Kabanata 35
Ilang oras lang ay naalimpungatan ako at nagising. Wala na si Mattheaus sa aking tabi. Bago ako bumaba sa kama'y inusisa ko pa ang aking katawan. Nagtaka ako bigla. Wala man lang bahid na nagkapasa ako kahit na inaasahan ko na iyon sa tuwing may nangyayari sa amin. Pati ang pananakit ng katawan ko ay bigla ring naglaho. Ano na naman kaya ang ginawa niya sa akin? Nailing na lamang ako at kinuha ang bestida ko sa dulo ng kama. Inayos ko ang sarili ko at lumabas ng kanyang silid. Kailangan ko na ang umuwi at kumakalam na rin itong sikmura ko.
"Mattheaus..." tawag ko.
Ilang segundo ko ring hinintay na may sumagot sa akin ngunit wala namang sumasagot. Kaya napagpasyahan ko na lamang ang pumasok sa kabilang silid. Ngunit wala si Mattheaus dito at iba ang pumukaw sa akin. Sa sobrang pananabik ko'y agad akong lumapit sa kinalalagyan ng vinyl. Isa itong lumang kagamitan sa musika na ginagamitan ng plaka upang tumugtog. Napangiti ako. Minsan ko ring pinangarap na magkaroon ng ganito. Mayroon kasing ganito ang inay dati ngunit naisangla nang magipit kami.
Binuksan ko ang takip nito at pinaandar. Natigilan ako sa narinig ko. Ito 'yong musikang naririnig ko mula sa museo. Akala ko pa nga'y tinutugtog ito mula sa piyano ngunit sa isang lumang vinyl lang pala. Kung ganoon din pala ay dito lang sa kabilang silid nanggagaling ang musika. Hanap ako nang hanap, narito lang pala. Ang ganda rin ng tugtog, Lady by Kenny Rogers.
Habang nakikinig ako ng musika sa lumang vinyl ay inabala ko rin naman ang aking sarili sa paglilibot sa kanyang silid. May kalakihan ang kuwartong ito at maraming lumang muwebles na disenyo.
Pumukaw naman sa aking atensyon ang isang larawan na natatakpan pa ng manipis na tela. Hinila ko ito at namangha ako sa tumambad sa akin. Ako ang nakapinta sa larawan at ito 'yong eksenang nakadapa ako sa malambot na upuan habang may nakapulupot na manipis na tela sa aking kahubadan. Wala sa sarili kong nahaplos ito. Lahat nang anggulo ay detalyo at talaga nga namang napakagaling niyang magpinta. May aking talento rin pala sa pagpipinta ang pinakamamahal kong si Mattheaus. Muli kong tinakpan ng tela ang larawan at bumaling sa isa pa na may nakatakip ring manipis na tela. Nang tanggalin ko ito'y nawala ang matamis kong ngiti sa aking mukha at ito'y napalitan ng pagtataka o mas tamang sabihin na napalitan ito ng sakit.
"Alyana..." nanginginig ang boses kong sinambit ang pangalan ng babaeng nasa larawan. Hindi ako puwedeng magkamali!
Si Alyana ang nasa larawan at hindi ako! Oo nga't kawangis ko siya ngunit 'di maipagkakaila sa akin ang konting kaibahan. May maliit na nunal si Alyana sa kanyang leeg, samantalang ako ay wala. Nailing ako at napaatras. Ano ang ibig sabihin nito!? Nagsimula nang maglandas sa magkabila kong pisngi ang aking mga luha. Diyos ko! Huwag sanang tumama ang hula ko!
Sa huling pag-atras ko'y bumangga ang likuran ko sa isang matigas na bagay. Nang humakbang ako pasulong at nilingon ito'y bumagsak ang isang itim na tela sa sahig. Mas lalo akong naiyak, nailing, napaatras, natutop ang aking bibig, nasapo ang aking dibdib at naiyak ng matindi dahil sa nakita ko... Larawan nilang dalawa ni Mattheaus! Hindi lang basta ito larawan, ito'y larawan ng kasal nilang dalawa.
"Hindi totoo 'to!" sigaw ko sa kawalan.
Ngunit paano itatanggi ng aking mga mata ang nakikita ko ngayon. Si Alyana, nakasuot ng trahe de boda at ang nobyo kong si Mattheaus ay nakasuot ng puting tuksedo. Magkayakap pa ang mga ito sa larawan at kitang-kitang ko sa mukha nilang dalawa ang matinding kasiyahan sa kanilang pag-iisang dibdib. Napaluhod ako at napayuko. Sa sobrang sikip ng dibdib ko'y parang mamamatay na ako.
