Chapter 14: Sweet Moment

Pagkatapos nilang kumain ay dumiretso na sila sa tila isang exclusive village sa loob mismo ng Santuario de Santiago. Huminto ang kotse nito at ibinaba ang bintana. Mukhang iyon talaga ang protocol para masiguro ang seguridad kaya kahit may-ari ay required na sumunod. Nakakatuwa ang mga may-ari na nagpapakita ng magandang halimbawa. Nakita niya ang nakasulat na malaking arko paglagpas sa guardhouse. Pueblo de Proprietarios na nangangahulugang village daw ng mga may-ari ng Santuario. Walo lamang ang bahay sa loob ng village at malalaki. Kay Apollo ang nasa pinakadulo, katapat ng kay Alessandro.

“Walo kayong may-ari?”

“Yes.”

“Nasaan iyung isa?”

“Nasa Ukraine.”

“Sino?”

“Vladmir.”

“Anong apelyido?”

“Stepanenko.”

“Iyon lang?”

“Yes.”

“Ano ba iyan, Mat-Mat! Para kang tinatamad kausap ako! Ang tipid-tipid mo sumagot masyado.”

“Sinasagot ko naman ang tanong mo ha.”

“Wala man lang extra info. Hindi mo alam kung gaano kahirap para sa mga katulad naming Marites na kausapin ang mga taong tamad magsalita. Pero dahil wala kang choice magiging Marites ka rin.”

“Marites?”

“Marites. Hindi mo alam iyon? Duh!”

“Marites is a name. Is that your name, too?”

“Ano ka ba?” Natawa siya. “Marites, slang iyon salitang-tambay. Alam mo naman siguro ang meaning ng tambay or salitang-kalye?” Tumango ito. “Marites ang tawag sa mga tsismosa.” Kumunot ang noo nito at naintindihan niyang gusto nitong ipaliwanag pa niya. Tamad talagang magsalita ang hudyo. “Marites, short for Mare, ano’ng latest?”

Kumunot ang noo nito at nag-isip saka biglang napahalakhak. “Jeez.”

“Natawa ka diyan.” Ang saya niya. After so many years, she heard his laughter once again. That was the same laughter that made her fall in love with him before. Napahinto siya. Teka lang, anong in love in love iyan? Bff niya si Apollo. Imposibleng na-in love siya dito. Crush ay pwede pa pero hindi naman in love. Masyado nang OA iyon. Pagbaba nila ng kotse ay tumatawa pa rin ito. “Oyy, isang grupo sila. May mga beshies pa siya.”

“Beshies?”

“Ano ba iyan, Apollo? Saang lungga ka ba nagtatago? Beshies salitang beki. Alam mo iyung beki?”

“Yeah.”

“Beshies ay sisters, kumare, amiga.”

Tumango ito. “Who are the beshies of Marites?”

Natawa siya. Hindi pala bagay dito ang ganoon. “Si Marichu, ang mare mong chuchu. Chuchu iyung maraming daldal, sumbungera, parang marites din. Meron pa si Marisol, ang mare mong sulsol.” Marami pa at inisa-isa niya pa ang lahat ng tawag sa mga iyon. Hanggang sa mabanggit niya ang lahat ay sapo na ni Apollo ang tiyan nito sa pagtawa.

“Apollo, ‘tol?”

Awtomatikong tumigil sa pagtawa ang binata pero nanatiling nakangiti. “‘Tol,” ganting bati nito. “Belle,” muling tumango ito habang malawak pa ring nakangiti. “You remember Jopay, right?” Iniharap siya nito sa binata.

“Hi Isaac. Hi Belle. Ang sweet niyo. Bagay na bagay kayo. Parang newlyweds,” masayang sabi niya. Kumunot ang noo ni Isaac bago tumango sa kanya at ibinaba si Belle.

“Sige,” matipid na sabi nito at naglakad na pero parang may bagay na naiwan na mabilis na bumalik at muling binitbit si Belle papasok sa bahay nitong katabi lang ng kay Apollo.

“Ang tipid din magsalita. Nakakatakot siya, Mat-Mat. Parang masungit. Ikaw, tamad din magsalita pero hindi ka naman masungit.”

“Madaldal ka lang talaga,” nakangiting sabi nito at hinila na siya papasok sa bahay nito.

