Chapter 47 - Happy Birthday
Almost one week have passed since the accident and almost one week na hindi ko magawang kontakin si Brey dahil sa sinabi ni kuya. Maging si Brey ay hindi rin ako kinokontak. Nasaan na naman kaya 'yon? Palagi na lang siyang nawawala tapos bigla-bigla rin susulpot. Ito na ba ang katapusan ng relasyon namin? Agad-agad?
Noong bumalik ang ala-ala ko tungkol sa kaniya, bumalik din ang sakit dahil sa ginawa ng daddy niya. Sinabi niyang pagbabayaran niya ang ginawa niyang kasalanan sa tatay ko pero ayon, hindi na nagparamdam. Galit din ako kay Brey noon dahil pinagtatanggol niya ang daddy niya. Ayaw niyang makulong ito.
Napaisip din ako, kung ako siguro ang nasa posisyon niya, ipagtatanggol ko rin ang tatay ko kahit na may kasalanan siya. Pero sana naman ay magpakita ang daddy niya sa amin at humingi ng tawad. Mapapatawad naman namin siya eh, basta ba sincere siya at talagang pinagsisihan niya ang ginawa niyang pagtakas noon.
Gusto kong magalit kay Brey kasi hindi man lang niya kinausap ang daddy niya. Ang tagal na niya rito pero hindi niua sinabi sa akin ang totoo. Pero hindi ko magawang magalit sa kaniya dahil mahal ko siya. Siguro tampo lang ang kaya ko.
“Nasha, okay ka lang ba?” I came back to my senses nang pitikin ni Nick ang mga daliri niya sa harap ng mukha ko.
Hindi ko napansin na tapos na pala ang first subject namin at palabas na ng classroom 'yong teacher namin.
“Okay lang ako.” Tipid akong ngumiti.
Balik na kami ulit ni Nick sa dati, tulad no'ng nag-transfer siya rito. Hindi ko alam kung tinigil na nga ba niya ang panliligaw kasi wala siyang binabanggit. Basta umakto na lang siyang parang walang nangyari after ng accident.
“Ano bang iniisip mo at tulala ka riyan?”
“W-wala naman. Ano, medyo inaantok lang ako.”
“Himala, first time mo 'atang inantok sa isang lecture.” Tumawa siya.
Mas gusto ko 'yong ganito lang kami ni Nick. Sana hindi na 'to magbago ulit. Pero nalulungkot ako kasi hindi ko matutupad 'yong pangako ko noon sa kaniya. Bata pa kasi kami noon at habang lumalaki ay nababago rin ang feelings. Tulad na lang ng kay Brey, galit ako sa kaniya noon pero ngayon ay mahal ko na siya. Thanks to my amnesia and Troy.
Hayaan mo Nick, may makikilala ka rin na mas deserve kang mahalin. 'Yong taong mas better kaysa sa akin, 'yong kayang-kaya kang mahalin tulad ng pagmamahal na binibigay mo sa akin.
“Well, people change. Hindi naman forever na focus ako sa lectures. Mukha lang akong nerd — noon. Pero I'm not really a geek nor a genius. I'm just a good student.”
“But you were already not a good student minutes ago.” Tumawa ulit siya. Kahit ako ay natawa na rin.
Natahimik ang buong klase nang pumasok ang isang teacher na hindi naman dito nagtuturo.
“Good morning. I am here to announce that your subject teacher at this time took one week leave. May temporary subject teacher kayo tomorrow for a week. But for today, he left a seat work for you to do. I'll leave these here.” Nilapag niya ang mga workbook namin sa lamesa at nagpaalam nang umalis.
“Aww. Akala ko pa naman vacant time na. Lalakwatsa pa naman sana ako,” sabi ng isa sa classmate namin.
“Tinatamad akong mag-seatwork. Matutulog na lang ako,” sabi ni Nick at umub-ob sa desk niya.
