Chapter 26

Wala pa rin siyang imik habang nagkukuwento si Monique. Wala na talaga siyang ganang makinig. Hindi niya alam kung nahahalata nito sa itsura niya pero mukhang hindi naman pinapansin kung nakikinig siya basta tuloy-tuloy lang ito sa pagkukwento.

Ikinuwento nito kung paano sila nagkakilala ni Renz. Pinsan pala ito ni Francis at nagkakilala sila sa Bulacan kung saan nadestino noon si Renz. Malapit ang site roon sa resort na pag-aari nina Francis. Nilapitan nito si Renz habang nag-iisang nakaupo sa tabing dagat. Parang may sariling mundo ang binata at walang kaimik-imik. Kinausap nang kinausap nito si Renz kahit pa hindi sumasagot. Ngunit dahil na rin sa sobrang kadaldalan at pagiging jolly ng dalaga, nakuha nito ang atensiyon ng binata. Dahil na rin siguro nakikita ni Renz si Huimy sa katauhan nito. Naging magkaibigan sila. Natutunan ni Renz na muling ngumiti sa tulong nito kaya naman nauwi rin sa pagiging magkarelasyon.

Marami pa itong kinuwenta na kung ano-ano pa patungkol sa buhay nito. Tanging tango lang ang itinutugon niya.

“Ah, mauna na ako sa inyo ha?” pagpapaalam niya sa dalawa matapos maubos ang kinakain at matapos maisalaysay ni Monique ang lahat sa kanila ni Renz. Kinuha niya ang kanyang shoulder bag at tumayo.

Sa totoo lang, hindi na makaya ng puso niya na makita kung gaano kalambing ang dalawa sa isat isa. Kahit pa nga magkahawak lang naman sila ng kamay habang nagkukuwento si Monique ay hindi pa rin niya maiwasang masaktan. Mahirap makita na ang taong mahal mo ay masaya na sa piling ng iba.

“Uuwi ka na? Pero may sasabihin ka pa sa akin 'di ba?” tanong naman ni Renz.

“Ha?” Nawala na sa isip niya ang dahilan kung bakit sila magkikita ng binata. Masyado na kasing naokupa ang isip niya dahil sa nalaman mula kay Monique. Tipid siyang ngumiti at sandaling sumulyap kay Renz na nakatingin pa rin sa kanya at naghihintay ng sagot. Parang nangungusap rin ang mga mata nito kaya umiwas agad siya ng tingin. Hindi niya kayang tingnan ito nang matagal.

“Ah.. . wala ‘yon. Kalimutan mo na lang. Hindi naman mahalaga.” Pinili niyang huwag na lang sabihin ang lahat. Itinaas pa niya ang kanang kamay at kumaway. “Sige ha? Bye.”

Tinalikuran na niya ang mga ito. Sa pagtalikod niya, bigla na lang tumulo ang kanyang mga luha. Kanina pa iyon nais pumatak ngunit pinipigilan niya. Agad niya itong pinunasan. Hindi tamang makita ng mga ito na nasasaktan siya. Nagtuloy-tuloy na siyang lumabas sa mall na iyon at sumakay ng jeep pauwi ng bahay.

Hindi pa rin maitago ang kalungkutan sa kanyang mukha nang pumasok siya sa loob ng bahay. Napangiti lang siya nang agad na sinalubong ng kanyang anak na si Clark. Bahagya pa siyang nagulat sapagkat akala niya ay kanina pa ito nakatulog.

“Bakit hindi ka pa natutulog?” agad na tanong niya sa bata. Hinimas niya ang ulo ni Clark gamit ang kanang kamay at tinitigan ito. Hindi maikakailang malaki talaga ang pagkakahawig nito kay Renz.

“Sabi mo kasi may surpresa ka sa akin, kaya hinintay kita,” nakangiting sabi nito.

Bigla niyang naalala ang sinabi sa anak.

“Dito ka lang at may surpresa si Mommy pag-uwi ko okay?”

Gusto sana niyang ipakilala na si Clark kay Renz bilang ama, ngunit malabo na 'yong mangyari pa. Napalunok siya saka nagsalita.

