Kabanata 68
Matalim na titig ang pinukol ko kay Romeo na hanggang ngayon hindi pa rin nakakatayo matapos
tumama ang kamao ko sa bibig niya.
Matagal kong hinintay ang panahong ito. Ang muling makaharap ang taong dahilan ng paghihirap ko.
Paghihirap namin ng asawa ko.
"Diego!" muli niyang bigkas sa pangalan ko, kasunod ang pagdura.
Bakas ang pagkagulat sa mukha niya. Pero nakuha pa rin ang tumawa kalaunan.
"Ako nga!" Madiin ang bigkas ko sa mga katagang 'yon. Gusto kong ipamukha sa kan'ya, na oo buhay
ako. Buhay na buhay para pagbayarin siya sa lahat ng kawalang-hiyaan niya.
Para ipalasap sa kan'ya ang lahat ng kahayopan niya.
Kung anong talim ng tingin na pinukol ko sa kan'ya gano'n din ang ginawa niya. Pinahid nito ang dugo sa
labi, kasabay ang pagtagis ng bagang.
"May sa pusa ka pala!" nakangising bigkas niya. Akmang tatayo, ngunit hindi ko siya hinayaan.
Sunod-sunod na sipa ang ginawa ko. Kada sipa, bumabalik sa alaala ko ang ginawa niya sa akin. Gusto
kung ipatikim sa kan'ya ang nararamdaman ko noon.
Dinaklot ko ang kwelyo ng damit niya at sunod-sunod na suntok ang ginawa ko sa mukha niya.
Kahit anong sangga pa ang ginawa niya, wala iyong nagawa. Binuhos ko lahat ng galit sa pagsuntok sa
mukha niya.
Ngunit imbes na daing ang marinig ko. Halakhak ang lumabas sa bibig niya. Disperadong halakhak.
Duguan na nga ang buong mukha. Nagawa niya pa rin ang tumawa.
"Kulang pa ang nalasap mong sakit ngayon sa ginawa mo sa amin ng asawa ko!" Isa pang suntok ang
ginawa ko bago siya pabagsak na binitiwan.
Nagtagis pa rin ang ngipin ko. Habang nakatingin sa kan'ya na animo baliw. Wala na akong marinig na
salita mula sa kan'ya. Puro halakhak na lamang, kasabay ang pigil na pagdaing habang hawak ang tiyan
na sumalo sa lahat ng sipa ko.
Bumaling ang tingin ko sa kinaroroonan ng asawa kong hanggang ngayon wala pa ring imik, nakatitig
lamang sa akin ang mugto at hilam sa luha na mga mata.
Sinamantala kong lapitan ang asawa ko habang hindi pa nakakabawi si Romeo sa ginawa ko.
"Vi... asawa ko..." Haplos ko ang pisngi niya na may pasa. Patunay lamang na sinaktan nga siya ng hayop
na si Romeo.
Pinahid ko ang mga luhang nag-uunahang lumandas sa pisngi niya. Hindi ko na rin maawat ang mga luha
kong sumabay na rin sa pag-agos ng mga luha niya. Pero agad ko iyong pinahid.
"Umalis na tayo rito," Inalalayan siyang tumayo.
Ngunit malakas na palo ang tumama sa likod ko. Sabay kaming bumagsak ng asawa ko sa mga tuyong
dahon at maliliit na sanga ng punong-kahoy.
Rinig ko pa ang paglagitik ng mga sanga na binagsakan namin. Ramdam ko rin ang sakit at animo'y
nalasog ang likod ko dahil sa pagtama ng kahoy, ngunit hindi ko ininda iyon.
Kaagad akong bumangon at niyakap ang asawa ko habang ang mga mata ay naka-tuon kay Romeo.
Nanlilisik ang mga mata niya. "Hindi kayo aalis!" kasabay ng singhal niya ang muling paghampas niya sa
kahoy na hawak.
Sa layuning protekhan ang asawa ko, sinalag ko iyon gamit ang braso. Nanalaytay ang sakit ng pagpalo sa
buong katawan ko pero hindi ko pa rin ininda.
