CHAPTER NINE
MAALIWALAS na mukha ni Seling ang bumungad kay Jandie pagpasok niya sa kusina. Kasalukuyan itong nagsasangag ng kanin para sa agahan.
"Good morning, nay." Bati niya rito.
"Good morning din, hija. Halika't umupo na. Tamang tama, mainit na ang gatas." Aya nito sa kaniya. Tumalima naman siya.
"Si Aaron po?" Nagtaka siya paggising niya dahil wala na sa kaniyang tabi si Aaron.
"Naku, maagang umalis, hija. At bilin niya huwag ka daw magtrabaho dito sa bahay. Huwag ka daw magpapagod. Babalik din daw siya agad. Hindi na siya nakapagpaalam sa 'yo dahil mahimbing pa ang tulog mo kanina." Ngumiti si Seling nang makahulugan sa kaniya.
"Ganoon po ba." May panghihinayang sa kaniyang tinig dahil hindi niya na naabutan si Aaron.
Matapos siyang mag-agahan ay naisipan niyang mag-ayos sa kuwarto ni Aaron. Kahit ano'ng pigil sa kaniya ni Seling ay hindi niya ito pinakinggan. Gusto niyang gawin iyon para sa binata. Ngayon na ayos na sila ni Aaron, gagawin niya ang lahat para matuwa naman ito sa kaniya. Natigilan siya nang mabuksan niya ang drawer ni Aaron. Napaatras siya't nanghihinang naupo sa kama, hawak ang papel na biglang nawala sa kaniyang kuwarto. Ang findings ng doctor sa kaniyang pagdadalantao. Tama nga ang kaniyang hinala, nakita ni Aaron ang resulta ng check-up niya kahapon. Kaya pala ito biglang bumait sa kaniya dahil alam na nito ang pagbubuntis niya. Tila ayaw mag-sink in sa kaniyang utak ang natuklasan. May mga luhang pumatak mula sa kaniyang mga mata. Hindi niya alam kung magagalit siya o aasa na hindi iyon ang dahilan na nagbago si Aaron pero ano pa bang posibleng rason?
Buo na ang desisyon ni Aaron, pananagutan niya si Jandie. Pauwi na siya sa mansiyon pero lumilipad pa rin ang kaniyang isipan. May kaba at takot siyang nararamdaman. Paano kung hindi pumayag si Jandie sa kaniyang plano? At paano kung magiging hadlang muli ang pamilya nito at si Maricar?
"Damn!" Bigla niyang inapakan ang preno ng kaniyang kotse. Napabuga siya ng hangin at natutok ang atensyon sa kahabaan ng kalsada nang tumigil ang sasakyan sa gitna ng roughroad. Sana makapag-isip siya ng tamang plano bago marating ang mansiyon at bago harapin si Jandie.
Nanatili siya sa gano'ng ayos hanggang sa unti-unting umayos ang kaniyang pakiramdam. Unti-unti nang humupa ang init ng kaniyang ulo dala ng matinding pag iisip sa kinakaharap na problema. Napapikit siya. Sa kaniyang balintataw ay mukha ni Jandie ang kaniyang nakikita. Ang masaya at nakangiting dalaga. Ang maamo at maganda nitong mukha at mga matang nangungusap habang nakatingin sa kaniya. "Jandie... My Jandie." sambit niya. Muli siyang nagmulat. Umusbong bigla ang pananabik sa kaniyang puso na makita muli ang dalaga.
Pinasibad niya nang mabilis ang kotse hanggang marating ang mansiyon.
"Sunod-sunod na busina ng kotse ang nagpataranta kay Seling para lumabas ng bahay at salubungin si Aaron.
Agad niyang binuksan ang malaking gate. Nag-alala ito na baka may nangyaring hindi maganda kay Aaron dahil sa walang tigil na pagbusina.
"Aaron, ano'ng..."
"Si Jandie po?" Masaya ang mukha ni Aaron nang bumaba ito sa kotse.
"Hay! Bata ka... akala ko kung ano nang nangyari sa 'yo. Makabusina ka parang may humahabol sa 'yo." Napahawak pa si Seling sa dibdib dahil sa nerbiyos.
"Pasensiya na po kayo, nay. May mahalaga lang po kasi akong sasabihin kay Jandie kaya nagmamadali ako." Ngumiti pa si Aaron.
"Naku, kaaalis lang, hijo. Nagpaalam siya na dadalaw kay Karen."
Nanghinayang si Aaron pero hindi nabawasan ang kasiyahang nararamdaman. Pagdating na lamang ni Jandie, saka niya sasabihin ang kaniyang plano.
