Kabanata 37

Bigla na lamang akong napasinghap at napabangon nang magdilat ako. Nahagod ko ang batok ko at niyakap ang aking mga tuhod. Napakasama nang panaginip ko. Nawala raw si Egoy. Natigilan ako at napahagulhol. Hindi panaginip 'yon! Dahil talagang wala na si Egoy. Nasapo ko ang aking dibdib at nakumyos ang aking damit.

"Egoy..." sambit ko.

Sana pala panaginip na lang 'yon. Para ko na siyang kapatid at wala man lang akong nagawa para iligtas siya. Bumukas naman ang pinto kaya napalingon ako.

"Anak, Yana?" Kumunot ang aking noo.

"Sino po kayo? Nasaan po ako?" tanong ko rin naman.

Inayos ko pa ang aking sarili at pinahiran ang aking mga pisngi. Lumapit naman ito ng husto sa akin at umupo sa kama.

"Hanggang ngayon pa rin ba ay 'di mo pa rin ako maalala, anak?" mapait nitong wika. Mas lalong kumunot ang aking noo.

"Ang inay Mathilda po ang aking ina," sagot ko dahil siya naman talaga. Bigla naman itong lumuha at muling bumaling sa akin.

"Kung ganoon nga'y si Mathilda pa rin ang itinuturing mong ina imbes na ako..." puno nang pagtatampo ang kanyang boses.

"Kung bakit ba naman kasi'y nailayo ka pa sa akin, 'di sana'y natanggap mo na ako ang iyong ina kahit wala kang maalala," dugtong nito.

Pinagmasdan kong mabuti ang kanyang mukha at ganoon na lang ang pagkagulat ko. Siya si tiyang Nely!

"Pero tiyahin po ang pagpapakilala ng inay sa akin sa inyo," sagot ko. Nailing ito.

"Ako ang tunay mong ina, Yana." Mapait pa itong napangiti sa akin.

"Halika sa aking silid, may ipapakita ako sa iyo." Umuna itong lumabas ng silid.

Nagdadalawang-isip pa ako kung susunod ba ako sa kanya. Ngunit kailangan kong malaman ang totoo. Pumanaog ako sa kama at lumabas ng silid. Nakaabang ito sa akin at nang makita nito akong sumunod sa kanya ay lumakad na ito pababa nang hagdan.

"Bahay ito ng ginang Zoldic, ang kuwartong ginamit mo ay ang silid ni Catherine, na ngayon ay silid na ni Cereina Erine. Anak siya ng ate Catherine mo at ng alaga kong si Steffano," ani ng tiyang Nely o mas tamang itawag ay inay.

Mariin akong napapikit at napahugot ng malalim na hininga. Kaya ko pa, makakaya ko pa 'to! Mga bampira ang mga Zoldic. Grabe!

Narating namin ang kusina, sa gilid nito ay isang pinto. Pinihit nito ang busol upang bumukas. Nilakihan nito ang pagkakaawang ng pinto upang makapasok din ako.

Binuksan nito ang mga bintana at bumungad sa akin ang sandamakmak na mga litrato sa dingding nang tumama ang sikat ng araw sa loob ng silid.

"Ito ka at ang kakambal mong si Alyana." Napaawang ang bibig ko sa narinig.

Kakambal ko si Alyana!? Ibig yatang manlumo ng aking mga tuhod kaya napakapit ako sa sandalan ng upuan. Nasapo ko ang aking dibdib at inilipat ang aking kaliwang kamay sa aking tiyan. Nagsimula na namang mangilid ang mga luha ko. Kaya pala sa tuwing nakikita nila ako'y Alyana kaagad na pangalan ang kanilang nasasambit dahil 'yon pala ay kakambal ko siya. Nunal lang sa leeg ang pagkakaiba naming dalawa ngunit kung wala talagang pagbabasehan ay para talaga kaming nananalamin sa isa't isa.

"Tiya—inay..." alaganin ko pang tawag dito. Bumaling naman ito sa akin.

"Paano ako nawalan ng alaala? Bakit ang inay Mathilda ang kasama ko at 'di kayo? Paano?" sunud-sunod kong mga tanong.

Mapait namang napangiti ang inay Nely. Lumakad ito palapit sa akin at pinaupo ako, saka ito tumabi.

"Dise-sais lang ako noon nang mabuntis ako ni Efren, ang nobyo ko. Si Mathilda naman ay matalik kong kaibigan at hindi lingid sa aking kaalaman na may gusto siya kay Efren, ang iyong itay..." kuwento nito. Nasapo ko ang aking noo.

"Efren? Kaibigan lang ang pagpapakilala ng inay sa kanya," sagot ko naman dahil iyan lang naman talaga ang alam ko.

"Kung ganoon ay nagsinungaling siya sa iyo. Alam mo bang lubos kong dinibdib ang iyong pagkawala Yana. Itinago ka sa akin ni Alyana dahil lamang sa inggit, galit, selos at poot. Binilog niya ang utak ni Mathilda upang maisama ka sa paglayo nila ng ama mo. Nalaman kasi ng itay mo na isa akong immortal at ang paniniwala niya'y salot kami. Isinumpa raw ng Diyos." Muling naiyak ang inay Nely at pinisil ang aking kanang kamay.

Para yatang aatakihin na ako sa puso dahil sa mga nalaman ko. Napatayo ako at napamaywang.

"Bakit naman niya gagawin 'yon nay!? Kapatid ko siya 'di ba? Ano ang dahilan!?"

Hindi ko na napigilan pa ang aking sarili na mainis kay Alyana. Tama nga si Zsakae, masama ang ugali nito. Ngunit bakit?

