CHAPTER EIGHT
BALISA si Aaron. Ilang linggo na ang nakaraan mula nang nakaengkwentro niya si Jerick, pero hindi pa rin maalis sa isip niya ang mga sinabi nito.
"Gagawin ko ang lahat huwag lang mapunta sa 'yo si Jandie. Pakakasalan ko siya anuman ang mangyari." Pabalik-balik ang mga katagang iyon sa kaniyang isipan at pandinig.
"Fool!" Sabay itsa sa maliit na bato sa lawa. Ano ang gusto ni Jerick? Bakit tila may takot sa kaniyang puso nang sabihin ng gagong iyon na babawiin nito si Jandie mula sa kaniya?
"C'mon, Aaron. Ano ngayon kung mawala sa’yo si Jandie?" Tila nasisiraan siya ng bait habang kausap ang sarili.
Isa pang dahilan ng kaniyang pagkabahala ay ang katotohanang malapit nang matapos ang tatlong buwan na usapan nilang pananatili ni Jandie sa poder niya. May kung anong pagtutol sa kaniyang isipan sa kaalamang matapos ang tatlong buwan ay aalis na si Jandie sa Grandia.
Napatiimbagang siya nang maalala ang mga sinabi nito nang nagkasagutan sila tungkol sa namagitan sa kanila. "Hindi ko hihilinging panagutan mo ako. Mananatili itong sikreto, lalo na kay Maricar."
Bakit masakit sa kaniyang kalooban ang mga katagang iyon? Bakit tila gusto niyang bawiin kay Jandie ang sinabi niyang hindi niya ginusto ang nangyari sa kanila? Dapat sana'y masaya siya dahil nagantihan na niya ang ama't kapatid nito. Hindi rin niya dapat ilapit ang loob sa dalagang kadugo ng kaaway niya. But hell! Everything happened so fast. He failed to control himself. Hindi niya napigilan ang kaniyang damdamin na mahulog kay Jandie.
Ngayon ay para siyang baliw na nag-iisip ng solusyon sa kalokohang kaniyang ginawa. Isa pa, iniisip niya ang pangako niya kay Maricar. Hindi niya ito dapat biguin, lalo na't anak niya ang batang inako na ni Jason.
Nang maalala niya ang kaniyang anak ay muling bumangon ang galit niya sa pamilya ni Jandie at isang desisyon ang biglang nabuo sa kaniyang isipan. He must do something. Dapat lang na mabawi niya ang dapat na sa kaniya. Itutuloy niya ang kaniyang plano kahit na ang kapalit ng lahat ay ang pagsasakripisyo niya sa damdamin niya para kay Jandie. Kahit masaktan pa ito, wala siyang pakialam.
Pababa ng hagdan si Jandie nang marinig niya ang ugong ng sasakyan ni Aaron. Dumating na ito. Ayaw niya itong makita kaya't mabilis siyang bumalik sa kaniyang silid at nagkulong siya roon para iwasan si Aaron. Wala siyang lakas ng loob para harapin at kausapin ito. Dalawang linggo na lamang ang natitira sa kasunduan nila at balak niyang umiwas na dito hanggang matapos ang tatlong buwang kasunduan nila. Kapag aalis na siya sa mansiyon ay saka lang niya ito kakausapin upang magpaalam lamang.
Nilukob ng lungkot ang kaniyang puso nang sumagi sa isip niya ang lumayo kay Aaron. Pagkuwa'y kinuha niya ang shoulder bag at binuksan iyon. May dinukot siyang isang papel mula roon. Pinagmasdan niya itong mabuti. Sa kabila ng kalungkutan ay may saya siyang naramdaman sa kaniyang puso. Hindi na dapat malaman ito ni Aaron, dahil baka mas lalo lang itong magalit sa kaniya at sa pamilya niya. Mas makabubuting ilihim niya na lamang iyon kaysa ipaalam dito. Ayaw niyang dagdagan ang problema nito, ayaw niya ring maging pabigat sa kalooban ni Aaron at maging hadlang pa sa mga plano nito na pagbawi kay Maricar.
