Kabanata 67
Putok ng baril ang sumalubong sa amin hindi pa man kami tuluyang nakapasok sa gubat.
Talagang hindi basta-basta si Romeo, pati na ang mga tauhan niya na handang sumalo ng bala
maprotektahan lamang ang hayop na gaya niya.
Pero sa pagkakataong 'to wala na siyang kawala. Wala na silang kawala. Sisiguraduhin kong ililigtas at
mabawi ang asawa ko mula sa kaniya. Kahit na anong mangyari.
Sa dami ng mga pulis na sumama sa operasyon, kampanti akong hindi na makakatakas si Romeo.
Nakapalibot na sa buong resort ang mga pulis. Wala na silang mapagtataguan o mapupuntahan sa dagat
man o sa gubat.
Ang ikinatatakot ko lang ay ang kaligtasan ng asawa ko. Hindi ko mapagil ang kabahan, ang mag-alala.
Paano kung madamay siya? Paano kung hindi pa rin siya pakawalan ng demonyong si Romeo?
Paano kung gagawin niya lahat hindi lamang siya mahuli at paano kung gawin niya ang lahat hindi ko
lamang maagaw mula sa kan'ya ang asawa ko?
Ang daming tanong, ang daming pumapasok sa isip ko na posibleng mangyari na lalo lamang
nagpapatindi ng kabang nararamdaman ko.
Sa ugaling may'ron si Romeo, hindi malayong maisipan niya na gawan ng masama ang asawa ko.
Nagawa na nga niya dati.
Nagawa na niya akong patayin. Pero talagang kakampi ko ang Diyos. Kaya heto ako, buhay para tuparin
ang pangako sa asawa ko.
Sana hanggang sa huli, kakampi ko pa rin ang Diyos. Sana hindi niya kami pababayaan. Lalo na ang
asawa ko na ngayon ay na sa panganib.
"Ayos ka lang ba, P're?" agaw ni Nelson sa pansin ko na hindi ko man lang magawang sagutin. Sulyap
lang ang naging tugon ko sa kan'ya.
Kanina pa kuyom ang kamao ko. Kanina ko pa gustong sumugod na rin sa gubat pero mahigpit ang bilin
ng mga pulis na 'wag kaming maki-alam.
"Kainin mo 'to!" wika niya, kasabay ang pag-abot sa akin ng tsokolate.
Gusto kong batukan itong kaibigan ko. Nagkaputukan na nga nakuha pang kumain. Nguya kasi ng nguya
habang nakatingin sa mga pulis na nagkubli rin sa likod ng mga sasakyan.
Hindi ko tinanggap ang bigay niya. Hindi ako katulad niya na nakakaya pang kumain kahit kabado na. Ni
ang kausapin nga siya hindi ko nga magawa. Ang kumain pa.
Ang asawa ko ang laman ng utak ko.
"Tanggapin mo, P're, makakatulong ang tsokolate, pampakalma!" sabi niya, pero hindi ko pa rin
magawang tanggapin.
"Dapa!" Sa narinig kong pasigaw na utos na iyon. Doon na tuon ang atensyon ko. Hindi sa tsokolate niya.
"Kumain ka!" Hindi ako nakapagsalita nang bigla niyang sinaksak sa bibig ko ang stokolate.
Ang mga kamay kong kanina pa nakakuyom, bigla kong nabuka. Saka dahan-dahan akong lumingon sa
kaniya.
Matalim ko siyang tinitigan pero walang nagawa kun'di nguyain na lamang ang tsokolate na sinasak niya
sa bibig ko.
" 'Di ba, kumalma ka!" nasa mga kamay ko na ang tingin niya. Bukang-buka at gusto siyang sampalin.
Bumuntong-hininga ako at umiling. Kahit saang lugar at sitwasyon, hindi mawawala ang kalokohan
nitong kaibigan ko. Hindi naman maipagkakaila ang kaba at pag-alala sa mukha.
