Chapter 12: CEO

NATAPOS ANG pamamasada namin nang matiwasay. Nagmimiryenda na kami ng fishball kasama si Luxary. Nasa loob ng driver seat kumakain si Tatay habang kami naman ni Luxary ay abala pa sa pagtutuhog ng mga fishball na nilalagay sa plastic cups.

Pumasok na kami sa loob ng Jeep at doon kami kumain. Tahimik lang kaming kumain nang basagin ni Tatay ang katahimikan.

"Nasaan ba ang kapatid mo Britney at hindi ko pa nakikita magmula kanina?" tanong sa akin ni Tatay.

"Baka ho nasa bahay ng kaibigan niya?" hindi ko rin siguradong sabi.

"Malilintikan talaga sa akin ang batang 'yon pag-uwi. Dapat ay siya ang kasama ko sa pamamasada pero heto't kayo pa ang sumama sa akin," naiiling na sabi ni Tatay.

"Ayos lang 'Tay. Namiss ko rin naman po ang mamasada," nakangiting sabi ko.

"Ikaw ba'y ayos lang sa trabaho mo doon sa maynila?"

"Opo, 'Tay. Mababait ang mga ka-trabaho ko lalo na ang boss ko," paliwanag ko.

Napatingin ako kay Luxary nang mag-iba ang awra ng mukha niya kaya kumunot ang noo ko pero hindi ko na lang siya pinansin.

"Ahh, 'yong na i-kwento mo sa amin?"

"Opo, mabait po talaga ang boss ko dahil pinayagan niya akong mag-off ngayon sa trabaho ng isang linggo."

Tumango-tango naman si Tatay sa akin bago tumingin kay Luxary sa harap ng salamin at siya naman ang kinausap.

"Ikaw ba hijo? Ano'ng trabaho mo?" inosenteng tanong ni Tatay.

Napalunok ako dahil baka magulat si Tatay sa maririnig niya mula kay Luxary. Walang alam si Tatay o si Nanay sa pagkatao ni Luxary Navarro lalo na't siya ang CEO ng LC Company. Halata naman sa pangalan niya na siya talaga ang CEO ng kompanyang Luxary's Champagne. Ang pinaka sikat na kompanya na nagtra-transport ng mga wine sa buong Pilipinas na umabot na sa ibang bansa.

Mahilig pa naman si Tatay sa mga alak ano pa kaya kung masubukan niya ang pinaka mamahaling wine dito sa Pilipinas. Na i-imagine ko pa lang ang reaksyon ni Tatay ay napapailing na ako.

"Nagtra-trabaho po ako sa LC Company," magalang na sabi ni Luxary kay Tatay at walang bahid ng yabang ang pananalita niya.

"Ah, 'yong sikat na kompanya sa maynila? Britney, anak. 'Yon ba 'yong mamahalin at sikat na wine dito sa Pilipinas?" inosenteng tanong ni Tatay.

"Opo, 'Tay."

"Hindi ko pa nasusubukan 'yon at mukhang masarap ang wine na iyon, 'yon nga lang. Mahal ang presyo. Nakakainggit nga 'yong kumpare ko dahil nakabili siya ng wine na 'yon. Hijo, ano ang trabaho mo do'n sa sikat na kompanyang 'yon? Baka p'wede ang anak kong si Britney makapasok sa sikat na kompanya, hindi mo naitatanong magaling ang anak ko sa pagiging bartender kaya malaki ang tiwala ko na may alam ang anak kong si Britney sa mga wine. Kung kilala ko nga lang ang CEO ng kompanyang 'yon, itinulak ko na sana ang anak ko sa kaniya."

"Tatay!" gulat kong suway kay Tatay.

Natawa si Tatay habang naiiling. Hindi talaga alam ni Tatay na nasa harapan niya lang ang CEO ng LC Company. Napatingin ako kay Luxary na may tinatagong mga ngiti sa labi.

"Paniguradong g'wapo ang CEO ng kompanyang 'yon, anak. Ayaw mo no'n makakatikim na tayo ng mamahaling wine kung sakaling maging asawa mo ang CEO," pagbibiro ni Tatay habang tumatawa.

"Para sa wine, gusto mo akong ipa-kasal sa hindi mo kakilala, 'Tay?" hindi makapaniwalang tanong ko.

"Bakit hindi? Isa pa, maganda ka naman hindi malayong magkagusto ang CEO sa'yo, hindi ba hijo?" natatawang tanong ni Tatay kay Lux.