"Gabi na, Jandie. Wala ka pa bang planong umuwi sa bahay ni Aaron? Baka nag aalala na iyon sa 'yo." Si Karen na labis na nag aalala sa kaibigan matapos itong magtapat sa kaniya ng problemang dinadala.
"Uuwi na ako, Karen." Tila wala sa sarili nang sabihin iyon ni Jandie.
"Hey, Jandie, nasa tamang pag-iisip ka ba? Parang wala ka sa sarili." Sinipat nito ang mukha ng kaibigan.
Ngumiti si Jandie. "Ikaw talaga, Karen, masiyado ka talagang OA. Okay lang ako. Salamat pala sa pakikinig sa mga drama ko."
"Naku, wala iyon. Parang hindi naman tayo bestfriend, e. Maganda nga at nailabas mo ang sama ng loob mo." Nakauunawang si Karen.
"Oh, sige na. See you next time, Karen. Uuwi na ako." Aniya at tumayo na mula sa sofa at nagmartsa palabas ng bahay.
"Ihahatid na kita. Medyo madilim na sa labas."
"Huwag na. Maghapon na kitang inabala, tapos magpapahatid pa ako. May sasakyan akong dala kaya huwag kang mag-alala," tanggi niya.
"Naku, nakonsensiya ka pa. Okay lang iyon. Nag-aalala lang ako at baka hindi mo kayang mag-drive."
"Kaya ko, Karen. Hindi naman ako lasing."
Natawa na lamang ang huli.
"Oh, siya sige. Mag-ingat ka. Huwag kang mag-alala, maaayos din ninyo ni Aaron 'yan. Ngayon pang magkaka-baby na kayo." Ngumiti si Karen na parang sigurado ito sa sinabi.
Napabuntong hininga si Jandie. Sana nga, sa isip niya.
Imbes na dumeretso sa mansiyon ay ibinuwelta ni Jandie ang kaniyang kotse. Hindi niya alam kung saan patungo ang daan na kaniyang binabagtas. Magulo ang kaniyang isip at hindi pa niya kayang harapin ngayon si Aaron.
Ring lang nang ring ang handphone ni Jandie pero hindi nito sinasagot. Lalo tuloy kinabahan si Aaron sa isiping may nangyari nang masama sa dalaga. Hindi rin ito nagre-reply sa mga text niya.
"Darn! Ano bang nangyari at ayaw mong sagutin ang mga tawag ko?" Gigil niyang sabi habang balisang palakad-lakad sa sala.
"Mabuti pa, puntuhan mo na siya sa bahay ni Karen." Si Seling na nag-aalala na rin kay Jandie.
"Mabuti nga po, Nay." Agad siyang lumabas ng bahay at tinungo ang garahe para kunin ang kaniyang kotse.
Naiiling na sinundan na lamang ng tingin ni Seling ang pagharurot ng sasakyan ni Aaron palayo. "Ano nanaman bang nangyari sa dalawa? Hay, pag-ibig nga naman. Kung sumibol sa puso ninuman, kulang na lang makipaghabulan kay kamatayan." Siya ang ninenerbyos dahil sa mabilis na pagpatakbo ni Aaron sa kotse nito.
Wala si Jandie sa bahay ni Karen. Kanina pa raw ito umuwi. Doon ay labis nang sumidhi ang kaniyang takot. Tumawag siya kay Seling para alamin kung nakauwi na si Jandie pero wala pa raw. Hindi siya tumigil sa pagmamaneho. Kung kinakailangang halughugin niya ang buong Melbourne Valley ay gagawin niya, mahanap niya lamang si Jandie.
Binalot siya ng takot at kaba nang mamataan niya ang kotse ng dalaga sa gilid ng kalsada. "Jandie," sambit niya at halos paliparin niya ang kaniyang kotse patungo sa kinaroroonan ng kotse ni Jandie. Agad siyang bumaba ng kotse at lumapit. Kinatok niya ang tinted glass ng kotse, pero tila wala roon si Jandie. Hindi man lang ito sumagot o binuksan ang bintana o pinto ng kotse nito.
Kinalampag niya nang malakas at sinubukang buksan ang pinto pero naka-locked iyon. "Damn! Jandie, andiyan ka ba sa loob?"
Napilitang ibinaba ni Jandie ang windshield ng kaniyang kotse sa gawi ni Aaron.
"God! Jandie, ano bang nangyari sa 'yo?" Puno ng pag-aalala ang tinig ni Aaron at bakas ang takot sa mukha nito.
