

“Sige na, Apollo. Please,” pakiusap niya na pinisil pa ang pisngi nito.

Tumango na ito. “Fine. Huwag niyong ubusin ha,” sabi pa nito. Isa-isa nang nagsilapitan ang mga ito pero lalo siyang natawa dahil si Apollo ang nagsasandok kaya kontrolado lang ang nakakain ng mga ito. Sinandukan din siya nito. “Okay na ba iyan?” Nanibago siya sa banayad na pagsasalita nito.

“Sweet naman ni master.”

Hindi niya pinansin ang mga ito. “Oo, okay na ito.”

“Magsabi ka lang kapag kulang pa. Sasandukan ulit kita,” sabi nito na akala mo ay guwardiya ng spaghetti.

“Sa amin kulang pa,” sabi ni Donatello.

“Nagugutom pa ako,” si Alessandro naman.

“Nakakabitin, ang sarap pa naman,” sabi ni Leandro.

“Hindi ko itinatanong,” balewalang sabi ni Apollo kaya sabay-sabay na umangal ang mga ito.

“Sige na, bigyan mo pa sila. Promise magluluto ulit ako bukas.”

“Okay,” anito at hinayaan na sa gitna ang malaking tupperware kaya parang mga batang nagkagulo ang mga kaibigan nito. “Susunduin kita sa inyo bukas?”

“Okay lang ba sa ‘yo?”

“Ahh sa sakayan na lang ng jeep kung okay lang.”

“Okay,” masayang sabi niya. Maya-maya ay natapos nang kumain ang lahat na tuwang-tuwa sa nakain. Maging si Isaac ay nakita niyang ngumiti na sa kanya at nagpasalamat. Tinaboy na ang mga ito ni Apollo at inihatid na siya. “Okay na ako dito sa highway,” sabi niya nang matanaw ang pila ng jeep. Hindi ito sumagot at lumiko pa ito. Mahigit dalawampung minuto pa itong nagmaneho hanggang sa makarating sa pila ng tricycle. “Salamat, Mat-Mat,” aniya at pinisil ang pisngi nito.

“Salamat din,” anito.

“Mag-ingat ka pabalik ha,” aniya. Ewan niya kung ano ang sumanib sa kanya at hindi niya maiwasang lagyan ng lambing ang boses niya. Bigla siyang kinabahan kaya nagmamadali na siyang bumaba at sumakay ng tricycle na hindi ito nililingon.

Pag-uwi niya sa bahay ay inabot siya ng sermon sa mga magulang dahil ginabi siya ng uwi. Nag-aalala raw ang mga ito dahil hindi siya nagre-reply sa mga text messages at tawag. Hinahanap na siya ng kambal kaya nagmamadali siyang naligo at nagbihis. Umiinom na ang mga ito ng gatas pero parang nawala ang antok ng mga ito nang makita siya kaya pinupog niya ng halik ang mga ito at niyakap nang mahigpit.

NANG magising siya kinabukasan ay bumawi siya sa pag-aasikaso sa mga kambal. Pagkatapos ng tanghalian ay nilaro niya ang mga ito hanggang makatulog. Nang nasa kuwarto na siya ay nakatulog din siya. Hapon na nang magising siya kaya inasikaso niya muli ang kambal. Ganoon ang naging routine niya ng mga sumunod na araw hanggang maalala niyang nakapangako siyang magluluto ng spaghetti kay Apollo. “Naku, baka mainis sa akin si Mat-Mat!” Natapik niya pa ang noo at nagmamadaling naligo. Katutulog lang kambal kaya nagbilin siya sa mga magulang na nagtataka kung bakit aalis na naman siya.

Pagdating niya sa Santuario de Santiago ay ayaw na naman siyang papasukin ng mga security guard. Mabuti na lang at habang nakikipagtalo siya ay dumating din si Donatello. “From now on, papapasukin niyo na siya lagi,” simpleng sabi nito at isinabay na siya papasok hanggang ibaba siya sa tapat ng bahay ni Donatello. “There’s your lovey dovey,” tukoy nito kay Apollo na abala sa pagdidilig ng mga halaman. Nakatalikod ito sa kanila kaya hindi sila napapansin.