Alam niyang mahal na mahal ni Aaron si Maricar at kahit makipagkasundo pa siya rito at gawin lahat ng gusto nito ay hindi mababago ang plano nitong bawiin ang minamahal.
Papanhik na sana si Aaron sa kaniyang silid nang tawagin siya ni Seling.
"Hijo, mabuti at dumating ka na."
Napalingon dito si Aaron.
"Opo, nay. Kumusta po kayo dito sa bahay?" tanong niya pagharap sa matanda.
"Kung ako mabuti naman. Pero si Jandie, naku, ewan ko ba sa batang 'yan." ani Seling.
Kunot-noong napatingin dito si Aaron. "Ano po'ng ibig ninyong sabihin? May problema ba sa kaniya?" may pag aalala sa tinig nito.
"Nitong mga nagdaang araw ay tahimik siya't palaging nagkukulong sa kaniyang silid. Hindi rin ito gaanong kumakain. Nag aalala ako sa kaniya kaya't pinayuhan kong magpatingin sa doctor." pagtatapat ng matanda.
"Nagpatingin na po ba siya sa doktor?" tanong niya na ang mga mata'y nakatuon sa direksyon ng silid ni Jandie.
"Oo. Maayos naman daw siya't walang sakit. Kaya lang nag-alala ako. Paggising niya kasi kaninang umaga, bigla na lang siyang natumba sa kusina."
Nagimbal si Aaron nang marinig ang sinabi ni Seling. Mas lalong tumindi ang kabang kaniyang nararamdaman sa labis pag aalala kay Jandie.
"Hijo, may hindi ba kayo pagkakaintindihan ni Jandie?" pagkuwa'y tanong ni Seling.
"W-wala po, nay. Masyado lang po akong maraming inasikaso sa rancho kaya't dalawang linggo akong hindi umuwi." Totoong marami siyang ginawa sa rancho sa loob ng dalawang linggo, pero ang totoong dahilan kung bakit hindi siya umuwi ay dahil iniiwasan niya si Jandie. Bigla siyang sinundot ng kaniyang konsensya dahil sa mga panahong iniiwasan niya ito'y may karamdaman pala.
"Mabuti pa'y kausapin mo siya, hijo. At sana alagaan mo siyang mabuti. Napakabait niya at alam kong may pagtingin siya sa 'yo. Kaya sana, Aaron, huwag mo siyang sasaktan." makahulugang ani Seling bago ito nagpaalam sa kaniya para maghanda ng pagkain para sa hapunan. Hindi ito kumbinsidong walang pinag-awayan ang dalawa.
Nakailang katok na siya sa pinto ng silid ni Jandie subalit wala pa ring nagbubukas n'yon.
"Jandie, buksan mo ang pinto." tawag niya rito pero walang sumagot sa kaniya. Nang maalala niya ang sinabi ng kaniyang yaya ay kinutuban siya ng masama. Dinukot niya ang bungkos ng mga susi sa kaniyang bulsa at kinuha ang duplicate key ng silid ni Jandie. Itinulak niya ang pinto at agad pumasok sa loob ng kuwarto pero nagulat siya nang hindi niya makita si Jandie roon.
"Jandie?" kinabakabahang tawag niya sa dalaga pero walang sumasagot. Nakahinga siya nang maluwag nang marinig ang kaluskos sa banyo. Dahan-dahan siyang lumapit doon. Inilapat niya ang kaniyang tainga sa nakasaradong pinto ng banyo. Napakunot-noo siya nang marinig ang tila hirap na boses ng dalaga at parang nagduduwal.
Umatras siya at nagpasyang hintayin na lamang ang paglabas ni Jandie mula sa banyo. Tinungo niya ang kama at balak sana niyang humilata nang mapansin niya ang isang papel doon. Kinuha niya iyon at binasa.