Ang malakas na tili na sumabay sa palo na ginawa ni Romeo, ang siyang nagpapalakas ng loob ko na
mailayo ang asawa ko sa demonyong si Romeo.
"Akala mo, hahayaan ko kayong umalis ng gano'n lang!" sigaw pa ni Romeo.
"Hayop ka!" nagngitngit ang kalooban ko habang yakap pa rin ang asawa ko.
Maka-ilang palo pa ang ginawa niya, hindi alintina kung matamaan niya man ang asawa ko.
Hanggang sa nagawa kong hawakan ang pamalo. Tumayo ako at pilit inagaw iyon, kasabay ang panakanakang pagsuntok sa mukha niya.
"Sumuko ka na, Romeo!" gigil kong bigkas. "Mag-isa ka na lang, wala ng tutulong sa'yo! Wala na ang
mga tauhan mo!"
"Hindi! Mamamatay muna ako, bago mo mabawi mula sa akin si Vianna May!" pagmamatigas niya.
Tagisan ng natitirang lakas ang naging labanan namin ni Romeo.
"Tama na! Tama na!" rinig kong sigaw ng asawa ko. "Diego..." mahinang tawag niya sa pangalan ko pero
hindi ko siya magawang lingunin.
Gusto ko na siyang lapitan, gusto na siyang muling mayakap pero hindi ko magawa dahil dito sa hayop
na kaharap ko.
"Romeo, tama na, please!" mahina niyang pakiusap na sumabay sa mga yabag at mga kaluskos papunta
sa aming direksyon.
Bumakas ang pagkabalisa sa mukha ni Romeo, na ikinangisi ko. Kasabay ang pagligon sa paligid.
Umalingawngaw na rin sa paligid ang mga sigawan at mga utos ng mga pulis.
"Tapos ka na, hayop ka!" anas ko, kasabay ang pagtadyak sa tuhod niya. Pasigaw ang daing niya. Hawak
niya sa isang kamay ang tuhod na sinipa ko. Siya namang paghablot ko sa kahoy mula sa mahigpit niyang
hawak. "Magbabayad ka sa lahat ng ginawa mo sa asawa ko!" sigaw ko. Walang tigil ko siyang
pinagpapalo. Binuhos ko lahat ng lakas ko.
"Tama na, P're!" awat ng kaibigan ko na may kasamang pag-iling.
Hawak niya na rin ang kamay ko habang nakatingin sa pamalong may bakas ng dugo ni Romeo.
Matiim na titig lamang ang naging tugon ko sa kaibigan ko.
"Tama, na..." mahinahon niyang sabi.
Kapos ako sa paghinga at hindi agad nakapagsalita. Naramdaman ko na lamang ang pagbaklas niya sa
kamay kong mahigpit pa rin na nakahawak sa kahoy.
"Akin na 'to, P're," hinagis niya iyon sa kung saan.
Nakita ko na lamang ang duguang si Romeo na kasalukuyang pinatatayo ng mga pulis.
Kahit lanta na ang katawan ay nagawa niya pa rin ang magpumiglas. Nanatili akong nakatayo at
nakatingin sa kan'ya habang pinoposasan ng mga pulis.
"P're," pisil at tapik sa balikat ang nagpabalik sa diwa ko. Sinundan ko ang kaibigan kong papalapit na sa
asawa ko. Habang nakasunod naman sa kan'ya ang mga tauhan niya.
Saka lamang ako nahimasmasan ng makitang inalalayan na ni Nelson ang asawa ko.
Kahit hingal at kapos pa rin ako sa paghinga, pinilit ko ang humakbang palapit sa kanila.
Akay na ni Nelson ang asawa ko habang mabagal ang paghakbang palapit sa akin.
Kapwa hilam sa luha ang aming mga mata ngunit may kunting ngiti na sumilay sa mga labi.
"Vianna May, akin ka lang!" Putok ng baril ang sumabay sa pagbigkas ni Romeo sa pangalan ng asawa
ko.