Kabanata 36
"Ate Yana! Takbo!" sigaw nito.
Namilog ang mga mata ko nang makita ko kung sino ang sumunod na lumabas ng pinto, isang taong lobo! Awtomatiko akong napabalik at lakad-takbo ang ginawa ko.
"Ate Yana!" sambit pa ni Egoy nang maabutan niya ako. Umiiyak ito at halata sa mukha ang matinding takot.
"A-ate Yana, umalis ka na. Ililigaw ko sila." Umiling ako.
"Hindi kita iiwan dito!" sagot ko at hinila na ito.
Inalalayan ako ni Egoy na tumakbo ngunit hindi pa man kami lubusang nakakalayo ay bumungad na sa aming harapan ang dalawang taong lobo.
Napayakap sa akin si Egoy ngunit kinalas ko ito at itinago siya sa aking likuran.
"Ako ang kailangan niyo, 'di ba!? Nakikiusap ako, huwag niyong idamay ang bata!" Pagmamakaawa ko sa gitna nang aking pag-iyak.
"A-ate Yana..." nanginginig sa takot na sambit ni Egoy.
"Nandito ako Egoy." Bigla namang nag-anyong tao ang isang lobo.
"Hangal! Lahat ng mapapalapit sa iyo ay kailangang mawala!" anito at muling bumalik sa pagiging taong lobo.
"Parang awa niyo na—" Hindi ko na natapos pa ang sasabihin ko dahil pareho na kaming tumilapon ni Egoy sa lupa.
Ngunit nagulat ako nang may sumalag sa pagkakatilapon ko, si Zsakae! Ibinaba niya ako at itinuon ang atensyon sa kaaway. Halos magkalasog-lasog ang mga ito dahil sa ginawa niyang pag-atake. Ngunit isa lang ang pumasok sa kukute ko ngayon, isa rin pala siyang bampira!
"Yana, si Egoy!" ani Zsakae. Agad akong natauhan at dali-daling lumapit kay Egoy na nakahandusay sa lupa.
"Diyos ko!" sambit ko nang makita ko ang kalagayan nito.
May malaking sugat ito sa kanyang tagiliran. Marahil ay nahigip siya sa matulis na kuko no'ng taong lobo.
"Egoy!" pukaw ko rito at tinapik ang kanyang pisngi.
Isinandal ko ang kanyang ulo sa aking hita at muli itong tinapik. Panay din ang pagpahid ko ng luha sa aking pisngi.
"Egoy! Gising!" Ngunit wala pa rin itong tugon.
Inihiga ko siyang muli at idinikit ang aking tainga sa kanyang dibdib. Hindi na ito tumitibok, wala na ring pitik ang kanyang pulso. Dali-dali kong ginawa ang pangunahing lunas.
"Egoy! Ano ba! Gumising ka! Pakiusap!" sambit ko habang patuloy itong binubuhay gamit ang pagbibigay ng hangin at pagdiin ng mga palad ko sa bandang dibdib nito.
"Egoy! Huwag ngayon! Ano ba!?" Pilit ko siyang binubuhay kahit na alam kong wala na. Kinabig ko na lamang ito sa kanyang batok at niyakap. Duguan man ang damit ko dahil sa sugat nito ay 'di ko na ito ininda pa. Mas lalo akong naiyak ng matindi.
"Egoy naman e! Mag-aaral ka pa 'di ba? Sa linggo na nga ang pasok mo. Bakit..." Halos 'di ko na matuloy pa ang sasabihin ko dahil sa sobrang nahihirapan na ako sa paghinga.
"Egoy naman... Bakit bumitiw ka bigla?" Napahagulhol na ako at halos yakapin ko na ng husto si Egoy. Bigla naman akong hinila ni Zsakae at inilayo kay Egoy.
"Ano ba!? Bitawan mo ako! 'Di ko puwedeng iwanan si Egoy!" pagpupumiglas ko. Iniharap ako ni Zsakae sa kanya at kinulong ang aking mukha sa kanyang mga kamay.
"Kailangan nating umalis, Yana! Wala na si Egoy!" aniya. Umiling-iling ako.
"Hindi! Pakiusap Zsakae..." Napaluhod na ako.
Ang sakit mawalan ng minamahal. Napalapit na sa akin ng husto si Egoy at 'di ko matanggap na nawala siya nang dahil sa akin. Itinuring ko na siyang parang kapatid ko at labis akong nasaktan nang mawala ito.
"Pakiusap Zsakae... Iwan mo na lang ako..." wika ko.
"Bakit Yana? Sa tingin mo ba matatapos agad ang lahat ng 'to? Hindi Yana!" Napatakip ako ng aking mukha.
Hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko. Bigla naman akong binuhat ni Zsakae at inilayo sa lugar.