“Lagi mo na lang tinutulugan ang ilang subjects. Mabuti na lang matalino ka,” sabi ko at tumayo para i-distribute ang mga workbooks namin. Tumawa naman siya sa sinabi ko at sumunod rin sa akin para tulungan akong mag-distribute.
“Pineda, sinagot mo na ba si Valdez?” biglang tanong ng classmate naming lalaki.
Nagkatinginan kami ni Nick. Tumawa lang siya nang mahina at bumaling sa nagtanong. “'Wag naman ganiyan ang tanong, masakit dito eh,” aniya at pabirong tinuro ang kaliwang dibdib niya.
“Ah, basted ka gano'n?”
Pabiro niyang pinalo ng workbook sa ulo ang kaklase namin. “Oh ayan, gumawa ka na lang ng seat work mo.”
Tumingin sa akin si Nick. Nginitian lang niya ako at sinabihang ipagpatuloy na namin ang pagdi-distribute.
Kung hindi lang sana nagbago ang feelings ko noon para sa'yo, sana hindi ka ganiyan kalungkot ngayon, Nick. Sana talaga makatagpo ka ng babaeng mas mamahalin mo.
***
Magkasabay kami ni Jannise na palabas ng gate ng school. Ihahatid sana kami ni Nick pero mukhang may something na urgent kaya nauna na siyang umuwi. Kuwento lang nang kuwento ng kung anu-ano si Jannise habang naglalakad kami. Hindi ko alam kung paano ba kami naging magkaibigan nito.
“Hindi ka pa ba kinokontak ni Brey?” biglang tanong ni Jannise.
“Hindi pa eh. Kinausap yata ni kuya na 'wag makipag-usap sa akin.”
“Grabe naman 'yang kuya mo. Hindi pa ba siya nakaka-move on? Ilang years na kaya 'yon. At hindi naman kasalanan ni Brey, 'yong father lang niya ang may nagawang mali sa inyo.”
“Hayaan na lang natin kung ano ang gusto ni kuya. Sigurado akong ang gusto lang niya ay humingi ng tawad si Mr. Simpson sa amin sa hindi niya pagpapakita sa amin noon.”
Humlukipkip siya. Sandali siyang tumahimik bago nagsalita ulit. “Nagugutom ako. Maaga pa naman, kain muna tayo sa labas. Libre kita.”
“'Di mo naman kailangang ilibre ako, Jann.”
“Okay lang, ano ka ba? 'Tsaka ngayon lang naman kita ililibre eh.”
“Sige na nga.”
Sa malapit na milk tea shop namin napagkasunduang pumunta. Nakita pa namin doon si Dovee na mag-isang kumakain ng fries.
“Nandito pala si Dovee? Lapitan mo nga, order lang ako,” utos ni Jannise at nagtungo sa counter.
Lumapit ako kay Dovee na agad akong nakita. Kumaway siya at nginitian ako.
“Hindi mo kasama si Tristan?” tanong ko nang makaupo ako sa bakanteng upuan sa harapan niya.
“Ah, hindi pumasok si Tristan, Ate Nasha. Masama raw ang pakiramdam,” sagot niya.
“Gano'n ba? Kumusta naman? Hindi ko kayo masyadong nakikita sa school ah?”
“Magkakaiba kasi tayo ng schedule. 'Tsaka madalas sa labas na kami kumakain ni Tristan.”
Magsasalita pa sana ako nang may lalaking nakasuot ng hoodie jacket na lumapit kay Dovee. Hindi ko masyadong makita ang mukha niya. Nakilala ko lang siya nang banggitin ni Dovee ang pangalan ni Troy.
Hinablot ni Troy ang braso niya para mapatayo siya.
“Troy, nasasaktan mo na si Dovee,” mahinahon na pagkakasabi ko dahil ayaw kong makakuha kami ng atensyon dito.
Humarap sa akin si Troy at sinamaan lang ako ng tingin. Hinila niya si Dovee palabas ng shop.