"A-asawa niya si Alyana!?" galit kong wika sa sarili ko. Nagsinungaling siya sa akin! Niloko ako ni Mattheaus!
"Ugh!" hiyaw ko at nagwala.
Binasag ko lahat nang kung anumang madampot ng mga kamay ko. Ngunit kahit ano pa ang gawin kong pagbabasag ng mga muwebles ay 'di man lang naibsan ang sakit na nararamdaman ng dibdib ko. Tumakbo ako palabas ng silid at dumaan sa lagusan papunta sa talon.
Nang makalabas ako sa kuweba'y wala na ako sa aking sarili at lumakad na lamang. Bawat hakbang ng aking mga paa ay 'di na alam kung saan ito paroroon. Walang humpay pa rin ang aking pag-iyak. Ang sakit isiping minahal lang ako ni Mattheaus dahil kawangis ko si Alyana! Napaluhod ako at napatingala sa buwan.
"Ugh! Bakit!?" puno nang paghihinagpis kong sigaw sa kawalan.
Parang daig ko pa ang namatayan. Namatayan nga ako, ng puso! Iisipin ko pa lamang na ginamit lang ako at niloko ay parang sasabog na itong dibdib ko. Mas masakit ito kumpara sa pagwawala ng anak ko sa aking sinapupunan. Ang dami kong gustong itanong sa kanya ngunit natatakot ako sa maari niyang maisagot sa akin.
Niyakap ko ang sarili ko at muling napahagulhol. Ganito pala magmahal, akala mo puro sarap, 'yon pala'y kay pait ding umibig, lalo na kung may kahati ka.
Napapikit ako nang mariin at dahan-dahan na napatayo. Putikan ang mga paa ko, maging ang kasuotan ko ngunit hindi ko na ito ininda pa. Wala nang mas dudumi pa sa isang kagaya ko na naging isang kabit.
Napahikbi ako at lumakad muli. Wala na akong pakialam kung makasalubong ko man ang mga taong lobo na humahabol sa akin. Parang mas gugustuhin ko pa ang mamatay na lamang kaysa ang mabuhay na puno ng sakit sa dibdib. Diyos ko? Nagkamali yata ako ng minahal, o mas tamang sabihin ay nagkamali akong pumunta sa lugar na ito. 'Di sanay 'di ko nakilala si Mattheaus. Sana hindi na lang.
"Yana..." Natigil ako sa paghakbang at napakuyom ng aking mga kamao.
"Huwag kang lumapit!" bulyaw ko sa kanya.
Ngunit alam kong matigas ang ulo nito kaya bigla na lamang itong lumitaw sa harapan ko at agad na hinawakan ang aking pisngi.
"Yana, makinig ka muna sa akin, pakiusap..." pagsusumamo ni Mattheaus sa akin ngunit nailing ako.
"Niloko mo ako!" Alam kong walang epekto ang sampal ko sa kanya pero ginawa ko pa rin at gaya nga nang inaasahan ko'y 'di man lang ito natinag.
"Hindi kita niloko, Yana," aniya at nagsimula nang lumuha.
Nahabag ang puso ko ngunit mas matimbang ang galit ko para sa kanya. Hindi ko siya pinansin at humakbang muli.
"Yana!" pigil nito sa kaliwang braso ko.
"Hindi ikaw ang Mattheaus na minahal ko, dahil kung ikaw, siya? Hindi siya maglilihim sa akin kung talagang mahal niya ako," matigas kong wika at binawi ang aking braso.
Muli akong humakbang nang walang lingunan palayo sa kanya. Ayaw ko mang saktan siya ngunit mas nasasaktan ako sa nalaman ko.
Hindi nagtagal ay nakalabas ako muli sa bakod. Nagtaka pa ang taga bantay kung paano ako nakapasok ngunit 'di naman ako nito inusisa pa. Siguro ay dahil na rin sa itsura ko, puro ako putik at iyak ako nang iyak. Napahawak ako sa aking tiyan.
"Huwag ngayon anak ko, pakiusap..." pagsusumamo ko.
Nais kong huwag sana muna siyang magwala sa sinapupunan ko. Masiyado ng masakit ang nangyari sa akin at 'di ko na kayang lumasap pa ng iba pang sakit. Dahan-dahan lang akong lumakad hanggang sa marating ko ang silid-aklatan. Agad na bumungad si Egoy sa akin.