Nanatiling walang imik si Jandie habang nakatitig sa mukha niya.
"Umuwi na tayo. Kailangan nating mag-usap." Si Aaron na biglang nalito sa reaksiyong ipinakita ni Jandie. Nababanaag niya ang galit mula sa mga mata nito pero tila wala siyang lakas ng loob para magtanong. May biglang kaba na bumundol sa kaniyang dibdib. Sa tanang buhay niya, ngayon lang siya nakaramdam ng takot. Natatakot siya sa ikinikilos ni Jandie.
Nang wala pa ring tugon ang dalaga ay siya na ang nagbukas ng pinto. "In my car, Jandie. Ayaw kong magmaneho kang ganyan." Ngunit hindi tumalima, wala pa rin itong imik.
Napabuga siya ng hangin. "Jandie, please, aabutan tayo ng ulan dito." Nabahala na siya nang mag-umpisa nang pumatak ang ulan.
"I can drive." Mariing tanggi nito at bakas ang mumunting apoy ng galit sa mga mata nang sa wakas ay magsalita na.
"No. Ipapakuha ko ang kotse mo kay Tony kaya sumakay ka na sa kotse ko." Nagbabanta ang mga mata ni Aaron. He will not let this stubborn woman drive home alone.
"Ano ba'ng pakialam mo? Kaya ko namang mag-drive, a! Hindi ako baldado!" asik ni Jandie na ikinagulat ni Aaron.
"Kung anuman ang problema mo, puwede ba sa bahay na natin pag-usapan. Huwag dito dahil gabi na at masama sa kalagayan mo ang magpagod at magpuyat." Hindi napigilan ni Aaron ang sariling bibig nang makipagpilitan si Jandie sa kaniya.
"Bakit ano'ng masama, ha, Aaron?! Anong kalagayan ko, ha?!" Pumiyok si Jandie nang sabihin ang mga iyon.
"Sumakay ka na sa kotse at ako na ang mag-drive pauwi." Pambabalewala ni Aaron sa sinabi ng dalaga.
"Damn you! Go home alone! Ayaw kong sumama sa 'yo. Ayaw kong umuwi sa bahay mo! At para malaman mo, wala kang paki-alam anuman ang kalagayan ko!" bulyaw nito at hinila ang pinto ng kotse para isara. Pero mabilis na naiharang ni Aaron ang isang kamay bago pa maisara iyon ng dalaga.
"Alam mo, sa lahat ng pinakaayaw ko ay ang babaeng matigas ang ulo. Palaban ka, gustong-gusto ko iyan. Pero sasabihin ko sa 'yo, hindi uubra ang katigasan ng ulo mo sa akin. Huwag mong sagarin ang pasensiya ko!" Sabay buhat kay Jandie mula sa kotse nito at dinala sa kotse niya. Nagpapasag ito pero wala itong kawala sa mala-bakal niyang mga kamay.
"Ibaba mo ako! Walanghiya ka talaga! Hindi kita mapapatawad. Kinamumuhian kita!" Pinagbabayo niya ang dibdib ni Aaron at pinagsasapak ang mukha nito pero tila walang narinig at hindi rin nito ininda ang kaniyang mga kamay.
Tahimik na si Jandie nang binabagtas na nila ang daan pauwi sa mansiyon, pero hindi nakaligtas mula sa gilid ng mga mata ni Aaron ang palihim na pagpahid ni Jandie sa kaniyang mga luha. Umiiyak ito. Napabuntong-hininga siya bago niya dinukot ang panyo sa kaniyang bulsa at iniabot iyon kay Jandie. Atubili naman ito kung aabutin iyon pero napilitan ding kunin iyon dahil wala itonh dalang panyo o tissue paper at barado na ang ilong niya dahil sa kaiiyak.
"Baba na," utos ni Aaron nang pagbuksan siya nito ng pinto. Nasa mansion na sila.
Hindi tumalima si Jandie. "Bababa ka o bubuhatin na naman kita at ipasok sa loob ng bahay?" Pormal ang mukha ni Aaron pero hindi naman ito galit.
"Naaasar ako sa pagmumukha mo!" singhal ng dalaga bago bumaba mula sa kotse at tuloy-tuloy sa loob ng bahay.
Sinalubong siya ni Seling. Bakas ang pag-aalala nito. "Jandie, mabuti at dumating ka na. Ano bang nangyari sa iyo, ha?"
"Ayos lang po ako, Nay. Sige po, magpapahinga na ako." Matamlay niyang sagot sa matanda at mabilis na pumanhik sa kaniyang silid.