Matagal bago humupa ang sikmura ni Jandie mula sa pagduduwal sa loob ng banyo. Tila naubos lahat ang kaniyang lakas. Pilit siyang tumayo at naghilamos, kinuha niya ang tuwalya sa sabitan at tinuyo ang kaniyang mukha. Napatitig siya sa repleksyon ng kaniyang mukha sa salamin. Nang medyo umayos ang pakiramdam saka nagpasyang lumabas ng banyo. Napasandal siya sa pintuan pagkalabas niya, pumikit siya at huminga nang malalim.
"Feeling better?" Boses ni Aaron ang nagpamulat sa kaniya. Tila lumala ang panghihina niya nang makita itong nakahiga sa kaniyang kama. Nakadipa ito habang nakatutok ang mga mata nito sa kisame.
"Ano'ng ginagawa mo rito? Paano ka..." Hindi na niya naituloy ang sasabihin nang iwagayway nito ang bungkos ng mga susi. Bahay niya ito kaya't natural na may duplicate key ang bawat kuwarto at siyempre hawak nito iyon.
Natigilan siya nang masulyapan niya ang kaniyang shoulder bag sa ibabaw ng side table. Kahit nanghihina't nahihilo pa rin ay pinilit niyang humakbang para kunin ang kaniyang bag bago pa pakialaman iyon ng binata. Agad niya itong hinalungkat para masiguro kung naroon ang papel na kaniyang itinago at ayaw niyang makita ni Aaron. Nataranta siya at kinabahan nang masuring wala roon ang papel. Natutop niya ang kaniyang bibig nang maalala niyang hindi niya pala iyon naibalik sa kaniyang bag kanina dahil bigla na lang kumalam ang kaniyang sikmura kaya't basta na lamang niyang binitiwan iyon at tumakbo sa banyo. Napatingin siya kay Aaron na walang imik at hindi man lang ito sumulyap sa kaniya. Hindi rin ito kumilos mula sa kama. Binista niya ang kama, nagbabakasakaling naroon ang papel at hindi pinakialaman ni Aaron, pero bigo siyang makita iyon. Tanging ang malaking katawan lang ni Aaron ang naroon at walang pakialam sa pagkataranta niya. Lihim niyang dalangin na sana hindi iyon nakita ni Aaron. Sana nilipad lang ng aircon sa mga sulok ng kuwarto. Napalinga-linga siya at lumuhod pa sa sahig para silipin sa ilalim ng kama, pero wala talaga.
"May nakita ka bang papel sa ibabaw ng kama ko?" Hindi na nakatiis si Jandie nang hindi niya makita ang hinahanap. "Anong papel? Importante ba ang nakasulat?" tanong naman nito sa halip na sumagot.
Nagbantulot si Jandie. Hindi niya dapat sabihin dito ang nakasulat doon. Hindi niya dapat malaman kung anong papel ang hinahanap niya. Ngunit paano kung nakita na nito? Napatingin siya kay Aaron, pinag aaralan niya ang ekspresyon nito.
Tila wala naman itong alam. Kung nakita nito, sana agad siya nitong kinompronta. Nagdalawang isip siya na usisahin pa itong muli. Pag alis na lang ni Aaron ay saka niya hahalughugin ang buong silid.
"Invitation for artists gathering, galing sa manager ko." pagsisinungaling niya. Matiim na tinitigan siya ni Aaron. Binundol ng kaba ang kaniyang dibdib dahil sa paraan mg pagtitig nito. Hindi niya alam kung galit ito sa sinabi niya. Sinuyod siya nito ng tingin, mula ulo hanggang paa.
"You look pale. Are you okay now?" Biglang lumambot ang ekspresyon ng mukha nito at ang tinig nito'y nag aalala. Tama ba siya ng akala? Concern nga ba ito sa kaniya? Marahan siyang tumango pero ang totoo ay nahihilo pa siya't pilit lang niyang nilalabanan ang panghihina dahil ayaw niyang mahalata ito ni Aaron.
