Chapter 28
“Pwede ko bang makilala ang anak ko? Gusto kong malaman niyang ako ang kanyang ama,” pakiusap ni Renz.
“Mas mabuting huwag na lang, Renz,” pagtanggi niya. Sa tingin niya ay mas magiging mahirap para sa kanilang lahat kung papayag siya. At isa pa, walang alam si Monique sa nangyari sa kanila ni Renz, magiging malaking gulo lang iyon kapag nagkataon.
“Pero may karapatan ako sa kanya dahil anak ko siya.”
“Ayoko nang paasahin ang anak ko na makakasama ka namin. I-settle mo na lang ang buhay mo kay Monique. Gumawa kayo ng sarili ninyong pamilya. Huwag mo na lang kaming guluhin ni Clark.” Pinipigilan niya ang sariling hindi mapaiyak. Naninikip ang kanyang dibdib habang sinasabi iyon ngunit pinapatatag niya ang sarili sa harapan nito.
“Hindi ko kayo guguluhin. Responsibilidad ko siya, dapat noon ko pa nagampanan ang pagiging ama ko sa kanya kung...” Yumuko ito bago muling nagsalita. “Kung sana... hindi ka nagpakasal sa iba.”
“Wala na tayong magagawa sa bagay na iyon, Renz. I made a decision na sa tingin ko, hindi ko na rin kailangang pagsisisihan pa.”
Nagpakasal siya kay Daryl dahil iyon ang sa tingin niyang tama. Alam niyang nagpadalus-dalos siya sa naging desisyon pero nasasaktan siya ng mga panahon na iyon. Hindi niya alam kung may Renz pa na babalik matapos niyang malaman na nakabuntis ito at magpapakasal na.
“Nagkamali ka rin kaya huwag tayong magsisihan,” dugtong pa niya.
“Alam ko, all my life I've been regreting all my wrong decision. My life was a mess since you've been gone. Ang hirap mag-move on, Huimy. Gusto kong burahin ang lahat ng alaala ng nakaraan para lang makalimutan ka noon pero ang hirap. Then Monique came into the picture.” Nakita niya ang luhang pumatak sa mga mata nito.
“Kaya nga mas makabubuting ituloy mo ang relasyon mo sa kanya at pabayaan na lang kami ng anak ko.” Kinagat niya ang pang-ibabang labi upang pigilan ang luhang nais kumawala sa kanyang mga mata.
Ito ang pinakamahirap sa kanya. Iyong makita ang taong minahal niya noon na umiiyak sa kanyang harapan ngayon, nagsasabing mahal siya pero huli na ang lahat. Kung sana noong una pa lang, nalaman na niya ang damdamin nito para sa kanya, siguro hindi na aabot pa sa ganito.
“H-hindi na ba kita mapipilit pa?”
Nakaramdam siya ng awa kaya't hinawakan niya ang kamay nito.
“Mahal kita... pero ayokong may masaktang iba dahil sa akin. Mas makabubuti ito para sa ating dalawa. Isipin mo na lang na hindi tayo nagkita o nagkakilala.”
“Hindi ko kayang gawin 'yon.”
“Kaya mo. Pitong taon akong nawala sa buhay mo, kaya mo pa ring mawala ako nang marami pang taon sa buhay mo.”
Hindi ito umimik. Yumuko ito. Tuloy-tuloy ang pagdaloy ng masaganang luha sa mga mata nito. Parang lalo siyang sinasaksak sa nakikita niyang paghihirap ng kalooban nito. Nasasaktan siya, higit na masakit kaysa sa nakikita niyang sakit na nararamdaman nito. Gusto niyang bawiin ang kanyang mga sinabi ngunit mas minabuti niyang manahimik.
Nagprisinta si Renz na ihatid siya sa bahay ngunit habang nasa biyahe ay wala pa rin silang imikan. Walang ni isang nais magsalita sa kanila hanggang sa makarating sa bahay.
Bumaba ito at binuksan ang pinto ng kotse para makababa siya. Ang kotseng iyon ay sa kompanya at ginagamit lang ni Renz bilang siya ang foreman.