Hapong-hapo siya nang umupo sa gilid ng kaniyang kama. Sumige na naman ang kaniyang mga luha. Napaangat siya ng mukha nang marahang bumukas ang pinto at pumasok si Aaron. Maingat nitong isinara ang pinto at sumandal sa likod n‘yon, paharap sa kaniya. Wala itong salita habang minamasdan siya.
"Ano pa bang kailangan mo?!" Galit niyang binalingan ang binata.
"Lower your voice. Ayaw kong mag-alala si nanay sa atin. Sinabi ko na sa 'yo, kailangan nating mag-usap," malumanay pero mariing wika nito.
"Sabihin mo na kung ano ang gusto mong sabihin. Gusto ko nang magpahinga."
"Pagod ka at wala ka sa magandang mood para kausapin. Fine, bukas na lang. Magpahinga ka na." Tumalikod na si Aaron at muli niya na sanang buksan ang pinto nang magsalita si Jandie.
"Ngayon na. Huwag mo nang ipagpabukas dahil bukas na bukas din ay uuwi na ako." Natigilan si Aaron sa narinig. Ilang sandali din siyang hindi natinag sa kinatatayuan. Tila sinabuyan siya ng isang balde ng ice water dahil sa sinabi ni Jandie.
"Ano ang dapat nating pag-usapan?"
Pumihit si Aaron paharap dito.
"Sino'ng may sabi sa iyong puwede ka nang umalis dito?" At humakbang ito palapit sa kaniya. Hindi rin nagpatalo si Jandie, nakipagtagisan din ito ng titig kay Aaron.
Ngayon lang nakita ni Aaron ang poot at galit sa mga mata ni Jandie. Ang mga maaamo nitong mga mata'y nagbabaga ng galit. At alam niyang dahil iyon sa kaniya. Gusto niyang paghupain iyon. Gusto niyang ibalik ang dating ningning, sigla, saya, at buhay mula sa mga matang iyon pero paano? Baka nga mas lumala pa ang galit nito kapag sinabi niya ang kaniyang plano.
"Ako. Bakit? May reklamo ka?" sarkastikong sagot ni Jandie.
"E, sa ayaw ko. Makakaalis ka kaya?" hamon ni Aaron nang tuluyan na itong makalapit sa dalaga.
"Wala kang pakialam sa akin. Buhay ko ito. Gusto ko nang umalis dito."
"No. I won't let you go unless we'll get married." Seryosong ani Aaron na nagpatigagal kay Jandie.
"W-what?! Kasal?!"
"Magpapakasal muna tayo bago ka aalis dito."
"Bakit tayo magpapakasal? Bakit mo ako gustong pakasalan, ha, Aaron?" Lalong sumidhi ang hinanakit ni Jandie kay Aaron dahil sa biglaang pagdedesisyon nito na pakakasalan siya.
Hindi sumagot si Aaron. Nakatitig lang ito sa mukha ni Jandie. May dinukot si Jandie sa kaniyang bulsa.
"Dahil ba dito?" Sabay hagis kay Aaron sa papel ng resulta ng kaniyang checkup.
Napamaang si Aaron. Kung ganoon ay ito ang dahilan kung bakit nagagalit si Jandie.
"Kaya ka ba nagkakaganyan dahil nalaman mong itinago ko iyan? Dahil alam ko na buntis ka kaya ka galit sa akin?" Kunot-noong tinitigan siya ni Aaron.
"Kaya ka ba nagbabait-baitan sa akin dahil sa dinadala ko?" Bakas ang hinanakit sa tinig niya.
"Balak mong itago sa akin. Bakit, ha? Bakit ayaw mong malaman ko na nagbunga ang..."
"Ang pagkakamali mo? Ang pang-aakit ko sa iyo?" putol ni Jandie.
Napatiimbagang si Aaron.
"Damn! Hindi ganoon ang ibig kong sabihin." Nagpipigil ng galit nitong tugon.
"Pagkatapos mong malaman na nagdadalangtao ako, bigla kang nagkaisip na pakasalan ako? Bakit, Aaron? Nagbago na ba ang mga plano mo?" Hindi maitago ang pang-uuyam at pagkasuklam sa boses ni Jandie.
"Pakakasalan kita. Pananagutan kita. Hindi ka ba masaya? Hindi ka pa ba kontento?!" Bahagya nang tumaas ang boses ni Aaron.