"It's time for dinner. You wait here and I'll bring you the food." anito at mabilis na bumangon at bumaba ng kama. Humakbang ito patungo sa pintuan nang humarang si Jandie.
"Wait!" pigil niya sa kamay nito. Natigilan silang pareho nang magdaiting muli ang kanilang mga balat. Umangat ang mukha niya at natagpo ang kanilang mga mata. Tila tumigil ang pagpitik ng orasan nang pawang ang mga mata nila ang nag-uusap. Hindi niya masigurado kung tama ba ang nababasa niya sa mga mata ni Aaron. Ipinilig niya ang kaniyang ulo. Why he's suddenly behaving very oddly?
"What?"
Napapitlag siya nang nagsalita si Aaron. “I-I will not eat here."
"You will. I insist for you to eat here." giit ni Aaron.
"No. Wala akong sakit para kumain dito. I will dine in the dining-room." protesta ni Jandie bago tumalikod na kay Aaron at nagpatiuna nang lumabas nang bigla ulit siyang maliyo.
Nanlambot ang kaniyang mga tuhod at nawalan ng balanse. Mabuti na lamang at nasalo siya ni Aaron bago siya tuluyang bumagsak sa sahig.
"Are you alright?" Bakas ang pag-aalala sa mukha ng binata. Sinubukan niyang mabawi ang kaniyang lakas para makatayong muli pero agad siyang binuhat ni Aaron at ipinahiga sa kama.
"You're really stubborn. Ipipilit mo pang kumain sa baba gayong nanghihina kanang husto." kastigo nito pero hindi naman niya makitaan ng galit ang anyo nito.
"I want to eat with you in the dining room." Hindi niya na napigil ang sariling bibig.
Iyon ang gusto niyang mangyari at inaasam-asam niya nitong mga nakaraang araw pa. Gusto niya itong makasalo sa pagkain. Ngunit wala ito nitong nagdaang dalawang linggo kaya naman wala siyang ganang kumain kahit gaano pa kasarap ang niluluto ni nanay Seling.
"I will eat with you. We'll eat here. Kaya huwag nang matigas ang ulo mo't huwag mong piliting bumaba. Baka mapano ka pa." malumanay na anito.
"Okay." sumilay ang matamis niyang ngiti habang titig na titig siya sa mukha ni Aaron na nakatunghay sa kaniya sa kama at hindi pa rin siya nito binibitawan. Nakalapat ang likod niya sa kama habang ang mga kamay ni Aaron ay nakapulupot pa rin sa kaniya. Hindi niya alam kung bakit gustong gusto niya ang ayos nilang iyon. Tila gusto niyang maglambing dito pero nag alala siyang bigla nanamang magalit ito sa kaniya .
"I'll be right back. Just lie down. Huwag mong piliting bumangon at tumayo habang wala ako." Tila ama na nagbibilin sa anak ang hitsura ni Aaron. Tila takot na takot itong sumuway siya sa bilin at mapano siya. Tila kinurot bigla ang puso niya sa naisip— ama at anak. Aalagaan pa kaya siya ni Aaron sakaling maging ama na nga ito? Sa isiping iyon ay tila gusto niyang umiyak. Malamang aalagaan siya ni Aaron kung wala si Maricar sa puso nito.
Napapikit siya nang mariin para pigilin ang mga luhang gustong umagos mula sa kaniyang mga mata. Ayaw niyang makita ni Aaron na umiiyak siya. Naramdaman niya ang paghila ni Aaron sa mga braso nitong nakayakap sa kaniya.
"Wait here. I'll get the food." At pagkatapos ay narinig na niya ang mga yabag nito palayo at palabas ng kaniyang silid.