"Dahil lamang kay Mattheaus! Simula nang mapili ka ng buwan bilang nakatakda sa propesiya ay nagkaganoon na ang kapatid mo. Mahal niya si Mattheaus ngunit ikaw ang minahal ng alaga ko." Mapait itong napangiti. Halos mamilog naman ang aking mga mata sa sinabi ng aking tunay na ina.

"Si Mattheaus? Pa-paano niyo siya nakilala?" gulat na gulat ko pang tanong.

Dahil lang kay Mattheaus kaya ako nagawan ng masama ni Alyana? Ngunit kasal silang dalawa! Umupo ako sa sobrang gulo na ng aking utak. Parang ayaw kong maniwala sa mga nalaman ko.

"Siya ang isa sa mga alaga ko, Yana. Pangalawa siya sa anak ng ginang Zoldic." Muli akong napatayo.

"Zoldic!? Ano ang totoo niyang pangalan?" Tumayo naman ang inay Nely at may kinuhang larawan. Nang maabot niya ito sa akin ay muntik ko na itong mabitiwan. Si Mattheaus nga!

"Mattheaus Keanno Zoldic ang buo niyang pangalan, anak."

Bumigat bigla ang paghinga ko. Ang buong akala ko'y magkaibang tao si Mattheaus at Keanno, iyon pala ay iisa lang sila!

"T-tubig..." tanging sambit ko.

Agad na tumalima ang inay Nely para ikuha ako ng tubig sa kusina. Naiwan akong tulala at pilit na hinahagilap ang aking katinuan. Diyos ko? Ano pa ba ang hindi ko alam!? Gustohin ko mang umiyak ngunit tila yata biglang natuyo ang aking mga mata.

Hindi nagtagal ay bumalik naman na ang inay Nely na may dalang isang baso ng tubig. Ibinigay niya ito sa akin at talagang 'di na talaga ako nagdalawang-isip pa na inomin lahat ang laman ng baso.

"Nay, ano ang ginawa ni Alyana sa akin? Bakit wala akong maalala? Bakit mula sa pagkabata ko'y wala man lang akong matandaan? Ang lugar na ito? Hindi ko matandaan." Mariin akong napapikit at napabuga ng hangin.

Kahit pa siguro buksan ang ulo ko'y talagang wala akong maalala.

"Nang malaman ni Alyana na ikaw ang pinili ng buwan ay halos ikamatay niya ito. Sampung taon pa lamang kayo noon ngunit iba na mag-isip si Alyana kaysa sa iyo. At mas lalo niya pang ikinagalit nang malaman niyang kay Mattheaus ka ikakasal, lalo pa no'ng nalaman niyang nagmamahalan na kayong dalawa." Kumunot ang aking noo.

"Nagmamahalan? Ang ibig niyo bang sabihin ay matagal ko ng kasintahan si Mattheaus?" Napatango naman ito.

"Inay, nobyo ko po si Mattheaus ngayon, simula nang magkita kami at..." Napatigil ako nang maalala ko ang larawan ng kasal nilang dalawa ni Alyana na magkasama.

"Si Alyana ang pinakasalan niya imbes na ako," malungkot kong wika. Bumalik na naman iyong matinding kirot at sakit dito sa dibdib ko.

"Anak, hindi! Ikaw pa rin ang mahal ni Mattheaus. Nilinlang niya lang ito dahil sa matinding pagmamahal niya para rito. Ginawa niya ang lahat. Pinainom ka niya ng katas galing sa itim rosas kaya nawala ang mga alaala mo. Pamhabang buhay 'yon Yana at kasalanan ko kung bakit nagawa niya iyon. Ako ang nagsabi sa kanya tungkol sa kayang gawin ng itim na rosas, ngunit hindi ko naman alam na magagawa niya ito sa iyo. Plinano niya ang lahat. Nang masiguro niyang wala ka nang maalala ay agad ka niyang ibinigay kay Mathilda. Nilinlang niya si Mattheaus, nagpanggap siya bilang ikaw. Nagkunwaring siya ang pinili ng buwan imbes na ikaw ang dapat. Kahit labag man sa kalooban ni Mattheaus dahil ikaw ang minahal niya ay mas pinili niya si Alyana para lamang sundin ang nasa propesiya. Hindi ka niloko ni Mattheaus anak ko. Mahal ka niya," mahabang salaysay ng inay Nely sa akin. Tuluyan na akong naiyak. Mahal ako ni Mattheaus! Mahal niya ako!

"Bakit alam niyo ang lahat nang ito, inay? Ano'ng immortal ba ang sinasabi niyo? Akala ko ba'y isa ka ring kagaya nila ate Catherine, mga bampira." Nailing naman ito.

"Immortal ako at ang ate Catherine mo, maging si Alyana. Ngunit ikaw lang ang naging mortal. Alam ko, may isa talaga sa inyo ang magiging mortal. Alam kong may magmamana talaga kay Efren, ang itay mo. Lahat nang ito ay nalaman ko sa sagradong salamin na pag-aari ng mga Zoldic." Wika ng inay Nely. Napatayo ako.

"Inay, kailangan kong makita si Mattheaus. Gusto ko siyang makausap," wika ko.

Ibig ko na yatang awayin ang aking sarili dahil 'di ko man lang pinakinggan si Mattheaus sa pakiusap niyang magpapaliwanag siya sa akin. Ngunit 'di niya ako masisisi, nasaktan lang din naman ako sa nakita ko at ngayong alam ko na'y gusto ko siyang makita at mayakap.

"Inay, iwan niyo po muna ako," ani ko.

"Sige anak," anito at agad na tumalima. Nang makalabas ito'y humugot ako ng malalim na hininga at pinakalma ang aking sarili.

"Mattheaus..." bulong ko. Pinikit ko ang aking mga mata.

"Mattheaus..." muling sambit ko.