“Nakalimutan ko, pasensiya ka na. Sa susunod na lang ha?” hinging despensa niya sa anak. Nakita naman niya ang pagguhit na lungkot sa mukha ng kanyang anak pero agad ding ngumiti ito. Tila ba naintindihan siya nito.

“Tara, tulog na tayo.” Hinawakan niya ang kamay nito at sinamahan ito sa kuwarto. Tinabihan niya ito sa pagtulog.

Bumangon siya nang maramdamang mahimbing na ang tulog nito. Tulad ng nakaugalian niya tuwing gabi, tumingala siya sa langit buhat sa may terrace ng bahay. Tiningnan niya ang mga nagkikislapang mga bituin. Nakatitig siya sa paborito niyang butuin. Nagpakita ang bituin ngayon matapos ang matagal ding panahon. Tulad ng pagpapakita ni Renz ngayon.

“Masyado akong naniwala sa sign... naniwala sa tadhana at forever. Pero ito pala ang kapalaran ko, ang maging malungkot forever. Walang prince charming at happy ever after,” bulong niya rito.

Naramdaman niyang umagos ang ang mga luha sa kanyang pisngi. Pinunasan niya iyon gamit ang daliri saka napabuntong hininga.

Nagulat pa siya nang mag-ring ang kanyang cell phone. Kinuha niya ito sa may side table kung saan niya ito ipinatong kanina. Tiningnan niya ang screen at si Trisha ang nakarehistro roon. Tiyak na makikibalita na naman ito. Pinindot niya ang answer button saka nagsalita.

“Hello, Trisha.”

“Kanina pa ako nagtetext sa'yo, ‘di ka nagrereply. Anong nangyari?”

“My girlfriend na siya,” direktang tugon niya kasabay ang malalim na buntong hininga. Pakiramdam niya ay naninikip pa din ang kanyang dibdib sa katotohanang iyon.

“Na-meet mo?” hindi makapaniwalang sambit nito.

“Oo. Sinama n'ya kanina nang magkita kami.”

“So, hindi mo na sinabi ang tungkol kay Clark?”

“Siyempre hindi na. Makakasira pa ako ng moment nila. At saka malapit na silang ikasal.”

“Ay talaga?! Ano ba yan?! Late arrival ka! Kung napaaga ka sana ng dating hindi sana magpapakasal 'yon. Sabagay, hindi pa naman kasal, puwede pang humabol.”

“Loka-loka. Puro ka talaga kalokohan.” Bahagya siyang natawa.

“Totoo ang sinasabi ko 'no? Hindi pa huli ang lahat may pag-asa ka pa.”

“Tigilan mo nga 'yang kahibangan mo. Masaya na siya. Ayoko na ring guluhin pa siya.”

“Bahala ka, ikaw rin mahihirapan lalo na at mukhang magkaibigan na ulit kayo. Kung hindi mo siya ipaglalaban, umiwas ka na lang dahil I'm sure para mong pinukpok ng bato ang ulo mo habang tinitingnan silang masayang nagsasama.”

Hindi siya nakasagot. May punto si Trisha. Para lang niyang pinahirapan ang sarili kung patuloy pa rin siyang makikipagkaibigan kay Renz at worst kung malaman pa nitong siya ang ama ni Clark. Magiging kumplikado lang ang lahat.

“Anong dapat kong gawin? Ipaglalaban ko ba o iiwas na lang?” tanong pa rin niya sa sarili.

Napabuntong hininga na naman siya nang malalim. Gulong-gulo ang kanyang isip. Sa isang maling desisyon na gagawin niya, marami ang maapektuhan.

“Sana'y hindi na lang kami nagkitang muli. Wala sanang problema. Hindi sana ako nahihirapan at nasasaktan ngayon.” Napabuga siya nang malalim na buntong hininga saka muling tumingin sa bituin.

Pinili niyang umiwas kaysa ang manatiling close kay Renz. Hindi niya sinasagot ang mga text at tawag nito. Madalas din itong nagpupunta sa kanyang bahay ngunit tinataguan niya. Ayaw na niyang maging malapit sa binata dahil hindi tama ang nararamdaman niya. Committed na ito at masaya naman siya kasama ang kanyang anak kahit wala ito sa buhay nila nang matagal na panahon.