Naguguluhan siya sa ikinikilos ni Aaron. Nagtataka siya sa bigla nitong pagbabago. Hindi na ba ito galit sa kaniya? Paano nangyari iyon? Noong halikan siya nito sa harap ni Jerick pagkatapos ng karera, hindi ba't ipinamukha nito sa kaniya na pinakitaan lang nito si Jerick kaya't hinalikan siya nito bilang premyo sa pagkapanalo sa karera? At para tantanan na rin siya ni Jerick kaya nito ginawa iyon.
Hanggang sa bumalik si Aaron sa kaniyang silid dala ang malaking tray na puno ng pagkain ay hindi pa rin niya masagot ang katanungang gumugulo sa kaniyang isipan. Naninibago siya sa Aaron na kaharap niya ngayon. Nakangiti itong bumungad sa pintuan at masayang inilapag ang tray sa ibabaw ng mesa. Nang magtangka siyang bumaba sa kama para dumulog sa mesa ay mabilis siyang binuhat ni Aaron at pinaupo sa sofa. Ito rin ang naglagay ng pagkain niya sa plato. Tila nahiya pa siya nang subuan siya nito.
Nahihiya ma'y pinaunlakan naman niya dahil hindi yata nito ibababa ang kutsarang may lamang pagkain hangga’t hindi niya ibinubuka ang mga bibig. Napapangiti siya sa tuwing susubuan siya nito. Noon lamang kasi niya nakita kung paano mag alaga ng isang babae si Aaron. He's really caring… and sweet. Kung panaginip lang iyon, lihim niyang hiling na sana'y huwag na siyang magising pa. Gusto niya ang ginagawang iyon ni Aaron. Hindi nga nagkamali ang puso niya na tumibok sa lalaking ito.
"Ayaw ko na. Busog na ako." tanggi niya nang muli siyang subuan ni Aaron.
"No. Nganga. Huwag matigas ang ulo. Kumain ka pa, oh." utos nito pero sadyang ayaw nang tanggapin iyon ng kaniyang sikmura.
Umiling siya. "Busog na nga ako. Kumain ka na rin. Ako naman ang hinarap mong pakainin, hindi ka pa sumusubo."
Pansin niyang hindi pa nito ginagalaw ang pagkain sa plato nito.
"Kakaunti pa lang ang kinain mo, kumain ka pa."pambabalewala nito sa sinabi niya.
"Hindi. Sumubo ka muna bago ko kainin 'yan." Siya naman ang nag-utos.
Sumunod naman ito.
Natawa siya nang isubo nito sa sarili nitong bunganga ang pagkain na isinusubo nito sa kaniya.
"Pagkain ko 'yan, eh," natatawang aniya.
"Eh, ayaw mong kainin kaya kinain ko na." Ngumiti ito sa kaniya.
Lalo tuloy siyang gumuwapo sa kaniyang paningin. Wiling-wili siya sa pagmamasid kay Aaron habang ito'y kumakain. Pakiramdam niya'y busog na busog na siya dahil kasalo niya ang lalaking minamahal.
"Oh, ito tikman mo. Masarap ito." Sabay subo sa kaniya ng fish curry.
Agad niyang tinakpan ang kaniyang ilong. "Ayaw ko iyan, takpan mo." mariin niyang utos dito na ikinagulat at ipinagtaka ni Aaron.
"Bakit? Ang sarap kaya nang pagkakaluto ni nanay sa fish curry. Hindi ba paborito mo iyan?" tanong nito matapos takpan muli ang caserole ng fish curry.
"Ang baho, eh. Hindi tulad noong una ang pagkakaluto ni nanay." Hindi maipinta ang mukha ni Jandie at bigla itong pinagpawisan at namutlang lalo.
"Parehas lang naman ah? Wala namang ibang rekadong nila...." Hindi na natapos ni Aaron ang kaniyang sasabihin nang bigla nang tumayo si Jandie at tumakbo patungo sa banyo.
"Jandie," tawag niya sa dalaga at mabilis din siyang tumayo at sinundan ito sa banyo.
