Chapter 13: Sanitary pads
NANG MAKAUWI kami galing sa pamamasada. Sumalubong agad sa amin si Brix at nagmano agad kay Tatay.
"Mano po 'Tay."
Nagmano muna si Brix bago siya piningot ng Tatay.
"Ikaw talagang bata ka, saan ka nanggaling?!" sigaw sa kaniya ni Tatay habang pinipingot ang tainga niya.
"Aray 'Tay! Masakit po, nag basketball lang po kami ng mga kaibigan ko."
"Mas inuna mo pang mag basketball kaysa tulungan ako sa pamamasada. Ang Ate mo ang tumulong sa akin kanina pati rin ang kaibigan niyang CEO ng LC Company!"
Nanlaki ang mga mata ni Brix sa huling sinabi ni Tatay. Napatingin siya kay Luxary bago siya tumingin sa akin.
"'Yong sikat na Luxary's Champagne po ba 'yon, Ate?" gulat niyang tanong sa akin.
Tumango naman ako sa kaniya. Lalong lumaki ang mga mata ni Brix bago siya tumakbo sa kusina.
"Brix! Bumalik ka dito, hindi pa tayo tapos mag-usap!" inis na sigaw ni Tatay.
"Bukas mo na lang po ako pagalitan, 'Tay!" sigaw ni Brix mula sa kusina.
"Aba't ikaw talagang bata ka!"
Napailing na lang ako, nilapitan ko si Tatay para pakalmahin.
"'Tay, kalma lang po baka tumaas ang presyon mo. Magpahinga ka muna sa k'warto. Natutulog pa rin po si Nanay, chineck ko na po kanina. Magpahinga ka na rin po muna. Ako na lang ang magluluto ng hapunan maya-maya."
"Sigurado ka anak? Ikaw, kanina ka pa kumikilos. Hindi ka ba napapagod?" mahinahon niyang tanong sa akin.
"Ayos lang po ako, 'Tay. Kaya ko pa naman po at saka sanay na rin po ako," ngumiti ako sa kaniya.
"Oh, siya sige. Pagpahingahin mo na rin si Luxary, nakakahiya na sa kaniya. Bisita natin siya pero kita mo naman ang mga ginawa niya ngayon," nakangiting sabi ni Tatay.
"Sige po 'Tay."
"Pero anak, pag-isipan mong mabuti 'yong sinabi niya kanina--"
"'Tay!" sinamaan ko siya ng tingin kaya tumawa siya sa naging reaksyon ko.
"Biro lang anak, suportado namin kung ano man ang mga desisyon mo sa buhay basta't nasa tama."
Tumango naman ako sa kaniya bago siya dumiretso sa loob ng k'warto nila ni Nanay. Humahangos na lumabas si Brix galing sa kusina na may dalang tasa ng kape.
"Kuya boss, inom ka muna ng kape paniguradong pagod ka na sa buong pamamasada."
Umupo silang dalawa sa sofa at parang hangin lang ako sa kanila na hindi man lang pinansin. Inabot ni Brix ang tasa ng kape sa kaniya. Ngumiti siya kay Brix.
"Salamat."
"Pasens'ya ka na Kuya boss, hindi ko alam na nandito kayo ni Ate Britney," nahihiyang sabi niya habang kumakamot sa batok.
"Bakit may boss pa? E, p'wede namang Kuya na lang," nangingiting sabi ni Lux sa kapatid ko.
"Okay lang po bang Kuya na lang ang i-tawag ko sa'yo?" nahihiyang tanong ni Brix sa kaniya.
"Oo naman, mas maganda ngang pakinggan 'yon," natutuwang sambit ni Lux.
"Talaga?! Sabi mo 'yan Kuya ah," nagningning ang mga mata ni Brix.
Nag-usap silang dalawa na parang matagal na silang magkakilala. Nagtatawanan na sila dahil sa mga random nilang pinag-uusapan. Parang may kung anong humaplos sa puso ko sa mga nakikita ko.
Napangiti akong pumunta sa kusina. Hindi ko inaasahan na mabilis lang makakasunod ni Luxary ang pamilya ko. Kahit no'ng hindi pa naman nila alam na si Luxary ang CEO ng LC Company ay mabuti na ang pakikitungo ng pamilya ko sa kaniya at gano'n din siya sa pamilya ko. Kaya natutuwa ako sa naging resulta ng pakikitungo niya sa pamilya ko.
Nagtimpla muna ako ng sariling kape at bumalik sa sala para samahan silang dalawa. Naabutan ko pa rin sila na masayang nag-uusap. Napunta ang tingin nila sa akin nang maupo ako sa tabi ni Luxary.
"Ate, bukas na 'yong perya sa bayan baka trip niyong pumunta ni Kuya Luxary bukas?"
"Ano naman ang gagawin namin do'n?" takang tanong ko saka ako sumimsim ng kape.
"Ang kj mo naman, s'yempre mamamasyal o 'di kaya mag-date kayo ni Kuya Lux, 'di ba Kuya?" may panunudyo ang sumilay sa kaniya saka siya kumindat kay Luxary.
"Oo nga naman Britney," panggagatong niya sa kapatid ko. "Mukhang masayang magperya."
"Sigurado ka?" paniniguro ko sa kaniya.
