Chapter 46 - Cut Connections

Iminulat ko ang aking mga mata nang may humalik sa dulo ng aking ilong. Nag-angat ako ng tingin kay Brey. Nakayakap siya habang nakatitig sa akin. Pareho kaming balot ng kumot. Biglang namula ang mukha ko nang ma-realize kong may nangyari sa amin kahapon. Tinakpan ko ng kumot ang mukha ko dahil sa hiya.

Tumawa si Brey at tinanggal ang kumot na nakatakip sa mukha ko. “Good morning,” aniya nang makita ang mukha ko.

“Good morning...” Napatingin ako sa may bintana at medyo madilim pa. Shoot! Madaling araw na ba? Lagot ako kay kuya!

“Are you alright? Gusto mo na bang umuwi?” tanong niya.

Kinuha ko ang cellphone ko na nasa bedside table niya. Pagtingin ko ay lowbat na pala. May kinuha si Brey sa kaniyang ulunan — 'yong cellphone niya. Nang umilaw ito ay tinapat niua sa akin ang screen para ipakita ang oras. Almost 4AM na pala!

“Anong gagawin ko? Baka hinahanap na ako ni kuya. Lagot ako.”

“Ihahatid na kita sa inyo,” aniya at bumangon.

Nagbihis na kami pareho. I noticed some blood stained on his bedsheets. Agad kong tinanggal ang bedsheets na ipinagtaka naman ni Brey.

“Why are you taking it off?”

“Uh, iuuwi ko lang para malabhan. May ano kasi, uhm... namantsahan ng dugo. Pero wala akong dalaw ngayon ah.”

Tumawa siya. “Iwan mo na lang 'yan. Ipapa-laundry ko na lang. Baka makita pa nila 'yan sa inyo.”

Tama siya, baka magtaka sila sa bahay na may dala akong bedsheets na hindi sa amin. Nilagay ko na lang sa malaking laundry basket na nakita ko. Nang makapagbihis kami ay lumapit agad sa akin si Brey para halikan sa noo.

“Sorry Nasha sa nangyari sa atin...”

“Don't be sorry. Pareho naman nating ginusto. May tiwala naman ako sa 'yong pananagutan mo ako.”

Ngumiti siya sa sinabi ko kaya binigyan niya ako ng smack kiss. “I love you.”

Ngumiti rin ako. “I love you too.”

***

Kabado ako habang papalapit kami sa bahay. Parang gusto ko tuloy ipahinto itong sasakyan at iatras pabalik sa bahay nila Brey.

“Brey, 'wag mo na lang akong iuwi sa'min?” sabi ko.

Nilingon niya ako. “Ha? Baka mas lalong magalit ang kuya mo at baka mag-report na 'yon sa pulis. Teka, 'yong seatbelt mo—”

Nanlaki ang mga mata ko habang nakatingin sa kalsada. “Brey! May mababangga ka!”

Bigla na lang nagbago ang vision ko. May mga ala-alang biglang lumitaw sa paningin ko. Iyak ako nang iyak sa ala-alang nakikita ko.

Agad na nag-break si Brey, pero dahil nakalimutan kong mag-seatbelt ay tumama ang noo ko sa may dashboard ng sasakyan niya.

“Nasha!” 'Yan ang huli kong narinig bago ako mawalan ng malay.

***

“Tay! Tatay!”

Humahagulgol ako habang tinatakbo ni nanay at mga nurse si tatay papasok sa emergency room. Nakahiga siya sa isang de-gulong na maliit na higaan, duguan siya at walang malay. Kinarga ako ni kuya na humahagulgol din.

“Kuya... a-ayos l-lang ba si t-tatay?” Kahit na hikbi ako nang hikbi ay nagawa ko pa ring magtanong.

“M-magiging okay lang si t-tatay... Nay!” Tumakbo si kuya nang makita niya si nanay na papunta sa amin habang umiiyak.

“Nay, k-kumusta si tatay?” tanong ni kuya at binaba ako.

“Mga anak... ang tatay niyo... p-puputulin daw ang kaliwang b-binti niya...”

Lalo kaming naiyak ni kuya kaya niyakap kami ni nanay.

“N-nay... Paano 'yong nakabangga kay tatay? Makukulong po ba siya?” tanong ni kuya.

Umiling si nanay. “H-hindi na anak... K-kung makukulong siya, p-paano na lang ang babayaran natin para sa operasyon ng tatay niyo?”

“P-pero nay—”

“Magandang umaga Mrs. Pineda.”

Napalingon kami sa lalaking lumapit sa amin.

“I am Atty. Ignacio, Mr. Simpson's Lawyer.”

Hindi ko na naintindihan ang ibang sinabi ng lalaki. Nag-usap lang sila ni nanay at may inabot na isang sobre ang lalaki sa kaniya. Pagkatapos no'n ay umalis na ang lalaki. Simpson... kilala ko ang apelyidong 'yon.

***

“Layuan mo nga ako! Galit ako sa 'yo! Galit ako sa pamilya mo!” sigaw ko sa batang kasama ni Nick. Iyak ako nang iyak dahil sa nangyari kay tatay.