Humakbang na siya patungo sa gate upang buksan iyon ngunit pinigilan siya ni Renz. Hinawakan ang kanyang kamay at mabilis na niyakap. Ni hindi na siya nakaiwas dahil mahigpit ang pagkakayakap nito na para bang ayaw siyang pakawalan.
“Mahal na mahal kita,” bulong nito saka hinawakan ang kanyang babà. Sinalubong niya ang mga titig nito na parang ayaw na niyang mawala ito sa paningin niya. Mali, pero iyon ang nararamdaman niya. Hindi niya magawang iiwas ang mga mata sa binata.
Kitang-kita niya mula sa mga mata nito ang labis na paghihirap ng kalooban. Kung alam din sana nitong ganoon rin ang nararamdaman niya sa mga oras na ito.
Unti-unti nitong nilapit ang mga labi sa labi niya. Hindi na niya nagawang umiwas pa nang malasap ang tamis ng halik na iyon. Parang tumigil ang mundo niya. Sumisigaw sa saya ang kanyang puso. Wala siyang maramdamang pagtutol sa ginawa nito sa halip ay natagpuan niya ang sariling tumutugon sa halik na iyon. Matagal na parang ayaw nilang pakawalan ang labi ng isa't isa. Nais ng isip niyang itulak ito dahil sumisigaw ito na hindi tamang nakipaghalikan pa siya matapos niyang sabihing magkalimutan na sila ngunit ang puso niyang traydor ay nagugustuhan ang tamis at pait ng halik na iyon.
Tamis sapagkat ramdam niya ang pagmamahal ni Renz sa halik na iyon ngunit pait sapagkat ito na ang huling beses na matitikman niya ang mga labi nito.
Matapos ang halik na iyon ay nagpaalam na ito sa kanya. Nakaalis na ang sasakyan nito ngunit nanatili siyang nakatayo at nakatulala. Hinawakan niya ng daliri ang labing dinampian ng labi ni Renz at naramdaman niya na lang na naglandas sa kanyang mga mata ang masaganang luha.
That kiss... the last kiss... kiss of goodbye.
Hindi siya makatulog ng gabing iyon. Patuloy na sumasagi sa isipan niya si Renz. Ang halik na pinagsaluhan nilang dalawa, ang pagmamahal na nararamdaman nila para sa isa't isa, ang nararamdaman ni Monique, ang karapatan ni Clark para makilala ang tunay niyang ama at ang marami pang katanungan na gumugulo sa isipan niya.
Ano bang kakahinatnan ng pagkakaibigan nilang dalawa? Pareho lang nilang sasaktan ang isa't isa kaya't tama lang siguro ang naging desisyon niyang tuluyang putulin ang ugnayan nilang dalawa.
Tungkol kay Clark at sa custody nito para sa bata, mananatili ang desisyon niya. Kaya niyang buhayin ang kanyang anak nang mag-isa. Ilang taon na rin naman niyang ginagawa iyon mula nang mamatay si Daryl.
Naging mabuting ama si Daryl para kay Clark. Hindi sila nagkaanak sa loob ng tatlong taon nilang pagsasama sapagkat hindi rin niya ginustong magkaroon pa ulit ng anak. Ang magkaroon ng anak sa magkaibang lalaki, mahirap iyon. O siguro talagang sa loob ng tatlong taon nilang pagsasama ni Daryl ay magkaibigan lang ang turingan nila. Na sa tatlong taon na iyon, naging mabuting kaibigan ito. Tinuring na niyang best friend. At kahit hindi niya matumbasan ang pagmamahal na nilalaan nito para sa kanila ng kanyang anak, nananatili pa rin ito sa tabi niya.
“S-siya pa rin ba ang laman ng puso mo?” naalala niyang tanong ni Daryl noon. Iyon ang mga panahong naka-confine na ito sa hospital dahil sa sakit nito. Two days bago ito bawian ng buhay.
Nakahiga si Daryl sa kama samantalang siya ay nakaupo sa tabi nito at matiyaga itong binabantayan. May nakakabit na suwero sa pulsuhan nito maging sa ilong para sa oxygen na kailangan nito para makahinga nang maayos. Bakas ang paghihirap sa mukha nito ngunit halata mo ring lumalaban ito. Pinipilit nitong ipakita sa kanya kung gaano ito katatag habang nilalabanan ang sakit.