"Kasal? Pakakasalan mo ako dahil nagbunga ang pagkakamali mo? Pagkakamali natin? Ikaw ang tatanungin ko, Aaron. Kung pakakasal ako sa 'yo kapalit nang pagtigil mo na sa paghihiganti at panggugulo sa pamilya ko at pamilya ng kuya ko, masaya ka ba? Pakakasal ako sa 'yo kapalit nang pambabalewala mo sa pag-ibig mo kay Maricar, makakaya mo ba? Magiging kontento ka kaya sa piling ko, ha, Aaron?"
Hindi nakaimik si Aaron. Napaisip siya sa sinabi ni Jandie.
"Hindi mo kaya, hindi ba? Kaya walang kasalang mangyayari, Aaron. Mas lalo lang gugulo ang lahat. Tulad ng sinabi ko sa iyo noon, hindi kita oobligahin na panagutan ako. Kaya kong buhayin ang bata na ako lang mag-isa. At huwag kang mag-alala hindi malalaman ninuman na ikaw ang..."
"Shut up!" Kumuwala ang galit nitong pinipigil. "I don't care kung malaman ng sanlibutan na ako ng ama ng dinadala mo. I don't care kung papatayin ako ng ama at kapatid mo dahil pinakialaman kita. All I want is to marry you bago pa lumabas ang batang iyan. Got it?!"
Napamaang si Jandie. Saglit siyang natigilan. Napalunok siya dahil sa biglang pagbabago ng ekspresyon ni Aaron. Galit na galit ito habang nakatutok ang mga mata nito sa kaniya. Ngunit hindi siya nagpatinag sa galit ni Aaron. Kung galit ito, puwes, galit din siya!
"Hindi sapat na dahilan ang pagdadalangtao ko para magpakasal ako sa 'yo. HINDI. AKO. PAKAKASAL. SA. IYO!" mariin at determinadong wika ni Jandie.
"Of course, you will! Until I finish my business to your father and your brother! Huwag kang mag-alala, madali lang namang ipa-annul ang kasal, hindi ba? At alam kong matutulungan tayo ng ama mo sa bagay na 'yan. Ngunit may usapan tayo, hindi pa tapos ang tatlong buwan na usapan natin, hindi ba? Kaya't sa ayaw at sa gusto mo, susunod ka anuman ang i-utos ko at hihilingin ko."
"Damn you! Hindi kasali sa usapan natin ang kasal. Pumayag ako sa gusto mo kapalit ng pagtigil mo na sa panggugulo sa pamilya ko pero bina-blackmail mo ako." galaiting ani Jandie, gustong kalmutin ang kinahihibangang mukha ng kaharap.
"Hindi kasali ang kasal. Puwes, isinasali ko na! At ayaw mong guluhin ko ang pamilya ng kuya mo? Puwes, pumapayag na ako. Pero ikaw ang hihilingin ko sa pamilya mo kapalit ni Maricar." Mariing wika ni Aaron at gumuhit ng malademonyong ngiti sa kaniyang mga labi. Hindi na nito hinintay pa ang sasabihin ni Jandie, tumalikod na ito at mabilis na tinungo ang pintuan.
Dumeretso siya sa mini bar at doon nagbuhos ng galit. Halos magpakalunod siya sa alak dahil sa poot. Hindi para kay Jandie, kundi para sa kaniyang sarili.
Ang tapang niya sa harap ni Jandie pero ang totoo duwag siya. Nginangatngat siya ng karuwagan dahil hindi niya maamin sa dalaga ang totoong dahilan kung bakit niya ito gustong pakasalan.
Madilim pa ang paligid nang nagdesisyong lisanin ni Jandie ang mansion. Maingat siyang lumabas ng bahay para hindi magising sina Aaron at Seling. Kailangan na niyang umalis doon bago magising ang binata. Masakit sa loob niya pero kailangan niyang magpakatatag. Alam na niyang ginagamit lang siya ni Aaron para sa mga plano nito. Ayaw na niyang maulit ang nakaraan. Ayaw na niyang gamitin siyang muli ni Aaron para mapalapit muli kay Maricar. Kung mangyayari iyon ay siguradong hindi niya mapapatawad ang kaniyang sarili kung masisira ang pamilya ng kaniyang kapatid.
Gano'n man, wala siyang pagsisisihan sa kaniyang ginawa. Mahal niya si Aaron—noon at hanggang ngayon. Babaunin niya ang bunga ng pagmamahal niya kay Aaron sa kaniyang pag-alis. Hindi man siya minahal ni Aaron, masaya na siya na nakapiling niya ito sa maiksing panahon.