Pagpasok nila sa bahay nito ay napanganga na naman siya. Napakasimple niyon pero napaganda. Mukhang isang malaking log cabin iyon. Alam niyang sa kahoy pa lang, milyones na ang nagsatos nito. Ang mga ganoong klaseng kahoy ay mula sa mga punong hindi makikita sa Pilipinas. “Ang ganda ng bahay mo, Mat-Mat!” Ang dami niyang ibinigay na komento dito kaya napangiti na naman ito. Nang magsawang maglibot ay dinala na siya nito sa likod bahay nito. Ang laki rin niyon. May swimming pool pa! Sa gilid ay may malaking hammock na may bubong. Umupo sila doon. Malaki naman iyon kaya kasya sila. “Alam mo, ang ganda ni Belle. Noong makilala ko siya, tuwang-tuwa na talaga ako kasi nagagandahan din siya sa akin. Biruin mo, mukhang manika, gandang-ganda rin sa akin. Kamukha ko raw si Princess Mako, mas maganda pa raw.” Hindi naman sumagot si Apollo. Pagtingin niya ay nakasandal na ito sa balikat niya at nakatulog na. Naawa siya rito. Doon niya lang napansin na bahagyang nangingitim ang paligid ng mga mata nito. Mukhang puyat ito at naabala pa niya kaya nahiya siya. Dahan-dahan siyang tumayo para ihiga ito. Medyo nahirapan siya dahil malaking lalaki ito pero mukhang bumabawi ito ng tulog kaya hindi namalayan ang ginawa niya. Kumuha siya ng dalawang throw pillow sa couch sa living room at inilagay dito.

Nagdesisyon siyang bumawi rito. Pagtingin niya sa wristwatch niya, alas-dos na ng hapon. Magluluto siya ng merienda nito. Pagtingin niya sa kusina nito ay nadismaya siya dahil wala namang laman iyon. Lumabas siya ng bahay at nakita niya sina Alessandro at Donatello na nag-aasaran. Napangiti ang mga ito at sabay na binati siya. “Hi Jopay. Kumusta naman diyan si Master Apollo?”

“Ayun, nakatulog na.”

“Tulog agad? Pinagod mo? Mahina yata ang stamina ng master natin, Les.”

“Gago ka talaga,” sabi ni Alessandro na natatawa rin.

“Oo, nahihiya nga ako eh.”

“What? Totoo nga?” Nanlalaki pa ang mga mata ng dalawa. “Ang bilis masyado ng loko.”

“Huh? Hindi ko kayo ma-gets. Nandoon siya sa hammock. Naku nagkukuwentuhan kami. Biglang nakatulog. Maitim at makapal ang eyebags. Kawawa naman. “

“Napakasipag kasi niyang kaibigan mo eh,” nakangising sabi ni Donatello. Hindi niya talaga maintindihan ang itinutumbok ng dalawa.

“Anyway, may malapit ba ditong grocery store.”

“Meron naman, malapit sa hotel. Why?”

“Gusto ko sanang ipagluto ng spaghetti ang master niyo para makabawi kaya lang walang ingredients eh.”

“Ganoon ba? Sasamahan ka na namin,” excited na sabi ni Alessandro at iginiya na siya sa sasakyan nito. Sa backseat siya naupo habang patuloy na nagdadaldalan silang tatlo. Tuwang-tuwa siya sa mga ito. Mukhang makakasundo niya ang mga ito.

“Nakakatuwa kayong kausap. Nga pala, natatakot ako kay Isaac. Ganoon ba talaga siya?”

Sabay na natawa ang dalawa. “Oo. Bakit?”

“Wala naman. Mabuti na lang hindi natatakot si Belle noh?”

“Si Belle?” Duet na naman ang mga ito at sabay na lumingon sa kanya nang nakangisi.

“Yes. Nakita nga namin kanina. Magkasama silang pumasok sa bahay ni Isaac. Ang sweet din pala ni Isaac. Aba karga niya pa si Belle.”

“Sa wakas!” Nag-high five pa ang dalawa at tumahimik na hanggang sa makarating sila sa supermarket at bilhin ang lahat ng ingredients. Paghatid sa kanya ay nagsabi ang mga itong tawagan niya ang mga ito sa landline para makikain ng spaghetti niya.

Mabilis na siyang kumilos at nang maluto niya ang spaghetti ay pasado alas-tres na ng hapon. Tulog na tulog pa rin ang binata. Umupo siya sa tabi nito at hinaplos ang buhok nitong napakalambot. Malamig sa puwesto nila kahit tirik ang araw. Isa pa ay may bubong at maraming puno sa paligid ng buong Santuario. Maya-maya ay inilapit niya ang mukha para pagmasdan ito. Muntik na siyang mapatili nang pumulupot ang mga braso nito at hilahin siya kaya napahiga siya sa tabi nito. Babangon na sana siya pero lalong humigpit ang yakap nito sa kanya kaya napasubsob siya sa dibdib nito. Nakadapa tuloy siya sa ibabaw nito. Parang musika sa pandinig niya ang mahinang paghilik nito, ang ihip ng hangin, ang tunog ng mga dahon, at ang mahinang mga huni ng mga ibon. Marahil ay napagod din siya kaya hindi niya namalayang hinila rin siya ng antok.