Chapter 27

Natagpuan ni Huimy ang sarili na umiiyak sa loob ng comfort room. Dito siya nagtungo matapos niyang iwan si Renz sa canteen.

“Ang tanga-tanga mo talaga. Bakit mo pa sinabi 'yon? Lalo mong pinagulo ang sitwasyon.”

Sinisi niya ang kanyang sarili dahil sa ginawang pag-amin. Hindi niya na dapat sinabi pa iyon. Maayos na ang buhay niya kasama ang kanyang anak at kahit wala si Renz. Maayos na rin ang buhay nito sa piling ni Monique. Bakit kailangang maging kumplikado ang lahat?

Nagulat pa siya sa pag-ring ng kanyang cellphone. Kinuha niya iyon mula sa bag at tiningnan kung sino ang nakarehistro roon. Si Trisha. Pinunasan na muna niya ang mga luha saka sinagot ang tawag.

“Oh Trisha, bakit?”

“Nasaan ka na ba? Kanina ka pa hinahanap ni Ma'am Glaiza. Galit na galit na. Overbreak ka na.”

Nasapo niya ang kanyang noo saka tiningnan ang wrist watch. Magbebente minutos na pala siyang nasa loob ng comfort room. Nawala na sa kanyang isip ang trabaho dahil sa kakaiyak. Hindi na namalayang pati ang trabaho ay naapektuhan na.

“Papunta na ako d'yan. Pakisabi na lang na sumakit ang tiyan ko kaya natagalan ako sa cr.”

“Okay, sige, bilisan mo.”

Nawala na ito sa linya. Malalim na buntong hininga ang pinakawalan niya saka nagbalik sa trabaho. Pinilit niyang maging maayos ang takbo ng buong araw niya.

Palabas na siya ng building nang may tumawag sa pangalan niya sa 'di kalayuan. Tiningnan at kinilala niya ang babaeng kumakaway habang papalapit sa kinaroroonan niya.

“Hello,” nakangiting bati nito sa kanya nang makalapit.

“M-monique?” Bigla siyang kinabahan nang makita ito. Nagtataka siya kung bakit bigla na lamang itong nagpakita sa kanya pero hindi niya magawang tanungin ito.

“Buti naaalala mo pa ako.”

“Oo nman. Paano mo nalaman na dito ako nagtatrabaho?”

“Si Francis ang nagsabi sa akin. P’wede ba tayong mag-usap?”

Kinabahan naman siya. “T-tungkol saan?”

“Basta. Mamaya ko na sasabihin, tara na!” anito sabay hawak sa kanyang kamay.

“S-saan tayo pupunta?”

“Sa resto. Treat kita.”

Napilitan siyang sumama kahit hindi siya kumportable. Mukhang sinusubukan siya ng tadhana. Pati ang girlfriend ni Renz ay makikipag-usap sa kanya ngayong araw na ito. Kung kailan siya umiiwas siya ay saka naman lapit nang lapit ang mga ito sa kanya.

Wala na bang katapusan ang sakit na ito? Torture na ito!

Wala siyang idea sa magiging usapan nila ni Monique pero may kutob na siyang baka si Renz ang topic.

Ilang minuto lang ay nakarating na sila sa restaurant na malapit lang sa kanyang pinagtatrabahuhan. Magkaharap silang naupo sa isang maliit na table na nakalaan para lang sa dalawa. Um-order na rin ito ng kanilang pagkain.

“T-Tungkol saan ang pag-uusapan natin?” tanong niya habang kumakain.

Ngumiti ito. “Tungkol kay Renz.”

Napalunok siya. Hindi siya nagkamali. Tama ang hinala niya. Agad na dinagsa ng kaba ang kanyang dibdib.

“A-anong tungkol sa kanya?”

“Di ba best friend mo siya?” Tumango lang siya bilang pagtugon. “Alam mo ba kung anong problema niya ngayon? Dalawang linggo na siyang parang wala sa sarili. Hindi ko siya makausap nang maayos. Parang lagi siyang galit.”

“Di ba girlfriend ka niya? Dapat alam mo kung anong problema niya.” Hindi niya alam kung naging sarkastiko na ang kanyang tono.

“Alam mo namang masyadong malihim 'yon. Hindi ko nga maintindihan ang kinikilos niya ngayon. Ibang-iba siya.”

“Baka family problem lang.”

“Tinanong ko na si Richell wala naman daw problema sa family nila. Sa tingin ko, may ibang dahilan. Puwede mo ba siyang kausapin para sa akin?”

