Kabanata 66
Nanlaki ang mata ni Doktora Jessa nang makita ako. Bumakas ang gulat at ang takot. Nanatili lamang
siya na nakatingin sa akin. Animo nanigas at 'di na makagalaw.
Humakbang ako palapit. Sinundan niya lamang ng tingin ang kada-hakbang ko. Hanggang sa ilang
hakbang na lang ang layo ko mula sa kan'ya saka siya animo nahimasmasan.
Tumayo ng maayos at tumikhim. "Mr. Fabriano," bigkas niya, pinipilit maging kalmado pero hindi
nakaligtas sa paningin ko ang nanginginig niyang mga labi at mga matang mapagkunwari.
" 'Vianna May?" patanong na bigkas ko sa pangalan ng asawa ko.
"Po... " nasambit niya kasabay ang paghawak sa backrest ng link chairs. Tila doon siya kumakapit. Doon
kumukuha ng lakas para hindi tuluyang bumagsak.
"Nasaan ang asawa ko?" walang paligoy-ligoy kong tanong.
Hindi na naman nakaligtas sa akin ang paglunok niya na animo may bara sa lalamunan."M-Mr.
Fabriano..." utal niyang tugon.
"Doktora... Kanina ka pa po, pinapatawag ng director!" biglang singit ng nurse.
Walang tanong na kaagad lumayo sa akin ang doktora. Kagad ko naman itong sinundan papuntang
elevator.
"Bakit niya raw ako hinahanap," tanong niya sa kasamahan na hindi ko alam ang pangalan.
Iniwasan niya talagang mapatingin sa akin, nagkunwari pa siyang may kinakalikot sa cellphone. Pero
kamay naman niya, hindi maawat ang pangangatal.
"Hindi ko po alam pero mukhang galit." agarang tugon ng kasamahan niya pero na sa akin ang tingin.
Malamang iba na naman ang iniisip niya. Kanina ko pa hindi nilubayan ng tingin itong doktora na
nakayanang ilihim ang nalalaman tungkol sa kinaroroonan ng asawa ko.
Kung akala niya ay lulubayan ko siya. Nagkakamali siya. Kahit sundan ko siya sa bahay niya araw-araw,
gagawin ko. Malaman ko lang kung nasaan ang asawa ko.
Nakalabas na kami ng elevator. Ang laki ng mga hakbang nila. Nilingon pa ako ng kasama ni Doktora
Jessa at bumulong sa kan'ya pagkatapos.
Alam kong curious siya sa ginagawang pagsunod ko sa kanila. Isipin niya kahit ano. Wala akong paki'.
Kinaroroonan ng asawa ko ang gusto kong malaman.
Pumasok sila sa opisina. Maya maya lumabas 'yong kasamahan ni Doktora Jessa na bakas ang pagkagulat
nang makita akong nakasandal sa dingding, katapat ng opisinang pinasukan nila.
Nag-iwan pa siya ng makahulugang titig at tipid na ngiti bago tuluyang umalis.
Habang hinihintay kong lumabas ang doktora. Sinubukan ko ulit ba tawagan si Nelson. Ilang beses niya
pang ni-reject ang tawag ko.
Wala akong nagawa kun'di ang mag-message na lamang sa kan'ya. Madiin ang bawat pindot ko sa mga
letra. Nakakagigil ang isang 'yon. Inuuna pa ang lumandi kay sa kausapin ako.
"Kung hindi mo pa sasagutin ang tawag ko. Sasabihin ko talaga d'yan kay Jane na may relasyon tayo!"
Laman ng mensahe ko.
Maya maya tumunog ang cellphone ko.
"Bakit ba, busy pa nga ako!" kaagad nitong sabi pagkasagot ko ng tawag. Busy pa nga siya. Bakas kasi sa
boses niya na nakikiliti.
"Bumalik ka rito ngayon din. Emergency!" sabi ko, at agad pinutol ang linya.
Alam ko kasi na matatagalan pa siya kung hindi iyon ang sasabihin ko. Sigurado akong natataranta na
'yon ngayon at napipilitang hindi tapusin ang ginagawa.
Tinawagan ko naman si Danica pagkatapos. Sinabi ko na lang na matatagalan akong bumalik. Nangalay
na lamang ang mga paa ko sa katatayo, walang Doktora Jessa na lumabas.