Tanaw na tanaw ko si Egoy na nakahandusay sa lupa ngunit laking pasasalamat ko nang makita kong kinuha siya ni ate Mocha at inilayo rin sa lugar na iyon. Yumakap ako ng husto kay Zsakae at talagang kailan na kailangan ko nang makakapitan ngayon.
Itinuon ko ang atensyon ko sa dinaraanan namin. Halos liparin ni Zsakae ang matayog na pader.
"S-saan tayo pupunta?" taka kong tanong sa pagitan pa rin nang aking pag-iyak.
Ewan ko ba! Ngunit tila yata parang gripo itong mga mata ko at talagang ayaw paawat.
"Kay tiyang Nely, mas ligtas ka ro'n. Bakit ba hinayaan ka nilang manatili sa bayan gayong alam naman nilang ikaw ang nakasaad sa propesiya," wika ni Zsakae.
"Sinong may alam?" Pumaling ito sa akin at muling humarap sa dinadaanan namin.
"Si ate Catherine at kuya Steffano, alam nila kung gaano ka kahalaga pero itinago ka nila imbes na ibalik dito mansyon ng mga Zoldic. Hindi mo man lang ba nahalata 'yon Yana?" Nailing ako.
Gulat na gulat ako sa mga nalaman ko. Isa rin pa lang bampira ang kuya Steffano at ang pinsan ko.
Parang sasabog na ang utak ko dahil sa mga nalaman ko. Diyos ko! Bigyan niyo po sana ako ng lakas upang makayanan ko itong mga nangyayari sa akin.
Pinunasan ko ang mga luha ko ngunit may konting butil pa rin ng aking luha ang pilit na kumakawala sa aking mga mata.
Sa isang kurap ko lamang ay walang kaabog-abog na narating namin ni Zsakae ang isang napakalaking bahay. May apat na palapag ito at may malawak na hardin sa gilid nito. Ang likod ng bahay ay napapaligiran ng mga naglalakihang baging. Ibinaba ako ni Zsakae at muntik pa akong matumba ngunit maagap ito sa pag-alalay sa akin.
"Kaninong bahay 'to?" Halos parang pabulong na ang bawat bigkas ko ng mga salita.
Namamaos na kasi ang boses ko, dala nang matinding pag-iyak ko.
"Ito ang mansyon ni tita Maria Carissa Zoldic, ang ina ni kuya Steffano," sagot ni Zsakae sa akin.
Bumigat pa lalo ang aking paghinga. Kung tama ang hinala ko'y marahil siya 'yong kausap ng pinsan ko no'ng minsa'y nagising ako na nasa kanila, 'yong nahuli ako ng kuya Steffano na nakikinig sa usapan. Bumukas naman ang pinto at may isang dalagitang tumakbo palapit sa kinatatayuan naming dalawa ni Zsakae. Nagulat pa ako dahil sa sobrang ganda niyang bata ay para itong isang dyosa o kaya'y isang anghel dahil sa mukha nitong napakaamo.
"Kuya Zsakae!" tawag nito at biglang tinalon si Zsakae.
Natulala ako sa sunod na nangyari. Halos mabaon si Zsakae sa kinahihigaan nitong semento ngunit tila balewala lang sa dalawa. Masaya pa nitong niyakap si Zsakae habang nakakapit sa leeg.
"Diyos ko namang bata ka! Cereina Erine! Nako naman, ilang beses ko bang sasabihin sa iyo na huwag mo nang gagawin sa kuya Zsakae mo iyan! Nako bata ka, malalagot ako sa ama mo nito," litanya ng may edad na babae sa dalagitang sumampa kay Zsakae, na tinawag niya sa pangalang Cereina Erine.
Kalalabas lang nito sa bahay at mukhang 'di pa nito ako napapansin. Napasinghot ako, saka naman ito bumaling sa akin.
"Yana..." sambit nito nang makita ako.
Nagulat pa ako nang bigla ako nitong yakapin at nagsimula nang umiyak.
"Anak ko!" usal nito habang patuloy pa rin sa pagyakap sa akin.
Parang ayaw na nito akong bitiwan. At mas lalo akong 'di nakaimik nang tawagin niya akong anak. Ayaw pumasok agad sa kukute ko ang pagtawag niya sa akin ng salitang anak.
"Tiyang Nely, hindi na po makahinga si Yana," wika ni Zsakae.
Agad din naman itong kumalas ngunit kumapit pa rin ito sa aking mga braso. Inayos pa nito ang magulo kong buhok at pinahiran ang aking mga pisngi na kanina pa nababasa ng luha. Napakurap ako. Ang inaakala kong tiyahin ko ay ang tunay kong ina!? Ngunit paano?
"Nay…" sambit ko ngunit 'di ko na kinaya at bigla na lamang umikot ang paningin ko.