Dinaluhan siya ni Aaron sa loob ng banyo. Marahan nitong tinagtag ang kaniyang likod at inayos ang kaniyang buhok habang nagduduwal siya sa inidoro. Lahat yata ng kinain niya ay isinuka na niya. Nang matapos siyang magduwal ay inalalayan siya ni Aaron. Nanghihina siyang sumandig sa dibdib nito habang ang isang kamay ni Aaron ay humahaplos sa kaniyang buhok at ang isa'y hapit ang kaniyang baywang. Inalalayan at tinulungan pa siya nitong mag-ayos sa sarili nang humupa ang kaniyang sikmura.
"Are you feeling better?" nag-aalalang tanong ni Aaron. Naawa siya sa dalagang nanlulupaypay sa kaniyang bisig. Nanghihina pa rin si Jandie, pero pinilit niyang ngumiti at tumango kay Aaron para hindi ito mag-alala.
Hindi ito umalis sa kaniyang silid hanggang sa makaramdam na siya ng antok matapos nilang manood ng koreanovelang "Autumn In My Heart". Naging O. A. pa nga siya sa ending ng drama. Hindi niya napigilan ang kaniyang mga luha nang mamatay ang bidang babae. Hindi niya namalayan ang mga luha niyang nag unahang dumaloy sa kaniyang mga pisngi. Napapitlag siya nang kabigin siya ni Aaron at isinandal siya nito sa malapad nitong dibdib. She found comfort with the warmth of his broad chest. He comforted her from pain. Sakit ng kalooban dahil sa dramang kanilang pinanood.
"I'm sorry," bulong nito.
"Sorry, para saan?" sumisigok na tanong ni Jandie. Nag angat siya ng mukha para makita ang mukha ni Aaron.
"For your tears. Kasalanan ko. Kung alam ko lang na iiyak ka kapag napanood mo 'yan, sana hindi na 'yan ang isinalang ko sa DVD player." Pormal ang anyo nito pero ang mga mata nito'y bakas ang amusement.
Napahagikgik siya ng wala sa oras. "Sira ka talaga! Umiiyak ako dahil nadala lang sa kuwento at galing ng mga artista." Sabay kurot nang pino sa tagiliran nito.
Natawa rin ito sa kaniya.
"Mahilig ka talaga sa drama. Kaya ka iyakin, eh." pagbibiro nito. Sabay huli sa kamay ni Jandie na kumukurot sa kaniya at masuyo niya itong inilapat sa kaniyang mga bibig. Tila kiniliti ang buong himaymay ni Jandie sa ginawa nito. Napangiti siya't napako ang kaniyang mga mata sa masaya at guwapong mukha ni Aaron. Marami pa silang napagkuwentuhan at hindi sila nabagot sa isa't-isa bagkus, napuno ng tawanan at lambingan ang buong silid hanggang sa nakaramdam na ng antok si Jandie. Hinayaan niyang buhatin siya ni Aaron mula sa sofa patungo sa kaniyang kama.
Maingat siya nitong inilapag doon. Hinaplos-haplos nito ang kaniyang mahabang buhok at ang kaniyang maamong mukha. Titig na titig siya sa mga mata ni Aaron at gano'n din ito sa kaniya. "You're so beautiful." anas nito.
Napangiti siya. "And you're so handsome." bulong din niya.
"I miss you so much." he murmured. And his hand touched her face, and then his fingers carressed her lower lip, tracing its perfect contour.
"I missed you too, my Aaron." anas niya.
At nang unti-unting bumaba ang mukha nito ay napapikit siya hanggang sa sakupin ni Aaron ang kaniyang mga labi. They shared a passionate kiss. Gumanti siya sa mga halik ni Aaron at tinumbasan niya ang alab nito. Muli siyang nagpaubaya rito at buong puso niya muling ipinagkaloob ang kaniyang sarili sa lalaking kaniyang iniibig.