“Sigurado ka na ba sa desisyon mo na iwasan si Renz?” tanong ni Trisha habang kumakain sila sa canteen.

“Yon na nga ang ginagawa ko 'di ba?” sagot niya sabay sipsip sa soft drink.

“Pero nagtataka siya kung bakit mo ginagawa 'yon pati ako kinukulit niya. Hindi ko naman alam ang sasabihin ko 'no?”

“Basta h'wag mo na lang din siyang pansinin. Sabihin mo, hindi mo alam.”

“Pwede ba 'yon eh alam niyang best friend kita?”

“Kahit na. Hayaan mo lang siya. Magsasawa din 'yon.”

“Hindi ako magsasawa. Gusto kong malaman kung bakit ka umiiwas?”

Agad siyang napatayo at mabilis na nilingon ang lalaking nagsalita. Nanlaki pa ang kanyang mga mata nang makita si Renz. Gulat na gulat siya sa bigla nitong pagsulpot sa likuran.

“R-Renz? A-anong ginagawa mo dito?” Halos mautal siya sa pagsasalita. Bigla na naman kasing bumilis ang tibok ng kanyang puso nang makita ang binata. Ganoon na yata talaga kalakas ang epekto nito sa kanya.

“Sinadya talaga kita dito. Ilang beses na kitang pinuntahan sa bahay mo pero hindi kita mat'yempuhan. Lagi kang wala. Nagtetext ako sa'yo pero hindi ka nagre-reply. Nire-reject mo rin ang mga tawag ko. May problema ba tayo?” Lumapit ito kung saan siya mismong nakatayo. Titig na titig ito sa kanyang mukha at halata sa mukha nito ang labis na pagkainis.

Umupo ito sa upuang nasa harapan niya. Tumabi ito kay Trisha. Nananatili siyang nakatayo at nakatingin sa seryosong mukha nito.

“Titingnan mo na lang ba ako?” Nakasalubong ang mga kilay na sabi nito.

Napayuko siya at napilitan na ring umupo ngunit hindi niya pa rin alam ang isasagot.

“Akala ko okay tayo, bakit umiiwas ka na naman? May nagawa ba akong hindi mo nagustuhan?” Sandali siyang tumunghay at nakita niya sa mga mata nito ang labis na kalungkutan.

“Mukhang nakakaistorbo ako dito. Alis muna ako ha? Excuse me,” paalam ni Trisha sabay tayo sa kinauupuan. Ikinaway pa nito ang isang kamay bilang pamamaalam bago tuluyang umalis. Hindi na niya nagawang pigilan pa ito.

"Sagutin mo naman ako, best." nagsusumamong pakiusap nito.

"Tigilan mo na ako sa pagtawag ng best, okay? Hindi na tayo mag-best friend!" Bahagyang tumaas ang kanyang boses na tila ba iritable. Napanganga ito at wariy nagulat sa tinuran niya.

“Anong ibig mong sabihin?”

“Malinaw ang sinabi ko. Ayoko ng maging best friend ka! Tapos na ang friendship natin! Hindi tayo p'wedeng maging magkaibigan!”

Napatingin na ang ilang mga tao sa loob ng canteen dahil sa tensiyong namuo sa kanila. Nakagawa pa tuloy sila ng eksena.

“Bakit? Hindi ko maintindihan.”

“Hindi mo talaga maiintindihan dahil wala ka sa sitwasyon ko. Nahihirapan ako kapag nakikita kita. Nahihirapan ako kapag nagte-text at tumatawag ka. Nahihirapan akong patayin ang nararamdaman ko para sa'yo.”

Hindi ito nakapagsalita at nanatiling nakatitig sa kanya. Bakas din ang pagkagulat sa mga mata. Maging siya ay natigilan nang mapagtanto ang kanyang nasabi. Natutop niya ang kanyang bibig, muling tumayo at mabilis na tumakbo palayo.

Muling naglandas ang luha sa kanyang mga mata. Hindi niya alam kung saan tutungo. Ang tanging nais niya ay makalayo sa presensya nito.

Sa lalaking hanggang ngayon ay mahal na mahal pa rin niya.