Balak niya pa yata na ikulong ang sarili sa loob maiwasan lang ako.
"P're, anong nangyari?!" tarantang tanong ni Nelson. Kakarating lang kasama pa talaga Jane, na
kumaway pa sa kan'ya bago nagpunta sa nurse station.
"Anong nangyari? Mukha mo!" singhal ko.
"Ngayon kita kailangan, ngayon ka pa talaga lumandi!" maktol ko.
"Anong emergency ba ang sinasabi mo?" tanong niya at sumandal katabi ko.
"Inaabangan ko si Doktora Jessa!" madiin kong sabi.
"Nahihibang ka na ba talaga, P're! Nagbabalak ka rin lang namang lumandi sa may edad pa!"
"May alam siya tungkol sa asawa ko!" Hindi ko sinagot ang sinabi. Bagkus sinabi ko ang saloobin ko. Na
ikinagulat niya.
"A-nong ibig mong sabihin, P're? gulat niyang tanong.
"Nagpanggap siyang doktor ko no'ng araw na nagkamalay ako. Nagtanong ng kung anu-ano na wala
namang kinalaman sa kondisyon ko. Pero isinawalang bahala ko lamang iyon!"
"Paano ka naka-sisiguro na may alam nga siya sa kinaroroonan ni Mia?"
"Nagpunta ako sa rooftop, sa pag-aakalang nando'n ka!" Matalim ang mga mata kong sumulyap sa
kaibigan kong napakamot na lamang sa noo.
"Narinig ko ang sinabi niya. Binigkas niya ang pangalan ng asawa ko. Halos napako pa siya sa
kinatatayuan niya nang makita ako. Ngayon nand'yan siya." Turo ko sa opisina. "Hanggang ngayon hindi
lumabas!"
"Ang tanga ko... nasa malapit lang pala ang kasagutan. Abot kamay lang natin pero wala tayong kaalamalam!" himutok ko.
"Doktor pa naman siyang ituring pero nagawa niyang ilihim ang lahat. Pasyente n'ya pa ang ina ng
babaeng tinatago nila."
"P're, 'wag mo muna pangunahan 'yong tao. Malay mo may dahilan kung bakit niya tinago."
"Ano man ang dahilan niya. Mali pa rin na itago niya ang nalalaman. Maraming paraan kung gustuhin
niya talagang makatulong. Pero pinili niyang magbulag-bulagan at magbingi-bingihan!"
Bumuntong-hininga si Nelson, bago niya ako hinarap.
"P're, masaya ako dahil may pag-asa nang mahahanap na natin si Mia. Pero baka naman matakot
lamang si Doktora Jessa sa kakasunod mo sa kan'ya. Baka lumayo lamang siya o lalong umiwas."
"Kahit anong iwas o tago pa ang gagawin niya hindi ko siya lulubayan!" nagtagis ang mga ngipin ko.
Alam kong mali na magalit ng basta na hindi ko pa alam ang totoong dahilan. Pero hindi ko maiwasan.
Nakakagalit na may mga taong kayang tiisin na hindi sabihin ang nalalaman.
"Hindi na ako makapaghintay, P're. Pasukin ko na!"
"Halika nga muna rito!" Hinila nila ako.
"Ano ba, P're! Kailangan kong makausap si Doktora!" singhal ko.
"Alam ko! Kahit naman ako, P're, gustong-gusto ko nang kausapin siya. Komprontahin siya, pero sabi ko
nga kanina, may posibilidad na umiwas pa siya lalo. Kaya kumalma ka muna. Mag-iisip tayo ng paraan
para mapaamin siya. Hindi 'yong idadaan mo sa galit"
Umiling ako, muling humakbang palapit sa pinto! Buo na ang desisyon ko na hindi lulubayan ang
doktora.
Pero pinigil na naman ako ni Nelon.
"Teka nga lang, P're!" Hawak niya ako sa braso. Pero sandaling nag-isip, sandaling natahimik.
"No'ng araw na nagkamalay ka, nakita kong magkasama... hindi lang nakita, narinig ko ang seryosang
usapan nila Doktara Jessa, Gema at Jane. May pinagdaan sila, pero si Doktara ang pinaka-apektado,"
tinapik niya ang balikat ko.