“Lovey dovey ka diyan? Bff lang naman kami. Sige, Donny, salamat,” aniya at nagmamadaling bumaba ng kotse at dahan-dahang lumapit sa binata saka niyakap mula sa likod. “I miss you, Mat-Mat,” sabi niya.

Napabuntung-hininga lang ito at itinuloy ang pagdidilig kahit nakayakap siya nang mahigpit. “Nandito ka na naman? Paano ka nakapasok dito?”

“Hmp! Ayaw pa rin akong papasukin ng mga kuya guard. Mabuti na lang saktong papasok din si Donatello kaya nakisabay ako papasok.”

“Ano na namang kailangan mo?”

“Miss na miss na ulit kita eh,” masayang sabi niya at lalong hinigpitan ang yakap nito.

“Ang kulit mo,” sabi nito at tinapos na ang pagdidilig saka kumawala at humarap sa kanya. Diretso lang itong nakatingin sa kanya. Hindi niya mabasa ang ekspresyon ng mukha nito. Tuwing kausap niya ito ay parang naglalaro ito ng poker, ang hirap basahin. Magsasalita na sana siya nang may isang boses na nagsalita.

“Apollo, honey!” Paglingon niya ay nakita niya ang isang babaeng naka-robe lang. Maluwag ang robe nito. Hula niya ay kay Apollo iyon. Napanganga siya dahil may kiss mark doon. Pagtingin niya kay Apollo ay may kissmark din sa leeg nito kaya napatutop siya ng bibig. Noon lumapit ang babae at tila sawang lumingkis sa beywang ng binata. “I’m Imee, Apollo’s girlfriend.” Napansin niyang may bahagyang diin sa pagkakasabi nito.

Agad siyang nakabawi at ngumiti rito. “Hi Imee, I’m Maria Josefa Mendoza. You can call me Jopay. I’m pleased to meet you. Bff ako ni Apollo noong high school. Ang ganda mo.” Noon ito ngumiti at tinanggap ang kamay na inilahad niya. Hindi niya alam kung bakit parang may martilyo sa puso niya. Ano ba ang nararamdaman niya? Baka nagulat lang siya. Hindi niya lang siguro matanggap na ang dating mahiyaing kaibigan niya ay ganoon na. Oh well, buhay nito iyon. “Naku, medyo wrong timing ako. Babalik na lang ako,” natatawang sabi niya. Kahit siya mismo ay alam niyang hindi umabot sa mga mata ang ngiti niya.

“Ihahatid na kita,” sabi ni Apollo.

“Hindi na, Mat-Mat,” sabi niyang pinisil pa ang pisngi nito.

“Ako na ang maghahatid kay Jopay,” narinig niyang sabi ni Leandro. “Isasabay na namin siya.”

Lumingon siya rito at nakita ang isang magandang babaeng katabi nito na hula niya ay buntis na base sa suot nitong maternity dress. “Okay lang ba, Mayor Leandro?” Nagbiro pa siya kaya natawa ito maging ang kasama nito.

“No need, ‘Tol. Ako na,” desididong sabi ni Apollo.

“Ako na,” sabi ni Leandro. “Let’s go, Jopay?

“Sa kanila na lang ako sasabay, Apollo, para hindi ko na kayo maabala. Next time na lang ang spaghetti ha,” sabi niyang nakangiti pa rin saka tumakbo papunta kina Leandro.

“Hi I’m Josefa Sophia Mendoza. You can call me Jopay.”

“Ang cute mo,” natatawang sabi ng babae. “I’m Tiffany. You can call me Tiff.”

“Okay lang bang Tiffany na lang? Ang ganda sa pandinig ng buo mong pangalan eh.”

“Ikaw ang bahala.”

“Ladies,” naiinip na sabi ni Leandro bagaman natatawa sa kanila. Inalalayan na nito papasok ang babae.

“Ang ganda mo magbuntis. Siguro babae iyan. Ilang buwan na iyan.”

“Five months. Actually boys sila?”

“Boys?”

“Yes, kambal,” excited na sabi nito. “Ang galing ng hubby ko ‘di ba?” Yumakap pa ito kay Leandro na natawa lang. “Tatay?”

“Yes?”

“I love you.”

“I love you, too,” malambing na sabi ni Leandro at hinalikan ang sentido ni Tiffany.

“Ay sana all,” natatawang sabi lang niya pero sa loob ay totoo iyon.