Sabay kaming yumuko at nagkubli nang umalingawngaw pa lalo ang putukan at sigawan. Ilang minuto na
kaming naririto pero hindi pa rin natapos ang putukan.
Pumikit ako kasabay ang tahimik na panalangin na sana ay nasa maayos na kalagayan ang asawa ko.
Umalingaw ang putokan at sigawan sa buong paligid. Umalingangaw naman sa isip ko ang mga sinabi ni
Doktora Jessa, noong nandito pa sila sa resort.
Muli akong pumikit nang maalala ang mga sinabi niya. Halos lumuhod na siya, patawad ko lamang.
"Patawad, Diego, patawad.... hindi ko gustong itago lahat. Natakot kasi ako sa banta ni Romeo. Hindi
lang buhay naming tatlo ang nasa panganib. Pati na rin buhay ng pamilya namin. Nangako kaming
walang pagsasabihan." Walang tigil ang pagbuhos ng mga luha niya.
Gusto ko pa sanang sumbatan ang doktara, ngunit base sa salaysay niya, ramdam ko ang takot nila.
Ramdam ko rin ang kagustuhan niyang ipagtapat ang totoo ngunit dahil nga sa takot, nagawa nga nilang
ihim ang nalalaman.
Ramdam ko rin kung gaano naghirap ang asawa ko habang kasama si Romeo. 'Yong araw na nagkamalay
at halos mabaliw nang maalala ang nangyari sa amin. Sa akin, na ang buong akala niya, wala na ako at
tuluyan na siyang iniwan.
Maisip ko lang kung gaano siya nasasaktan sa isiping hindi na niya ako muling makikita at makakasama
buong buhay. Nasasaktan ako. Ramdam ko ang hinagpis niya.
'Yong pagpapanggap niya, pagwawala sa tuwing lumapit o makita niya si Romeo. Lahat nang iyon
ramdam ko. Ramdam na ramdam ko, ang sakit at wala akong magawa kun'di ang umiiyak.
Magalit sa sarili at magalit kay Romeo na siyang dahilan ng paghihirap namin ng asawa ko.
Kahit galit ako kay Doktora Jessa dahil sa paglilihim nila. Nandoon pa rin pasasalamat ko dahil hindi niya
pinabayaan ang asawa ko. Kahit pa man walang alam ang dalawang nurse sa ginagawang pagpapanggap
ng asawa ko. Nagpapasalamat pa rin ako dahil sila ang nag-alaga sa kan'ya.
Hindi namin alam kung ano na ang kahayopang ginawa ni Romeo sa kan'ya. Hirap na hirap ang kalooban
ko sa isiping maaring sinaktan siya nito o ginawan ng ano mang kahayopan.
Kaya ganoon na lamang ang takot ni Doktora Jessa at mga nurse. Kahit binabagabag ng konsensya pinili
pa rin ang ilihim ang nalalaman para sa kaligtasan nila.
Walang tigil ang paghingi niya ng tawad, kasabay ang walang humpay na pagbuhos ng mga luha. Kaya
kahit nahihirapan akong intindihain ang ginawang paglilihim nila. Wala akong nagawa kun'di unawain na
lamang sila.
Ang mahalaga, alam na namin ang kinaroroonan ni Romeo.
Kaagad kaming nagtungo sa presento no'ng gabing 'yon, kasama and doktora at mga nurse.
Walang alam ang biyenan ko, na alam namin ang kinaroroonan ng asawa ko. Binilin lamang namin siya
kay Danica.
Hindi kami umalis sa presento habang pina-plano ng mga pulis ang gagawing pagtugis kay Romeo at mga
tauhan nito at pagsagip sa asawa ko.
Ngayong nandito na kami sa resort at kitang-kita ko na kung paanong nagpalitan ng putok ang mga pulis
at mga tauhan ni Romeo. Mas doble ang kabang nararamdaman ko. Mas doble ang takot para sa
kaligtasan ng asawa ko.