"Kung ayaw magsalita ni Doktara. Si Jane, kakausapin ko. May usapan kaming magkikita sa rooftop
mamaya," seryosong tingin ang pinukol niya sa akin.
"Mahahanap natin si Mia, P're! Sa ngayon hayaan mo muna si Doktora," sabi niya pa at muling tinapik
ang balikat ko.
Hindi na lamang ako umimik. Nahagod ko na lang ang buhok ko at napabuntong-hininga.
Matapos ang mahaba-mahabang katahimikan naisipan naming magpunta muna sa presento. Kailangan
din namin ipagbigay alam na may taong posibleng may alam sa pinagtaguan ni Romeo.
Kinausap na rin ni Nelson ang mga tao niya. Na mabilis pa sa alas-kuatro kung dumating.
Pabalik na kami ng ospital. Tahimik pa rin kaming pareho ng kaibigan ko. Ang daming tumatakbo sa isip
ko. Halo-halo ang nararamdaman ko. Kaba, saya dahil sa wakas may pag-asa nang makasama ko na muli
ang asawa ko.
Malakas na buntong-hininga ang bumasag sa katahimikan naming dalawa ni Nelson.
Pareho pa kaming napangiti ng mapait at sandaling sumulyap sa isa't-isa. "Ayos ka lang ba, P're?" tanong
ng kaibigan ko."
"Hindi ako magiging ayos, hangga't hindi ko kasama ang asawa ko," matamlay kong tugon.
"Oo nga naman," tugon na lamang niya.
"Pasensya na pala kanina, P're, iba agad ang pumasok sa utak ko," bakas sa boses niya ang hiya.
"Wala 'yon! Paano kasi akala mo, kagaya mo ako. Lahat pinapatulan basta may butas!"
"Grabe ka naman, P're! Hindi naman ako gan'yan ka kahayok. Pinipili ko ang pinapasukan ko!"
"Hindi gan'yan kahayok! Ano 'yong narinig ko kanina? Pigil halinghing ka!"
"Halinghing ka d'yan! Nagpa-foot spa lang kami ni Jane! May kiliti nga ako sa paa!" pasinghal niyang sabi.
"Pasensya na!" sabi ko, habang pigil ang pagtawa.
Ang sama ng loob ko kanina, pero ngayon hindi ko naman mapigil ang matawa. Paano kasi umabot na
kami sa presento. Sa opisina. Pumasok pa kami ng restaurant para kumain at nag-take out para sa
biyenan ko at kay Danica.
"Tinatawa-tawa mo diyan! Hindi ka naniniwala?!" singhal na naman niya. Kasabay ang paghinto ng
kotse.
Kaagad na rin siyang lumabas saka kinuha ang mga pinamili namin sa backseat.
"Ang ganda, P're!" pigil ang tawa na sabi ko habang nakasunod sa kan'ya.
"Alam ko! Matagal ng maganda 'yang tinitingnan mo!" pilyong tugon niya.
"Ganda talaga! Hindi ko alam bagay pala sayo ang pink!" pigil ang tawa na sabi ko.
"Pink?" litong tanong niya at nilingon pa ako.
Nguso ko naman ang suot niyang fluppy slipper na may pangalan pa ng parlor.
"Bakit ngayon mo lang sinabi!" singhal niya
"Malamang, ngayon ko lang nakita!" pabalang kong sagot!"
"Bilisan mo na nga!" halos tumakbo na siya. Makarating lang agad sa silid ng biyenan ko.
Pinagtitinginan kasi siya ng mga nakakasalubong namin habang nakatingin sa fluppy slippers niya.
Napawi naman ang ngiti ko nang mapadaan sa opinisa kung saan pumasok si Doktora Jessa kanina.
Nandoon na naman ang kagustuhan kong katukin iyon at alamin kung nasa loob pa rin ito.
"P're, bilisan mo!" tawag ni Nelson.
Pinilit ko na lamang na ikalma ng sarili at sinundan na naman ang kaibigan kong nauna nang pumasok ng
silid.
"Saan ba kayo nagpunta at natagalan kayo," kaagad na tanong ni Mama pagpasok ko.
Lumapit ako at humalik sa noo niya. "Nagpunta kami sa presento, Ma. Nagtanong kung may balita na
ba," sagot ko.
Sumulyap pa sa akin si Nelson at pinsan ko. Sigurado akong alam na rin ni Danica ang tungkol sa
Doktora. Lahat kasi, sinasabi sa kan'ya ni Anthony.