“Simula ngayon, 'wag mo na akong lalapitan dahil hinding-hindi na ako makikipagkaibigan sa 'yo!”

Hindi ko na hinintay pang sumagot si Brey at tumakbo na lang ako. Dahil sa maliliit pa ang mga binti ko ay nadapa ako.

“Grasya!” Tumakbo palapit sa akin si Nick para tulungan akong tumayo. Pinagpag niya ang mga dumikit na buhangin sa mga tuhod ko. Mabuti na lang at walang sugat, nagasgas lang.

“Dahan-dahan kasi. Bakit ka ba nagagalit kay Brey? Ayaw mo ba siyang kalaro?” tanong ng inosenteng si Nick.

“Dahil sa kanila nawalan ng paa si tatay! Dahil sa tatay niya naghihirap ngayon si tatay!”

***

“Hindi makukulong si daddy,” walang emosyong sabi ni Brey habang hawak ang kamay ng daddy niya.

Papunta sana kaming tatlo nina kuya at nanay sa ospital nang masalubong namin sina Brey at ang daddy niyang may dalang mga maleta.

“Anong hindi?! Siya ang bumangga kay tatay! Dahil d'yan sa daddy mo kaya nawalan siya ng kaliwang paa!” galit na galit si kuya. Si kuya kasi 'yong tipong hindi titigil hangga't hindi nabibigyang hustisya ang mga mahal niya sa buhay. Kahit bata pa si kuya, parang matanda na siyang mag-isip.

“It was just an accident. Please don't hate my daddy,” sagot ulit ni Brey.

Hinawakan ng daddy niya ang kaniyang kaliwang balikat. “Anak, stop it. I made their life miserable. They have the rights to hate me. It was my fault.”

Bumaling siya sa amin. “I am sorry for everything. Forgive me. But, please let us leave for now. Kailangan kong i-transfer ng school ang mga anak ko abroad. I promise, pag-uwi ko rito ay pagbabayaran ko ang kasalanan ko.”

“But dad—”

Tumingin siya sa anak niya. “No buts, Brey.” Bumaling ulit siya sa amin. “Kailangan na talaga naming umalis. Mauna na kami ha?” aniya at nagmadaling umalis hila-hila si Brey.

Pero ilang taon na ang lumipas ay walang Mr. Simpson na dumating.

***

Dumilat ang mga mata ko kasabay ng pagpatak ng aking mga luha. Gusto kong humagulgol pero sumakit lang ang ulo ko. Napahawak ako sa may noo kong may bandage. Napatingin naman ako sa kamay ko na may nakakabit na swero. Nasa hospital pala ako.

“Nasha?! Okay ka na ba?” tanong ni kuya na kakapasok lang kasama si Ate Lianne at lumapit agad sila sa akin.

“Umiyak ka ba?” dagdag sa tanong ni kuya nang mapansin ang luha sa mga mata ko.

“Kuya... naaalala ko na ang lahat. Alam ko na kung bakit walang kaliwang paa si tatay...” Umiyak na naman ako.

Alam kong matagal na panahon na 'yon, pero nang bumalik lahat ng ala-ala ko ay pakiramdam ko parang kahapon lang nangyari. Kaya nagiging emosyonal ako ngayon.

Niyakap ako ni kuya. “Tahan na. 'Wag ka nang umiyak at baka hindi ka gumaling.”

Narinig naming bumukas ang pinto at pumasok si Nick na may dala-dalang mga pagkain. Agad siyang lumapit sa akin nang makita ako. Bakas sa mukha niya ang pag-aalala.

“Bakit ka umiiyak? May masakit ba sa 'yo?” tanong niya habang hinahaplos ang mukha ko.

“O-okay lang ako, Nick.”

Tumikhim si kuya kaya napatingin siya rito at bahagyang lumayo sa akin.

“Kahit nasa hospital na tayo ang strikto mo pa rin kapag umaaligid si Nick sa kapatid mo,” biro ni Ate Lianne pero seryoso lang ang kaniyang mukha.

“Sorry,” sabi lang ni kuya.

“Teka... sinong nagdala sa akin dito?” tanong ko habang pinupunasan ko ang mga luha ko gamit ang aking kamay na walang swero.

Nagkatinginan sina kuya at Ate Lianne saka bumalik ulit ang tingin sa akin.

“Si Brey. Tinawagan niya kami gamit ang cellphone mo. Narito ka raw sa hospital. Inabutan namin siya rito pero itong kuya mo bigla na lang—”

“Ah, Nasha kumain ka muna. May dala palang pagkain si Nick,” pagputol ni kuya sa sinasabi ni Ate Lianne.

Nilabas na ni kuya ang mga styrofoam plates na may lamang pagkain. Inalalayan naman akong bumangon ni Nick at inabot sa akin ang pagkain.

“Nasaan na si Brey? Okay lang ba siya?” tanong ko.

Ang huli kong natatandaan ay muntik na siyang makasagasa ng asong tumatawid. Tapos bigla siyang nagbreak at tumama naman ang ulo ko sa dashboard dahil hindi ako nakapag-seatbelt.