“Troy, ano ba?! Bitawan mo nga ako!” 'yon ang huling sabi ni Dovee bago sila tuluyang makalabas ng shop.
“Anong nangyari? Si Troy ba 'yon o si Tristan?” tanong ni Jannise na papalapit sa akin habang bitbit ang tray na may mga pagkain at milk tea.
“Si Troy 'yon. Bigla na lang siyang sumulpot dito at hinatak palabas si Dovee,” sagot ko.
“Mukhang may something sa dalawang 'yon. Kung gano'n, mas boto ako kay Tristan. Sama ng ugali ng Troy na 'yon,” sabi ni Jannise at nilantakan na ang burger.
“Kung ano man ang problema nila, sana matapos din. At sana magbago na si Troy.”
“Sinabi mo pa. 'Wag na nga natin silang intindihin. Maiba nga tayo ng topic,” aniya at uminom sa milk tea niya.
“Anong topic?”
“Teka, wala akong maisip. Naubusan na ako ng topic. Ubusin na lang natin 'to tapos uuwi na tayo.”
“First time mo yata maubusan ng topic?” sabi ko habang tumatawa.
“Gutom lang ako kaya gano'n. Pero ito, anong plano mo ngayon? Paano kung hindi na magpakita 'yong daddy ni Brey sa inyo? Baka pati si Brey hindi na rin magpakita.”
Napaisip ako sa sinabi niya. Ang sakit naman kung hindi na magpapakita sa akin si Brey. Paano na lang ang mga pinagsamahan namin? Gano'n na lang ba 'yon? Tutor ko lang ba talaga siya? Pero mahal naman namin ang isa't isa.
“Huy! Okay ka lang ba Nash? Ang lalim 'ata ng iniisip mo?” Pinitik-pitik niya pa ang daliri niya sa harap ko.
“O-okay lang ako. Take out ko na lang itong akin, gusto ko nang umuwi eh.”
“Sige, take out ko na rin 'tong sa akin para sabay na tayong umuwi,” aniya at tinawag ang isang staff ng shop para ipagbalot kami.
***
“Happy Birthday!”
Nagulat ako nang pagbukas ko ng pinto ay ito ang bumungad sa akin. May suot na party hat sina kuya, Ate Lianne, tatay, at Nick. Napatili pa nga ako dahil sa lobong pinaputok nila na may lamang mga confetti.
Ngumiti rin ako nang maka-recover ako sa pagka-gulat.
Hindi ko naalalang birthday ko pala ngayon. Na-touch naman ako.
Niyakap ko sila isa-isa at nagpasalamat. Mangiyak-ngiyak pa nga ako kasi first time na may nag-surprise sa akin ngayong birthday ko. Hindi kasi ito ginawa ng mga umampon sa akin noon.
“Hala kayo, pinaiyak niyo na si Nasha,” natatawang sabi ni Ate Lianne.
“Na-touch lang 'yan. Halina kayo, kumain na tayo. Mamaya ko na ibibigay 'yong regalo ko,” sabi ni kuya.
“Nag-abala pa kayo. Pero salamat sa effort kuya. Sobrang na-appreciate ko 'to,” sabi ko habang pinupunasan ang namuo kong luha.
“'Wag ka sa akin magpasalamat. Si Nick ang may ideya nito. Siya pa nga ang unang naka-alala sa birthday mo.”
Tumingin ako kay Nick at nagpasalamat. Kaya pala hindi na niya kami pinasabay na umuwi kanina. Sayang lang at hindi ko na-invite si Jannise dito.
“Hindi mo man lang pinaalalang birthday ko pala, naimbitahan ko sana rito si Jannise,” sabi ko.
“Ito talagang kapatid ko, nanisi pa,” sabat ni kuya.
“Naghihintay na ang pagkain. Halina kayo,” sabi ni tatay na nasa kusina na pala.