"Kumain na po muna kayo, 'Ma," inangat ko ang uluhan ng hospital bed at tinulungan siyang umupo.
Hinanda ko ang pagkain at binigay iyon sa kan'ya.
Masaya akong makita na pinipilit din ni Mama na magpakatatag. Manang-mana sa kan'ya ang asawa ko.
Kahit nanghihina na, kahit lugmok na, pinipili pa rin ang magpakatatag.
"Sana manatili kang matatag asawa ko. Sana hindi ka panghinaan ng loob na hintayin ako. Gabayan ka
sana ng Diyos!" Tahimik kong panalangin.
"Ikaw, Danica, ayaw mo ba'ng kumain?" tanong ni Mama.
"Mamaya na po ako, hintayin ko po, muna ang asawa ko, parating na po 'yon!" malambing na tugon ng
pinsan ko.
Tahimik na lamang na kumain si Mama. Nilapitan ko naman ang kaibigan kong hindi maalis ang tingin sa
pink sa fluppy slippers niya.
"Ang ganda hindi ba?" pabulong kong biro.
"Tumigil ka nga riyan!" Pinanliitan niya lang ako mga mata.
"P're, ako muna ang maunang umakyat sa rooftop ha. Sabi ko pa naman, date kami, tapos kasama ka
pala. Baka mabato tayo ng paso no'n!" pabulong na sabi niya.
Tumango na lamang ako. "Danica, alis kami mamaya ha, kayo na muna ni Anthony ang bahala kay
Mama."
"Mag-iingat kayo, anak, Nelson, kung ano man iyang lakad ninyo. Gabayan sana kayo ng Panginoon."
paalala ni Mama.
"Salamat po, Ma," tugon ko.
"Aling Violy, 'yong mga bulaklak pala na binili ko hindi po 'yon para sa girlfriend ko. Para po 'yon sa
boyfriend ko!" patawa ng loko-loko kong kaibigan na agad kong binatukan.
"Aray naman, P're!" reklamo niya, habang kapa ang ulo.
"Puro ka kasi kalokohan!" singhal ko.
"Boyfriend naman talaga kita! Bakit? Kilan ka pa naging babae?! Kung makabatok ka!" maktol niya.
" 'Wag mo na lang pansinin 'yang dalawa, Aling Violy, mga sira-ulo ang mga 'yan!"
Sabay na lamang kaming napatingin sa kinaroroonan nila Danica at Mama. Natuwa naman ako dahil
kahit paano napangiti si Mama.
"Alis na ako, P're!" paalam niya kasabay ang pagtayo. Kumaway na lamang siya sa dalawa.
"Sige kita na lang tayo mamaya," tugon ko.
"Akala ko ba sabay kayong aalis," takang tanong ni Mama.
"Kikitain niya pa si Jane, Ma," tipid kong tugon.
Hindi na rin nag-usisa pa si Mama. Humiga na rin siya matapos kumain.
Ayoko muna kasing malaman niya na posibleng mahanap na namin ang asawa ko. Ayokong umasa siya.
Ang sakit mabigo at umasa. 'Di bali kong ako muna ang mabigo at umasa. 'Wag lang si Mama. Baka kasi
hindi na naman niya kakayanin.
Maya maya, sumunod na rin sa ako kaibigan ko. Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman kong kaba,
habang naghihintay sa pagbukas ng elevator. Kasabay ng pagpasok ko ang pagbuntong hinga ko.
Kaagad hinagilap ng paningin ko ang kaibigan ko at si Jane. Pero hindi lang si Jane ang kasama ni Nelson.
Kun'di pati si Doktora at si Gema.
Mabagal ang lakad ko papunta sa kanila. Hindi man lang nila napansin ang pagdating ko.
Lahat sila nakatayo habang tanaw ang mga nasa ilalim. Kita ko pa ang sabay na pagtaas-baba ng mga
balikat ng mga babae. Tila umiiyak.
"Ginawa ko lahat maprotektahan lang si Vianna May, kay Mr. Codova!"
"P're..." sambit ni Nelson nang mapansin ako. Kasabay ang pagpahid ng mga luha.
"Patawad, Diego!" pinagsiklop nito ang mga kamay. Humagulgol na humarap sa akin.