“Ah... pinauwi na siya ng doctor kanina. Hindi naman siya nasaktan, wala naman siyang galos,” sagot ni Ate Lianne.

“Mamaya ka na muna magtanong-tanong, Nasha. Kumain ka na muna para makapagpalakas ka. Mahigit limang oras ka pa namang walang malay kanina,” sabi ni kuya at inalalayan akong kumain.

“Ako na kuya. Kaya ko naman kumain gamit 'tong isang kamay ko.”

“Saan ba kayo galing ng lalaking 'yon? Kung hindi pa tumawag 'yon ay hindi ko malalaman na wala ka pala sa bahay ng madaling-araw. Mabuti na lang at pinapayagan akong mag-out ng maaga sa trabaho kapag may emergency.”

Kinabahan ako sa tanong ni kuya. Anong sasabihin ko? Na may nangyari sa amin ni Brey? Baka magwala lang si kuya pag nalaman niya 'yon.

“Gerald, umuwi na muna tayo. Hayaan na muna natin ang kapatid mo na magpahinga. May duty ka pa mamayang gabi at kailangan mo rin ng pahinga kasi straight ang pasok mo kahapon. Si Nick na muna ang magbabantay sa kaniya.” Nakahinga ako nang maluwag nang niyaya na siya ni Ate Lianne na umuwi.

Bumuntong-hininga si kuya saka siya tumayo. “Paglabas mo rito sa hospital, magpaliwanag ka. Sige na, mauna na kami. Kumain ka ng marami ha? Ikaw Nick, bantayan mo nang mabuti ang kapatid ko.”

Tumango lang si Nick bilang sagot. Lumapit si kuya para halikan ako sa noo bago sila lumabas ni Ate Lianne.

Nagulat naman ako nang bigla akong yakapin ni Nick pagkasara ng pinto.

“Nag-alala ako. Kung anu-anong pumapasok sa isip ko kanina nang tawagan ako nila Ate Lianne at sinabing naaksidente ka raw. Akala ko malubhang aksidente ang nangyari, mabuti na lang at 'yan lang ang nangyari sa'yo. Bakit pala madaling-araw ay bumibiyahe kayo?”

Hindi ko masagot ang tanong niya kaya kumain na lang ako.

“Mukhang ayaw mong sagutin ang tanong ko. Sige kumain ka lang d'yan. Magpalakas ka para makalabas ka na ng hospital.”

“Nick...”

“Hm?” Tumingin siya sa akin.

Nagdadalawang-isip ako kung sasabihin ko ba sa kaniya na naaalala ko na lahat. Pero para saan pa? Hindi na tulad ng dati ang nararamdaman ko ngayon para sa kaniya.

“Wala,” sabi ko na lang at tinuon ang pansin sa aking kinakain.

***

Dalawang araw lang ang tinagal ko sa hospital at pinauwi na ako ng doctor.

Nakasay kami nina kuya sa kotse ni Nick. Ilang minuto lang ay nakarating na kami sa bahay. Pagbaba namin ay sinalubong kami ni Jannise na naka-abang pala sa tapat ng bahay.

“OMG, Nash!” agad siyang lumapit sa akin at inalalayan ako papunta sa loob ng bahay. “Sorry ha, hindi ako nakadalaw sa 'yo no'ng nasa ospital ka. Hindi kasi puwedeng hindi sumipot sa club meeting namin, tapos may activity pa.”

“Okay lang. Tatlo-tatlo naman ang nagbantay sa akin doon.”

Nilapit niya nang kaunti ang mukha niya sa tainga ko. “Si Brey ba hindi dumalaw sa 'yo after no'ng accident?” bulong niya.

Umiling lang ako bilang sagot. Kaya ba hindi siya dumalaw ay dahil kay kuya? Pinagbawalan kaya siya ni kuya na huwag akong lapitan?

“Mauna na ako, Nasha. Kita na lang tayo sa school,” sabi ni Nick habang nasa sasakyan.

“Uy, wait lang! Sabay na ako sa 'yo. Pahatid ako sa bahay ng classmate ko,” sabi ni Jannise.

Bumaling sa akin si Jannise. “Sige una na ako Nash. Kita na lang din tayo sa school. Bye!” aniya at tumakbo papunta sa kotse ni Nick.

Kumaway lang ako sa kanila at pumasok na sa loob. Nakaalalay sa akin sina Ate Lianne at kuya.

“Magluluto na ako ng hapunan natin,” sabi ni ate bago pumunta sa kusina.

Umupo kaming pareho ni kuya. “Magpahinga ka na kuya, ilang oras na lang duty mo na mamayang gabi,” sabi ko.

Pagka-out niya kasi sa duty niya, dumidiretso na siya sa hospital para bantayan ako.

Bumuntong-hininga siya saka tumingin sa akin nang seryoso. “Kung ano man ang mayro'n sa inyo ng Brey na 'yon, ngayon pa lang ay putulin mo na. Hindi siya makakabuti para sa'yo. Sige, iidlip lang ako. Magpahinga ka na muna sa kuwarto mo,” aniya at tinapik-tapik ang balikat ko bago tumayo at tumungo sa kanilang kuwarto.