Napayuko siya. Hindi niya alam kung ano bang isasagot sa tanong nito. Sa mahabang panahon, walang ibang tinibok ang puso niya kundi si Renz. Kahit minsan, hindi ito nawala sa isip niya at hindi iyon lingid kay Daryl.
“I know and I can feel it, hindi mo na kailangan pang sumagot. I did everything... para mahalin mo rin ako gaya ng pagmamahal mo sa kanya... pero bigo pa rin ako.” He gave her a bitter smile. Nasasaktan siya dahil alam niyang nasasaktan ito.
“I gave up. Maybe I'm just a... pain reliever for you at... tanggap ko iyon.” Ginagap nito ang kanyang kamay at tinitigan siya sa mga mata. “If the time comes... na muling magkrus ang mga landas ninyo... forgive him.”
Nagtatanong ang mga mata niyang nakatitig din kay Daryl.
Bakit nito sinasabi iyon ngayon? Hindi ganoon kadaling magpatawad. Oo, tatlong taon na ang nakalipas mula nang malaman niya ang katotohanang nagwasak sa kanyang puso pero naroon pa rin ang sakit kapag naaalala niya iyon.
Si Renz ang lahat-lahat sa kanya pero pinabayaan siya nito. Sinaktan nang sobra-sobra na umabot sa puntong nagdesisyon siya ng bagay na pinakamahirap para sa kanya. Ang piliting magmahal ng iba kahit ang sinisigaw ng puso niya ay tanging si Renz lang. Kay Renz na umikot ang mundo niya mula nang makilala niya ito at hanggang ngayon na may sarili na silang buhay.
Sunod-sunod siyang napailing. “I can’t.”
Pinisil ni Daryl nang bahagya ang kanyang kamay at saka ngumiti. “Y-you can lessen the pain in your heart... if you learn how to forgive. R-remember that, to forgive is to forget. H-hindi mo siya nakakalimutan... d-dahil hindi mo pa siya napapatawad,” anito sa kabila ng paghihirap sa paghinga.
“D-Daryl...” Nagi-guilty siya dahil totoo ang lahat ng tinuran nito. Pero paano niya gagawin iyon? Hanggang ngayon, iyan ang tanong niya. Paano niya papatawarin ang taong ni hindi man lang niya narinig ang paliwanag? Ni hindi niya na rin nakita ang anino mula noon. At kung magkita sila? Sa tingin niya, imposible nang mangyari pa iyon.
“I love you, Huimy. I want you... to be happy and... I want you to be free... from all the pain from your past. Y-you should move on. H-hindi na kita matutulungan pa... dahil sa tingin ko... hanggang dito na lang din ang kaya ko.”
“Ssshhhh...” Tinakpan niya ang labi ni Daryl sa pamamagitan ng kanyang dalawang daliri. “Fight, Daryl. Huwag kang magsalita ng ganyan.” Naglandas sa kanyang pisngi ang luhang kanina pang nagbabantang bumuhos. “Mabuhay ka lang, papatawarin ko si Renz kahit hindi pa magtagpo ang landas namin. Ipapasa-Dios ko na lang ang lahat. I will try forget about him and love you more.”
“Don't make promises that you can never fulfill. I’m contented for the little love you've gave me. At babaunin ko ang pagmamahal mo, hanggang sa kabilang buhay.”
“Daryl...”
“Can I kiss your precious lips... for the last time?”
Nginitian niya ito bago ginawaran ng halik sa labi. Pinatagal niya iyon ng ilang segundo bago inilayo ang mukha niya. Nasilayan niya ang matamis na ngiti nito sa labi.
“That was sweet... thank you,” anito saka ipinikit ang mga mata.
Napabuntong hininga siya habang nakatitig pa rin sa kisame ng kanyang kuwarto. Luhaan ang kanyang mga mata.
“Daryl, tama ka nang sabihin mong mgku-krus pa ang mga landas namin pero hindi ko akalaing ganito kahirap ang sitwasyon. I finally forgive him but I can't forget him. It was so complicated. We still love each other but we can't be together.”