Bumuka ang bibig niya ngunit walang lumabas na tinig. Hindi agad siya nakasagot at nakatitig lang sa mukha nito. Gusto niyang tumanggi pero hindi niya magawa.

“Sige na, please.” Hinawakan nito ang kanyang kamay at ikinulong sa dalawang palad nito. Nakikiusap ang mga mata nitong nakatitig sa kanya.

“How can I resist this lady in front of me? Napakabait niya at hindi niya deserve ang masaktan,” naisaloob niya.

“P-pero... dapat ikaw ang makipag-usap sa kanya. Ikakasal na kayo 'di ba? Dapat wala na kayong lihim sa isa't isa.”

Sumimangot ito at napabuntong hininga. “Yon na nga ang problema ko. Three years na kami pero parang hanggang ngayon hindi ko pa siya kilala? Masyado siyang malihim. At isa pa parang wala na siyang ganang asikasuhin ang kasal namin. Tulungan mo na ako, please. Gusto kong malaman kung anong problema n'ya. Ngayon lang, promise hindi na kita kukulitin. Pumayag ka na. Kausapin mo siya para sa akin.”

Hindi pa rin siya nakatugon. Hindi niya alam kung anong dapat sabihin. Hindi niya kayang aminin dito na iniiwasan niya si Renz. Magtataka at magtatanong na naman ito. Hindi niya puwedeng sabihin dito ang kanyang nararamdaman. Magiging kumplikado lang ang lahat.

Makailang beses siyang bumuntong hininga. Hindi niya alam kung tama ba ang kanyang gagawin.

Dapat niya bang kausapin si Renz? Siguro oo, para matapos na rin ang paghihirap ng kanyang kalooban. Kailangan niyang pormal na tapusin ang kung anomang meron sila kahit pa ang pagkakaibigan.

Napilitan siyang tumango bilang pagpayag sa pakiusap ni Monique. Masaya naman itong yumakap sa kanya bago nagpaalam.

Makalipas ang ilang minuto natagpuan niya ang sariling hawak ang cell phone at tinititigan ang numerong nakarehistro sa phonebook. Nakapagdesisyon na siya. Kailangan niyang kausapin si Renz. Kinakabahan man ay tinawagan niya ito.

“H-hello Renz.”

“Huimy?”

“Pwede ba tayong magkita?”

“Oo naman. Kailan at saan?” Ramdam niya ang sigla sa tinig nito.

“Sa mall na lang. Ngayon na, papunta na ako. Sa food court na lang tayo magkita.”

“Okay,” mabilis na tugon nito.

Hindi na siya tumugon, sa halip ay pinindot niya ang end button.

Naabutan niya si Renz na nakaupo at matiyagang naghihintay. Nakasuot ito ng checkered polo shirt at maong pants. Hindi maikakailang lalong gumuwapo ito sa paningin niya pero hindi iyon ang kanyang pakay. Kailangan niyang pigilan ang sarili. Hindi tamang ma-attract pa siya dito.

Tumayo si Renz nang makita siya. “Hi, Huimy,” bati pa nito sa kanya na ginantihan lamang niya ng tipid na ngiti.

Magkaharap silang umupo. Matagal na nagpakiramdaman bago siya unang nagsalita,

“Akala ko, tuluyan mo na akong iiwasan,” anito. Nakatitig ito sa kanya kaya umiwas agad siya nang tingin. Hindi niya kayang tingnan ito sa mga mata.

“Hindi tayo nagkita para ipagpatuloy pa ang friendship natin. Nagkita tayo para tuluyan ng tapusin ito,” lakas-loob niyang sabi.

Nawala ang ngiti sa labi ni Renz at napalitan ang ekspresyon ng mukha nito na hindi niya mawari kung galit o malungkot.

“Nagbibiro ka ba? ‘Di bat may sumpaan tayong best friend forever? Kinalimutan mo na ba 'yon?”

“Best friend forever? Ang sumpaang iyon na kailanman ay hindi matutupad. Walang forever para sa ating dalawa... k-kahit friendship pa.” Napayuko siya matapos sabihin iyon. Pakiramdam niya ay anumang oras ay sasabog na siya. Na malapit ng tumulo ang luhang kanina pa niyang pinipigil. Masakit sa kanya ang katotohanang iyon. Masakit na akala niya ay natanggap na niya pero hindi pa pala. Kahit ang isip niya ay tumututol sa katotohanang iyon.

“Tulad ng sinabi ko sa'yo dati, hindi kailanman magwawakas ang forever,” seryosong sabi pa nito. Nagtama ang mga mata nila nang tumunghay siya para tingnan ito. Kitang-kita niya ang sakit na nararamdaman nito. Gusto niyang maniwala sa mga sinasabi ng mga mata nito pero ayaw niyang magpadala.