Napalunok ako ng sariling laway nang magtagpo ang tingin namin ni Luxary.

"Tama po kayo."

Halos lumabas na ang puso ko dahil sa sinabing 'yon ni Luxary.

"Oh, kita mo na? Sang-ayon sa akin si Luxary. Nga pala hijo, ano nga ulit ang trabaho mo sa kompanyang 'yon? Baka may bakante pa do'n para makapasok ang anak ko."

"'Tay!" pananaway ko kay Tatay.

"Mayroon ho, naghahanap po ngayon ng magiging secretary ang CEO ng kompanya."

"Oyy! Anak, p'wedeng-p'wede ka do'n!" nagagalak na sambit ni Tatay.

"Pero 'Tay, may trabaho na po ako."

"Subukan mo lang anak, kung hindi ako nagkakamali mas triple ang magiging salary mo sa kompanyang 'yon kumpara sa trabaho mo ngayon."

"Pero 'Tay."

"Sige na anak," pamimilit ni Tatay at dahil alam niyang hindi ako makakatanggi napabuntong hininga na lang ako.

"Susubukan ko ho 'Tay."

Ngumiti ng malawak si Tatay.

"Ayos! Kapag tumagal-tagal ka na do'n anak, baka naman p'wede mo kong dalhan ng wine."

Napailing na lang ako sa tinuran niya.

"Gusto niyo lang ho ba akong magtrabaho sa LC Company para makatikim kayo ng wine?" hindi makapaniwalang tanon ko.

"Hehe, parang gano'n na nga anak."

Napailing na lang ako. Tumingin ulit si Tatay kay Luxary na nakikinig lang sa aming mag-ama. Halatang tinatago niya ang ngiting gustong sumilay sa mga labi niya.

"Hijo, hindi mo pa sinasagot ang tanong ko. Ano'ng trabaho mo sa LC Company," nakangiting tanong ni Tatay sa kaniya.

"CEO ho," ngumiti sa kaniya si Luxary na walang halong pagmamayabang na parang hindi mataas na ranggo niya sa kompanya.

Tiningnan ko si Tatay at unti-unting nawala ang ngiti sa mga labi niya at nanlaki ang mga mata. Hindi siya gumagalaw sa pwesto niya kaya nilapitan ko na siya sa driver seat at niyogyog ang balikat niya.

"'Tay, ayos lang ho ba kayo?" nag-aalala kong tanong sa kaniya pero hindi niya ako pinansin bagkus lumingon siya kay Luxary.

"I-ikaw ang CEO ng LC Company?" gulat na tanong ni Tatay.

Ngumiti si Luxary kay Tatay at saka siya tumango.

"Jusmio Marimar! Anak, Britney. Ano nga ulit ang ibig sabihin ng LC Company?" tanong sa akin ni Tatay na parang mahihimatay na.

"Luxary's Champagne Company po."

"Luxary? Luxary Navarro, Susmaryosep, ikaw nga ang CEO!"

Natawa si Luxary sa naging reaksyon ni Tatay.

"Oho, hindi naman po big deal 'yon."

"Anong hindi?! Kasama namin ang CEO ng LC Company! Jusko, nakakahiya. Isinama ka pa namin dito sa pamamasada," natatarantang sabi ni Tatay at natampal niya pa ang sariling noo.

"Ayos lang po 'yon, ako naman po ang nag-insist kaya wala ho kayong dapat na ikahiya," magalang niyang sabi.

Parang may kung anong humaplos sa puso ko dahil sa sinabing 'yon ni Luxary.

"Paano mo po nakilala ang anak ko?" tanong ni Tatay sa magalang na pananalita.

"'Wag na po kayong mangupo sa akin," nahihiya niyang sabi. "Sa bar ko po siya nakilala kung saan siya nagtra-trabaho."

"Gano'n ba? Ang s'werte naman pala ng anak ko't natagpuan ka niya," natutuwang sabi ni Tatay.

"'Tay," mariin kong sabi.

"Basta hijo, kung type mo man ang anak ko sabihin mo agad sa akin. Alam ko naman na hindi ka talaga bakla dahil sa galawan mo. Naaalala ko ang sarili ko sa'yo--"

"Tatay nakakahiya na po!" inis kong suway.

"Gusto ko po talaga ang anak niyo," walang pagdadalawang isip niyang sabi sa harap namin ni Tatay.