Paminsan-minsan kaming sumisilip mula sa kinukubliang kotse, kapag tumigil ang putukan.
At sa tuwing tumitigil ang mga putukan na iyon mas lumakas naman ang kagustuhan kong sumugod na
rin sa gubat. Pero dahil sa mga pulis na nakaantabay, hindi ko magawang kumilos. kanina ko pa
sinubukan sumugod sa kagubatan. Pero paulit-ulit lamang akong napapagalitan.
Gusto kong mahanap kaagad ang asawa ko. Gusto ko na siyang makita. Kanina pa ako nag-aabang ng
tyempo.
"P're, kumalma ka nga!" saway ni Nelson, na hindi pa rin tumigil sa pagnguya.
Tingin lamang ang naging tugon ko sa kan'ya.
Paano akong kakalma? Hindi ko pa kasama ang asawa ko. Kahit malaman man lang na maayos ang
kalagayan niya. Wala, wala akong balita. Nasa malapit lang kami pero wala pa rin akong magawa.
Hindi ko na kayang maghintay pa at hayaan lamang ang mga pulis. Kailangang may gawin ako. Hindi ako
tutunga lamang dito at hayaang panghinaan ng loob. Ngayon pa na malapit ko nang makita ang asawa
ko. Malapit ko na siyang makasamang muli.
At si Romeo, sisiguraduhin kong magbabayad siya. Mananagot siya sa lahat ng kasamaang nagawa niya.
"Dito lang kayo!" mahigpit na bilin sa amin ng pulis. Bago sumunod sa mga kasamahan.
Naintindihan ko naman ang nais nila, iyon ay ang unahin ang kapakanan naming mga sibilyan.
Pero hindi ko kayang makinig lamang sa mga putok na hindi ko alam kung sino na ang natamaan.
"Medic!" sigaw ng pulis habang buhat ang isang babae na kaagad nagpakabog ng dibdib ko. Alam kong
hindi iyon ang asawa ko. Sa nakita ko lalo lamang umigting ang kagustuhan kong sumugod na sa gubat.
Hindi ko kayang maghintay na lang dito. Lalo't nakita ko ang babaeng 'yon. Paano kung ang susunod
nilang dalhin dito ay asawa ko na.
Dahan-dahan akong kumilos habang nalingat ang mga naka-antabay na mga pulis dahil sa babae..
"P're, dumito ka lang!" pigil sa akin ni Nelson.
Umiling ako. "Ayokong maghintay lamang dito at walang gagawin, P're!" madiin kong sabi.
Tumiim ang bibig niya. Alam niya, ramdam niya at nababasa niya sa mga mata ko ang kagustuhan kong
makita at mabawi ang asawa ko mula kay Romeo.
Lumingon siya sa mga tauhan niya at nagsenyas.
"Sasama kami," wika niya.
Nagpatiuna ang mga tauhan niya. Halos pagapang ang aming ginawang pagkilos.
Bukod sa tinakasan at sinuway namin ang utos mga pulis, hindi pa namin alam kung saan tatama ang
mga ligaw na bala dahil hanggang ngayon hindi pa rin tumigil ang putukan.
"Taas ang kamay!" rinig naming sigaw ng mga pulis.
Pero hindi namin iyon pinansin. Ang makapasok sa gubat nakatuon ang aming pansin.
Malawak ang kagubatan. Hindi namin alam kung saan kami pupunta. Basta lakad-tago ang aming ginawa
sa tuwing makakarinig ng mga kaluskos.
May mga hawak din na baril ang mga tauhan ni Nelson. Pati pala itong kaibigan ko may hawak din.
"P're, baril ko?" tanong ko sa kaibigan ko na kasaluyang nagkubli sa isang puno.
"Baba ang baril!" sabi ng isa sa tauhan ni Nelson, habang nakatutok ang baril sa tauhan ni Romeo.