"Oo, sigurado ako. Ahm.. Ano ba 'yong perya?" inosente niyang tanong at napakamot sa batok.
Napalo ko ang noo ko.
"Hindi mo alam ang perya? Akala ko pa naman nakapunta ka na sa perya."
Nagkibit lang siya ng balikat.
"It's a carnival."
"Ahhh! Mukhang exciting, tara punta tayo bukas," excited niyang paanyaya sa akin.
"Ayos!" tuwang sabi ni Brix. "Isasama ko rin si Raine bukas."
"Sino si Raine?" takang tanong ko sa kapatid ko.
"Ha? 'Yong crush ko Ate."
"Ah talaga? Sigurado kang crush lang?"
"Med'yo hehe."
"Ikaw talagang bata ka, mag-aral ka muna bago mag love life!"
Piningot ko ang tainga niya na agad naman niyang ininda.
"Aray ko po Ate! Parehas talaga kayo ni Tatay, ang sakit niyong mamingot," reklamo niya.
"Ikaw kase, pasaway ka na lang parati!" panenermon ko.
"Malaki na ako, Ate."
"Totoy ka pa, may gatas ka pa sa labi. Saka ka na mag love life kapag may trabaho ka na."
"Si Ate naman laging bitter, lakas makabasag ng love life," reklamo niya ulit habang kumakamot sa ulo. "Mag love life ka na rin kaya Ate para 'di ka na maging bitter--"
"Brix!" pinaningkitan ko siya ng mata.
"Bakit po, Ate? Totoo naman e, nand'yan naman si Kuya Luxary--"
"Miguel Brix Serrano!" pinandilatan ko siya ng mga mata.
Natahimik naman siya dahil alam niyang galit na ako. Tumingin ako kay Luxary na may mapaglarong ngiting sumisilay sa labi niya habang pinapanood niya kaming magkapatid.
"Tama naman ang kapatid mo Britney, ano'ng masama ang magkaroon ng love life?" nakangisi niyang tanong sa akin.
"Walang masama pero kung ikaw, 'wag na lang," inirapan ko siya.
"Bakit ba ang init ng dugo mo sa akin?" kunot noo niyang tanong.
"Kase ang kulit mo," mariin kong sabi.
"Baka kapag hindi na ako nangulit sa'yo, mamiss mo ako," nakangisi niyang sabi.
"Parang siguradong-sigurado kang mami-miss ko ang isang tulad mong mokong."
"Ako? Mokong? Sa g'wapo kong 'to?"
"Whoo! Ang lakas ng hangin dito ah?" sarcastic kong sabi.
"Kunwari ka pa Ate, bet mo naman panigurado si Kuya. Saan ka makakahanap ng isang tulad niya? Mabait, magalang, marunong makisama, down to earth, simple, matalino, g'wapo, at mayaman! Siya ang CEO ng LC Company. Ang pinaka sikat na kompanya dito sa Pilipinas. Saan ka pa?"
"Kahit siya pa ang pinaka mayaman at g'wapo dito sa Pilipinas wala akong pake," inirapan ko siya. "Kaya tigil-tigilan mo na ang pangre-reto mo sa akin dito kay Luxary."
"Bakit ba ang beast mood mo ngayon?" takang tanong niya sa akin.
"Oo nga, bakit ba ang init ng ulo mo?" segunda ni Luxary.
"Wala kayong pake!" iritang sigaw ko sa kaniya.
"Hala? Galit yarn?" pang-aasar ni Brix.
"Ewan kayo sa inyo, bahala nga kayo d'yan!"
"May mood swings ata," bulong ni Luxary sa kapatid ko na narinig ko naman.
Tumayo na ako at handa na akong dumiretso sa kusina pero biglang nagsalita si Brix.
"Hala Ate may dugo ka!"
Nanlaki ang mga mata ko. Tiningnan ko ang likuran ko at may dugo nga ang shorts ko. Mabilis akong humarap sa kanila para itago ang likuran ko. Parang gusto kong magpalamon sa lupa lalo na no'ng magtama ang tingin namin ni Luxary. Seryoso lang ang mukha niya at parang normal lang sa kaniya ang makakita ng gano'n kaya med'yo nakahinga ako ng maluwag. Akala ko kase ay mang-aasar na naman siya.
"May sanitary napkin ka ba?" bigla niyang tanong.
Kumunot ang noo sa pagtataka.
"Ha? Wala bakit?" takang tanong ko.
"Tss. Go and change, I'll buy your sanitary napkin."
Nakanganga akong tumingin sa kaniya nang dumiretso siya palabas ng bahay pero tumigil siya saglit saka ulit siya humarap sa akin at nagtanong.
"Do you prefer wings or non-wings?"
"W-walang wings," nauutal kong sabi.
"Noted," saka siya lumabas ng bahay.
Nagkatinginan kami ni Brix at parehas kaming nagulat kay Luxary.
"Unbelievable, saan ka makakahanap ng lalaking CEO na bibili ng sanitary napkin mo, Ate?" hindi makapaniwalang tanong sa akin ni Brix na umiling-iling pa.
Napalunok na lang ako sa sarili kong laway habang bumibilis na naman ang pagtibok ng puso ko nang dahil kay Luxary Navarro.