May isang chocolate cake; isang bilao ng spaghetti at pancit; at isang pitsel ng orange juice.
“Galing nga pala kay Nick itong chocolate cake,” sabi ni Ate Lianne habang ini-slice ang cake.
“Hindi ka na sana bumili. Nakakahiya naman,” sabi ko.
“Okay lang, Nasha. Gift ko sa'yo 'yan.” Ngumiti siya.
“Salamat nang marami, Nick.”
“Kantahan na natin si Nasha,” masiglang sabi ni kuya.
Patawa-tawa pa ako habang kinakantahan nila ako. Sintunado kasi si kuya. Mabuti na lang at maganda ang boses nina Ate Lianne at Nick. Ilang sandali lang ay kumain na kami.
“Regalo ko sa'yo.” Inabot ni kuya ang isang paper bag habang kumakain.
“Thank you, kuya.” Binuksan ko ito para makita kung ano ang laman. Natuwa ako nang makita ang dalawang novel books.
“Alam kong mahilig kang magbasa kaya iyan ang naisip kong regalo sa'yo.”
“Sa birthday mo kuya bibigyan din kita ng regalo na magugustuhan mo.”
“Naku, kahit batiin mo na lang ako matutuwa na ako.”
Nang matapos kaming kumain, nag-stay saglit si Nick para magpababa ng kinain. Nasa harap kami ng sasakyan niya habang nagkukuwentuhan. Madilim na dahil exact 7pm na. Siya lang ang madalas na nagkukuwento lalo na ang nakaraan namin. Patawa-tawa na lang ako sa mga kinukuwento niya.
“Siguro kung naging normal lang ang sitwasyon noon, sana tayo na siguro. Nakakalungkot dahil hindi natupad 'yong pinangako natin. Ginawa ko ang lahat para tulungan ka at bumalik ang ala-ala mo. Pero siguro nga hindi tayo ang para sa isa't isa. Ang hirap tanggapin na totoo ang tadhana. Sana tayo na lang tinadhana eh.”
“Matatagpuan mo rin ang para sa 'yo. Sorry kung hindi ako 'yon. Kung hindi sana naging magulo ang sitwasyon, ikaw rin sana ang minahal ko hanggang ngayon.”
Tumingin siya sa akin at umayos ng tayo. Nakasandal kasi kami sa headlight ng kotse niya.
“P'wede bang ikaw na lang ang para sa akin? P'wede bang baguhin ang tadhana? 'Di ba p'wede namang matutunang mahalin ang taong hindi mo mahal?”
“Nick, please lang, 'wag na. Mag-move on ka na. Alam mong may mahal na ako. Mahal na mahal ko siya. Kung tayo ang nakatadhana, gagawa at gagawa naman ng way ang destiny para tayo ang magkatuluyan sa huli. 'Di ba?”
Bumuntong-hininga siya. “Kung gano'n... can I kiss one last time? Last na 'to, I promise. Pagkatapos ay titingnan na lang kita bilang kaibigan.”
“Pero—”
“Please?”
Napakagat ako sa labi ko, pinag-iisipan ko kung papayag ba ako. Sabi niya ay last na. Tumingin ako sa kaniya at tumango.
He cupped my face and leaned forward. Pumikit ako at ilang saglit lang ay naramdaman ko na ang labi niya sa akin.
“I love you Nasha... last na 'to,” he whispered between his kisses.
Medyo matagal din bago siya humiwalay.
“Nasha...” Halos manigas ako nang marinig ko ang boses niya.
Pareho namin siyang nilingon. Nakakunot ang noo niya at kahit madilim ay nakikita ko ang mga luha niyang umagos mula sa mga mata niya. May hawak siyang isang box na maliit na nakabalot sa gift wrapper. Nabitawan niya pa ito.
“B-Brey...” Humakbang ako palapit sa kaniya pero tinalikuran niya ako at mabilis na naglakad patungo sa kaniyang kotse.
What have I done?