Kaagad namang sumunod ang lalaki. Sinipa rin nito ang baril dahil iyon ang utos ng tauhan ni Nelson.
"Luhod, ilagay ang mga kamay sa ulo," utos na pa nito.
Tumingin ako kay Nelson. Ano ba ang mga trabaho nito at sanay manghuli ng mga kriminal.
"Boss, napapaligiran na tayo!" rinig naming sigaw sa 'di kalayuan.
Walang ligoy na tumakbo ako sa pinanggalingan ng boses na iyon. Hindi ko na nagawang tanggapin ang
baril na inabot sa akin ng kaibigan ko.
"P're, hintayin mo ako," sigaw ni Nelson.
Pero hindi ko na siya nagawang pansinin o lingunin man lang. Alam kong si Romeo ang tinawag na boss
no'ng boses na narinig namin.
Malawak na dagat ang tumambad sa paningin ko at mga sasakyang pandagat ng mga pulis.
Hindi ko mahagilap sila Romeo. Para na akong mabaliw sa kahahanap sa kanila.
Panay lingon at takbo ang ginawa ko. Walang direksyon kung saan pupunta.
Nawala na rin sa isip ko ang mga ligaw na bala na maaring tamaan ako. O baka makasalubong ko ang
mga tauhan ni Romeo.
Alam kong nasa malapit lamang sila. May mga naririnig akong sigaw, mga kaluskos at sinundan ko
lamang ang mga tunog na iyon.
Pero hindi si Romeo ang nakikita ko, kun'di mga tauhan niya na nagpipilit na makatakas. Sa tagal ng
barilang nangyari alam kung ubos na ang mga bala nila.
"Taas ang kamay!" rinig ko, sa 'di kalayuan.
Habang ako, wala pa ring direksyon kung saan hahanapin ang asawa ko at si Romeo. Alam kung kabisado
niya ang resort na ito. Kaya hanggang ngayon hindi pa rin siya nahuhuli habang ang mga tauhan niya
malapit ng maubos.
"Bitiwan mo ako, Romeo! Pabayaan mo na ako!" rinig kung sigaw ng asawa ko, sumabay ang boses niya
sa putok ng mga baril at paghampas ng alon sa dalampasigan.
Gusto kong sumigaw. Gusto kong tawagin ang pangalan ng asawa ko, ngunit hindi ko magawa.
Natatakot ako na baka lalo lamang ma-alarma si Romeo at mapipilitang gumawa ng kahayopan, hindi ko
lamang mabawi ang asawa ko.
"Asawa ko, Vi... sumigaw ka, nandito na ako. Hananapin kita. Susundan kita," mahina kong sabi, habang
nakakubli sa isang puno.
Kung tuloy-tuloy sana ang sigaw ng asawa ko ay siguradong masusundan ko sila. Pero bakas na sa boses
niya ang pagod at panghihina.
"Romeo!" umalingawngaw ang boses niya.
"Tumigil ka!" singhal ng hayop na si Romeo.
Mabagal ang paghakbang ko. Malapit lamang sa kinaroroonan ko ang mga boses nila.
Kung gaano ka bagal at ingat ang paghakbang ko, kabaliktaran iyon sa tunog ng puso kong animo may
kombo sa loob.
"Sumuko ka na Romeo! Pabayaan mo na ako, please."
Kasabay ng pag-mamakaawa niya ang pagpatak ng luha ko, na agad ko namang pinahid. Hindi ako dapat
maging mahina ngayon. Kailangan ako ng asawa ko.
"Tumahimik ka," muling singhal na Romeo, kasabay ang pagdaing ng asawa ko.
Kumuyom ang kamao ko at nagtagis ang mga ngipin nang matanaw ko ang hayop na si Romeo, na
nakakubli sa malaking bato habang dinidiin ang asawa ko.
Akmang tatayo siya para sumilip sana. Siya namang pagsugod ko sa kan'ya.
"Diego?!"