“Hindi tama!” Iyon ang patuloy niyang sinisiksik sa utak niya para hindi siya magkasala. Ngunit ang totoo, doble ang nararamdaman niyang sakit ngayon kumpara sa nakikita niya sa mga mata nito.

“T-tumigil ka na. Huwag mo na akong pahirapan pa. Nasabi ko na ang nararamdaman ko para sa'yo. At hindi p'wedeng magpatuloy ito.”

Tumigil siya at muling tumingin sa binata. Kitang-kita niya sa ekspresyon nito na ayaw nito ang mga naririnig mula sa kanya.

“Kinausap ako ni Monique. Gusto niyang kausapin kita. Tanungin kung anong problema mo. Mabait siya at mahal na mahal ka niya. Kaya kung pwede...”

Hinawakan ni Renz ang kanyang kamay kaya't napatigil siya sa pagsasalita. Ilang libong boltahe ang gumapang sa kanyang katawan lalo na nang lumapit ito at halos magdikit ang kanilang mukha.

“Ikaw ang mahal ko.”

Mahina lang ang boses nito pero rinig na rinig niya ang sinabi nito. Kumurap-kurap pa siya habang nakatitig sa binata. Para siyang nalulunod sa mga titig nito. Ang lakas ng tibok ng kanyang puso at halos hindi siya makahinga.

Hindi siya nakapagsalita. Hindi siya makapaniwala na maririnig niya iyon mula sa bibig nito. Matagal niyang inasam na marinig iyon. Mula pa noong makilala niya ito ay pinangarap na niyang mahalin din siya nito. Gustong umasa ng kanyang puso. Inaamin niyang natuwa siya dahil sa sinabi nito ngunit agad ding tinutulan ng isip niya.

“Ikaw ang mahal ko,” ulit na sabi nito sabay halik sa mga labi niya. Nagulat siya sa ginawa nito. Saglit na na-paralize ang isip niya. Wala siyang maisip na gawin o sabihin. Ang bilis ng pangyayari na hindi man lang niya naiwasan. Hindi niya akalaing gagawin ni Renz ang bagay na iyon.

“Hindi tama ito!” muling sigaw ng isip niya.

Gamit ang dalawang kamay ay bigla niyang tinulak ito palayo kasabay ang malakas na pagsampal sa pisngi nito. Namula ang mukha nito at halos bumakas ang kanyang palad doon.

Napayuko siya dahil ramdam niyang nakatingin ang mga tao sa kanila.

“Sorry kung nasampal kita, nabigla lang ako pero hindi mo dapat ginawa iyon,” saway pa niya kay Renz.

“Naiintindihan ko. Sorry.”

Pinilit niyang kalmahin ang sarili. Makailang ulit siyang bumuntong hininga bago muling nagsalita. Kailangang matapos na ang kahibangan niya. Hindi tamang maapektuhan siya sa halik na iyon.

“T-tulad ng sinasabi ko kanina, mahal ka ni Monique. Huwag mo siyang saktan.”

“Hindi ko siya kayang pakasalan.”

“Umaasa siya sa'yo.”

“Ayoko siyang paasahin kaya makikipaghiwalay na ako sa kanya.”

“Huwag mong gawin 'yan, pakiusap. Magiging komplikado lang ang lahat. Masasaktan siya nang sobra.”

“Bakit magiging kumplikado? Matagal na dapat naging tayo kung hindi lang ako naduwag noon. Hindi ko nasabi sa'yo kung gaano kita kamahal. Natakot ako na mawala ang friendship natin kapag naging tayo at hindi nag-work. Nahuli ako nang dating sa buhay mo kaya napunta ka sa iba pero pinagtagpo ulit tayo.”

“Oo. Pinagtagpo tayo pero hindi na p'wedeng maging tayo. Huli na ang lahat para sa ating dalawa.” Nag-una-unahang bumagsak ang mga luha niya. Gustuhin man niyang maging masaya dahil sa mga naririnig ay hindi niya magawa. Nag-aalala siya para sa kasintahan nito.

“Hindi pa huli. Wala ka ng asawa kaya may pag-asa na tayo.”

Nagulat siya sa sinabi nito. “Paano mo nalaman?”

“Kay Trisha, sinabi niya sa akin ang lahat pati ang tungkol kay Clark. Anak ko siya 'di ba?”

“Oh, shit!” napamura siya sa isip. Hindi siya nakasagot. Hindi siya makapaniwalang alam na nito ang lahat. Wala talagang lihim na hindi nabubunyag.